Followers

Monday, May 14, 2018

Ang mga Hayop sa Dila ni Mommy

Mabait naman ang Mommy ko, pero madalas ikumpara niya ako sa mga hayop. Noong una, hindi ko maintindihan. Para siyang may mga hayop sa dila.


Madalas, nangyayari ang pagkukumpara tuwing nasa hapag-kainan kami.


"Para ka na namang kuting, Bartolome! Kumain ka nga nang marami," pagalit ni Mommy.


Minsan naman, sa kalabaw o sa baka nais niya akong gumaya.


"Ano ba 'yan, Bart? Galawin mo naman iyang gulay mo sa plato. Gumaya ka sa mga kalabaw at baka, kumakain ng damo," sabi ng ina ko.


Hindi ko talaga maintindihan ang mommy ko. Bakit niya ako pinapakain ng damo?


Pero noong tumaba ako, may nasabi na naman ang mommy ko. "Awat na, Bart. You're so fat na. Para ka nang baboy."


Pati ang pagnguya ko, napansin niya. 


"Bartolome, dahan-dahan naman. Baboy lang ang ngumunguya ng ganyan."


Wala na talaga akong ginawang tama. Kahit nga sa pagtulog, hayop pa rin ang nababanggit niya.


"O, bakit gising ka na agad? Sabado naman ngayon," nagtatakang tanong ni Mommy.


"Tulog ka uli, anak," sabi ni Daddy.


"Hindi na po ako makakatulog."


"Naku! Para kang manok. Paglaki mo, kukulangin ka na sa tulog," sabi ng aking ina.


Nang natulog naman ako buong maghapon at nahirapang matulog sa gabi, mayroon na naman nasabi si Mommy.


"Para kang kuwago, anak. Alas-onse na ng gabi. Anong oras ka ba aantukin?" tanong ni Mommy.


"Hindi ko po alam. Basta po, matutulog na po ako kapag inantok ako," sagot ko.


Kahit sa oras ng pagligo, hayop pa rin ang kawangis ko.


"Maligo ka na, Bart," utos ni Mommy.


"Hindi po muna ako maliligo ngayon. Nilalamig po ako," sabi ko.


"Hay, naku, para ka na namang kambing. Sige, ipag-iinit kita ng tubig."


Wala rin akong nagawa.


Pagkatapos kong maligo, sisigaw ang mommy ko. "Bartolome, para ka namang ahas!" Hawak niya ang mga pinaghubaran kong damit. 


Ngingiti na lang ako. Nakalimutan ko kasing ilagay sa labahan.


Pagkatapos, makikita niya ang butas sa damit ko. "Ay, butas! Halika, tuturuan kitang tahiin 'yan."


Suminangot ako. 


"Naku, Bart. Dapat maging gagamba ka. Habang bata ka pa, marunong na dapat manahi."


Tumahimik na lang ako kasi alam ko, kapag sumagot pa ako, sasabihan na naman niya ako, na isa akong aso. Ngawngaw nang ngawngaw. 


Nakakainis, 'di ba? Parang wala na aking ginawang tama. Lahat na lang ng gawin ko ay may katulad akong hayop. Kahit nga kapag inuutusan nila ako.


"Bart, tagal mo naman. Kukunin lang ang tsinelas ng daddy niya, e. Para ka talagang pagong," puna ni Mommy.


Mabuti pa si Daddy, ngingiti lang at magbibiro. "Hayaan mo na siya, Mommy, hindi naman siya talaga pagong. At kahit mabilis siya, hindi rin siya kabayo. Anak natin siya. Ang guwapo, o. Halika nga rito, anak."


Nakangiti akong lumapit. 


"Hayaan mo nang mag-idyomatiko ang Mommy mo. Ang mga hayop na binabanggit niya ay nangangahulugan ng mga katangian mo," paliwanag ni Daddy.


"Ano po ba ang ibig sabihin ng idyomatiko?" tanong ko.


"Ang mga idyomatikong salita ay mga salitang may malalim at hindi direkta ang ibig sabihin. Halimbawa, ang mga hayop na madalas itawag sa iyo ni Mommy."


"Gaya po ng pagong?"


Tumango si Daddy. "Ibig niyang sabihin. makupad ka. 


Napangiti ako. "Naunawaan ko na po."


Simula noon, natutuwa na ako tuwing nag-iidyomatiko si Mommy. Iniwasan ko na ring maikumpara niya ako sa mga hayop. 

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...