Followers

Thursday, May 3, 2018

Azur Basurero

"Bukas, ha, huwag kalilimutang magsuot ng mga kasuotan ng propesyon o trabahong nais ninyong gawin o pasukin sa inyong paglaki," paalala ni Binibining Narvaza, bago siya nagpalabas ng mga estudyante niya sa Kindergarten. "Naunawaan ba?"


"Opo!" halos sabay-sabay na sagot ng mga bata.


"Sige na, pumila na nang maayos sa labas," utos ng guro.


Agad namang pumila nang tahimik at maayos ang mga mag-aaral, maliban kay Azur. 


"O, Azur, bakit ayaw mo pang pumila? Halika na. Ihatid ko na kayo."


"Teacher," tawag ni Azur, pero hindi siya narinig ng guro. Kaya, sumunod na siya.


Kinabukasan, kasama ng kani-kanilang magulang, dumating na ang mga estudyante ni Binibining Narvaza. Suot nila ang kani-kanilang mga kasuotan. 


"Magandang umaga, mga bata at mga magulang!" bati ni Binibining Narvaza. 


Halos sabay-sabay din nilang binati ang guro.


"Sisimulan na natin sa ilang sandli ang programa," sabi ng guro. Pagkatapos, napansin niyang bakante ng upuan ni Azur. "Wala pa ba si Azur?"


"Teacher, kapitbahay ko po siya. Hindi po yata siya makakapasok kasi wala raw po siyang costume," sabi ng kaklaseng babae na nakasuot ng kasuotan ng nars.


Nalungkot si Binibining Narvaza, pero hindi niya ipinahalata. Kaagad na lamang niyang sinimulan ang munting programa. 


Bago niya tinawag na niya isa-isa ang mga estudyante, itinuro niya kung paano rumampa at kung saan tatayo pagkatapos rumampa. 


"Sina Mikhail at Khalil ay gustong maging inhinyero."


"Sina Angela, Regina, at Ana ay nais maging guro."


"Si Lyndon ay gustong maging bombero."


"Sina Farrah at Luis ay nais maging doktor."


"Si Garry ay chef."


"Sina Florida at Angelito naman ay nais maging flight attendant at piloto."


"Maging abogado o hukom naman ang gusto ni Miko."


"Maging pintor naman ang gusto ni Thor."


"Sina Alice at Arlina ay mga ballerina."


"Si Margie ay magiging nars."


"Sina Zandro at Lanie ay mga negosyante."


"Pagiging arkitekto naman ang gusto ni Nico."


"Sina Fatima, Cassandra, Leona, at Marco ay nais maging siyentipiko."


"At, si Christopher ang ating photographer."


"Maraming salamat mga bata! Mag-aral kayong mabuti upang matupad ninyo ang inyong mga pangarap. At sa inyo po, mga magulang, suportahan natin ang ating mga anak upang makamit nila ang mg propesyong pinili nila," sabi ni Binibining Narvaza.


Nag-bow ang mga estudyante. Nagpalakpakan naman ang mga magulang.  


Bago nagsiupuan ang mga bata, napansin ni Binibining Narvaza, na sumisilip si Azur sa may pintuan.


"Azur, pumasok ka na." Nilapitan niya ang eatudyante at niyaya paloob. "Gusto mong maging ano paglaki mo?" pabulong at nakangiti niyang tanong.


Ginusot-gusot ni Azur ang nangingitim niyang damit, saka hinipo niya ang marungis niyang mukha. "Ganito po ang trabaho ni Papa. Dahil sa trabaho niya, kumakain kami ng tatlong beses sa isang araw at nakakapag-aral ako."


"Proud ka ba sa kanya?" 


"Opo!"


"O, bakit ka nahihiya sa costume mo at sa trabahong gusto mo?"


"Kasi po baka pagtawanan nila ako. Marumi at mabaho po kasi ang trabahong ito. Baka tawagin po nila akong Azur Basurero," nakayukong paliwanag ni Azur.


"Pero, marangal na trabaho ng gusto mo. Halika na." Hinila niya si Azur papasok. "Si Azur naman ang ating garbage collector. Siya ang mangongolekta ng ating mga basura. Siya rin ang magtuturo sa atin para maghiwalay sa mga basurang nabubulok at hindi nabubulok."


Nawala ang hiya ni Azur nang marinig niya ang pakilala ni Binibining Narvaza. Nagawa niyang rumampa sa harapan ng mg kaklase at mga magulang. 


Pinalakpakan siya ng lahat, kabilang si Binibining Narvaza.






No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...