Followers

Wednesday, May 16, 2018

Nagtatampo Ako Kay Daddy

Nagtampo ako kay Daddy pero hindi pa rin niya pansin kasi nagtratrabaho siya mula Lunes hanggang Sabado. Pagdating ng Linggo, nagpapahinga siya. Minsan, mas napapansin pa niya ang mga alaga naming aso at pusa kaysa sa akin.

"Anak, halika," tawag sa akin ni Daddy habang nanonood siya ng TV.

Nakayuko akong lumapit sa kaniya. "Ano po iyon?"

Pinaupo ako ni Daddy sa binti niya. "Bakit ang lungkot mo? May sakit ka ba?" Hinipo pa niya ang noo ko.

"Wala po," sabi ko. Nakayuko pa rin ako. "Magpapamasahe po ba uli kayo?"

"Oo sana, Enchong."

Bumaba ako mula sa binti ni Daddy. "Masakit po ang braso ko. Marami po kasi ang isinulat ako sa diary."

"A, ganoon ba? Sige, ipahinga mo muna ang kamay mo."

Natatawa akong lumayo ako kay Daddy. Pero, malungkot pa rin ako kasi hindi pa rin niya naramdaman ang pagtatampo ko.

Kinabukasan, naabutan ko siyang nasa hardin. Kinakausap niya ang mga alaga niyang bonsai.

"Kumusta kayo? Pasensiya na, tuwing Linggo ko na lang kayo nabibista. Nadiligan ba kayo kanina?" sabi ni Daddy sa mga bonsai niya.

Lalo akong nagtampo. Mabuti pa nga ang maliliit na puno, kinakausap niya. Samantalang ako, matagal na niya akong hindi tinatanong kung gusto kong makipaglaro sa kaniya. Lagi na lang si Mommy ang kausap at kalaro ko.

Nakatalikod na ako nang makita ako ni Daddy.

"Enchong?" tawag niya sa akin.

Humarap lang ako sa kaniya. Hindi ako ngumiti.

Nilapitan niya ako kaya nakita niya ang hawak kong eroplanong papel. "Uy, ang ganda naman ng paper plane mo! Pahiram." Kinuha niya ang laruan ko.

Gusto ko sanang ngumiti. Gusto ko sanang matuwa, kaya lang pinalipad niya lang iyon at lumabas sa bakod.

"Hayan mo na, anak. Magpalipad na lang tayo ng drone. Gusto mo bang matuto niyon?" tanong ni Daddy. Hindi niya napansin ang luha kong malapit nang tumulo.

Umiling ako nang payuko.

"Sige, kung ayaw mong matuto. Panoorin mo na lang ako... Sandali lang, kukunin ko."

Nang wala na si Daddy, saka lang tumulo ang luha ko. Hindi pa rin niya talaga alam kung ano ang gusto ko.

Sa bakanteng lote, isinama ako ni Daddy para makita ko kung paano siya magpalipad ng drone.

Ang saya-saya ni Daddy, pero hindi niya alam na hindi naman ako masaya. Hindi iyon ang gusto kong paliparin.

Kinagabihan, narinig ko sina Mommy at Daddy na nag-uusap sa kusina. Itinanong ng aking ama kung bakit hindi niya ako nakikitang ngumingiti at hindi niya akong naririnig tumawa.

"Nagtatampo si Enchong sa iyo," sabi ng ina ko.

"Ha? Bakit?" Gulat na gulat si Daddy.

Hindi ko na narinig ang sagot ni Mommy dahil umalis na ako. Hindi nila alam na may narinig ako.

Kinabukasan, hindi pumasok si Daddy. Akala ko may sakit siya, wala pala.

"Enchong, halika," yaya niya sa akin.

Nagtataka man ako, sumama na lang ako kasi parang may ituturo siya sa akin.

Sa ilalim ng lilim ng mangga kami pumunta.

"Enchong, tuturuan kitang gumawa ng saranggola!" masayang pahayag ni Daddy.

Namilog ang mga mata at bibig ko. yon pala ang dahilan kaya hindi siya pumasok sa trabaho. "Talaga po? Tuturuan ni'yo rin po ba akong magpalipad ng saranggola?"

Nakangiting tumango si Daddy. "Depende. Kapag nakagawa ka ng saranggola mo."

Nalungkot ako pero bigla rin akong napangiti. "Sige po! Game!"

Pagkatapos, inilatag na ni Daddy ang mga materyales --- mga tingting, dalawang gunting, dalawang sinulid, dalawang plastik bag, at dalawang lata.

Hinati na niya ang mga materyales. Binigyan niya ako.

Masaya kong tinanggap ang hamon, kaya nakinig at nanood ako nang maigi.

"Una, gugupit tayo ng parisukat sa plastik bag," simula ni Daddy.

Ginaya ko ang ginawa niya.

"Susunod, pagdugtungin ang mga tingting. Gumawa ng dalawa. At itatali rito ang dulo ng plastik, gamit ang sinulid."

Sinunod ko si Daddy. Natuwa ako nang nagkaroon na ng porma ang saranggola. Ang dating parisukat na plastik ay may nakakrus nang tingting.

Pagkatapos, gumupit si Daddy ng maninipis na plastik at itinali niya sa bawat dulo.

"Ito ng magiging buntot ng saranggola," sabi niya.

Lalo akong natuwa sa aming ginawa.

"At tatalian natin ang saranggola." Ipinakita niya sa akin kung paano magtali, na kaagad ko namang nagaya.

"Tapos na po ba?" eksyated kong tanong.

"Hindi pa. Heto manood ka." Itinali ni Daddy ang tirang sinulid sa lata, saka inikot-ikot doon.

Humanga ako sa ginawa niya dahil nailipat niya ang sinulid sa lata. Itinali na rin niya ang dulo ng sinulid sa may tali ng saranggola.

"O, ikaw naman," sabi niya sa akin.

Ginaya ko ang ginawa niya. Tuwang-tuwa ako dahil gayang-gaya ko ang kay Daddy.

"Ito ang saranggola," pagbibida ni Daddy sa gawa niya. "Masaya ka ba, anak?"

Nakangiti akong tumango.

"Hindi ka na ba nagtatampo kay Daddy?"

Napayuko ako at mabilis akong nakayakap kay Daddy. "Depende po. kapag tinuruan po ninyo akong mapalipad ito, hindi na po ako magtatampo."

"Siyempre naman, tuturuan kita."

Nagkatawanan kami ni Daddy bago namin pinalipad ang mga saranggola namin. At nawala ang pagtatampo ko kay Daddy lalo na nang pareho naming napalipad sa himpapawid ang mga saranggola. 


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...