"Ampalaya, bakit nakasimangot ka na naman?" tanong ni Kalabasa.
"Wala. May iniisip lang ako," sagot ni Ampalaya. Nangalumbaba siya.
"Alam mo bang nakakatanda ang madalas na pagsimangot at pag-iisip? Tingnan mo ako... Sariwa. Makinis." Umikot-ikot pa si Kalabasa upang mapatawa niya si Ampalaya.
Tiningnan lang ni Ampalaya si Kalabasa. Hindi siya natawa.
"Tumawa ka naman, Ampalaya, o kaya'y ngumiti man lang. Sige ka, tatanda at kukulubot kang lalo niyan."
"Tatawa o ngingiti lang ako kapag may batang nagkagusto sa akin."
Parang nalungkot si Kalabasa. Pero, pinilit niyang ngumiti, lalo na nang may naisip siyang ideya. "Paalam na muna, Ampalaya. Babalik ako."
Malungkot na kumaway si Ampalaya.
Maya-maya, dumating si Talong. "Kumusta ka, Ampalaya?" bati niya. "Bakit ka nakapangalumbaba? May problema ka ba?"
"Meron, Talong. Pero, sa tingin ko, walang sino man sa inyo ang makatutulong," malungkot na sagot ni Ampalaya.
"Dahil ba mapait ka at halos walang batang may gusto sa lasa mo?"
Tumango si Ampalaya. Umiyak siya. "Mabuti ka pa, gusto ka nila. Lalo na kapag ginawa ka nilang torta."
Inalo ni Talong si Ampalaya. "Gusto ka rin naman ng ibang bata."
"Iilang bata lang ang may gusto sa akin. Ang iba, napipilitan lang." Humihikbi pa si Ampalaya.
"Hayaan mo na. Gustong-gusto ka naman ng mga nakatatanda."
"Gusto ko, lahat ng bata... Gusto ko, bata pa lang sila, magustuhan na nila ako."
May naisip si Talong, kaya masaya siyang napaalam kay Ampalaya. Nangako siyang babalik agad siya.
Ilang sandali ang lumipas, masayang dumating si Patatas.
"Hello, Ampalaya! Laro tayo," yaya ni Patatas.
Umiling si Ampalaya at nagpunas ng luha.
"O, bakit ka umiyak?" tanong ni Patatas.
"Naiingit ako sa 'yo."
Natawa si Patatas. "Bakit? Dahil ba paborito ako ng mga bata?"
Tumango lang si Ampalaya. Lalong kumulubot ang katawan niya.
Napaisip si Ampalaya.
"Hay, naku, Ampalaya, hindi ka dapat naiinggit sa akin. Magkaiba tayo ng sustansiya. Magkaiba tayo ng lasa... May pambihira kang kakayahan. Iyon dapat ang ipagmalaki mo."
"Sige na. Paalam na sa 'yo. Babalik ako."
"Sige, Patatas. Salamat!" Ngumiti na si Ampalaya.
Aalis na sana siya nang dumating sina Kangkong, Sigarilyas, Malunggay, Sayote, Okra, Repolyo, Mustasa, Sitaw, Bataw, Patola, Upo, Labanos, at Carrot.
"Ampalaya, saan ka pupunta?" tanong ni Sitaw.
"Maghahanap ng bata. Gusto kong makipaglaro sa kanila," sagot ni Ampalaya.
"O, my gosh! Asa ka pang magugustuhan ka nila! Matanda ka nang tingnan. Dapat sa 'yo talupan," sabi ni Carrot. Nakapamaywang pa siya.
Nalungkot si Ampalaya.
"Hoy, Carrot, ang taray at ang yabang mo naman. Hindi ka naman taga-rito, e. Mabuti nga nakikipagkaibigan kami sa 'yo," sawata ni Labanos.
"Whatever!" ani Carrot. Pagkatapos, kumembot-kembot siya palayo sa kanila.
"Hayaan mo siya, Ampalaya. Nandito kami para sa 'yo," sabi ni Okra. Inakbayan pa siya nito.
Nakiliti si Ampalaya sa balahibo ni Okra, kaya natawa siya.
"Sorry, Ampalaya. Hindi lang ako malaway at madulas, mabalahibo pa. Kaya nga, ayaw rin sa akin ng mga bata at ng mangilang-ngilang matatanda." Malungkot si Okra.
"Ako ba, gusto ng mga bata?" tanong ni Malunggay. "Pare-pareho lang tayo."
"Kaya nga, kailangan nating magsama-sama," sabi naman ni Repolyo.
"Hindi lahat ng gulay ay puwedeng magsama-sama," sabi ni Patola. "Minsan, may gulay na mas masarap kapag mag-isa, gaya ko. Mas masarap ako kapag ako lang ang sahog sa misua."
"Tama ka, Patola," sang-ayon ni Upo. "Minsan, ako lang mag-isa ang iginigisa. "Pero, may mga lutuing masarap kapag magkakasama ang mga gulay, gaya ng chopsuey, dinengdeng, at pinakbet."
"Totoo 'yan, Labanos. Ako, puwede akong mag-isa sa putahe, puwede ring may kasama. Halimbawa na lang kapag isinasahog ako sa sinigang. Kasama ko sina Kangkong, Talong, Okra, o Sitaw."
"Ako?" malungkot na tanong ni Ampalaya.
"Masarap ka kapag iginigisa sa itlog o kaya sa beef stew," sagot ni Mustasa.
"At siyempre, hindi matatawag na pinakbet ang isang luto kapag wala ka." Inakbayan ni Okra si Ampalaya. "Kaya, huwag ka nang malungkot. Maraming tao ang nagmamahal sa 'yo."
Nang ngumiti si Ampalaya, saka naman ang pagdating ni Ina. Dala niya sina Talong at Kalabasa.
"Dali, dali, balik tayo sa mga puwesto natin," utos ni Bataw. "Nariyan na si Ina. Magluluto na siya."
Mabilis na nagsibalikan ang mga gulay sa kani-kanilang puwesto.
Umaasa si Ampalaya na iluluto na siya.
"Ano ba ang iluluto ko para sa mga anak ko?" tanong ni Ina sa sarili pagkatapos ilapag sina Talong at Kalabasa. At tiningnan niya isa-isa ang mga gulay. Hinipo niya si Upo. Binuhat din niya si Patola.
Nalungkot si Ampalaya nang si Sitaw ang unang kinuha ni Ina. Naisip niyang mag-aadobong sitaw ang maybahay.
Napapikit na lamang si Ampalaya habang naririnig niya ang tunog habang pinuputol-putol ni Ina si Sitaw. Nawalan na siya ng pag-asa.
Maya-maya, napadilat si Ampalaya nang si Kalabasa na ang hinihiwa. Nagkaroon siya ng pag-asa.
Dumating ang dalawang bata.
"Mama, ano po ang ulam natin mamaya?" tanong ng babaeng bata.
"Pinakbet, Anak," sagot ng ina.
"Yehey!"
"Ang paborito natin, Ate," sabi ng batang lalaki.
"Sige na, mga anak. Magpahinga na kayo at maligo. Tatawagin ko na lang kayo kapag luto na ang pinakbet," masayang utos ng ina.
"Opo, Mama!" sabay na sagot ng magkapatid.
Dahil sa tuwa, napalukso si Ampalaya. Kinindatan pa niya sina Okra, Bataw, at Talong.
No comments:
Post a Comment