Followers

Friday, May 18, 2018

Pangarap Kong Makatulong sa Aking Ina at Ama

Gusto kong tulungan noon ang mga magulang sa paghahanapbuhay, pero hindi raw puwede dahil bata pa ako.


Nagtratrabaho sa junk shop ang aking ama. Umeekstra namang labandera at kusinera ang aking ina. Madalas kapos sa aming pangangailangan ang kinikita nila. 


Pero dahil masisipag ang aking ina at ama, hindi nakakakain naman kami ng tatlong beses sa isang araw. Hindi man gaanong kasasarap, sapat naman para sa malamnan ang aming mga sikmura. 


Kapag sinusuwerte, nakakapag-uwi pa sina Mama ng mga pagkain mula sa mga amo niya. Minsan naman, mga laruan ang dala ni Papa. Sira man ang iba, sobra pa rin ang aking tuwa.


Isang gabi, nalungkot ako sa pasalubong ni Papa. Dalawang makakapal na libro ang inilapag niya sa mesa.


Nang binuklat ko ang isa, nabasa ko ang mga pangalan ng tao, na nakaalpabeto. Mayroon ding address at numero ng telepono. Mas lalo akong nalungkot dahil akala ko kuwentong pambata ang mababasa ko.


Binuklat ko naman ang isa, natuwa ako. May mga larawan kasi akong nakita. Pero nang binasa ko, nabigo lang din ako. Nabasa ko ang mga numero ng telepono, address at mga pangalan ng negosyo. 


"Telephone Directory," basa ko sa nakasulat sa dalawang libro. 


"Kuya Budoy, basahan mo ako ng kuwento," sabi ng limang taong gulang kong kapatid.


"Naku, Tammy, hindi kuwento ang laman nito, kundi mga numero ng telepono," sabi ko.


Nalungkot ang kapatid kong bunso. Ang kuya ko naman, pumilas ng isang pahina sa libro. Tinupi-tupi niya ito at nakagawa siya ng eroplano.


"Naku, mga anak, huwag ninyong aksayahin ang telephone directory," saway ng aming tatay.


"Bakit po?" tanong ni Kuya Nono.


"Basta lang, anak. Mamaya, pagkatapos nating maghapunan, ituturo ko sa inyo," nakangiting paliwanag ang aking ama.


"Tama ang Papa ninyo. Heto nga ako, nagluluto ng pasta," sabi naman ni Mama.


"Wow! Masarap po ba iyan?" tanong ng aming bunso.


Naglapitan na kaming magkakapatid sa aming ina para tingnan kung ano ang pasta.


"Pasta? Iyan pala ang pasta. Parang walang amoy at walang lasa," komento ng kuya ko.


Natawa ang aming ina at ama.


"Wala talagang amoy at lasa ang pasta. Gawa kasi ito sa gawgaw. Pandikit ito sa papel na gagawin natin mamaya," tugon ng aming ina.


"Paano po iyan lumapot?" Interasado akong malaman kung paano ginagawa ang pasta.


"Tunawin lang sa tubig ang gawgaw at isalang sa apoy. Halo-haluin hanggang sa maging klaro, gaya nito."


Tuwang-tuwa kaming tatlo. Nagpalakpakan pa nga kami. 


Nang gabing iyon, natupad ko ang pangarap kong makatulong sa aking mga magulang. Gumagawa kasi kami ng mga balot sa tinapa at balut.


Simple lang namang gawin ito. Pipilasin lang ang bawat pahina ng libro. Itutupi sa gitna ang papel, pero magkasaliwa. Papahiran ng pasta ang magkabilang gilid upang masarhan ang mga iyon.


Enjoy na enjoy kaming magpapamilya sa aming ginagawa. Kahit si Tammy ay nakakatulong na. Ako naman ang tagabilang ang aming mga gawa.


"Isandaan!" bulalas ko. Hindi ko akalaing sa isang oras ay nakabuo kami ng isandaang piraso ng pambalot na papel. 


"May dalawang piso na ulit tayo," sabi ng aming ina.


Malaking halaga na ang bawat piso noon, kaya hindi kami nakakaramdam ng pagod tuwing gumagawa kami ng pambalot. Kay bilis nga lang ng oras.  Kailangan na naming matulog. Isa pa, ubos na rin ang pasta.


Kinabukasan, dinala ni Mama ang mga pambalot sa kilala niyang tindera. Ipinalit niya iyon ng isang bote ng sariwang gatas ng kalabaw at isang balot ng tinapa. Kaya, sa umagang iyon, ang almusal namin ay masagana. 










No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...