Followers

Sunday, May 6, 2018

Ang mga Bago Kong Kalaro

"Mommy, magbuntis ka na po uli," malambing kong sabi sa aking ina, isang gabi. "Gusto ko na pong may kalaro akong batang lalaki."


"Hindi puwede, Bebe, may trabaho kami ni Daddy." Niyakap niya si Mario. "Ikaw lang ang gusto naming baby. Hindi ba, Daddy?"


"Opo!" nakangiting sagot ni Daddy habang naghuhubad ng uniporme.


Kumalas na sa pagkakayakap sa akin si Mommy. "Sige na, Bebe, makipaglaro ka na lang kay Yaya Muye. Magbibihis lang ako. Mamaya, magluluto ako ng paborito mong chicken adobo."


Pilit ang ngiti ko. "Sige po," sabi ko. Saka, malungkot akong pumasok sa aking kuwarto. Nag-lock ako ng pinto. Nahiga ako sa kama ko habang nakatitig sa mga laruang nakahilera at nakatayo sa mesang katabi ng kama ko. Naisip ko, mabuti pa ang mga laruan ko, napapasaya ako.


Isang taon na rin akong naghahangad ng kapatid na bunso para mayroon akong kalaro, pero hindi nila pinagbibigyan ang hiling ko. Naisip ko, mahirap pa talagang magdalantao? Tutulong naman ako sa pag-aalaga ng kapatid ko dahil malaki na ako. Kuya na ako.


Bumangon ako at inabot ang mga laruan ko. 


Napangiti ako nang may pumasok na ideya sa utak ko. Kaya, napabalikwas ako at isinagawa ang plano ko. Madilim ang kuwarto, habang gumagawa ako. Pagbukas ko ng ilaw, natawa ako. Sigurado akong pagbibigyan na nina Mommy at Daddy ang hiling ko. 


Pagkatapos, nagtago ako sa ilalim ng kama ko. Naghintay ako roon na madiskubre nila ang ginawa ko.


Ilang minuto ang lumipas, paulit-ulit na kumatok at tumawag si Yaya Muye. Nang hindi niya ako marinig, kumuha na siya ng susi.


"Mario?!" gulat na gulat na tanong ng yaya ko.


Nagkalat kasi ang mga laruan ko. Nakalabas sa kabinet ko ang mga damit ko. Nakabukas ang mga bintana, mga ilaw, at gripo sa banyo. At sa bintana, nakasabit ang pinagdugtong-dugtong na kumot. Kaya, lumabas si Yaya Muye nang paharurot. Tinawag niya sina Mommy at Daddy, habang ako ay pigil na pigil sa katatawa at halos mapaihi.


"Ano'ng nangyari?" hangos na tanong ni Daddy.


"Nasaaan si Mario?" tanong ng mommy ko.


"Baka naglayas po. Tingnan po ninyo," sabi ng yaya ko. 


Lumapit ang tatlo sa bintana at hinila nila ang mga kumot ko.


"O, Diyos ko, naglayas na ang bebe ko," halos maiyak na sabi ng ina ko.


"Yaya Muye, samahan mo ako. Baka hindi pa nakakalayo si Mario," sabi ng Daddy ko.


Bigla akong nalungkot nang lumabas sina Daddy at Yaya Muye para hanapin ako. Naawa naman ako nang umiiyak na ang ina ko.


"Kasalanan ko 'to. Hindi ko kaagad sinabi kay Mario na delikado kapag nagdalantao ako. Diyos ko, sana makita nila ang anak ko."


"Mommy?" tawag ko nang lumabas ako.


"Mario?!" 


Agad kong niyakap ang mommy ko. "Sorry po. Hindi ko na po uulitin ito. Naunawaan ko na po kung bakit hindi ako puwedeng magkaroon ng kapatid na kalaro."


"Tama ang narinig mo, Mario." Nagpunas ng luha ang mommy ko at mahigpit niya akong niyakap. "Huwag mo nang uulitin ito, ha, bebe ko?"


"Opo! Pangako po." 


Dinampot ko ang tatlo sa mga laruan ko-- ang dinosaur, ang pulang kotse-kotsehan, at ang nabuong Lego. Ang mga iyon ang mga paborito ko at ang aking mga kalaro.


Nang bumalik ang daddy at yaya ko, naayos na namin ang kuwarto. Nagpaliwanag ako at nag-sorry na rin ako. Hindi naman ako pinalo ng daddy ko. Nayakap pa nga niya ako. 


"Halika ka na, kain na tayo. Pagkatapos, maglalaro tayo!" sabi ng daddy ko. "Hindi ba, Mommy? Sali ka sa aming laro?"


"Yes, Daddy! Sasali ako!" masayang sagot ng mommy ko.


Tuwang-tuwa ako sa mga narinig ko. May mga bago na kasi akong kalaro.














     

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...