Followers

Tuesday, May 15, 2018

Polydactyly

Simula nang makaranas ng pambubuska si Ding sa mga kalaro, hindi na siya bihira na siyang makipaglaro. Mas gusto na lamang niyang manuod ng telebisyon at magbasa ng mga aklat. 


Isang Sabado, napilitang lumabas ng bahay si Ding dahil naubusan ng sibuyas ang nanay niya, kaya pinabili siya sa pinakamalapit na tindahan. 


Natuwa siya nang wala ang mga kalaro niya sa kalsada. Pero, nang makabili na siya, saka naman niya nakasalubong sina Biboy, Dylan, at Gio.


Tinukso uli ng tatlo si Ding. Sabay-sabay na kumanta ang tatlo habang sinusundan siya. "I have two hands, the left and the right. Hold them up high, so clean and bright. Clap them softly, one, two, three...

Eleven fingers are good to see."


Kahit mabilis siyang nakatakbo pauwi, hindi pa rin mawala sa tainga niya ang nakakainis na kanta ng tatlo.


Agad niyang iniabot sa ina ang nabiling sibuyas. Agad siyang pumasok sa kaniyang kuwarto para umiyak. Pinagmasdan niya roon nang mabuti ang kaniyang kanang kamay na may anim na daliri. Lalo siyang naluha.


Tumigil lang siya sa pagluha nang makita niya sa kisame ang isang butiki.


Napansin niyang putol ang buntot ng butiki, kaya siya ay napangiti. 


May naalala siya. "Sabi sa librong nabasa ko, may kakayahang magpatubo uli ng buntot ang mga butiki. Ang tawag doon ay regeneration," sabi niya.


Tumayo naman siya at tumungo sa bintana. Natuwa siya nang makita sa halaman ang tipaklong.


Napansin niyang na kulang ang paa ng tipaklong. Mas lalong lumawak ang ngiti niya. 


May naalala siya. "Ayon sa napanuod ko, may kakayahan din ang mga tipaklong na magpatubo uli ng paa. Ang tawag doon ay autotomy. Minsan, ginagawa nilang putulin ang sariling paa para makaligtas sa mga predator o kalaban," sabi niya.


Nagkaroon ng ideya si Ding, kaya nakangiti siyang lumabas.


Sa kusina, nakatalikod ang kanyang ina habang nagluluto. 


Maingat siyang lumapit at kinuha ang kutsilyong ginamit ng ina sa paggagayat ng sibuyas.


Nakatalikod na si Ding, nang mapansin siya ng ina. "Saan mo dadalhin ang kutsilyo?"


Itinago pa ni Ding sa kaniyang likuran ang kutsilyo. "May puputulin lang po ako. Nawawala po kasi ang gunting ko."


"Naku, Ding, hindi ka puwedeng gumamit ng kutsilyo. Delikado. Baka masugatan ka. Akin na iyan."


"Ayaw ko po. May puputulin nga po ako, e," naluluhang paliwanag ni Ding. 


"E, bakit parang may kaaway ka? Siguro, inasar ka na naman sa labas kanina, 'no?"  


Hindi kumibo si Ding. Hindi rin niya namalayang nakuha na pala sa kaniya ng ina ang kutsilyo.


Pumalahaw ng iyak si Ding. "Hiyang-hiya na po ako sa daliri kong ito. Gusto ko na pong putulin." 


Nais matawa ng ina ni Ding, pero nilapitan na lang niya ang anak at niyakap. "Ding, hindi mo dapat ikinahihiya ang espesyal na bahagi ng katawan mo. Hayaan mo sila."


"Ano po ba ito? Bakit po kasi ako nagkaroon ng ekstrang daliri? Hindi po tuloy ako normal sa paningin nila." Humahagulhol pa rin si Ding.


"Anak, polydactyly ang tawag diyan. Hindi mo naman kagustuhan iyan, e. Isa pa, mas masuwerte ka sa kanila kasi mas marami ang daliri mo."


Napangiti si Ding. "Polydactyly? Nabasa ko po iyon sa libro!" 


"Talaga?" Nginitian ng ina ang anak. "E, 'di, alam mong hindi mo puwedeng basta-basta putulin ang daliri mo?"

Polydactyly

"Opo! Kailangan pong dumaan sa surgery. Hindi po pala ako katulad ng mga tipaklong at butiki na may kakayahang putulin ang bahagi ng katawan at paghilumin," paliwanag ni Ding.


"Siyempre, anak. Kaya, huwag mo nang tatangkain uli iyon, ha?"


"Opo! At hindi ko na rin ito ikahihiya sa mga kalaro ko."


"Tama ka!" Niyakap niya uli si Ding. "Halika, kain na tayo."


"Ano po ang ulam natin?"


"Adobo. Adobong paa ng manok!"


Nagtawanan ang mag-ina. 

















No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...