Followers

Thursday, May 17, 2018

Ayaw Magsipilyo ni Leo

"Leo, magsipilyo ka na," madalas utos ng ina.


"Opo," ang sagot naman ni Leo. Pero, hindi naman siya magsisipilyo hanggang sa makalimutan nila pareho.


Madalas, inaabot na lang ng ina ang kaniyang sipilyo at baso. "O, punta na sa banyo." 


Walang magagawa si Leo kundi magsipilyo lalo na kapag nakasunod ang kaniyang ina, na may hawak na pamalo. 


Isang gabi, agad na natulog si Leo nang hindi nagsisipilyo. Walang nagawa ang kaniyang ina nang makita siyang nasa kama.


"Hay, naku, si Leo, hindi na naman nakapagsipilyo!" ang sabi na lang ng ina ni Leo.


Napangiti si Leo paglabas ng kaniyang ina. "Naisahan ko na naman siya," bulong niya.


Kinabukasan, umiiyak na bumangon si Leo. Agad niyang hinanap ang ina, na natagpuan niya sa kusina.


"O, Leo, ano ang nangyari sa iyo?" masuyong tanong ng ina.


"Sobrang sakit po ng ngipin ko." Sapo-sapo ni Leo ang kaniyang pisngi.


"Hindi ka kasi nagsipilyo kagabi. Iinom ka ng gamot o pupunta tayo sa dentista para magpabunot?"


Lalo pang napaiyak si Leo. "Tinatakot mo naman po ako."


Natawa ang ina ni Leo. "Matigas kasi ang ulo mo. Sabi ko sa iyo na alagaan mo ang mga ngipin mo."


"Sorry po. Lagi na po akong magsisipilyo," pangako ni Leo.


Ilang minuto, pagkatapos uminom ng gamot ni Leo, nawala na ang sakit ng ngipin niya. Nakapag-almusal na rin siya.


"Wow, ang galing ng anak ko. Hindi ko na inutusang magsipilyo," sabi ng ina ni Leo nang makita ang anak sa banyo.


"Siyempre naman po para hindi na po sumakit ang ngipin ko." 


Lumipas ang mga araw, kinatamaran na naman ni Leo ang pagsisipilyo. Nawili pa siya sa mga tsokolate at kendi. 


"Naku, Leo, gusto mo na naman yatang sumakit ang ngipin mo," pagalit ng ina ni Leo.


"Hindi po." Nilantakan pa niyang lalo ang lollipop na bigay ng kaniyang kalaro. 


"Bahala ka. Basta hindi ako nagkulang ng paalala," sagot ng ina. "Darating nga pala ang iyong lola mamaya. Kasama na siya ng Papa mo, kaya maligo ka na at magsipilyo."


Agad na inubos ni Leo ng lollipop, habang iniisip kung ano ang pasalubong ng kaniyang lola at ama.


"Sana ice cream ang dala nila," hiling niya.


Naligo lang si Leo pero hindi siya nagsipilyo. Nang tinanong siya ng ina, nagsinungaling lang siya.


"Naku, Leo, hindi kita nakitang nagsipilyo. Nagsasawa na rin akong mag-utos na magsipilyo ka. Bahala ka na nga!" Tinalikuran na siya ng ina.


Nang nakabihis na si Leo, saka naman dumating ang ama at lola niya. Tuwang-tuwa niyang sinalubong ang dalawa. Nagmano siya saka inabot ang pasalubong mula sa ama.


"Wow, ice cream!" bulalas ni Leo. "Salamat po sa pasalubong ninyo!"


"Walang anuman!" sabay na sagot ng ama at lola.


"Naku, Leo, matamis na naman iyan," sabi ng ina.


"Hayaan mo na, minsan lang naman," sabi ng lola.


Nilantakan ni Leo ang ice cream. Tuwang-tuwa siya dahil apat ang flavor niyon. May keso, avocado, ube, at tsokolate. 


"Gusto po ninyo?" tanong ni Leo sa tatlo nang makita niyang nakatingin ang mga ito.


"Mamaya na kami, apo. Sige lang, kain ka lang diyan," sabi ng lola ni Leo.


Hindi pinansin ni Leo ang nakasimangot na ina. Nginitian naman niya ang kaniyang lola at ama. 


Lumipas ang ilang sandali, biglang natakpan ni Leo ang kaniyang bibig at ang kumunot ang kaniyang noom


"Ano ang nangyari sa iyo, apo?" tanong ng lola ni Leo. Lumapit pa ito at inalo. "Sumakit ba ang ngipin mo?"


Tumango si Leo. "Masakit po at nangingilo." 


"Ayan, ang sabi ko sa iyo! Hindi ka kasi nakikinig sa utos at payo ko," pagalit ng ina.


Lumapit na rin ang ama ni Leo. "Mawawala rin iyan," sabi nito.


"Halika, apo," yaya ng lola ni Leo.


Kahit masakit ang ngipin, sumama naman sa lola si Leo.


Sa balkonahe, pumunta ang maglola. 


"Alam mo ba, noong bata ako, ayaw ko ring magsipilyo," kuwento ng lola ni Leo. "Nakakatamad kasi, 'di ba?" 


"Opo," sagot ni Leo. Nakapangalumbaba siya.


"Pero, masarap talaga ang matatamis, 'di ba?" Ngumiti pa ang kaniyang lola.


Napangiti naman si Leo at saka tumango.


"Pero, ang ganda po ng mga ngipin ninyo kahit dati kayong tamad magsipilyo," puna ni Leo. 


Tumawa muna ang lola. "Naku, Leo, pustiso lang ito."


"Po? Pustiso?" Gulat na gulat si Leo.


"Opo, pustiso. Hindi ito totoo. Gusto mong makita?" tanong ng lola. 


Hindi na nakasagot si Leo dahil tinanggal na ng lola niya ang pustiso at agad naman ibinalik. 


"Hindi maganda ang may pustiso, Leo." 


Hindi nandidiri si Leo, pero ayaw niyang magkaroon ng pustiso. "Opo. Ayaw ko po talaga ang magpapustiso paglaki ko. Kaya aalagaan ko na po ang mga ngipin ko."


Ngumiti ang lola ni Leo. "Gusto mo pa ng ice cream?" 


Natawa si Leo sa tanong ng lola. "Ayaw ko na po." Tumayo na siya at tumakbo palayo.


"O, saan ka pupunta, Leo?"


"Sa banyo po. Magsisipilyo po!" sagot ni Leo. 


Tawa nang tawa ang lola kaya muntik nang malaglag ang pustiso niya.


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...