"Mama, Mama!" tawag ko sa naglilinis kong ina. Lumapit pa ako sa kanya.
"Bakit, Malone?" nakangiting tanong ni Mama.
"Mommy na lang ang tawag ko sa 'yo at Daddy kay Papa."
Tiningnan ako ni Papa. Napangiti siya.
"O, Mommy at Daddy na raw ang tawag niya sa atin," sabi ni Mama kay Papa.
Ibinaba ni Papa ang librong kanyang binabasa. "Malone, halika?"
Nahihiya akong lumapit kay Papa. Pero, iyon ay nawala nang pinaupo niya ako sa kaniyang hita.
"Bakit gusto mo nang Daddy at Mommy ang tawag mo sa amin at hindi na Papa at Mama?" tanong niya. Hindi naman siya galit dahil nakangiti pa nga siya.
"Kasi po mayaman na po tayo, 'di ba?" sagot ko sa kanya.
Tawa nang tawa sina Mama at Papa.
"Bakit mo nasabing mayaman na tayo, ha?" tanong ni Mama.
"Kasi po hindi na tayo palipat-lipat at hindi na umuupa. Hindi na tayo natutulog sa mainit na kuwarto. May sarili at maganda na tayong sala. May sarili na rin akong kuwarto. May malinis at mabango tayong banyo. Ang ganda na ng kusina. Wala nang mag ipis, langaw, lamok, at daga. Marami na rin tayong nabibiling kasangkapan, gaya ng ref, TV, at sofa. Sa labas, may hardin pa!"
Natatawa si Daddy, pero alam kong natutuwa siya sa aking mga sinabi.
"Hindi pa tayo mayaman, Malone. Nakapagtrabaho lang si Papa sa magandang kompanya," paliwanag ni Mama. "Naging masipag at matiyaga lang siya, kaya tumaas ang posisyon niya sa kompanya," dagdag pa niya.
"E, gusto ko po Daddy at Mommy na," pagpupumilit ko pa.
"Sige, simula ngayon, Daddy at Mommy na ang itatawag mo sa amin," pagpayag ng aking ama.
"Yehey!" Bumaba ako mula sa kanyang hita at niyakap ko sila isa-isa.
Simula noon, Mommy at Daddy na ang tawag ko sa aking ina at ama, kahit hindi kami mayaman. Naunawaan ko na rin, hindi raw basehan ng yaman ang katawagan sa mga magulang. Gumanda lang ang trabaho ni Daddy at simpleng buhay lang daw ang mayroon kami.
No comments:
Post a Comment