Followers

Wednesday, May 30, 2018

IDOLO


 Kabanata 1: Si Sir Gallego  
                Absent si Sir noong Biyernes. Hindi ko naman tinanong sa iba kong guro, kung bakit siya wala. Inisip ko na lang na may nilakad siyang papeles. Balita ko kasi na malapit na siyang magretiro.
                Gayunpaman, pumasok pa rin ako. Ang mga kaklase kong pasaway at walang pagpapahalaga sa edukasyon, nagsiuwian. Hindi nila inisip, na kahit wala ang gurong tagapayo namin ay matututo pa rin kami at mag-uuwi ng kaalaman dahil may mga guro namang pumasok at magtuturo.
                Naunawaaan ko naman ang mga kaklase kong umuwi. Si Sir lang kasi ang inaabangan namin araw-araw. Parang tatay na namin siya. Nagpapatawa siya minsan, kapag nasa magandang mood siya. Madalas, sinisermunan kami dahil hindi kami nag-aaral nang mabuti. Ayaw niyang hindi kami nakikinig. Ayaw niyang hindi kami gumagawa. Nagagalit siya kapag wala kaming alam sa araling tinatalakay niya. Gustong-gusto niyang kaming nagse-self study. Madalas niyang sabihin sa amin, "Pumasok kayo nang may alam at umuwi nang mas marami pa."
                Gustong-gusto namin si Sir, kahit madalas niya kaming pagalitan. Kasalanan naman kasi namin lagi. Pinapahirapan namin siya. Maiingay kami at madadaldal. Makalat kami at mga tamad maglinis.
                Minsan, absent din si Sir. Gusto ko na sanang umuwi dahil wala naman siya. Hindi naman ako magiging masaya kapag wala ang paborito kong guro. Pero, dahil pinapagalitan ako ng lola ko kapag umuuwi ako, hindi ko na lang itinuloy. Pinagtiyagaan ko na lang ang tila napakatagal na oras. Naramdaman ko na lang na uwian na.
                Dahil wala si Sir last Friday. Malungkot ang karamihan sa amin. Na-miss namin ang maamo niyang mukha at kanyang mga pagalit. Wala kaming narinig na, "Nagpakabobo na naman si...." tuwing may nagkakalat. Wala ring nagdilig ng kanyang mga halaman. Wala ring napuri at napagalitan sa araw na iyon. Boring talaga.
                Kinabukasan, wala na naman si Sir. Gusto ko sanang itanong kay Ma’am, kaya lang nahihiya ako. Hihintayin ko na lang na sabihin niya ang dahilan ng pagliban sa klase ni Sir.
                Naramdaman ko ang tila paglamlam ng mga mukha ng mga kaklase ko. Hindi nila alam, na mas dumurugo ang puso ko sa oras na iyon dahil wala ang guro ko, na itinuturing kong ama.
                Naghintay ako ng ilang minuto. Nag-ipon lang ako ng lakas ng loob para magtanong kina Ma’am.
                Ang tagal. Wala...
                Nagsimulang magturo si Ma’am. Ayaw ko siyang abalahin. Naisip kong kapag may seatwork na kami at natapos ko agad, saka ko siya kakausapin. Magagalit kasi siya kapag nag-usisa ako. Tiyak ako.
                Naisipan kong gumawa muna ng gawaing pang-upuan, pero parang walang ideyang pumapasok sa isip ko. Blangko pa rin ang papel ko, maliban sa pangalan ko. Kakaiba noon ang nararamdaman ko. Parang may hindi magandang pangyayaring nagaganap.
                May tumawag kay Ma’am. Lumabas siya. Mabuti naman kasi wala akong naisulat sa papel ko. Baka makita pa niya kapag naglibot. Mapapagalitan pa ako.
                Naaalala ko na naman si Sir, na mapagbiro sa kanyang mga kaguro. Madalas ko siyang nakikitang nakikipagtawanan sa mga guro namin tuwing kami ay may ginagawa o tuwing tapos na niyang talakayin ang aming aralin. Masayahin si Sir. Hindi mo siya kakakitaan ng mabigat na problema. Ang husay niyang magdala ng buhay, sa tingin ko. Hindi ko nga siya naringgan ng pagrereklamo sa nararanasan niyang hirap sa pagharap sa hamon ng buhay. Mas nagrereklamo pa nga siya tuwing mabababa ang nakukuha naming marka sa mga pagsusulit.
                Naisip kong magpaalam kay Mam na lalabas ako. Subalit, hindi ako makalapit. Kausap niya ang iba pa naming guro. Naulinigan ko ang usapan nila. Hindi ko alam kung tama ang narinig ko. Si Sir, nasa hospital daw. Kaya, pupunta ang mga teachers namin mamaya sa hospital.
                Bigla akong nanlamig. Naisaloob ko, “Bakit ba ako apektado ng ganito?”
                Nang bumalik na si Ma’am, aniya, "Class, maaga namin kayong pauuwiin, dahil dadalaw kami kay Sir Gallego. Naka-confine siya." Inulit iyon ni Ma’am.
                Naengkanto yata kaming lahat. Hindi kami nakapagsalita.
                "Tapusin na ninyo ang gawain. Walang lalabas at mag-iingay. May kokontakin lang ako."
                Grabe ang kabog ng dibdib ko sa sandaling iyon. Nalulungkot ako. Alam ko, hindi man sabihin ni Ma’am, malala ang sakit ni Sir. Matiisin kasi siya. Napaka-dedicated sa pagtuturo at sa kanyang obligasyon sa mga mag-aral. Hindi niya iniinda ang pagod at gutom. Hinuhuli niya ang sarili, masiguro lamanng niyang natututo kami.
                Lalo akong nabobo. Hindi ko na alam ang gagawin ko sa seatwork. Nasigawan ko pa nga ang kaklase ko nang tumayo siya.
                Hindi ko alam kung bakit ganoon ang nararamdaman ko. Dahil siguro sa wala akong nakalakihang ama at dahil magaan ang loob ko sa kanya. Mabait siya sa akin. Lagi niya akong tinatanong kung kumusta na ako, gayundin ang Mama ko, na nasa abroad. Hindi ko naman kinaiinis ang pagtatanong niya. Para sa akin, hindi iyon pang-uusisa, kundi isang pagmamalasakit ng guro sa kanyang mag-aaral.
                Hindi lang naman ako ang kinukumusta niya. Halos lahat kami. Pero, napapansin ko, ako ang madalas niyang kausapin. Parang anak na nga ang turing niya sa akin. Anak naman ang tawag niya sa aming magkakaklase, pero iba ang nararamdaman ko tuwing tinatawag niya akong anak.
                Nagpapantansiya lang siguro ako, dahil ever since, hindi ako nakaranas tawaging ‘anak’ ng isang ama. Sabi ng Mama ko, iniwan kami ng tatay ko noong tatlong taong gulang pa lang ako. Hindi ko pa noon maalala kung paano niya ako minahal. Gayunpaman, naranasan ko pa rin ang magkaroon ng ama.
                Hindi naman ako naging bitter sa mga tatay. Lalo pa nga akong naging mabuting bata dahil naisip kong hindi naman nila kagustuhan ang nangyari. Walang taong maghahangad ng hindi mabuting relasyon. Kung ano man ang nangyari sa kanila ng nanay ko, hindi na ako nagtatanong. Basta ang alam ko, nagmahalan sila, kaya nabuo ako. Ngunit, nagkahiwalay sila dahil sa isang matinding dahilan. Kung anuman ang dahilan na iyon, sana ay hindi ako.
                Naisip ko pa rin si Sir. Alam ko, walang magbabantay sa kanya sa hospital. Wala siyang pamilya. Walang anak. Naikuwento niya sa amin ang mga bahagi ng buhay niya. Hindi man tuloy-tuloy o buo, napagtagpi-tagpi ko ang mga iyon.
                Gusto kong magpresinta sakaling magtanong ang mga guro namin kung sino ang gustong sumama. “Lord, sana...” dalangin ko.
                Lumabas ako. Sinilip ko sina Ma’am at Sir. Nagpupulong sila sa tapat ng classroom ng section One. Hapis din ang mga mukha nila. Pinilit kong marinig ang pinag-uusapan nila. Sa kasamaang-palad, nakita ako ni Sir Colima. "Sir, may I go out?" palusot ko na lang para hindi ako mapagalitan. Tapos, hawak ko pa kunwari ang akin, sabay takbo pababa. Mabuti na lang hindi ako slow mag-isip.
                “Alam ko na, dadaan ako sa kabila, kung saan sila nag-uusap. Sasabihin ko na sarado ang CR sa kabila. Palilipasin ko lang ang ilang minuto para makatotohanan,” plano ko.
                "Sabihin na natin sa kanya, Sir." Narinig kong sabi ni Ma’am Velasco kay Sir Colima.
                Dumaan na ako sa tabi nila. Nakita nila ako.
                "Sir…" Parang nakikiusap si Mrs. Velasco. "...ayan na siya." Nginuso pa ako ni Ma’am.
                Lumampas na ako sa kanila. Napa-yes pa ako sa isip ko. Hindi sila nagalit sa akin.
                 "Roy… Halika muna dito." Tinawag ako ni Sir. Nagulat ako. Tapos, nagturuan pa ang mga guro ko, habang pabalik ako.
                Nilinis muna ni Sir Colimna ang kanyang lalamunan. "Isasama ka namin sa hospital mamaya. Okay lang ba sa 'yo?"
                "Opo!" Hindi ako nagdalawang-isip. Dininig ng Diyos ang panalangin ko. Tuwang-tuwa ako. Hindi ko lang pinahalata.
                Si Sir Gregorio naman ang nagsalita. "Paalam ka na sa lola mo.
Hihintayin ka namin dito."
                Hindi na ako nakapagsalita. Tumango-tango na lang ako. Tumakbo ako pabalik sa classroom. "Guys, isasama ako nina Sir sa hospital mamaya. Yes!" Ang yabang ko, para akong nanalo sa lotto.
                "Kami rin, sama rin kami," sabi ng iba. Hindi ko na inalam kung sino-sino sila.
                "Sipsip mo talaga!"
                "Kaya pala lumabas ka. Sipsip!"
                "Sipsip!"
                Hindi ko na lang sila papansinin. Naiinggit lang sila sa akin dahil ako ang niyaya, hindi sila.
                "Linta ka talaga, Roy!"
                "Oo nga. Pati ba naman ngayong may sakit si Sir, ginamit mo pa ang pagkalinta mo. Boo!"
                "Ikaw na!"
                “Kalma ka lang, Roy... Huwag mo silang patulan,” bulong ng alter ego ko.
                "Sir Colima, puwede po bang sumama rin ako?" tanong ng epal kong kaklase.
                Hindi ko namalayang pumasok na pala si Sir. "Anong gagawin mo roon?"
                Mabuti nga. Supalpal siya kay Sir.
                "Dadalaw po." Sumagot pa ang walang hiya.
                "Si Roy lang ang puwedeng sumama at may karapatang magbantay kay Sir."
                “Hala, Sir... bakit po?”
                 Nagulat ako. Bakit nga ba? Hindii nakasagot si Sir Colima.
                "Basta! Roy, uwi ka na... Balik ka na lang bago mag-uwian ang mga kaklase mo."
                "Opo."
                "Sipsip! Sipsip! Sipsip! Sipsip!" Sabay-sabay sila. Nakakainis.
                "Hoy, ‘di kayo titigil?" Nanlaki ang mga mata ni Sir, kaya tumigil na sila. "Si Roy ang may karapatang magbantay kay Sir... kasi si Roy ay anak niya!"
                Bumagsak ang bag ko. “O, no! Totoo ba ito?” halos maiyak kong tanong sa sarili ko. Walang ano-ano, tumatakbo na ako pauwi.
                “Bakit? Paano? Totoo ba ito?” paulit-ulit kong tanong sa isip ko.
                Hindi muna ako uuwi. Nag-stay ako sa likod ng pader ng
bakanteng lote. Gusto kong sumigaw sa galit. Pero, bakit? Para ano? Hindi ko lang naman maintindihan kung bakit si Sir ang ama ko. “Totoo ba ito? Kung totoo, bakit? Bakit nilihim ni... Sir sa akin? Bakit hindi na nila agad sinabi sa akin?” Puspos na ako ng luha.
                Hindi ko nagawang magalit kay Sir. Minahal naman niya ako. Ramdam ko iyon. Siguro, humuhugot lamang siya ng lakas ng loob para aminin sa akin na anak niya ako.
                Bumalik ako sa school. Binilisan ko ang pagtakbo pabalik. Excited na akong malaman ang totoo.
                "Roy..." ani Mam Velasco. "Pasensiya ka na... kung… kung nilihim namin sa 'yo. Siguro si Sir... ang Papa mo na lang ang magsabi sa 'yo ng buong katotohanan."
                "Oo, kapag magaling na ang Papa mo," sabi ni Sir Manuel.
                "Sabihin niyo na po ngayon." Excited na ako, pero yumuko muna ako para hindi nila makita ang mga luha ko.
                 Nagkuwento na si Sir Colima.
                 Hindi ko napigilang tumulo ang mga uhog at luha ko.
                "Sana maunawaan mo ang Papa mo. Mahal na mahal ka niya. Hindi niya ginustong magkalayo kayo."
                 Kinulong ako ni Ma’am Velasco sa kanyang braso. Nararamdaman ko ang pagmamahal niya sa akin.
                "Opo, Ma’am, Sir… Nauunawaan ko na po ngayon. Salamat po sa inyong lahat."
                 Tumutulo rin ang luha ng mga guro ko, habang naglalakad ako nang marahan patalikod sa kanila, para umuwi.
                 Sobrang saya ko sa mga sandaling iyon dahil nakilala ko na ang ama ko. Mayayakap ko na siya. Malungkot lang dahil may sakit siya. Kung hindi pa pala siya naospital, hindi ko pa malalaman ang lihim ng mga guro ko. Dapat ba akong magpasalamat? Nakakalungkot. Hindi ko alam kung anong kalagayan ni... ng Papa ko. Gusto ko siyang makasama ng matagal para mapunan ang walong taong hindi kami magkapiling.
                  Nagmadali akong umuwi para ibalita kay Lola. Subalit, naisip ko kung alam kaya niya ang tungkol kay Papa.

Kabanata 2: Si Papa
                Nagmadali akong umuwi sa bahay para agad akong makapagpaalam kay Lola. Gustong-gusto ko nang mayakap si Sir Gallego, na akin pa lang ama. Matagal na akong naghangad na magkaroon ng isang ama. Kinainggitan ko nga ang mga kaklase kong hinahatid-sundo ng kanilang tatay.
                Ngayon, may tatay na ako. Binigay nga sa akin ng Diyos ang aking hiling, ngunit sa ganitong sitwasyon pa. Mabuti na lang, naging mabuting guro sa akin si Sir... si Papa.
                Gayunpaman, maligayang-maligaya ako. Walang mapagsidlan ang aking kasiyahan.
                Nang malapit na ako sa bahay, agad kong nakita si Lola.  Nagdidilig siya ng kanyang mga alagang orchids.
                "Lola, kilala niyo po ba noon pa si Sir Gallego?" Nagulat ang lola ko. Muntik na akong madiligan. "Bakit ‘di po ninyo sinabing siya ang tatay ko? Bakit niyo po nilihim sa akin?" Naluha na naman ako.
                "A-apo, ano bang sinasabi mo? May lagnat ka ba? Sinong naghatid sa 'yo? Halika, uminom ka ng gamot…"
                "Wala po akong sakit!" Biglang tumaas ang timbre ng boses ko. "Sagutin niyo po ako." Nilapag ko ang bag ko sa upuang nasa tabi ng pinto at pumasok ako ng bahay. "Lola, tatay ko pa ang Sir ko! Alam niyo po ba ito?"
                "Hindi ko alam ‘yan, apo. Sino ba ang nagsabi sa 'yo? Si Sir Gallego ba?" Parang hindi naman seryoso ang lola ko. Iniisip pa rin niya na nilalagnat ako at nagdedeliryo.
                Hindi na ako sumagot. Umakyat ako na lang. Sinundan niya ako nang tahimik. Pagdating ko sa taas, nagsara ako ng pinto. Nagbihis ako ng pang-alis. Napakabilis kong kumilos. Nakalabas agad ako after 3 minutes.
                "Saan ka pupunta?" Sinipat-sipat pa ako ni Lola. "Isputing ka, a." Pagkatapos, hinipo niya ang noo ko. "O, wala ka naman palang lagnat, e. Nag-cutting ka, Roy?!" Galit na si Lola.
                "Lola, nagtatanong ako. Hindi niyo po sinasagot. Aalis po ako kasama ang mga guro ko. Nasa ospital si Sir Gallego." At, para walang away, hindi na ako nagtaas ng boses. Nilambing ko na lang siya. "La, pahingi ng pocket money," paglalambing ko, sabay tawa.
                "Ang damuhong ire! Ispoyld!" Kung ano-ano pa ang sinabi niya. Paulit-ulit. Hindi ko na lang inintindi. Basta ang mahalaga, binigyan niya ako ng isandaang piso. "Tiwala ako dahil kasama mo ang mga teachers mo. Huwag kang pasaway roon."
                "Oo naman po, guwapo lang po ako, pero hindi po ako pasaway."
                Ngumiwi lang si Lola. "Andami mong drama. May nalalaman ka pang tatay mo si Sir. Gusto mo lang pala maglakwatsa… Hala, sige, layas na. Mag-iingat lang kayo."
                Hindi na ako nagsalita. Naisip ko kasi na hindi nga siguro alam ni Lola na ang tatay ko ay ang aking guro.
                Hindi pa nakauwi ang mga kaklase ko, nasa school na ako uli. Hindi muna ako nagpakita sa kanila. Nagtago ako sa CR.
                Excited ako nang husto. Nakakainip ang bawat segundo. Kung malapit lang sana ang hospital, nauna na ako. Isa pa, hindi ko rin alam kung saang hospital sa Quezon City.
                Alas-singko na kami nakaalis ng paaralan. Ang tagal kasing maglinis ang mga kaeskuwela ko.
                Na-traffic pa kami. Pasado-alas-siyete na kami nakarating sa St. Luke's Medical Center. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Halo-halong emosyon—lungkot, saya, at kaba.
                Nahanap namin ang private room ni Papa pagkatapos naming maligaw.
                Hindi ko agad narinig ang tawag sa akin ni Sir Colima. Nakatulala ako. "Pasok na, Roy."
                Pumasok ako at tumambad sa akin ang aking ama. Tumulo kaagad ang mga luha ko. Gusto ko na siyang lapitan at yakapin. Natutulog siya, kaya hindi ko ginawa.
          Wala roon ang doktor. Wala ring nurse. Naroon lang ang babaeng kapitbahay raw ni Papa. Tinanong ni Ma’am Velasco ang babae, kung ano ang nangyari at ano ang sabi ng doktor.
                Na-stroke ang Papa ko. Ikatlong beses na pala ito. Ang unang dalawa ay mild lang. Sa oras na iyon, nasa malalang kondisyon si Sir Gallego. Naiba ang anyo ng kanyang mukha. Sumaliwa rin ang mga labi niya.
                "Sabi po ng doktor, apektado po ang kanyang left brain. Nagkaroon din po siya ng dis… disteria… Basta parang gano’n," sabi ng babae.
                "Ano raw ang epekto niyon kay Sir?" tanong ni Sir Colima.
                "Speech problem po."
                "A, dysarthria! How about his cognitive? Apektado raw ba?"
Matalino talaga si Sir Colima, lalo na pagdating sa health.
                "Ano po ‘yon?!" inosenteng tanong ng babaeng nagmagandang loob sa aking ama. Marahil ay hindi niya talaga alam ang salitang cognitive. Narinig na iyon, pero hindi rin ako sigurado.
                "Iyong isip o memory, apektado raw ba?"
                Napa-aah ako sa isip.
                Nalungkot ang babae. "Opo, Sir!"
                Nahapis ang puso nina Sir at Ma’am. Tiningnan ako ni Sir Colima at inakbayan ako palapit sa kanya. "Hintayin natin siyang magising, Roy."
                Tumango na lang ako.
                Halos, kalahating oras kaming walang kibuan. Tanging ingay sa telebisyon lamang ang maririnig sa tahimik at malamig na room ni Papa. Titig na titig ako sa mukha ng aking ama. Ibang-iba na ang mukha niya. Parang natatakot ako. Pero, gustong-gusto ko na talaga siyang lapitan. Hindi ko lang magawa. Nahihiya akong gawin iyon.
                Pumikit ako para umidlip.
                "Roy..." Isang marahang tapik pa ang ginawa sa akin ni Ma’am Velasco. May hawak siyang pagkain. "Kain na tayo."        
                Nakatulog pala ako. Hindi pa rin gising ang Papa ko.
                Habang kumakain kami, gumalaw ang kaliwang kamay ng ama ko. At, dumilat.
                "Sir, nandito po ang nga co-teachers niyo,"sabi ng bantay.
                Tiningnan niya kami isa-isa. Inakma pa niyang itaas ang kanyang kanang kamay patungo sa direksyon namin, pero nabigo siya. Umungot na lang siya. Nakita ko kung paano siya nahirapang
magsalita, na ikinalungkot ko nang sobra.
                Kinuha ni Sir Colima ang kamay ko para patayuin ako. Pagkatapos, lumapit kami sa kama ni Papa. "Sir, nandito ang anak mo!" Masaya ang pagkasabi ni Sir.
                Tiningnan naman ako ni Papa. Hindi ko alam ang reaksiyon ko. Ganoon pala ang pakiramdam na makaharap mo na ang iyong ama, pagkatapos mong mawalay sa kanya sa mahabang panahon.
                Umiwas ng tingin si Papa. Binuka-buka niya ang kanyang bibig, pero walang lumabas na salita mula dito. Inulit ni Sir Coloma ang sinabi niya. Pero, this time, inabot niya ang kamay ni Papa at kamay ko. Pinaghawak sa akin. Naramdaman ko ang kakaibang kalambutan ng kamay niya. Parang tubig ang laman. Kakaiba.
                Tila, napipi ako. Gusto kong sabihing "Papa, magpagaling na po kayo. Gusto ko na po kayong makasama." Ngunit, hindi iyon ang nasabi ko. Sabi ko lang, "Sir…"
                Lumapit na rin ang iba ko pang guro.
                "Kumusta ka na, Sir" wika ni Mam Velasco.
                Tiningnan uli sila ni Papa. Isa-isa. Tapos, kumunot ang noo niya nang dumako ang tingin niya sa akin. Nalungkot ang puso ko. Bakit gano’n? Hindi ko maintindihan.
                "Si Roy po. Alam na niya na ikaw ang Papa niya," ani Sir Colima uli. Masaya pa rin ang boses niya.
                Kumibot-kibot ang mga labi ni Papa, saka umiling-iling. Naunawaan ko siya. Hindi niya ako anak. Bumagsak ang kasiyahang kanina lamang ay nasa rurok. Gusto kong lumabas… umuwi.
                Inakbayan uli ako ni Sir Colima at lumabas kami. "Huwag kang malungkot, Roy. Anak ka ni Sir."
                "Nagkakamali lang po kayo, Sir. Hindi niya po ako anak..."
Umagos na ang mga luha ko.
               "No! Bahagi lang iyon ng epekto ng atake niya. May cognitive problem siya ngayon. Hayaan mo, makikilala rin niya tayo. Unawain mo muna siya sa ngayon… Anak ka ni Sir. Sigurado kami."
                Hindi na ako kumibo. Hindi pa rin ako naniniwala. Hindi niya ako anak. Nagkakamali lang sila. Kung anak niya nga ako, bakit hindi alam ni Lola? Bakit inilihim pa nila sa akin? Naalala ko pa ang pangalan ng ama ko sa birth certificate ko. Hindi si Sir Gallego, kaya imposible.
                Para akong dinagukan ng sampung malalaking tao. Ang sakit-sakit. Napahiya ako. Mas mabuti pa noong hindi pa nila sinasabing tatay ko si Sir, napakataas ng tingin ko sa kanya. Sa mga oras na iyon, bumaba na. Nagagalit ako sa kanilang lahat. Mga manloloko sila. Mga sinungaling.
                Hindi ako kumibo hanggang sa nakauwi ako sa bahay. Hinatid naman nila ako, pero pakiramdam ko, umuwi akong mag-isa. Panay nga ang explain nila sa akin, ngunit hindi ko sila pinapansin. Hiniya nila ako. Ano na lang ang sasabihin sa akin ng mga kaklase ko? Ano pang mukha ang ihaharap ko sa kanila?
                Hindi ako pumasok ng buong isang linggo dahil sa kahihiyan. Hindi ko kayang marinig ang mga kantiyaw at pang-aasar sa akin ng mga kaklase ko. Alam ko, mapipikon lang ako at makakapanakit. Pinapunta ko naman ang lola ko sa eskuwelahan, kaya umaasa akong naintindihan nila ako.
                Pagpasok ko, may kaunti pa rin akong hiyang nakatago sa puso ko. Naiinis pa rin ako sa mga guro kong nanloko sa akin. Hindi ko pa sila napapatawad. Hindi pa naibabalik ang respeto ko sa kanila. Gayunpaman, hindi ko sila binabastos. Hindi na nga lang ako, nakikipagtalakayan sa klase. Hindi na ako umaktibo. Parang napagod ako at nabobo. Ayaw ko na sanang mag-aral, pero dahil graduating na ako, kailangan kong pagtiyagaan. Isang buwan na lang naman, graduation na namin.
                Lumipas ang mga araw. Medyo nanumbalik ang sigla ko sa klase. Unti-unti ko nang natatanggap ang nangyari. Hindi ko na rin nariringgan ng panunukso ang mga kaklase ko. Wala na rin akong balita kay Sir Gallego. Naisip ko nga, tuluyan na siguro siyang nagretiro. Mabuti na rin iyon para hindi na kami magkita.
                Mas bumilis ang araw. Graduation month na. Nagsimula na akong mag-memorize ng valedictory address, na itatalumpati ko sa aking pagtatapos.
                Araw ng pagtatapos. Hindi ko ramdam ang okasyon. Para akong namatayan. Kung gaano kasasaya ang mga kaklase at ka-batch ko, kabaligtaran naman ang nararamdaman ko. Kung hindi nga lang ako valedictorian, baka hindi na ako dumalo sa graduation. Aanhin ko naman ang programang iyon kung wala akong magulang na sasaksi sa aking tagumpay? Tanging lola ko lang ang kasama ko sa entablado.
              "Tawagin natin ang ating pinakamahusay na mag-aaral sa taong ito... Roy F. Elizardo!" Narinig ko ang palakpakan ng mga kapwa ko magsisipagtapos, ng mga magulang, at ng mga guro. Pero, hindi ko maramdaman ang kabuluhan ng mensaheng aking bibigkasin.
                Bago ko narating ang entablado, nakapagdesisyon na ako. Iibahin ko ang talumpati ko. Gusto kong manggaling sa puso ko ang mga sasabihin ko.
                Binati ko muna ang panauhin pandangal, ang punungguro, ang mga guro, ang mga magulang, ang mga kapwa ko magsisipagtapos, at ang lahat ng naroon, gaya ng kinabisado ko. Pagkatapos, sandali akong tumigi at tumingin ako sa audience. Hinanap ko ang mga guro ko. Tiningnan ko ang lola kong iyak nang iyak.
                "Nais kong humingi ng paunmanhin sa inyong lahat sapagkat
hindi ko po kayang bigkasin ang talumpating ipinakabisado sa akin. Hayaan po ninyo akong bigkasin ang mga salitang magmumula sa kaibuturan ng puso ko..."
                Nagpalakpakan ang karamihan. Simbolo iyon ng kanilang pagpayag.
                "Salamat po sa inyong pang-unawa!"
                Hinagod ko ng tingin ang aking Alma Mater. "Salamat, mahal kong paaralan! Salamat sa ilang taong mong pagkanlong at pagturo ng mahahalagang aral sa buhay. Hindi kita makakalimutan." Sinipat ko naman ang mga kaklase ko at ilan sa mga ka-batch ko. "Sa inyong lahat, maraming-maraming salamat! Kayo ang bumuo sa aking kabataan. Nakasama ko sa tawanan, sa lahat ng makukulay na yugto ng pagiging mag-aaral. Sana'y hindi ito ang huli nating pagkikita. Nawa'y hindi ito isang paalam, kundi isang simula ng ating mahabang paglalakbay."
                Nagpalakpakan ang iba kong kaklase. Nag-iyakan ang iba. Mayroon namang naghiyawan. Huminto ako nang saglit upang hanapin naman ang aking mga guro sa Ikaanim na Baitang. Nag-walk out sila bago pa ako nakapagsalita. "Ma’am Velasco, Sir Gregorio, Ma’am Plaridel, Sir Galvez, at Sir Colima, alam ko po, naririnig niyo po ako, kahit wala kayo ngayon sa bulwagan. Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat! Kayo po ang higit na nararapat parangalan sa araw na ito sapagkat kundi dahil sa inyo, wala po kaming lahat dito at hindi po namin mararating ang okasyong ito. Salamat sa pagtuturo ng mga karunungan at kabutihang-asal! Mabuhay po kayo!" Pinasalamatan ko rin ang mga naging guro ko mula sa kinder.
                Hinarap ko naman si Lola. Hindi na siya makatingin sa akin. Naiiyak na rin ako. "Lola... tahan na po. Di naman po kita kalilimutan, e. Ito na nga po, pasalamatan na kita..." Nagawa ko pang magbiro. Nagtawanan naman sila. "Salamat po nang marami, Lola! Ang pag-aaruga ninyo at walang sawang pag-uunawa ay hindi po kayang tumbasan ng isang pasasalamat lamang. Gayunpaman, nais kitang pasalamatan sa oras na ito. Kung hindi dahil sa inyo ay malamang napariwara na ang buhay ko. Hindi man natin madalas makasama ang aking ina, nariyan ka naman upang alagaan ako. Salamat po! Ikaw po ang tumayo bilang ina at ama ko." Bumuhos ang masagana kong mga luha. Yumuyugyog ang mga balikat ko. Naalala ko kasi si Sir Gallego. Hindi ko pa rin siya makakalimutan. Naniniwala pa rin akong siya ang aking ama.
                Nagpatuloy ako. "Bago ko tapusin ang talumpating ito, pinasalamatan ko rin ang isang guro, na kahit alam kong wala siya sa panahong it. “Salamat po, Sir Gallego..." Natigilan ako nang makita ko  si Sir Gallego. Nakasakay siya sa wheel chair, na tinutulak naman ng mga guro kong nag-walkout sa kalagitnaan ng talumpati ko. Bakas pa rin sa kanya ang epekto ng stroke. "Sir Gallego?!" Hindi ko alam ang sasabihin ko. Hindi ko akalaing darating siya sa pinakaespesyal na araw na iyon. "Sir, salamat po. Salamat po sa pagmamahal at sa mga aral sa buhay. Mahal na mahal po kita."
                Hindi ko na pinalampas ang pagkakataong iyon. Bumaba ako sa entablado at hinagkan ko sa noo si Sir Gallego. Pinilit niyang yakapin ako sa kabila ng kahinaan ng kanyang mga braso. Umiiyak siya, ngunit narinig kong binigkas niya ang pangalan ko.
                Matagal kaming nagyakap. Pareho kaming umiiyak.
                "A… an... nak." Nagulat ako sa kanyang tinuran. Bumitaw ako sa pagkakayakap. Tiningnan ko siya. Muli siyang nagsalita. "A... a... nak, pat… ta… ta... warin... mo a... a... ko."
                Si Sir Gallego nga ang aking ama. Muli ko siyang niyakap.

Kabanata 3: Masamang Tao
                Masayang-masaya ako sa araw na iyon, hindi dahil natapos ko nang may flying colors ang elementarya, kundi dahil buo na ang aking pagkatao. Hindi ko maipaliwanag ang kasiyahang dulot ng pagkakaroon ng ama, pagkatapos ng mahabang taon ng pagtatanong at pag-aasam ng isang pagmamahal mula sa ama.
                Kumpirmadong ama ko si Sir Gallego. Siya ang guro kong
inidolo ko at minahal nang higit pa sa isang guro. Itinanggi man niya ako noong dinalaw namin siya sa hospital, ngunit nauunawaan ko na. Dulot lamang iyon ng cognitive problem, na sanhi naman ng kanyang atake.
                Buo na ang aking pamilya. May ama at ina na ako. May bonus pang lola. Sayang nga lamang dahil hindi natunghayan ni Mama ang graduation ko. Gayunpaman, alam kong proud na proud siya sa akin. At, nauunawaan ko naman siya.
                Pagkatapos ng graduation, kumain kami sa isang restaurant. Kasama ko ang mga guro ko at siyempre ang pinakapaborito kong guro-- si Sir Gallego, ang aking ama.
                "Roy, ang ganda ng talumpati mo kanina," simula ni Sir Colima.
                Sabi ko, "Salamat po! Akala ko nga po, hindi niyo nagustuhan ang ginawa ko dahil nag-walk out kayo."
                "Ay, hindi! May surprise kasi kami sa 'yo…" Ngumiti siya at tiningnan si Papa, na kanina pa tahimik. "ang Papa mo."
                "Pasensiya ka na, Roy... Ako ang nakaisip niyon." Si Ma’am Velasco naman ang nagsalita. Apologetic siya.
                Nginitian ko siya, pagkatapos ay tiningnan ko naman si Papa. Blangko ang mukha niya. Hindi ko alam kung malungkot siya o masaya. "Walang pong problema, Ma’am. Thankful nga po ako sa 'yo… sa inyo pong lahat dahil nasorpresa po ako. Napakagandang regalo po nito sa akin."
                Ang sumunod na pangyayari, tahimik kaming nagkainan. Inalala ko rin ang mga naganap.
                Nakakaiyak talaga ang nangyari sa graduation day. Bago ako nagsimula sa Valedictory Address ko, napakalungkot ko. Parang hindi ko ramdam ang kahulugan ng graduation. Pero, nang iniba ko ang aking speech, saka ko lamang napagtantong bawat salitang tinuran ko, na mula sa aking puso, ay unti-unting gumising sa natutulog kong damdamin. Naging emosiyonal ako dahil sa mga alaalang hindi ko kailanman makakalimutan. At, nang lumabas na ang aking mga guro, na akala ko’y nag-walk out, lalong umigting ang aking emosyon. Kasama pa nila si Sir Gallego, na naka-wheel chair. Dahil doon, hindi ko na rin napigil ang bugso ng damdamin ko. Niyakap ko siya kahit minsang itinanggi niyang anak niya ako.
                Hindi ko lubos malimutan kung paano niya akong tinawag na anak kahit pautal-utal niyang sinambit. Parang musika sa aking pandinig. Parangap na natupad. Tapos, humingi pa siya ng tawad. Hindi ko na iyon inintindi. Ang mahalaga, inamin niyang ako ay anak niya.
                Nagpapakiramdaman kami habang kumakain. Wala nang nagsasalita. Lahat ay nakapokus sa pagkain. Paminsan-minsan ko na lang tinitingnan si Papa, na nahihirapang kumain. Gusto ko sanang ako na lang ang tumulong sa kanya sa pagpapakain, kaya lang nahihiya ako. Okay lang na ginagawa na ito ng kapitbahay niya, na siyang nagdala sa kanya sa hospital. Ang mahalaga may taong nagmamalasakit sa kanya. Naisip ko lang, ano kaya ang plano nila kay Papa? Paano kaya ito? Saan ba siya magpapagaling? Gusto kaya niyang tumira sa bahay ng lola ko? Ano kaya ang sasabihin ni Mama kapag malaman niyang nakita ko na si Papa? Magkabalikan kaya sila? Natatawa ako. Excited akong magkabalikan na sila. Kapag nangyari iyon, lubos-lubos na ang aking kasiyahan. Ako na marahil ang pinakasuwerteng bata sa mundo.
                "Nabusog po ako nang husto. Salamat po sa inyong lahat!" Tiningnan ko isa-isa ang mga guro ko, na nag-ambagan para mai-treat ako. Tinapik-tapik ko rin ang balikat ni Papa. Gusto ko uli siyang yakapin, pero hindi ko na ginawa. Alangan pa rin ako sa kanya. Parang hindi siya nasa mood ng kadramahan. Kaya, pinasalamatan ko na lang siya nang pabulong. Tumango-tango lamang ang aking ama.
                Nagpapaalaman at naghihintay na lang kami ng taxi, na
maghahatid kina Papa sa bahay niya. Gusto ko sanang sumama sa kanila, kaya lang hihintayin daw ako ni Lola. Saka, hindi naman ako niyaya ng aking ama.
                Nang makaalis na silang lahat, maliban kay Sir Coloma, sabi niya sa akin, huwag akong mag-alala kay Papa dahil alagang-alaga raw siya. Tini-therapy na rin para muling manumbalik ang dating pananalita at paglalakad. Natuwa naman ako sa balitang iyon.
                "A, gano’n po ba?! Mabuti naman po iyon para makasama ko na po siya."
                "Oo, Roy... Makakasama mo na siya." Tapos, pinara na niya ang dyip na dumaan. "Sige, mauna na ako. Ingat ka sa pag-uwi." Kumaway pa siya.
                "Sige po, Sir. Ingat din po kayo."
                Naglakad na lang ako pauwi. Malapit lang kasi ang bahay ni Lola sa restaurant na kinainan namin. Hindi pa rin maalis sa isipan ko ang mga pangyayari---mula sa aking talumpati hanggang sa tinawag akong anak ni Papa. Pero, nalulungkot ako dahil hindi umiimik si Papa. Alam kong nahihirapan pa rin siyang magsalita, pero ramdam kong hindi pa niya ako tanggap nang buong-buo.
                Nagmadali na akong umuwi, alas-nuwebe y medya na kasi ng gabi. Malamang hinihintay na ako ni Lola.
                Nang malapit na ako sa bahay, may nga bumabati pa sa akin--- mga kapitbahay at mga kaklase. Ang ganda raw ng speech ko. Ang iba, nagtatanong kung totoo bang anak ako ni Sir Gallego. Bakit daw? Anyare? “Mahabang istorya po,” kako. “Hindi ko rin po naiintindihan.”
                Nasa mini-garden si Lola. "Antagal mo, Roy. Kanina pa tawag
nang tawag ang Mama mo."
                "Sorry po... Ano po ang sabi ni Mama?"
                "Wala naman... maliban sa sabi niyang tatawag uli siya mayamaya." Hawak pa niya ang cellphone. Ayaw namang ibigay sa akin. Ayaw nilang may cellphone ako. Kapag college na raw ako.
                Nagpalit lang ako ng damit. Nagmamadali akong bumaba  pagkatapos para abangan ang tawag ni Mama. Alam kong babatiin niya ako at sasabihing proud na proud siya sa akin.
                Nang nakababa na ako, ipinahawak na ni Lola ang cellphone. Excited akong marinig uli ang boses ni Mama. Pero, mas excited akong ibalita sa kanya, na nahanap ko na ang aking ama.
                Isang saglit pa ang lumipas, nag-riring na ang cellphone.             
                "Hello, Mama! Kumusta ka na po? Alam mo po, Ma... Hello... Hello, Mama?" Ayaw magsalita ni Mama. Tiningnan ko ang cellphone, hindi pa naman naka-off. "Hello, Ma!?"
                "Congrats, anak!" Garalgal ang boses ni Mama.
                "Thank you, Ma!"
                "Kumusta ang speech mo?" Pinilit ni Mama na pakalmahin ang boses niya, bigla kasing nag-iba.
                "Okay lang po, Ma… Nga po pala, nahanap ko na si Papa." Wala akong galit kay Mama, kaya hindi ko siya tinanong kung bakit niya nilihim sa akin, gaya ng pagtanggap ko kung bakit hindi rin kaagad sinabi ni Papa na anak niya ako.
                "Hindi mo siya, ama! Lumayo ka sa kanya!"
                Hindi ko maintindihan si Mama. "Bakit po? Siya ang aking ama. Bakit niyo po sinasabi ‘yan?" Naghintay ako ng sagot niya, pero wala na akong marinig kundi ang mga hikbi niya. "Ma, bakit po? Bakit po? Hindi ko kayo maintindihan. Sabihin niyo po sa akin ang katotohanan. Sino po ba si Sir Gallego sa buhay mo? Siya po ang ama ko o hindi?"
                "Huwag mo siyang ituring na ama!" Galit si Mama. Ramdam ko na may malalim na dahilan, kaya siya nagaglit.
                "Itinuring ko na po siyang ama, kahit noong hindi ko pa nalaman na ama ko siya... Ma, sino po ba siya?" Hindi ko na maitago ang lungkot at hinanakit ko sa aking ina. Pareho lang sila ng aking ama. Pinahihirapan nila ako.
                "Lumayo ka sa kanya. Masamang tao siya!"
                Tinapos na ni Mama ang tawag. Hindi ko pa rin maintindihan. kung bakit naging masamang tao si Sir Gallego. Bakit hindi ko siya ama at hindi puwedeng ituring na ama? Gusto kong sumigaw. Gusto kong umiyak.
                Kinakausap ako ni Lola, pero wala akong narinig. Ang mga katanungan ko lang ang mga nauulinigan ko.
                "Lola, matutulog na po ako. Good night!" Pinilit kong maging masaya sa paningin ni Lola. Ayaw kong mapuyat pa siya sa pag-aalala sa akin.
                "Good night din. Isusunod ko na ang milk mo."
                "Huwag na po… Antok na antok na po ako." Ang hindi alam ni Lola, gusto ko nang umiyak sa unan ko.
                Nang nakapasok na ako sa kuwarto ko, nakita kong Hhawak ko pala ang cellphone ni Lola. “Hindi bale… Bukas ko na lang isauli,” naisip ko.
                Pinilit kong hindi ako marinig ni Lola habang umiiyak. Inisip ko kung anong ibig sabihin ni Mama nang sinabi niyang masamang tao si Sir Gallego. Kaya ko bang tanggapin na masamang tao siya, ngunit siya ang ama ko? O hindi siya ang ama ko at hindi naman siya masamang tao? Mabuti sana kung nagkakamali lang si Mama sa sinasabi niya. Tatay ko talaga si Sir at hindi naman talaga siya masamang tao. Sa kabilang banda, inisip ko na rin ang posibilidad na masamang tao nga siya, kaya pinaparusahan na siya ngayon ng Diyos. Pero, hindi ko lubos maisip kung ano ang ginawa niya sa aking ina, kaya siya pinaparatangang masamang tao. Kanino ba ako maniniwala? Sa ina ko na siyang nakasama ko ng matagal o sa guro ko na ama ko raw?
                Nag-ring ang cellphone. Hindi agad ako nakapag-hello dahil umiimpit ako. Pero, nagsasalita na si Mama. Pinakinggan ko na lang.
                "Ma, makinig po kayo sa akin. Huwag mong papayagan si Roy na makapunta pa kay Edwin. Huwag na huwag po, please. Ayaw kong maging ama siya ng anak ko. Rapist siya, Ma! Siya ang gumahasa sa akin. Siya po…" Umiiyak na si Mama. Hindi pala ako ang dapat niyang kausap.
                "Ma? Totoo po ba?" Hindi ko na kayang makinig na lang. “Ma, huwag mo pong ibaba. Narinig ko pong lahat ang sinabi niyo.”
                "Anak... hindi ito ang tamang oras."
                "Ipaliwanag mo po sa akin ngayon na... Ni-rape ka ni Sir Gallego? Ako po ba ang naging bunga?" Naghintay ako ng sagot mula kay Mama. Narinig ko ang pag-impit niya. Pagkalipas ng ilang segundo, inulit ko ang tanong, baka hindi niya narinig. "Ginahasa ka niya at ako po ba ang naging bunga? Ma? Sagutin niyo po ako."
                Oo! Ikaw!" walang kagatol-gatol na sagot ni Mama, saka siya pumalahaw ng iyak. "Masamang tao siya, anak... kaya h’wag mo siyang tawaging ama. Sinira niya ang buhay ko."
                "Ma?" Nawala na sa linya si Mama.
                Hindi ako puwedeng magalit sa kanilang dalawa. Bakit ba ako ganito?



Kabanata 4: Alkansya
                Nasa ilalim ako noon ng puno ng malaking mangga. Inaalala kong lahat ang mga pangyayari-- simula noong nalaman ko sa mga guro ko sa Grade 6 na ang tatay ko ay si Sir Gallego hanggang sa mapunta ako rito sa probinsiya ng aking lola at ina.
          Doon ako madalas na nagpapalipas ng oras. Doon na rin ako nagsusulat ng aking journal, na siyang sumbungan ko ng mga problema at hinanakit sa aking ina at ama.
                Isang oras na akong naroon nang maisipan kong magsusulat ng liham para sa aking ama. Nais kong maibsan man lang ang kanyang pagdurusa dulot ng stroke.
                Mahigit isang buwan na ako sa probinsiya nina Lola at Mama. Alam kong inilayo ako ni Lola kay Papa para sundin ang kagustuhan ng aking ina, na huwag akong palapitin sa aking ama dahil siya ay masamang tao. Wala naman akong nagawa, kundi ang sumama pauwi. Hindi ko pa kayang mamuhay mag-isa at hindi pa ako handang suwayin ang aking ina. Ang tangi ko na lamang magagawa ay sumunod. Gayunpaman, hindi ko pa rin kayang kalimutan na lang nang basta-basta si Sir Gallego. Kailangan niya ng pag-aaruga, pang-unawa, at pagmamahal. Hindi biro ang kanyang kalagayan. Darating ang araw na ang taong nag-aalaga sa kanya ay mapapagod at susuko, gayong hindi naman niya iyon kadugo. Ako, ako ang dapat na mag-alaga sa kanya dahil ako ang anak niya. Kung masamang tao man siya sa puso ni Mama, pero, para sa akin, siya ay mabuting tao. Naniniwala akong pagmamahal ang nagtulak sa kanya para pagsamantalahan niya si Mama.
                Desidido akong mapatawad ng aking ina si Sir Gallego. At, kung maaari, nais kong mabuo kaming tatlo. Pero, paano ko gagawin iyon kung ang sariling ina ko mismo ang gumagawa ng paraan upang mailayo ako kay Papa? Dapat sana ay magkasama kami sa mga panahong iyon dahil bakasyon naman. Ako na sana ang nag-aalaga sa kanya. Kailangan niya ng isang pag-aalaga mula sa kanyang anak. Ako iyon.
                Hindi ko lubos maisip kung ano ang gagawin ko. Labindalawang taong gulang pa lamang ako. Wala pang kakayahang sumubok ng mga bagay na ikapapahamak ko lang. Pero, kapag naaalala ko ang mukha ng Papa ko, lalo akong nagkakaroon ng ideyang sumubok ng isang kapahangasan.
                "Magmeryenda na tayo, Roy." Nilapag ni Lola ang tray ng barakong kape, nilagang kamote, at kinayod na niyog sa kawayang lamesa, na nasa harapan ng kinauupuan ko. Nagutom akong bigla sa nakita ko.
                "Sige po. Salamat, ‘la." Nagsisimula na kaming magmeryenda ni Lola, nang may naiisip ako. Magbabaka-sakali akong magsabi sa kanya. Umubo muna ako. "Lola..." Nilambingan ko ang boses ko. "...puwede ko po bang matawagan si Sir... si Papa?"
                Tiningnan muna ako ni Lola. Hindi naman siya galit, pero parang ayaw niya. "Kabilin-bilinan ng Mama mo, na hindi kita puwedeng bigyan ng pagkakataon na makasama mo o makausap man lang si Sir Gallego... Apo, sorry… pero hindi kita puwedeng pagbigyan." Nalungkot si Lola.
                "Naunawaan naman po kita, Lola, pero… sana po… maunawaan niyo rin po ako. Matagal ko pong pinangarap na magkaroon ng ama… Ngayong nahanap ko na, ipagkakait mo pa po ba sa akin?" Naghintay ako ng sagot mula kay Lola, pero hindi siya kumibo. Nagbalat lang siya ng kamote at humigop ng kape. "Kailangan po ako ngayon ni Papa. Payagan niyo na po ako. Hindi naman po siguro malalaman ni Mama, na pinayagan mo akong tumawag kay Papa."
                "Walang lihim na hindi nabunyag, Roy. Pero, dahil nararamdaman ko ang kagustuhan mong makausap ang Papa mo, papayagan kita."
                Natuwa ako. Bigla akong nabuhayan ng loob.
                "Sandali lang, ha? Kukunin ko lang."
                Tumango-tango lang ako, habang abot-tainga ang ngiti.
Pagkuwa’y inisip ko na ang mga sasabihin ko kay Papa, habang hinihintay si Lola.
                "Heto, apo... Tawagan mo na. Iwanan na muna kita."
                "Salamat po, Lola!" Kakampi ko pa rin pala si Lola. Mabuti’t pinagbigyan niya ako.
                Nagri-ring na ang number ni Papa. Pero, hindi pa sinasagot. Idinayal ko uli.
                “Hello?” sabi ng boses-babae.
                "Hello po!  Puwede po bang makausap si Sir Gallego? Si Roy po ito."
                "A, ikaw pala… Sorry, Roy… nasa therapy ang Papa mo. Tawag ka na lang mayamaya. Malapit nang matapos."
                "Gano’n po ba?! Sige po." Nalumbay ako. "A, ate, kumusta naman po si Papa?"
                "Naku, gano’n pa rin… Ilang buwan na siyang tiniterapi, pero wala pa ring development. Kung meron man, ’di ko pa masasabi." Nalungkot din ang boses ng kausap ko.
                "Ano po ba ang sabi ng therapist?" Interesado akong malaman ang kalagayan ni Papa. Hindi ako mapakali.
                "Wala naman. Kaya lang, ang sabi ng kapatid ng Papa mo na nasa Amerika, doon na lang daw siya ipa-therapy."
                "Ano po ang plano ni Papa?" Nagtataka ako sa sarili ko. Para akong matanda kung magsalita noon. Parang tinakasan ako ng
kabataan. Apektadong-apektado ako sa sitwasyon ni Papa.
                "Baka next week, dumating ang kapatid niya para sunduin ang Papa mo. At, baka doon na rin siya manirahan. Hindi pa ako sigurado, ha? Pero, iyon ang parang gustong sabihin ng Papa mo sa akin."
                Nalungkot ako. Kung totoo man iyon, ibig sabihin ay magkakalayo kami ni Papa. Hindi ko rin pala mabubuo ang pamilya ko. Ngayon pa lang ay bigo na ako, naisaloob ko. "Sige po, Ate. Salamat po! Pakisabi na lang po kay Papa, na tumawag ako. Bye!" Hindi ko na hinintay na sagutin pa ng kausap ko ang pagpapaalam ko. Nakakalungkot kasi. Litong-lito na ako. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Paano ko ba mabubuo ang pamilya ko? Uunahin ko bang mabuo ang pamilya ko, bago ang paggaling ni Papa? Hindi ko na alam!
                Nilapag ko sa mesang kawayan ang telepono ni Lola at naglakad-lakad ako. Pumunta ako sa isang lugar na makakapag-isip ako nang tama.
                Sa isang kamalig ako napadpad. Mag-isa lang ako doon. Tanging malawak na palayan, ang mga palay na malapit ng mahinog, at mangilang-ngilang maya ang mga kasama ko. Iyon ang lugar na hinahanap ko, kaya umupo ako sa isang malaking putol ng kahoy, na sadyang nilagay doon upang maging upuan.
                May nabuong ideya sa isip ko. Hindi ko lang alam kung tama iyon o mali. Ang alam ko lang, iyon lang ang kaya kong gawin at panindigan. Kung hindi man iyon tama para sa aking lola at ina, sa aking palagay, iyon naman ay makakabuti sa aking ama at sa akin. Hindi ko makakayang malayo sa aking ama dahil matagal ko na siyang inasam. Hindi ko kakayanin pang isuko ang hangaring iyon dahil lamang sa kasalanang maaari namang kalimutan.
          Nagmamadali akong makabalik sa bahay ni Lola. Magdidilim na, kaya dapat na nga rin talaga akong umuwi. Sigurado akong maghahapunan na kami pagdating ko.
                "Diyusmeng bata ka!" galit na bati sa akin ni Lola pagdating ko sa bahay. "Sa'n ka ba nagsusuot? Bakit iniwan mo ang meryenda mo kanina. Ang cellphone, iniwan mo rin..."
                "Sorry po, Lola..." Napakamot na lang ako sa ulo.
                "Ano pa nga ba ang magagawa ni Lola. Hmp, hala! Pasok na. Maghugas ka na ng katawan mo dahil maghahapunan na tayo," utos niya.
                 "Opo." Spoiled talaga ako kay Lola. Hindi man lang ako pinalo o kinurot man lang.
                Nasa banyo na ako nang magsalita uli si Lola. "Tumawag ang Papa mo. Missed call pala. Hindi ko rin nakausap. Iniwan mo kasi ang cellphone, e."
                Hindi na ako nagsalita. Nanghihinayang kasi ako. Baka may gustong sabihin si Papa. Naisip kong tawagan ko na lang siya ulit.
                Nakabihis na ako ng pantulog. Ready na ring maghapunan. Hinihintay na nga ako ni Lola sa hapag.
                "Sige na, upo ka na… at mag-pray."
                Umupo na ako at nag-usal ng pasasalamat sa Panginoon. "Amen!" Halos sabay pa kami ni Lola. Saka, nagsimula na kaming kumain. Ayaw ng lola ko na nag-uusap habang kumakain, kaya wala kaming imikan. Hinihintay kong magsalita siya, saka ako babanat ng tanong sa kanya.
                "Roy, umakyat ka na. Iwan mo na ‘yan. Ako na ang maghuhugas." Sa wakas, nagsalita na si Lola.
                "Opo, pero may gusto po akong sabihin sa 'yo…" Medyo alangan ako.
                "Ano ‘yon?" Nagliligpit na si Lola.
                "A... Puwede po bang bumalik na lang ako sa Maynila? Gusto ko pong makita si Papa."
                Tumigil si Lola sa kanyang ginagawa. Tiningnan niya ako nang
masama. "Pinayagan na kitang tawagan mo siya..." Galit talaga si Lola. Nagkakalabugan ang mga plato at nagkakalansingan ang mga kutsara't tinidor. "…ngayon naman ay gusto mong umalis. At, sa tingin mo papayagan kita?"
                "Nagbabaka-sakali lang naman po ako, Lola..." Napahiya ako. Nainis din ako sa kanya. Nainis ako sa kanila. Bakit ba ang damot-damot nila?
                "Puwes! Hindi kita mapagbibigyan. Hala, umakyat ka na at matulog para luminaw ‘yang isip mo." Tinalikuran na ako ni Lola, kaya umakyat na ako.
                Gusto ko sanang magdabog sa hagdan, kaya lang hindi ko na ginawa, baka tuluyan nang magalit sa akin si Lola. Dumiretso na lang ako sa kuwarto ko nang dahan-dahan. Tapos, bigla akong may naisip.
                Inilabas ko ang aking alkansiya. Malapit nang mapuno iyon, kaya alam kong aabot iyon sa isang libo at limang daan piso. “Sapat na ito para makabalik ako sa Maynila,” naisip ko. “Oo, tatakas ako kay Lola. Lalayas ako at pupuntahan ko ang Papa ko.”
                Nag-impake na ako pagkatapos kong basagin ang aking alkansiya. Isang bag lang ang dadalhin ko. “Bahala na,” kako.
                Hindi ako natulog ng gabing iyon. Hinintay kong makatulog si Lola upang hindi niya maramdaman ang paglabas ko sa bahay. Wala ring makakaita sa akin kapag lumakad na ako patungo sa kalsada upang doon mag-abang ng bus, na patungong Maynila.
             “Wala nang makakapagpigil sa akin. Gagawin ko ito dahil mahal na mahal ko si Papa. Sana mapatawad ako ni Lola at ni Mama. Hindi ko naman hinangad na suwayin sila. Kailangan ko lang talagang maging suwail minsan para sa pangmatagalang kaligayahan. Sana ay gabayan ako ng Diyos sa aking kapangahasan,” sabi ko sa king sarili.

Kabanata 5: Sutil
                Pinilit kong hindi ako makatulog upang makatakas ako kay Lola. Handa na ang gamit ko. Naipasok ko na rin sa bag ang alkansiya ko. Plano kong sa labas ko na iyon babasagin.
                Alas-nuwebe pa lang noon. Tiyak akong gising pa si Lola. Kapag lumabas ako, maririnig niya ako. Umiingit pa naman ang pinto kapag binubuksan. Kaya, iidlip muna ako sandali para kahit paano ay may lakas ako kinabukasan sa biyahe ko.
                Nagising ako ng tilaok ng manok. Mukhang nakaidlip nga ako. Alas- kuwatro na ng madaling-araw. Tamang-tama iyon para lumabas. Hindi pa marahil gising ang mga kapitbahay naming, kaya walang nakakita sa pagtakas ko. Pero, alam kong bago sumikat ang araw, makakasakay na ako ng bus patungong Maynila.
                Nasa kalsada na ako noon. Walang kahirap-hirap akong nakalabas sa bahay nang hindi ako nakita ninuman. Agad naman akong nakalayo sa mga kapitbahay. Natagalan nga lang ako sa pag-aabang ng bus na tutungo sa Maynila. Maraming dumadaan, pero hindi ako hinihintuan. Puno na siguro at wala nang mauupuan.
                Mainit na sa balat ang sikat ng araw. Halos, magdadalawang oras na akong kakaway-kaway sa mga dumaraang bus. “Porke ba bata lang ako ay hindi nila ako pinasasakay? May pambayad naman ako, a,” kausap ko sa sarili ko. “Barya nga lang.”
                Binilang ko iyon, umabot naman ng isang libo, apat na raan at dalawampu't limang piso. Alam kong makakarating na ako sa Maynila, lalo na kung hihingi pa ako ng diskuwento.
                Lumipas ang isa pang oras, hindi pa rin ako nakakasakay. Naglalakad na nga ako, habang nag-aabang.
                Sa kalayuan, natatanaw ko ang nakaparadang trak at dalawang lalaki. Inaayos nila iyon. Nilapitan ko sila baka kako papunta sila sa Maynila. "Good morning po!" Nakangiti akong bumati sa kanila.
                Tiningnan lang ako ng isa, na siyang nagmemekaniko.
                "Morning!" ganti ng isa. "Ano ‘yon, boy?!"
                "Saan po sana ang tungo ninyo? Sa Maynila po ba?"
                "Oo."
                Bigla akong natuwa. Tiyempo. "Puwede po ba akong makisakay?" Napamaang ang dalawang lalaki. "Magbabayad po ako."
                "Boy..." Ang mekaniko naman ang nagsalita habang patuloy na nag-aayos. "hindi mahalaga sa amin ang ibabayad mo. Ang tanong… bakit?"
                "Naglayas ka? Bakit? Hindi ka puwedeng sumama... Mapapahamak ka lang sa Maynila," sabi ng pahinante.
                Kapag sinabi kong naglayas nga ako, baka hindi ako pasakayin. "A… e... hindi po. Hindi po ako naglayas. " Hindi ako makaisip ng dahilan. Nakakataranta. Kahit pala may pera akong pambayad, hindi rin ako basta-basta pasasakayin dahil bata pa ako.
                "Kung hindi ka naglayas, saan ka pupunta? Saan sa Manila ka pupunta? At, sino ang pupuntahan mo?" Andaming tanong ng drayber. Hindi ko tuloy maisip kung ano ang isasagot ko. Kapag sinabi ko ang totoo, baka pasakayin na ako.
                "Na-stroke po kasi ang Papa ko sa Manila. Hindi po ako maihatid ng lola ko."
                "Kaya bibiyahe kang mag-isa?" tanong ng pahinante.
                "Opo! Kaya ko naman po pagdating doon. Doon po kasi ako nag-aaral. Nagbakasyon lang kami ng lola ko." Totoo na ang sinasabi ko. Nagbabakasyon lang talaga ako. Pero, kahit sa Maynila ako nag-aaral, hindi ko pa rin kabisado ang pasikot-sikot doon. Bahala na. Ang importante, makarating ako ng siyudad. Madali ko na lang sigurong makokontak si Papa, naisip ko na lang.
                "Naku, boy... kung totoo man ‘yang sinasabi mo, hindi pa rin ako kumbinsidong bumiyahe ka mag-isa. Delikado sa Maynila. Baka matulad ka lang sa mga batang kalye. Ayaw naming madagdag ka pa sa mapapariwara. Pasensiya na."
                "Hindi po..."
                "Umuwi ka na, boy. Hindi ka namin mapagbibigyan." Tumalikod na ang pahinante. Tumayo na rin ang nagmekanikong drayber. Tapos, umakyat na sila sa trak.
                Nakakalungkot. Bigo ako.
                Bago umandar ang trak, nakasabit na ako sa likod niyon. Kumapit ako nang husto sa bakal ng pinto. Sabi ko, “Bahala na kung saan ako makarating. Handa na akong sumugal para lamang makasama ko ang Papa ko. Gusto ko siyang makita bago niya ako iwan, bago siya tumungo sa States para magpa-therapy.”
                Hindi ako nagsisisi sa ginawa ko. Alam kong hinahanap na ako ni Lola sa mga sandaling iyon. Wala akong magagawa, sinusunod ko lang ang sa tingin ko ay tama. Hindi nila inisip na kailangan ko rin ang pagmamahal ng isang ama.
                Si Mama, masipag ngang magtrabaho. Nakasama ko ba siya nang matagal? Hindi. Dahil madalas siyang nasa abroad. Hindi ko naman kailangan ang karangyaan sa buhay. Ang nais ko lang ay buo ang aking pamilya. Halos, labindalawang taon din nilang itinago sa akin ang tungkol sa aking ama. Kung hindi pa inatake si Sir Gallego, hindi ko pa malalamang siya pala ang aking ama. Oo, bunga lamang ako ng maling pag-ibig, pero hindi na iyon mahalaga. Hindi ko itinuturing na masamang tao ang ama ko dahil pinagsamantalahan niya lamang ang aking ina. Naranasan ko namang ituring akong anak ni Sir, kaya alam kong mabait siyang tao.
                Isang oras na akong nakakunyapit sa pinto ng truck. Nangangawit na ako. Nabibilad na rin ako sa init. Gusto ko nang bumitiw, pero hindi puwede. Mabilis ang takbo nito. Kapag tumalon
ako, tiyak lantang gulay ang aabutin ko.
                Hindi ako puwedeng magsisi. Ginusto ko iyon.
                Biglang prumeno ang sasakyan. Nayugyog ako nang husto. Naging dahilan iyon upang makabitiw ako sa pagkakakapit sa bakal. Nahulog ako at muntik mabagok ang ulo ko. Ang sakit dahil nauna ang likod ko. Mabuti na lang at may bag ako. Kaya lang, masakit pa rin. At, para hindi ako maatrasan ng trak, nagpagulong-gulong ako para umiwas.
                Nakita ako ng dalawang sakay ng trak at ng motoristang muntik nang bumangga sa trak.
                "Ang tigas ng ulo mo, boy!" bulyaw ng drayber ng trak habang itinatayo ako.
                "Boss, dalhin natin sa hospital," suhestiyon ng pahinante.
                Nagkunwari akong napilayan para maawa sa akin. Walang ano-ano, binuhat ako ng pahinante at isinakay sa trak. Tapos, nakipag-areglo na ang drayber sa motorista.
                Epektibo ang akting ko. Ginawa ko ang lahat upang makumbinsi ko silang isama na lang nila ako sa Maynila.
                Umaandar na ang trak nang magsalita ang drayber. "Mapapahamak ka pa, boy. Andito ka pa lang sa Tacloban. Paano na kaya kung nasa Maynila ka na?!"
                "Malakas ang loob ng batang ito. Parang ako." Tatawa-tawa pa ng pahinante.
                "Oo nga, e! Akalain mo bang nakasabit pala sa trak natin nang ‘di natin namalayan. Kung ‘di pa tayo muntik na makasidente, ‘di pa natin malalaman. Sutil!" Hindi tumawa ang drayber. Naramdaman kong nainis siya sa ginawa ko.
                Hindi na sila nagkibuan. Hindi rin ako kinausap.
                Mayamaya huminto ang trak. Kinuha ng pahinante ang kamay ko at bumaba kami.
                "Ha? Pulis? Bakit niyo po ako ipapapulis? Bitiwan niyo ako!" Nagpupumiglas ako, pero mas malakas pa rin ang pahinante. Wala akong nagawa. Nasa loob na kami ng istasyon ng pulis.

Kabanata 6: Sementadong Paa        
                Nagmatigas ako. Ayaw kong sabihin sa mga pulis kung saan sa Tacloban, ako nakatira. Sinabi ko sa kanila na nagbakasyon lang ako at kailangan ko nang umuwi sa Manila. Ayaw naman nilang maniwala. Ikukulong daw nila ako kapag hindi pa ako nagtapat.
                "Uulitin ko..." Ang inspector uli ang nagsalita. "Saan ka nakatira? Ano ang tunay mong pangalan?"
                Kapag sinabi ko ang pangalan at apelyido ko mahahanap nila ang bahay namin. Tiyak ako, kilala ang apelyido ko dahil tagarito talaga ang lolo ko, na dating alkalde. Kaya, hindi nila puwedeng malaman ang tunay kong apelyido, dahil isasauli nila ako kay Lola. Gusto ko kay Papa. Gusto ko siyang makasama.
                "Kanina ko pa po sinasagot ang mga tanong ninyo. Kung hindi po kayo maniniwala, nasa sa inyo na po iyan," sarkastikong sagot ko. Nakakayamot na rin sila. Paulit-ulit kami. Mabuti na nga lang at umalis na ang driver at pahinante ng truck, na naghatid sa akin doon sa police station.
                Nagbulungan ang tatlong pulis, na nag-i-interrogate sa akin. Narinig ko. Kahit Bisaya ang lengguwahe nila, naunawaan ko. Parang sinabi ng bumulong na pulis, na magtanong kaya sila sa diyalekto nila. Kumbinsido naman ang pinuno ng mga pulis.
                Kinausap ako ng pinuno ng mga pulis sa salitang Bisaya. Kunwari hindi ko naintindihan. Tinatanong niya ako kung gaano na ako
katagal sa Tacloban.
                "Ano po 'yon? Hindi ko po kayo maintindihan." Kinunot ko pa ang noo ko para mas maging kapani-paniwala.
                Nagtinginan ang mga pulis.
                "Ganito na lang..." Mukhang may naisip na bagong strategy ang hepe. "ibigay mo sa amin ang numero ng Papa mo sa Manila, tatawagan namin."
                Lumiwanag ang mukha ko. Nanalo ako. Makakabalik na ako ng Maynila. Makikita ko na uli ang Papa ko bago man lang siya umalis ng bansa upang magpa-therapy sa Amerika. Baka sakaling magbago ang isip niya, na tumira doon pagkatapos ng therapy. Ayaw kong malayo sa kanya. Gusto kong magkasama kami.
                May hawak na cellphone ang pinakabatang pulis. Kaya, inisa-isa kong sinabi ang numero ni Papa. Habang kinokontak ang numero, naisip ko na hindi naman nila makakausap si Papa dahil nahihirapan pa siya magsalita. Ang kapitbahay niya lang ang makakausap nila.
                "Hello, magandang araw!" Ang hepe na ang kumausap sa numerong binigay ko. "Police Station sa Tacloban City... Puwede po bang makausap si Sir Edwin Gallego?”
                Hindi ko naririnig ang kausap ng hepe. "A, okay! Sige po, may tanong na lang po ako... May kilala ba kayong Roy Gallego? Oo, Roy Gallego... Alright... So, Si Roy ay anak ni Sir Edwin?"
                Natuwa ako sa mga narinig ko. Ang sarap palang ariin kang anak ng taong iniidolo mo. Nakinig uli ako sa usapan ng dalawa.
                "Hawak namin siya… Ang problema, ayaw niyang sabihin kung saan siya tumutuloy ditto sa Tacloban." Ni-loud speaker ng hepe ang telepono, kaya naririnig ko na ang kausap niya.
                "Naku, Sir... hindi ko rin po alam ang apelyido niya. Hindi po
pala siya Gallego. Mahabang istorya po, pero sigurado po ako na tumakas po iyan sa Lola niya. Hindi po mabigkas ni Sir ang apelyido ni Roy. Hindi rin po maisulat..."
                "Paano itong bata? Gusto niyang umuwi diyan. Kami ang magkakaproblema kapag hinanap na siya ng lola niya."
                "Sir, gusto raw po ni Sir na i-hold niyo po si Roy. Tatawag na lang po ako."
                "Sige po. Salamat!" Hinarap ako ni Hepe. "Roy... hindi ka nagsasabi nang totoo. Hindi ka Gallego. Sabihin mo ang apelyidong gamit mo para malaman namin ang kinaroroonan ng lola mo." Mahinahon naman siyang magsalita, pero naiinis ako sa kanya.
                "Bakit po ba mahalaga sa inyo ang apelyido ko? Hindi ba nalaman niyo na ang ama ko ay si Sir Gallego? At, gusto kong pumunta sa kanya!" Nawalan na yata ako ng respeto sa kanila. Tumaas na ang dugo ko. "Hayaan niyo na akong makabalik sa Manila. Kaya ko po ang sarili ko. Kung gusto niyong tumulong, ihatid niyo ako sa pier."
                "Bata, hindi maaari 'yang sinasabi mo. Ang lola mo, hindi mo ba siya naisip na baka nag-aalala?"
                Hindi ko siya pinansin. Alam ko naman iyon, e. Saka, nag-iwan na ako ng sulat sa kanya. Sabi ko, huwag na siyang mag-alala dahil kaya ko namang bumalik sa Maynila at puntahan ang bahay ni Papa. Humingi na rin ako ng tawad sa kanya.
                Hindi na ako kumibo. Naiinis na rin sa akin ang mga pulis. Baka kung ano pa ang masabi ko. Naghintay na lang ako. Naghintay akong magbago ang isip nila at payagan na lang nila akong umalis. Kaya ko naman ang sarili ko.
                Mayamaya, tiningnan ako ng pulis, na may hawak na cellphone. Tapos, pumasok siya sa opisina ng hepe. Nahulaan ko na may natanggap siyang text message. Ang hula ko, sinabi na ng tagapag-alaga ni Papa ang apelyido ni Lola. Wala na akong kawala. Ibabalik na ako nila sa lola ko. Gusto kong tumakbo at tumakas sa kanila, pero nakatingin sa akin ang isa pang pulis.
                "Ihahatid ka na naming," sabi ng hepe, paglabas niya sa opisina.
                Bigla ko naman naisipang mag-CR. "Sir, puwede po bang makigamit muna ng banyo? Kanina pa po masakit ang tiyan ko?" Nagkunwari pa akong namimilipit sa sakit ng tiyan.
                "Sige, sige... Bilisan mo lang, habang hinahanda naman namin ang police report."
                Itinuro pa ng isa ang direksiyon ng kubeta.
                Sa loob ng banyo, inakyat ko ang maliit na uwang ng bintana. Tumuntong ako sa bowl. Tapos, sinilip ko sa labas ang babagsakan ko. Mataas. Hindi bale na, kako,  ang mahalaga ay makatakas ako.
                Inilaglag ko ang bag kong may dalawang t-shirt, isang pantalon, at dalawang underwear. Doon ako babagsak, una ang kamay. Saka ko naman itutukod para hindi sumubsob ang ulo at likod ko.
                Isa... dalawa... talon!
                Nabigo akong gawin ang inisip kong stunt. Hindi ko na alam ang sumunod na nangyari. Nagising na lang ako sa hospital. Tinatahi ang ulo ko dahil nagkaroon iyon ng mahabang sugat. Masakit din ang katawan ko, lalo na ang likod at balakang.
                Wala na ang mga pulis. Pumikit uli ako nang makita ko si Lola. Nahihiya ako sa kanya. Paano ko ba siya haharapin? Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag sa kanya ang ginawa kong kasutilan. Nagsisi ako.
                Pumikit lang ako habang dinadamdam ko ang bawat tusok ng karayom at hilahid ng sinulid sa anit ko. Hindi naman iyon masakit, pero ramdam ko ang sakit na nararamdaman ni Lola habang tinitingnan ako. Alam kong hindi niya kinayang malaman ang nangyari sa akin.
                Pagkatapos tahiin ang anit ko, nagpaalam na ang doktor at mga nurse. Lumapit naman sa akin si Lola. "Roy naman… bakit mo ginawa ‘yon?!" Hindi ko alam kung nagagalit si Lola o naaawa sa akin. "Sobra mo kaming pinag-alala. Bakit kailangan mong maging mapangahas?"
                Umiiyak na si Lola. Iminulat ko na ang mata ko at kinuha ko ang kamay niya. "Sorry po, ‘la… Sorry po."
                "Roy naman, e." Kinurot niya ako sa braso. Pinong-pino. Pero, hindi ko iyon naramdaman. "Huwag mo ng uulitin iyon, ha?"
                Tumango-tango na lang ako. Nahihiya talaga ako kay Lola. Sa tindi ng pagnanais kong makita at makasama ang aking ama, inilagay ko naman sa kapahamakan ang sarili ko. Nasaktan ko rin ang babaeng nag-aalaga sa akin nang husto. Hindi naman ako nanalo sa ginawa ko. Tiyak din akong alam na ni Mama ang nangyari sa akin at nag-aalala siya. Naisip ko rin si Papa. Nag-alala din kaya siya sa akin? Bakit kasi naisipan ko pang maglayas? Salbaheng mga paa ito. Gusto ko pa sanang hampasin ang binti ko, pero nagulat ako. Nakasemento pala ang kaliwang paa ko.

Kabanata 7: Sa Tabing Ilog
                Isang araw, pagkatapos tahiin ang ulo ko at sementuhin ang kaliwang paa ko, iniuwi na ako ni Lola sa bahay. Hiyang-hiya pa rin ako sa ginawa kong paglayas at pagtakas sa mga pulis. Nagkagastos tuloy siya nang hindi oras. Idagdag pa ang dobleng pag-aalaga sa akin, dahil nahihirapan pa akong maglakad.
                Maghapon, magdamag lang ako sa kuwarto. Nakakainip rin. Hindi ko tuloy maiwasang maalala si Papa.
                “Kumusta na kaya siya? Kailan kaya siya aalis patungong America?” tanong ko sa sarili ko.
                Nakakalungkot man na hindi na kami magkikita bago siya umalis, wala na akong magagawa. Nabigo akong makabalik sa Manila. Muntik ko pa ngang ikamatay ang pangangahas kong makita siya. Kahit ano pa ang mangyari, mahal na mahal ko si Papa. Alam kong babalik siya. Kailangan naman talaga niyang magpa-therapy upang manumbalik ang dating siya. Kahit hindi na siya makapagturong muli, ang mahalaga, makasama ko siya. Hangad ko rin lagi na mapatawad na siya ni Mama. At, ang pangarap ko talaga ay magsama-sama kaming tatlo, bilang isang pamilya.
                "Gusto ko pong maglakad-lakad sa labas," sabi ko kay Lola, habang pinapatong niya sa side table ang almusal ko. "Siguro po ay kaya ko nang maglakad gamit ang saklay na ito."
                "A,  sige... pero kasama ako. Baka hindi mo kaya. Aalalayan kita."
                "Huwag na po, Lola. Kaya ko na po. Huwag po kayong mag-alala, hindi na po ako tatakas."
                Nagtawanan kami.
                "Hindi na talaga… kasi napapahamak ang batang sutil. Tingnan mo nga iyang nangyari sa 'yo... Hala, sige, mag-almusal ka na muna. Babalik ako pagkatapos mong kumain. Hintayin mo ako, ha? Hindi ka puwedeng bumaba ng hagdan mag-isa."
                "Opo." Tapos, nilantakan ko na ang almusal. Kailangan ko nang magmadali. Sayang ang init, na hindi pa nakakasunog.
                Inalalayan nga ako ni Lola sa pagbaba ng hagdan. Inihatid pa nga ako hanggang gate. "Saan ka ba talaga pupunta, Roy? Puwede naman kitang samahan, e."
                "Maglalakad-lakad lang po ako, Lola. Huwag po kayong mag-alala."
"Sige, pero ‘wag kang lalayo nANg husto. Bumalik ka kaagad. Hindi pa kaya ng binti mo ang matagal na paglalakad."
                "Opo. Sige po."
                Narinig ko pang nag-ingat si Lola.
                Nagsisimula na akong maglakad gamit ang saklay. Medyo mahirap, pero sa painot-inot at maingat na paglakad, nakakalayo ako sa bahay. Naisip kong tumungo sa tabing-ilog. Ayon kasi sa kuwento ng Mama ko, madalas daw siyang maglaba at maligo sa ilog. Kakaiba raw ang ligayang naibibigay nito sa kanya. Nakakatuwa nga lang dahil kung kailan pa ako nabalian ng paa, saka pa ako makakapunta uli doon.
                Narating ko na ang ilog. Natanaw ko doon ang malinaw nitong tubig. Narinig ko rin ang lagaslas ng tubig. Napakasarap. Tila nalimutan ko ang mga mapapait na alaala. Tama si Mama.
                Lumapit pa ako. Gusto ko kasing magtampisaw.
                Ang sarap ng tubig. Malamig. Sayang nga lang dahil hindi ko puwedeng basain ang sementadong paa ko. Nagkasya na lang ako sa pagtanaw sa kapaligiran.
                Mayamaya, may dumarating na mag-ama. Kasing-edad ko ang batang lalaki. Maliligo sila. Nginitian nila ako bago sila lumusong sa tubig. Nakakahiya naman kung manunuod ako sa kanila habang sila ay lumalangoy, kaya lumayo ako. Umupo ako sa malaking bato. Natatanaw ko rin sila, pati ang ibang tanawin.
                Nainggit akong makita ang mag-ama habang masayang naliligo sa ilog. Naglalaro sila ng pabilisan ng paglangoy. Ang saya-saya nila. Naalala ko na naman si Papa. Kailan ko kaya mararanasan ang ganitong kasayang oras? Imposible na siguro. Ngayon pa ba ako mangangarap maging masaya kapiling ang aking ama kung kailan na-stroke siya at nakatakdang umalis ng bansa para magpa-therapy sa Amerika? Ngayon pa ba ako aasang magkakarooon ng masayang oras kasama ang ama gayong pilay ako at malayo pa ang loob sa akin ni Papa? Imposible. Hindi na ako aasa pa. Habambuhay na akong maiinggit sa mga mag-aamang may magandang samahan.
                Mali pala si Mama. Hindi naman akong naligayahan sa pagpunta ko sa ilog. Lalo lang kasi akong nalungkot. Kaya, uwi na ako. Naisip kong manatili na lang ako sa kuwarto ko hanggang tuluyang gumaling.
                Kabababa ko lang sa bato, nang may dumating na dalagita. May malaking aluminum na palanggana siyang tangan. Puno iyon ng mga labahan. Dumiretso siya sa batuhang bahagi ng ilog at nagsimula nang magbasa ng mga damit.
                Nahihiwagaan ako sa kanya. Tila may nagsasabi sa akin na puntahan ko ang babae at kausapin.
                Pinuntahan ko siya. "Magandang umaga!" Nakangiti akong bumati sa babae. Hindi naman siya nagulat dahil natanaw na niya ako habang palapit ako. Kaya lang, hindi siya sumagot. Ngumiti lang din siya at muling nagkusot ng damit. Hindi naman siya natatakot sa akin. "Ang dami mo namang labahin. Hindi ka ba tinutulungan ng iyong mga kapatid? O ng iyong nanay man lang?" Hinihintay ko siyang sumagot. ngunit nabigo ako. Tiningnan niya lang ako at nagsimula na siyang magsabon.
                Hindi na muna ako kumibo. Nagbakasakaling akong siya naman ang magtanong sa akin, kung bakit ako pakialamero. Pinagmasdan ko na lang siya sa kanyang ginagawa.
                Maganda pala siya. Kayumanggi ang kanyang balat, pero makinis. Naalala ko tuloy ang crush ko sa paaralan.
                "Anong pangalan mo?"
                Tumitig siya sa akin. Nakita ko ang malamlam niyang mga mata. Nauutal siya. Gusto niyang sumagot sa tanong ko, pero walang lumabas sa kanyang bibig.
                "Ako nga pala si Roy. Ikaw, ano ang pangalan mo? Puwede ba kitang makilala at maging kaibigan?"
                "Aah, aah…" Sa wakas, nagsalita na siya. Pero, nalulungkot ako. Pipi pala siya. Nagsa-sign language pa siya. Hindi ko maintindihan. Gayunpaman, interesado akong unawain siya. Alam kong marami siyang nais sabihin. Nakatigin nga siya sa semetadong paa ko. Tila nais niyang itanong kung anong nangyari.
                "Sutil kasi ako, kaya ito, nabalian ako ng paa," kuwento ko. Nakita kong interesado siyang malaman ang buong pangyayari. Tumigil kasi siya sa pagsabon ng damit. "Lumayas ako, isang umaga, sa bahay ni Lola. Sumakay ako sa likod ng trak para makalayo ako at makarating sa Manila. Kaya lang, muntik nang maaksidente ang trak, dahil sa isang kaskaserong motorista. Nahulog ako at nakita ng driver. Akala ko isasabay na nila ako sa Manila, iyon pala sa presinto ako dinala."
                Humagikhik nang napakasarap si Pepita.
                Pepita na lang ang tawag ko sa kanya kasi hindi naman niya masabi sa akin ang pangalan niya.
                Nakuha ko na ang kiliti niya. Mababaw lang pala ang kaligayahan niya. Ipinagpatuloy ko ang pagkukuwento. "Ayun, pinilit nilang paaminin ako kung sino ako at saan ako nakatira. Nang malaman nila, nakaisip naman ako ng paraan. Nagkunwari akong magbabanyo, pero ang ginawa ko… lumusot ako sa bintanang maliit. Tapos, ito na…" Tumawa rin ako para mapatawa ko uli siya. "Ang tanga-tanga ko! Mataas pala ‘yon!"
                Napatawa ko uli siya. Ang ganda niyang tumawa. Kahit tinakpan niya ang bibig niya, halatang totoo ang kanyang ligaya.                 Kay sarap palang tumawa at makitawa. Para kaming matagal nang magkakilala.
                Nagsa-sign language si Pepita. Inunawa ko.
                “Aaaah,” kako. Nauunawaan ko. Sumeryoso ako. "Kasi ganito ‘yon. Nalaman ko last year na ang tatay ko ay ang guro ko nitong Grade six ako. Kung kailan siya na-stroke, saka namang inamin sa akin ng mga co-teachers niya. Kaya lang, masamang tao ang turing sa kanya ng Mama ko, kaya pilit niya akong inilalayo kay Papa. Ipinauwi niya ako dito kay Lola para hindi ako matunton. Sa kagustuhan ko ngang makasama siya, naging pasaway ako at napahamak." Naluluha na naman ako, pero hindi ko puwedeng ipakita ito kay Pepita. Mas lalo siyang malulungkot.
                May itinanong uli si Pepita tungkol sa Mama at Papa ko.
                "Hindi naman sila nagsama. Ni-rape daw ni Papa si Mama noon. Inilayo ako ni Mama, kaya ngayon lamang kami nagkakilala. Alam mo, nasasaktan ako dahil hindi pa rin matutupad ang pangarap kong mabuo ang pamilya ko. Galit na galit pa rin si Mama kay Papa hanggang ngayon. Siguro nga ay isinumpa niya si Papa, kaya paralisado siya ngayon..." Lihim kong pinunasan ang malapit nang pumatak na luha sa aking mata. "Kaya naman ako naglayas at nagplanong bumalik sa Manila kasi nabalitaan kong ititira na si Papa sa Amerika. Ayaw kong mangyari iyon, na hindi ko man lang siya naalagaan at makitang muli. Mahal na mahal ko siya."
                Hindi ko na itatago ang mga luha ko kay Pepita. Hindi ko na kaya. Pasalamat nga ako dahil handa siyang makinig sa akin. Hindi ko rin naman kasi mailabas ang damdamin ko kay Lola, kahit close pa kami.
                Medyo kumikislap na rin ang mga mata ni Pepita. Hindi ko lamang pala siya napatawa, napaiyak ko pa siya.
                "Sorry, ha? Napaiyak tuloy kita."
                Okay lang daw ang senyas ni Pepita.
                "Wala kasi akong mapagsabihan ng mga ito." Tinantiya ko  kung gusto pa niyang makinig. Oo. Nakita kong naghihintay pa siya ng iba. "Kung sakaling mapatawad na ni Mama si Papa, may pagkakataon pang maging isang pamilya kami. At, kapag nangyari iyon, ako na siguro ang pinakamasayang bata sa mundo..."
                Nagsa-sign uli si Pepita. Sinabi niyang darating ang araw ay mangyayari ang iniisip ko. Tapos, lumuha na siya. Tinutukoy na niya ang sarili niya. Mas mapalad daw ako dahil mahal na mahal ako pareho ng mga magulang ko, kahit hindi sila magkakasama. Siya raw ay may buo ngang pamilya, pero hindi niya ramdam ang pagmamahal ng kanyang pamilya, dahil kakaiba siya, pipi siya. Tuluyan na siyang humagulgol at pinagdiskatahan niyang palo-paluin ng tablang pamalo ang mga sinabong damit. Tila, dugong umagos sa ilog ang mga bula mula sa mga mga damit. Halos, magkandaluray-luray ang mga iyon.
                Nahahabag ako sa kanya. Alam kong may pinagdadaanan siya, na mas masakit pa kaysa sa nararanasan ko. Napagtanto ko tuloy na hindi ako dapat maging rebelde. Mapalad pa nga marahil ako kaysa sa kanya.
                "Roy! Roy!" Narinig at natanaw ko si Lola. "Halika na! uwi na. May naghahanap sa 'yo. Dali!"
                "Salamat sa 'yo, kaibigan... Babalik ako, minsan." Nginitian ko si Pepita at nakita kong muli ang maganda niyang ngiti at mukha, kahit namumula ang kanyang mga mata. Kumaway pa siya, bago ako tumalikod.




Kabanata 8: Ang Bisita
                "Lola, sino po ba talaga ang bisita? Bakit ayaw nIyo pong sabihin sa akin?" Nasa kalagitnaan na kami ng paglalakad pauwi nang nagtanong ako.
                "Ayaw ipasabi, e. Kaya, ‘wag ka nang mausisa. Dahan-dahan… Hindi naman aalis ang bisita mo."
                Tumahimik na ako. Hindi naman ako excited, kung sino man siya. Mas excited akong makabalik uli sa tabing-ilog para mas makilala ko si Pepita nang husto. Kahit hindi siya makapagsalita, alam kong marami siyang gustong ikuwento sa akin. Naramdaman ko iyon, habang nag-uusap kami. Alam kong may malaki siyang problema. Gaya ko, wala rin siyang mapagsabihan. Hindi dahil pipi siya, kundi dahil walang taong gustong makinig sa kanya. Ako, gusto ko.
                Natatanaw ko na ang gate ng bahay ni Lola. Pero, hanggang sa sandaling iyon, wala pa rin akong clue, kung sino ang naghahanap sa akin. Nahiling ko sa Diyos na sana’y hindi ang mga pulis, na tinakasan ko sa presinto. Naisip ko ring baka ang doktor. Baka lalagariin na ang semento ng paa ko.
                Nasa sala na ako, nang makilala ko ang bisita.
                "Papa!" Walang mapagsidlan ang kaligayahan ko. Niyakap ko siya at hinalikan ang noo. "Kumusta po kayo?"
                "Mabuti naman ang Papa mo, Roy." Ang tagapag-alaga ni Papa ang sumagot. "Pero, huwag muna natin siyang piliting magsalita. Nahihirapan pa rin siya. Naipaliwanag na ni Sir sa akin ang mga dapat niyang sabihin sa 'yo."
                Hindi ako makapaniwalang kaharap ko ang aking ama. Siguro ay labis siyang nag-alala sa nangyari sa akin. Napakasaya ko noon. Hindi naman pala sayang ang pagiging sutil at pagiging mapangahas ko.
                Sumisenyas si Papa kay Ate Fely, ang tagapag-alaga niya.
                "Sabi ng Papa mo, huwag mo na raw uulitin ang paglalayas. Labis siyang nag-aalala sa 'yo," interpretasyon ni Ate Fely.
                "Opo, Papa. Hindi na po mauulit." Nahiya tuloy ako sa aking ama. Mabuti na lang, pinilit niyang ngitian ako. Hinimas pa niya ang buhok ko, kahit nahirapan siyang igalaw ang mga kamay niya. Naalala ko tuloy ang mga kabutihan sa akin ni Sir Gallego, na Papa ko na ngayon. Madalas din niyang guluhin ang buhok ko, kapag nakakagawa ako ng mabuti at kapuri-puri.
                "Sir Gallego..." Si Lola naman ang nagsalita. "...iwanan ko muna kayong tatlo. Maghahanda ako ng pananghalian."
                Tumango-tango lang si Papa.
                "Papa, matutuloy ka po ba sa America?" Lumuhod ako sa harapan ni Papa. Hinawakan ko ang kamay niya at pinisil-pisil ko. Ang sarap sa pakiramdam na nalapit uli ako sa idolo ko.
                Tiningnan ako ni Papa. Matagal siyang tumitig sa mga mata ko. Nakikita ko ang nangingilid niyang luha, pagkatapos, tiningnan niya si Ate Fely.
                Si Ate Fely ang sumagot sa tanong ko. "Roy, isa rin sa dahilan kaya kami pumunta rito ay para magpaalam sa 'yo ang Papa mo. Next week na siya aalis. Matatagalan siguro bago siya makabalik dito..."
                "Ho? Bakit po? Gano’n po ba katagal ang therapy?" Nalungkot akong bigla. Akala ko, matagal pa siyang aalis.
                "Hindi natin alam. Pero, gusto ng Papa mo na... tumira na doon. Kapag puwede na raw uli siyang makapagtrabaho, sisikapin niyang mai-petition ka. Sa ngayon, pagpapagaling muna ang priority niya."
                Hinimas uli ni Papa ang buhok ko. Hini na ako makatingin sa
kanya kasi naiiyak na ako.
                "Huwag kang malungkot, Roy. Pasasaan ba't magkakasama na kayo ni Sir."
                "Sige po. Babalik naman po kayo, ‘di po ba?"
                Tumango si Papa.
                "Maghihintay po ako."
                Masaya ako buong maghapon dahil nakasama ko ang aking ama, bagaman hindi naman kami ang nag-uusap. Makasama ko lamang siya sa bahay ay sapat na. Makita ko lamang siyang nakangiti, kapag tinitingnan niya ako, napakaligaya ko na. Tapos, magkatabi pa kami sa higaan.
                "Pa, tulog ka na po ba?"
                Umungot si Papa at gumalaw nang bahagya.
                "Pa, okay lang po ba na magkuwento ako hanggang makatulog tayo pareho?"
                Nagparamdam ng pagpayag si Papa.
                "Salamat po! Na-miss po kasi kita, Sir.” Bumungisngis muna ako.  “Alam mo po, Pa? Hindi po ako makapaniwala na anak ninyo ako. Sa una, nagtatanong ako, pero na-realize ko pong dapat pa nga po akong magpasalamat dahil... dahil natagpuan na kita. Hindi niyo lang po alam kung gaano ako kasaya nang malaman kong ang iniidolo kong guro ay ama ko rin pala." Idinikit ko ang aking ulo sa braso ni Papa. "Isa na lang po ang aking hiling... ang mapatawad ka na ni Mama."
                Nagulat ako nang kinabig ako ni Papa papalapit sa kanya. Niyakap niya ako kahit nakatihaya siya at nahihirapan. Ang sarap sa pakiramdam. Noon ko lamang iyon naranasan. Hindi ko naipaliwanag ang ligayang dulot niyon. Nakahanda akong maghintay sa paggaling niya. At, pangako kong lagi ko siyang ipagdarasal sa Diyos upang mapabilis ang kanyang paggaling at mapatawad na siya ni Mama.
                Alas-sais na ng umaga. Ang sarap ng tulog namin ni Papa. Na-realize kong napakasarap palang matulog na katabi ang aking ama. Tila, nawalang lahat ang mga takot at pag-aalala ko.
                "Magandang umaga po, Pa!" Nginitian din ako ni Papa. "Sandali po… Tatawagin ko lang po si Ate Fely para tulungan kayong makaupo sa wheelchair."
                Nasa hardin si Ate Fely, kasama si Lola. Magkasundo yata sila sa paghahalamanan. "Gising ka na pala, Roy. Gising na rin pa si Sir?" Si Ate Fely iyon.
                "Opo. Magpapatulong sana ako sa inyo…"
                "A... sige. Ako na lang. Kaya ko na iyon. Dito ka muna. May sasabihin daw sa 'yo ang lola mo."
                "Ano po iyo, ‘la?"
                Nakapasok na sa bahay si Ate Fely nang magsalita si Lola. "Darating ngayon ang Mama mo..."
                "Ha?! Talaga po?!" Sobrang saya ko. Naisip kong mabubuo na kami. Pakiramdam ko, hindi ko kailangan ang saklay. Bigla akong lumakas. Gusto kong tumalon sa galak. Kaya lang, malungkot si Lola. "E, bakit naman po kayo nalulungkot? May problema po ba?"
                Tumango muna si Lola. "Ayaw kasi ng Mama mo… na… na maabutan ang Papa mo dito sa bahay."
                Bumaligtad ang mundo ko. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko sa balitang iyon. Kanina lang , napakasaya ko, ngunit bigla kong nahiling sa Panginoon, na huwag na lang munang umuwi si Mama, kung mababawasan pa ang araw na makakasama ko ang aking ama.
                "Maaari bang ikaw na ang magpaliwanag sa Papa mo tungkol dito?" pakiusap ni Lola. Tila napakahirap para sa kanya ang gawin iyon, gayong siya naman ang may-ari ng bahay. Marahil ay mahirap nga para sa kanya na ipagtabuyan ang kanyang bisita.
                Hindi ako nakapagsalita. Parang ayaw kong sundin ang nais niya. Gusto kong magkita sila ni Mama. Hindi ako papayag na paalisin si Papa. "Ayaw ko po, ‘la." Nangingilid na ang luha ko. "Hayaan po natin silang magkita. Gusto ko pong mabuo ang pamilya ko..." Tinalikuran ko na siya.
                Sa kuwarto ako dumiretso. Bumalik ako sa higaan at nagkumot. Nalungkot ako nang sobra. Gusto kong magrebelde. “Bakit ba ang daya-daya nila? Bakit ba ayaw nila akong maging masaya?” tanong ko sa sarili ko.
                Nag-lock ako ng pinto. Tinatawag na nga ako para mag-almusal. "Antok pa po ako. Mamaya na lang po ako kakain." Hindi nila ako napilit. Naisip kong mabuti pang matulog na lang ako. Baka sakaling paggising ko ay narito na ang aking ina, na mapagtawad. Baka sakaling pagmulat ng mga mata ko ay kaharap ko na ang nagmamahalan kong mga magulang.
                Pagdilat ng mga mata ko, sina Mama at Papa ang nakita ko. Nakaakbay si Papa kay Mama sa paanan ng aking kama. Nginitian nila ako. "Hihintayin ka namin sa dining para mag-lunch," sabi ni Mama. Tapos, lumabas na sila ng kuwarto.
                Isang sigaw ang narinig ko, pagkatapos. Naalimpungatan ako.
                “Si Mama iyon. Nandito na siya,” bulong ko. Lumabas ako.
                "Masamang tao ka! Lumayas ka sa pamamahay namin. Hindi ka kailangan ng anak ko!" Narinig kong sabi ni Mama. "Umalis ka na ngayon din... pakiusap."
                Nakita ko na si Mama gayundin si Papa. Naaawa ako sa aking ama.
                "Roy?" Nakita ako ni Mama. Nilapitan niya ako. "Kumusta ka na, anak?" Pagkuwa’y niyapos niya ako. "Ano ba kasi ang naisipan mo? Bakit mo ginawa iyon?"
                Hindi ako kumibo. Naiinis ako sa kanya. Bakit pa kasi siya umuwi kung ang ilang araw na makakasama ko si Papa ay mawawala pa?!
                "Miss you, anak… Hindi bale na… Hindi na ako babalik sa abroad. Hindi na kita iiwan... Gusto mo ‘yon, ‘di ba?
                Titingnan ko lang si Mama. Hindi ko siya sinagot upang malaman niyang galit ako sa ginawa at sinabi niya kay Papa. Gusto kong maramdaman niya iyon.
                Nakita kong lumuha si Papa. Pinilit niyang ikubli ang kanyang mga luha.
                "Marami akong pasalubong para sa 'yo... Halika, buksan natin ang bagahe ko. "
                "Hindi ko po kailangan ang anumang materyal..."
                "Roy, aalis na kami ng Papa mo," sabi ni Ate Fely.
                "Hindi po." Binitiwan ko ang pagkakahawak ng kamay ni Mama sa kamay ko. Nilapitan ko si Papa. "Hindi po. Dumito po muna kayo."
                Pinilit magsalita ni Papa. Itinuturo niya si Mama. Nauunawaan ko ang sinasabi niya.
                "Ma, kapag pinaalis mo si Papa ngayon... sasama ako."
                "Huwag matigas ang ulo, Roy. Hayaan mong umalis 'yan. Layuan mo siya!"
                "Bakit, Ma? Dahil ba masamang tao siya, para sa 'yo?"
                "Oo! Masamang tao ‘yang itinuturing mong ama!" Lumapit si Mama sa akin. "Halika ditto! Hayaan mong umalis ang rapist na ‘yan!" Dinuro pa niya ang Papa ko. "Masamang tao ang iniidolo mo!"
                "Masama man siya... mas masahol pa kayo sa kanya!"
                Isang malutong na sampal ang dumapo sa aking pisngi.
                Nag-walk out ako. Sapo-sapo ko ang aking pisngi. Mabilis akong nakalabas para umiyak.
                Sinundan ako ni Mama. "Roy! Saan ka pupunta. Sorry, Roy…"
                Hindi ko na nilingon si Mama. Binilisan ko pa ang paglakad, gamit ang saklay ko. Pumunta ako sa tabing-ilog.


Kabanata 9: Si Pepita
                Hindi ako lumingon. Mas binilisan ko ang paglakad, gamit ang saklay ko. Mahirap, pero buo ang loob kong makalayo sa aking mapanghusgang ina. Hindi ko gustong kinamumuhian niya ang ama kong matagal ko nang inasam. Hindi ko nais na patuloy niyang tatawaging masamang tao ang aking idolo, dahil tao lamang siya. Nagkamali siya minsan, pero pinipilit niyang magbago.
                Ramdam ko namang hindi nakasunod si Mama. Alam kong mas uunahin pa niyang mapalayas si Papa kaysa maabutan ako at maiuwi sa bahay. Wala siyang awa. Paralyzed na nga si Papa, hindi pa niya mapatawad. Maano man lang ba na maging magkaibigan na lang sila, kahit hindi na sila magsama. Ang hangad ko lang naman ay mapalapit ako sa aking ama, dahil ramdam kong gustong-gusto rin niya akong makasama, kahit pa may plano siyang manirahan sa America. Kahit man lang sa mga huling araw niya sa Pilipinas ay magkasama kami. Pero, hindi. Maramot ang aking ina sa pagpapatawad at pagtanggap. Sagad ang galit niya sa tatay kong nang-rape sa kanya.
                Humihingal ako sa pagod, pero pinilit kong makarating sa ilog. Doon ko kasi ilalabas ang sama ng loob ko sa aking ina.
                Halos lawit na ang dila ko at malapnos na ang aking kilikili sa paggamit ng saklay. Pero, nang matanaw ko na si Pepita sa ilog, nagmadali pa ako.
                Natanaw na rin ako ni Pepita at nakangiti pa nga siya sa akin.
                "Hello, Pepita!?" bati ko sa kanya. Tila nawala ang sama ng loob ko sa aking ina.
                Ngumiti si Pepita nang kay tamis. Lalo namang nawala ang pagod ko.
                Ang ganda talaga niya. Kung nakakapagsalita nga lamang siya…
                "Kanina ka pa?"
                Tumango ang kausap ko. Hindi siya tumigil sa pagkusot ng damit. Para siyang laging nagmamadali.
                "Dumating ang Papa ko kahapon," balita ko kay Pepita. Medyo nilungkutan ko ang pagkasabi. Gusto ko kasing pansinin niya ako.
                Ang galing ko. Huminto siya sa pagsabon. Tiningnan niya ako nang pamaang. Nakakurba ang mga kilay. Nag-aabang siya ng sagot ko. Sinamantala ko na iyon. Pumuwesto ako nang maayos para komportable ako.
                "Oo. Kahapon... nang sinundo ako dito ni Lola kahapon. Si Papa pala ang dumating. Masayang-masaya ako nang makita ko siya, kahit nakakalungkot ang kalagayan niya. Ang mahalaga, naalala niya ako. Nakuha ko ang atensiyon niya nang madisgrasya ako." Tiningnan ko muna kung may paparating na tao. Wala. Ibig sabihin, hindi pa ako hinahanap nina Mama at Lola.
                Interesado pa rin si Pepita sa kuwento ko. Ipinagpatuloy ko. "Alam mo ba ang feeling ng makatabi mo sa pagtulog ang magulang mong matagal na panahon mong hindi nakasama?" Natigilan ako nang lumungkot ang mata ni Pepita. Alam kong may problema siya sa pamilya. Pero, hindi ko kayang unawain ang kuwento niya kung sakali. Pero, handa kong subukan. "Walang kasing saya! Parang ayaw ko nang bumangon kanina. Kung hindi nga lang dumating si Mama."
                Nagising ko ang ulirat ni Pepita. Tumitig uli siya sa akin. Ibig sabihin, nag-aabang siya ng kasunod na kuwento.
                "Galit na galit si Mama kay Papa. Pinapaalis niya." Gusto kong umiyak. Naalala ko kasi kung paano tratuhin ni Mama si Papa. Kaya kong tiisin ang sakit ng sampal sa akin ng aking ina, pero hindi ang sakit na dinulot niya kay Papa. "Hanggang sa nasagot ko si Mama. Sinampal niya ako.'' Tuluyan nang umagos ang luha ko. Nainis ako sa sarili ko. Napakaiyakin ko.
                Nagsa-sign language si Pepita. Inintindi ko.
                "Mag-sorry ako sa Mama ko?"
                Tumango si Pepita.
                "Hindi! Ayaw ko!" Galit ako. Kasalanan niya. "Kaya ko lang naman siya nasagot nang pabalang dahil tinawag niya si Papa na masamang tao at pinalalayo niya ako sa kanya."
                Hindi pa rin kumbinsido si Pepita. "Alam mo bang ngayon na lang ang pagkakataon kong makasama si Papa? Aalis na siya papuntang Amerika. Matatagalan siya doon dahil kailangan niyang magpa-therapy. Tapos, pagbabawalan pa ako ni Mama. Tama ba ‘yon?" Hinintay ko ang sagot ni Pepita.
                Nag-sign language siya.
                "Magulang ko nga siya, pero hindi niya pinahahalagahan ang nararamdaman ko. Pareho ko silang mahal. Oo, mali nga ang ginawa ko... " Apologetic ako. Hindi ko maintindihan ang sarili ko.
                Blangko kaming pareho ni Pepita. Gusto kong huwag na naming pag-usapan ang tungkol sa problema ko. Gusto ko sanang makilala siya nang husto.
                Nag-iisip ako ng ibang mapag-uusapan. "Ang dami mong labahan. Gusto mo, tulungan kita?" hirit ko.
                Tumatawa si Pepita. Itinuro  niya ang sementado kong paa. Oo nga naman, nahihirapan nga akong umupo sa bato, tutulong pa akong maglaba.
                "Nagpapatawa lang," palusot ko. "Masyado kasi akong madrama. Nahahawa ka."
                Ngumiwi pa si Pepita. Ibig niyang ipakahulugan na hindi siya naniniwala sa sinabi ko.
                "Oo nga. Nagjo-joke lang ako. Pero, kung gusto mo talaga ng tulong ko, bakit hindi. Kakayanin ko."
                Sumenyas si Pepita.
                "Oo naman! Marunong kaya akong maglaba. Hindi naman kami mayaman, ‘no!" Hawak-hawak ko na ang isang damit.
                Agad naman iyong hinila ni Pepita. Nag-aagawan kami.
                "Sige na, tulungan na kita."
                Ilang beses niyang hinila ang damit. Halos mabanat na ito. Parang sinasabi ng mga mata ni Pepita na "Akin na kasi. Huwag mo na akong tulungan. Nakakahiya sa 'yo!" Hanggang sa bitawan niya ito. Nawala ako sa control, kaya medyo napahiga ako.
                "Roy!" Napasigaw si Pepita.
                Nagulat ako. Hindi siya pipi. "Hindi ka pipi, Pepita?" Nakatungo siya, nahihiya marahil.
                Bumangon ako at inayos ang sarili. Si Pepita naman ay pinigaang lahat ang mga damit na hindi pa nakusot at dali-daling inilagay lahat ang mga iyon sa batyang inalisan ng tubig-sabon. Kapagdaka’y umalis siya.
                "Pepita!" Hinabol ko siya. "Sorry..." Lalo namang nagmadadaling makalayo si Pepita. "Hindi naman ako nagagalit kung nagpanggap kang pipi. Mas gusto ko ngang nakakapagsalita ka."
                Hindi siya lumingon. Patuloy siyang lumakad nang matulin kahit nabibigatan sa dala-dala.
                Ako naman, mas binilisan ko para hindi ako maiwanan. Desidido akong sundan siya kahit hanggang sa bahay nila, kausapin niya lang ako. "Pepita, kausapin mo ako. Gusto kitang makilala... Pepita! Pepita!" Hindi ko na siya kayang habulin. Malayo na siyang nang masyado. Napagod na ako. Pero, alam kong naririnig pa niya ako. "Pepita! Gusto kita!" Isinigaw ko na lang.
                Huminto siya. Hinintay niya ako, kaya nagmadali akong makalapit sa kanya.
                "Gusto kita..." pabulong kong sinabi nang nasa likod na niya ako.
                Nakayuko siya. Ibinaba ang batya.
                "Gusto kitang maging girl friend..."
                Nakayuko pa rin siya.
                "Gusto ko lang malaman kung bakit hindi ka nagsasalita sa tuwing kausap mo ako. Hindi mo ba ako gusto? I mean, hindi mo ba ako gustong kausap?"
                Kinuha niya ang batya.
                "Magsalita ka, please... Kung bawal ka pang makipag-boy friend, okay lang. Kahit kaibigan na lang."
                Humarap na siya sa akin. Tapos, nag-Waray siya. Naunawaan ko ang sinabi niya. Napangiti niya ako. Pero, hindi ko pinahalata dahil baka lalo siyang mailang.
                "Okay lang naman kung hindi ka marunong mag-Tagalog. Kaya ko namang unawain ka. Waray rin ako." Ngingitian ko siya nang napakatamis para iparamdam sa kanya na sinsero ako sa sinasabi ko. "Galog lang ako, pero kaya kong magsalita ng lengguwahe dito."
                Tinititigan ako ni Pepita. Ang ganda niyang tumitig. Nakakatunaw. Nako-conscious tuloy ako.
                Nag-Waray uli siya.
                "Salamat!" Salamat naman at pumayag na siyang makipagkaibigan sa akin.
                Akma na siyang aalis. "Ano nga pala ang tunay mong pangalan?" Hindi siya pipi, kaya ang Pepita na ipinangalan ko sa kanya ay binabawi ko na.
                ''Lanie.''
                "Lanie?" Siya pala si Lanie.
                Tumango si Pepita. Pagkatapos, Tumalikod na si Lanie.
                Para akong na-starstruck. Hindi ako makakilos. “Susundan ko ba siya o titingnan na lang habang papalayo, tanong ko sa sarili ko. “In love na yata ako. Kanina lang ay punung-puno ako ng galit at hinanakit, pero ngayon para akong nakalutang sa alapaap.”
                Natawa ako, lalo na nang nalaman kong nakakapagsalita pala si Pepita, si Lanie pala. Natatawa ako kasi ang pagiging Waray niya lang pala ang dahilan niya kung bakit ayaw niyang magsalita.
                “Inlab din kaya siya sa akin?” kinikilig kong tanong sa aking sarili. “Hala! Pabalik si Lanie!” Biglang tumambol ang puso ko. "O, Lanie?! Bakit bumalik ka? May nakalimutan kang sabihin sa akin?" Kikindatan ko pa siya para may pogi points.
                Dinilaan niya ako na parang bata. Napakamot ako sa ulo ko pagkatapos niyang magsalita ng Waray. Sabi niya, magbabanlaw pa pala siya.
                Tumawa muna ako. "Tulungan na kita."
                "Roy! Roy!' tawag sa akin ni Mama. Nakita ko na siyang papalapit.
                "Uuwi na ako, Lanie. Bye!"
                "Bye!'' Sinundan pa niya ako ng tingin.
                Sinalubong ko na lang si Mama para hindi na marinig pa ni Lanie ang usapan namin.
                "Uwi na tayo, Roy." Inaalalayan niya ako sa paglakad.
                Tahimik lang kaming naglakad pauwi.
                Lumipas ang ilang minuto bago siya nagsalitang muli. "Umuwi na ang Papa mo,” sabi niya.
                Hindi na ako nagtaka. Expected ko nang nakauwi na ito at hindi ko na maabutan dahil halos ipagtabuyan niya ang aking ama. Wala na rin naman akong magagawa. Hindi ko na maabutan si Papa.        
                Hindi na lang ako kumibo para ipadama sa kanya na hindi ko gusto ang ginawa niya kay Papa.
                Nakalayo na kami sa ilog nang magsalita uli si Mama. "Sorry nga pala sa nangyari kanina. Nabigla lang naman ako..."
                Titingnan ko lang siya sa mata para malaman niyang nakinig
ako sa sinabi niya.
                Nagpapakiramdaman kami ni Mama. Parang lumayo ang loob naman sa isa't isa. Dati-rati, napakalambing namin sa isa’t isa. Lagi niya akong kini-kiss, gayundin ako sa kanya. Na-miss ko naman siya, kaya lang hindi ko na kayang ibalik pa ang dati. Pero, kung sasabihin niyang napatawad na niya si Papa, agad ko siyang yayakapin at iki-kiss. Pasasalamatan ko siya at magsoso-sorry ako sa kanya.
                "Sino nga pala ang kausap mo sa ilog?' Iniba niya ang usapan-- trying hard, para makuha niya ang loob ko. Naisip kong hindi siya mananalo sa akin.
                "Si Lanie po," matabang kong sagot. Nakita kong gusto niya akong tuksuhin, gaya ng ginagawa niya dati sa akin, kapag may babaeng napapalapit sa akin. Naasiwa ako, kaya binilisan ko pa ang paglakad upang hindi na niya ako muling makausap.
                Gusto ko namang pag-usapan si Pepita, si Lanie pala... kaya lang hindi si Mama ang gusto kong kausap tungkol dito. Gusto kong si Lola ang unang makaalam tungkol sa babaeng napupusuan ko. Kung makakasama ko nga uli si Papa, sa kanya ko nais magkuwento. Kaso, wala na siya.
                Nang malapit na kami sa bahay, hindi na uli nagsalita si Mama. Ako na lang ang nagsasalita para hindi naman siya masyadong magmukhang-tanga. "Napagod po ako. Magpapahinga lang po ako." Hindi ko siya tiningnan.
                "Roy!" Nakita ako ni Lola. May gusto pa siyang sabihin, kaya lang nakabuntot si Mama.
                "Magpapahinga lang po ako."
                "Ay, mabuti pa nga. Mukhang napagod ka nga nang husto."
                “Mabuti pa sila Lola, maunawain. Hindi tulad ni Mama, makasarili,” naisaloob ko.
                Hindi naman talaga ako napagod nang sobra. Gusto ko lang takasan si Mama. Ayaw ko siyang kausap. Hindi ko lang alam kung hanggang kailan ko siya matitiis.
                Hindi ko ini-lock ang pinto. Ramdam kong may gustong sabihin si Lola. Ang hula ko’y pupuntahan niya ako sa kuwarto.
                Ang sarap alalahanin si Lanie. Hindi ko na napigilan na sabihing gusto ko siya. Mabuti rin pala na nasagot ko si Mama dahil magkakataon palang magkita kami sa ilog.
                Tatlong mahihinang katok sa pintuan ko ang aking narinig. Nahiling kong sana hindi si Mama at kung siya nga, hindi ako kikibo,. Magtutulog-tulugan ako.
                Nakapasok na ang kumatok. "Roy, gising ka pa ba?" Si Lola pala.
                Nakahinga ako nang maluwag. "Opo!" Bumangon ako para makausap ko siya.
                Umupo si Lola sa paanan ng kama ko. Ako naman, sumandal sa headboard.
                "Umalis na ang Papa mo," malungkot na simula ni Lola.
                Pero, mas malungkot ako sa nangyari. Ako ang nawalan. Ako ang biktima. "Bakit po gano’n si Mama?" Hininaan ko lang ang boses ko para hindi marinig ng aking ina, kahit alam kong ini-lock naman ni Lola ang pinto.
                "Hindi natin masisisi ang Mama mo... pero kung ano man ang desisyon niya, dapat nating igalang."
                Tama naman si Lola, na-realize ko.
                "Ang mahalaga, tanggap ka na ng Papa mo. Darating din ang tamang oras na mapapatawad siya ng Mama mo at magsasama-sama kayong tatlo.”
                "Sana nga po Lola..."
                Nginitian ako ni Lola. "Sabi ng Papa mo, binata ka na. Isang araw, ma-i-in love ka rin sa isang babae."
                Tama si Papa. Ang galing niyang manghuhula. Oo, binata na ako. At, in love na rin ----kay Lanie.
                Ngingitian ko muna si Lola. Alam kong alam na niya ang kahulugan ng mga ngiti at kislap ng mga mata ko.
                "Sabi pa niya, kung magmamahal ka, dapat mahal ka rin. Hindi puwedeng isa lang ang nagmamahal."
                Nauunawaan ko si Papa. Ayaw niya akong magaya sa kanya. Siya lang kasi ang nagmahal. Hindi siya mahal ni Mama, kaya naisipan niyang gahasain si Mama para lang makuha niya. Kaya lang, hindi naman nakatulong, kundi nakasama pa.
                Hindi ko rin masasabi at maipapangako. Ako kasi kapag mahal ko, ipinaglalaban ko.
                "Lola, kilala niyo po ba si Lanie?" Kinilig ako, habang itintanong iyon.
                Nakangiti kaagad si Lola. Parang kinilig din. Kasunod niyon, ay naririnig akong tumatawag kay Lola. Narinig din ni Lola, kaya tumayo na siya. "Sandali lang, Roy."
                Hindi ako interesado kung sino man ang tumawag kay Lola, pero naririnig ko ang usapan nila. Parang kilala ko ang boses ng babae --si Lanie. Nagtaka ako kung ano ang pakay ni Lanie kay Lola. Agad naman akong sumilip sa pintuan, baka sakaling makita o mas marinig ko sila.
                Nagsalita ng Waray sina Lanie at Lola, ngunit nauunawaan ko. Ikinagitla ko nang mapag-alaman kong labandera pala ni Lola ang Nanay ni Lanie. May sakit daw ang Nanay niya, kaya inutusan siyang pumunta sa bahay para makiusap kung maaaring siya na lang ang maglaba ng mga damit naming, habang hindi pa kaya ng kanyang ina.
                Nalungkot ako. Tila kinurot ang puso ko. Bakit sa kamusmusan ni Lanie ay kailangan niyang makaranas ng ganitong hirap ng buhay? Naawa ako sa kanya, pero naisip kong wala namang akong maitutulong.
                Tinanong ni Lola kung kaya ba ni Lanie ang paglalabada at kung maayos ba siyang maglaba. Sinigurado naman ng aking iniirog na kaya niya at maayos siyang maglaba. Kaya, pumayag na si Lola. Naroon pala si Mama at medyo tutol sa desisyon ni Lola, pero wala naman siyang nagawa. Damit naman namin ni Lola ang palalabhan niya.
                Gusto kong lumabas para makita at makausap si Lanie, kaya lang baka mahiya siya kapag malaman niyang apo ako ng taong seserbisyuhan niya. Ayaw ko siyang maasiwa sa akin.
                Pagkaabot ni Lola kay Lanie ng mga labahan, bumalik siya sa kuwarto ko. Nakabalik na rin ako sa dati kong puwesto.
                "Si Lanie ang dumating. Kilala mo na ba siya?” Nginitian pa ako ni Lola. “Uuuy!"
                Hindi ako kinilig. Naawa kasi ako kay Lanie. Gusto kong sabihin kay Lola na gusto ko siya, pero baka tumutol lang siya.
                "Crush ko po siya, Lola." Alam kong namula ang mga pisngi ko.
                Malulutong ang tawa ni Lola, subalit may halong kilig.
                "Sino ang crush mo, anak?" Nakita ko sa may pintuan si Mama. Pinilit niyang mapaaliwalas ang kanyang mukha.
                Hindi ako sumagot. Ayaw kong malaman niya.
                "Binata na ang apo mo, Ma!" sabi ni Mama. Kausap niya si Lola.
                "Oo nga… Parang kailan lang..."
                "Pero, sino nga ba ang crush ni Roy? Puwede ko bang malaman?" Sweet-sweet-an naman ang tono niya. Parang nakalimutan na yatang sinampal niya ako.
                Nagtinginan kami ni Lola.
                "Ma? Pinagkakaisahan niyo ako, ha. Sino nga ang crush ng anak ko?" Hindi naman siya galit, makulit lang.
                "Yon!" sagot ni Lola. Medyo natatakot siyang tumingin sa akin.
                "Iyong anak ng labandera?! O, my God!" Nanlilisik ang mga mata ni Mama. Kakaiba. Mas natakot ako sa kanya sa sandaling iyon kaysa noong sinampal niya ako.
                "Ano naman ang problema doon?" tanong ni Lola. "Maganda naman si Lanie. Bagay na bagay kay Roy. Pogi." Pinipilit ni Lola na mapakalma si Mama. "Puppy love lang iyan. Hindi ba, Roy?" Kumindat pa si Lola.
                "Diyos ko, Ma! Nagpapakakuba ako sa ibang bansa para mabigyan ng magandang kinabukasan si Roy. Tapos, ganyang klaseng babae lang ang pipilin niya!"
                Ang sakit talagang magsalita ni Mama. Nakakapuno na ng salop. Gusto ko na uli siyang sagutin.
                "Belinda, hindi kita pinalaking mapangmata. Hindi na kita kilala!" Galit na rin ang tono ni Lola.
                Natuwa ako. Kahit hindi na ako magsalita, alam kong ipagtatanggol ako ni Lola. Kaya, yumuko na lang ako at nakinig.
                "Ma, hindi naman masama ang nais ko kay Roy. Bilang ina, iyon ang nararapat..."
                "Ina rin ako... pero never kitang hinandlangan sa mga gusto mo. Noong gusto mong mag-abroad sinuportahan kita… Noong gusto mong iwan ang lugar na ito para tumakas sa kahihiyan, sinunod kita. Sinuportahan kitang mangupahan tayo sa Manila, kahit dito ay may disente naman tayong tirahan. Ngayon ba, nakarinig ka sa akin ng pagtutol? Lahat halos ng suporta, ginawa ko… kahit… kahit madalas mali."
                "Iba ang kaso ko, Ma...''
                "Anong iba? Pinipilit mong maging perpekto ang buhay ng anak mo, pero hindi mo naman hinaharap ang reyalidad ng buhay. Gusto mong maging mariwasa ang buhay ni Roy, pero inilalayo mo naman siya sa tatay niya. Pinipilit mo ang gusto mo para sa kanya, e, magkaiba nga kayo. Siya si Roy. Ikaw si Belinda. Hayaan natin siyang gawin ang mga gusto niya. Narito tayo para alalayan siya para sa kanyang ikakabuti... Nakita mo na ang epekto ng ginawa mo? Ayan! Sementadong paa. Sige... dagdagan mo pa." Nag-walkout si Lola pagkatapos ng kanyang magandang litanya. Naiwan si Mama sa kuwarto ko. Alam kong tinamaan siya at umiiyak.
                Ilang segundong nakatayo si Mama sa harap ko bago siya lumabas sa kuwarto. Nakahinga ako nang maluwag. “Ang drama ng pamilya ko,” naibulong ko.
                Tama naman si Lola. Idol ko na siya. Noon ko lang siya nakitang nagalit kay Mama. Dati-rati, sunod-sunuran lang siya sa aking ina. Mabuti nga’t natauhan na siya. Sumobra na rin kasi si Mama. Minsan kailangan niya ring pagalitan para magising sa katotohanan.
                Masaya ako sa nangyari. Masaya ako dahil hindi tutol si Lola sa pagkakagusto ko kay Lanie. Hiniling kong magbago na si Mama kasi kahit anong mangyari, gusto ko si Lanie. Gusto ko siyang mahalin, kahit anak pa siya ng labandera o kahit mamana niya ang pagiging labandera. Hindi naman katayuan sa buhay ang batayan ng tunay na pagmamahal, kundi ang pagtanggap at respeto. Gusto ko si Lanie, kahit maging si Pepita man siya.


Kabanata 10: Si Lanie
                Isang oras ang lumipas pagkatapos na magkasagutan sina Mama at Lola sa kuwarto ko, hindi ako mapakali. Gusto kong lumabas muli ng bahay. Gusto kong samahan at tulungan si Lanie sa kanyang paglalaba. Gusto ko siyang makausap.
                Lalong sumama ang loob ko sa aking ina. Dati-rati, ang taas ng respeto at pag-iidolo ko sa kanya. Pero, biglang naglahong lahat ang mga iyon. Mas masahol pa siya sa taong nanggahasa sa kanya. Mapangmata siya. Hindi porke't mahirap lang si Lanie, hindi na ako bagay sa kanya. Pareho lang naman kaming tao. Habang tinututulan niya ako para kay Lanie, lalo namang nagpupuyos ang damdamin ko para sa kanya. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganoon para sa kapwa ko. Si Lanie ang unang babaeng mamahalin ko, maliban sa aking ina at lola. Siya ang sa tingin ko ang magpapasaya sa malungkot kong buhay.
                Naisipan kong lumabas ng bahay. Umupo ako sa kawayang bench sa ilalim ng puno. Inaliw ko ang sarili ko sa pakikinig ng musikang nagmumula sa pagaspas ng dahon at sa mga huni ng ibong nagliligawan, gayndin sa pagnamnam ng sariwang hangin.
                Isang boses-babae ang naririnig kong tumawag sa lengguwaheng Waray. Katumbas iyon ng "Tao po!" sa Tagalog. Si Lanie, naisip ko.
                Nilapitan ko siya nang masiguro kong siya nga, subalit gusto niyang umurong nang makita niya ako. Nagmadali akong lumapit sa kanya. "Lanie, ikaw pala? Halika, tuloy ka."
                Nagwawaray siya. Dito raw pala ako nakatira.
                "Oo."
                "Lanie, nandito ka na pala." bati ni Lola, habang palapit sa amin. "Halika na! Huwag ka nang mahiya, ha. Siya ang apo kong ikinukuwento ko sa 'yo. Alam kong nagkita at nagkakilala na kayo ni Roy sa ilog."
                Lalong namula ang mga pisngi ni Lanie. Hindi siya nakatingin sa akin. Ilang Segundo ang lumipas, saka siya nag-Waray.
                Kausap niya si Lola. Hindi ko iyon naintindihan. Nag-Waray na rin si Lola.
                Pagkuwa’y nagpapaalam na si Lanie kay Lola.
                "Uuwi ka na?" malungkot kong tanong kay Lanie. Tumango lang siya. "Sige, ingat!" Kumaway pa ako, habang nakatingin pa siya sa amin.
                Agad siyang nakalayo sa amin. Umakbay naman si Lola sa akin, nang nawala sa paningin naming si Lanie. Pagkatapos, tinunton namin ang kinaroroonan ng kawayang bench. Doon ay umupo kami nang magkaharap.
                "Roy, si Lanie at ang pamilya niya ang katiwala ko sa bahay na ito nang nasa Manila tayo. Masipag 'yan si Lanie. Siya ang nagmi-maintain ng garden ko."
                Nalulungkot pa rin ako, sa mga oras na iyon dahil alam kong nahiya si Lanie nang makita ako. "Kaya po ba siya pumunta rito ngayon?"
                "Tama ka. Kailangan na niya kasing magdamo sa paligid natin... Kaya lang, nakita ka. Hindi niya alam na apo kita. Nahihiya raw siya sa 'yo."
                "Sabi ko na nga ba, e… Puwede ko po ba siyang sundan?"
                "Naku, huwag na, baka lalo lang mahiya sa 'yo. Alam mo kasi, grabeng hirap ng buhay nila. Kaya nga, para may kabuhayan silang mag-anak, pinapatulong ko na lang dito sa bakuran natin..."
"Sige n    a po, ‘La." Nag-smile ako para payagan ako.
                "Kung ako lang ang masusunod, papayagan kita, kaya lang... alam mo na..." Ngumuso pa siya sa direksiyon ng bahay.
                Na-gets ko na. "May kontrabida!"
                "Sssh. Baka marinig ka."
                Nagtawanan kami.
                "Sige na po... Payagan niyo na po ako. Ang takot lang ni Mama sa 'yo."
                Natawa uli si Lola. "O, siya... siya. Sige na. Mag-iingat ka."
                Lumalakad na agad ako, gamit ko ang aking saklay, nang maalala kong hindi ko pala alam ang bahay ni Lanie.
                Napangiti si Lola nang pumihit ako pabalik. "Excited kasi. Hindi mo pa nga alam ang bahay, e."
                Natawa rin ako. "Saan nga po banda ang bahay nila?"
                "Diretso. Kanan. Kaliwa. Kaliwa uli. Liko sa kanan. Kanan pa. Tapos, diretso. Tapos liko sa kanan."
                "Binibiro mo naman ako, Lola, e. Ang hirap naman ng direksyon niyo."
                Mamamatay-matay sa kakatawa si Lola. Gusto ko sanang tumawa rin, kaya lang nakita ko si Mama sa may pinto ng bahay namin. Nakasimangot siya at nakatiklop ang mga kamay sa may dibdib niya. Hindi ko siya pinansin. Hindi ko rin siya papansin sakaling lumapit siya.
                "Lola... sa'n nga po?"
                "Nag-iisa lang ang bahay ditto, na yari sa pawid ang dingding. Madaling mahanap iyon. Mas maganda ang may thrill, apo." Kumindat pa si Lola.
                Nauunawaan ko naman siya. Tama naman. Kailangan kong paghirapan ang bawat bagay na aking minimithi. Hindi lahat ang bagay na hinihiling ay binibigay agad ng Diyos.

Kabanata 11: Si Aling Mela
Hindi ko naramdaman ang hirap sa paglakad gamit ang saklay. Mas nahirapan pa akong mahanap ang bahay ni Lanie.
Sa may kaniyugan ko natagpuan ang bahay na gawa sa pawid. Inisip kong iyon na nga ang bahay ni Lanie, ayon sa deskripsiyon ni Lola.
Tila nakalimutan kong may saklay ako nang lumapit ako sa bahay na iyon.
Walang tao sa paligid. Ang mga damit na nakasampay sa mga kawayang bakod ang tanging mga nakikita ko.
Bago ako nakalapit sa tarangkahang kawayan, may narinig akong sigaw na pagalit ng lalaki. Inisip kong pinagagalitan si Lanie ng kaniyang ama. Gusto kong bumalik na lang sa bahay. Naisaloob ko, na hindi iyon ang tamang panahon para bumisita ako.
Naririnig ko pa ang singhal at pagalit ng ama ni Lanie nang napagdesisyunan kong bumalik na lang sa bahay. Naulinig ko rin na tila ipinagtatanggol ng ina si Lanie. Hindi na ako lumingon, baka lalo lang mahiya si Lanie kapag nakita ako.
"Pastilan!" mariing bigkas ng pamilyar na boses mula sa aking likuran.
Nalunok ko ang laway ko at nanginig ang buo kong katawan. Hindi ko alam kung lilingon ako o tatakbo. Alam ko ang ibig sabihin ng salitang iyon, lalo na't may binulong pa siyang iba. Ngunit, nawala ang kaba at takot ko nang lumampas sa akin ang lalaki. Huminto ako't pinagmasdan siya habang mabilis na naglalakd palayo. Hindi naman pala siya nakakatakot, naibulong ko. Katamtaman lang ang taas at katawan niya. Nakakasindak lang talaga ang boses niya.
Kaagad akong nagdesisyong bumalik sa bahay nina Lanie. Pagbaling ko, nasa tapat na ng tarangkahan si Lanie. Napahinto kaming pareho. Ilang segundo ring nagkatitigan kami, habang tila nais bumuka ang aming mga bibig. Siya ang unang bumitaw ng tingin. Nakita kong namumula ang kaniyang mga mata.
Ako naman ang unang bumigkas ng salita. "Hi, Lanie!" bati ko, pagkatapos kong humakbang palapit sa kaniya.
"Bakit ka nandito?" nahihiyang niyang tanong "Papunta ako sa inyo para... para..."
"Ang sipag mo naman." Pinasaya ko ang boses ko, habang pilit naman niyang ikinukubli ang kaniyang mga mata. "Tara, sama ka na sa akin pabalik."
                Pagkatapos tumango, walang kibong lumakad si Lanie. Ilang sandali rin kaming naging tahimik.
"Pinasusundo ba ako ng... ng lola mo, kaya… kaya ka pumunta?" tanong niya. Nahihirapan siyang mag-Tagalog.
"Hindi. Hindi! Na-boring lang ako sa bahay. Gusto kong maglibot-libot. Naisipan kong pumunta sa inyo. Hindi ko alam na pupunta ka pala sa bahay."
Naging tahimik uli kaming dalawa. Hindi naman siya nagmadaling maglakad kahit mabagal ako, pero hindi niya ako inalalayan. Okay lang. Ang mahalaga, nakikita ko siya. Tila lumakas ako nang mapansin kong nanumbalik ang dating kulay ng mga mata niya.
"Tatawagin ko lang si Lola.'' Nginitian ko muna si Lanie, bago ko siya iniwan sa may ilalim ng puno. Nagpainot-inot na ako sa paglakad papasok sa bahay, katuwang ang aking saklay. Ipinakita ko sa kaniya na hindi ako hirap sa paglakad, kahit ang totoo, nahihirapan ako.
Hinagilap ko si Lola sa loob ng kabahayan at sinabing nasa labas si Lanie. Agad naman akong umakyat sa kuwarto para silipin sila. Nakita kong may binibigay na instructions si Lola kay Lanie. Mayamaya, nagsimula nang magdamo ang kaibigan ko.
Matagal ko siyang pinagmasdan mula sa bintana ng aking kuwarto. Nang makaramdam ako ng pagod, saka lamang ako tumigil. Inilapat ko ang aking likod sa kama. Doon, binalikan kong lahat ang mga pangyayari sa akin mula noong malaman ko na si Sir Gallego ang aking ama hanggang sa kapusukan ko. Noon lamang ako natakot sa ginawa kong paglalayas. Hinipo ko ang aking sementadong paa. Hindi ako nagsisisi, kung bakit natamo ko iyon, pero nanghinayang ako dahil nasayang lang ang effort ko para makasama ang aking ama, nang dahil sa pagiging makasarili ng aking ina. Kailanman hindi siya liligaya, kung hindi siya matutong magpatawad.
Malalakas na katok sa pinto ng kuwarto ko ang gumising sa akin.
"Roy, kakain na," sabi ni Lola. Hindi ko alam kung ilang beses na siyang kumatok at nagsalita.
"Opo! And’yan na po." Saka ko lang naalala si Lanie. Kumain na kaya siya?
Patakbo akong lumapit sa bintana para silipin siya. Siyempre nagbabaka-sakali lang ako. Alam ko namang mabibigo ako. Pero, biglang lumiwanag ang mga mata ko nang maisip kong baka kasabay namin siyang mananghalian. Kaya, agad akong bumaba.
"Kain na, Roy," yaya ng aking ina.
Na-disappoint ako sa aking narinig. Parang nabusog na ako nang makita siya. Pero, wala akong nagawa. Kumain pa rin ako. Iyon nga lamang, tahimik kaming tatlo. Walang nagsalita. Pasulyap-sulyap lang kami sa isa’t isa. Alam ng aking ina na may tampo ako sa kaniya. Higit lalong alam ni Lola ang nangyari sa amin.
Hindi ako susuko hanggang hindi niya pinapatawad si Papa. Okay lang din na hindi siya mag-sorry. Balewala na rin kasi. Nasaktan na niya ang aking ama. Hindi na rin niya mahahabol pa si Papa. One week na lang, aalis na siya. Siguro, sa mga oras na iyon, desididong-desidido na siyang bumiyahe patungong Amerika. Sa masasakit na salitang natanggap niya kay Mama, hindi na niya pipilitan pang humingi ng tawad. Ako man ay masasaktan.
Gusto kong makaiwas kay Mama, kaya humanap ako ng paraan para makalayo-layo sa bahay. Tinungo kong muli ang bahay nina Lanie, sa kabila ng matinding sikat ng araw.
"Roy?!" Nagulat si Lanie at muntik nang mabitawan ang mga damit na hawak mula sa kawayang bakod.
"Hi, Lanie!" Ngumiti pa ako na animo’y hindi ako napagod sa paglalakad nang nakasaklay.
"Hi!" Pagkatapos, nagmadali siyang pumasok sa kanilang bahay.
Todo ang ngiti ko habang naghihintay. Alam kong babalik siya. Pero, nagkamali ako. Ang nanay niya ang lumabas.
"Magandang hapon po!" bati ko sa ilaw ng tahanan. Payat siya. Halatang nahihirapan sa buhay.
 Tumango lamang siya bilang pagtugon. "Sorry, hindi pa makakabalik si Lanie sa inyo. Nahihilo raw kasi siya."
                "A, gano’n po ba? Okay lang po. Saka, hindi po iyon ang pinunta ko rito. Gusto ko lang pong maglakad-lakad para..." Tiningnan ko ang sementado kong paa.
 "A... Thank you po!"
                Nginitian ko ang nanay ni Lanie, pagkatapos niyaya niya akong sumilong kami sa kubol. Bago ako nakaupo, narinig ko ang mga boses ng mga kapatid ni Lanie. Sumilip-silip naman ang dalawang nakakabata niyang kapatid nang nakaupo na kami. Suwerte ko naman dahil wala raw roon ang haligi ng tahanan nila.
“Pasensiya ka na, magulo ang bakuran namin,” simula ng ina ni Lanie, nang nakaupo na ako.
“Okay lang po! Hindi po ako pumunta rito para tingnan ang inyong bakuran.” Binigyan ko siya ng matamis na ngiti, na sinuklian naman niya ng ngiming ngiti.
Sa una, nangapa ako ng mga sasabihin at itatanong, pero nang kinumusta niya ang mama ko, nagsimula na ang masiglang usapan.
Hindi ko ikinuwento kay Aling Mela ang tungkol sa pagtatampo ko kay Mama. Kahit ganoon ang nangyari, ayaw kong masira ang respeto niya sa aking ina.
"Kailan babalik ang Mama mo sa abroad?" kaswal niyang tanong.
"Hindi ko po alam. Sana nga po bumalik na siya agad."
"Ha? Bakit naman? Ayaw mo ba siyang makasama nang matagal?"
Natauhan akong bigla. Hindi kaagad ako nakaisip ng idadahilan. "A, e, gusto ko naman po, kaya lang... gusto ko na pong bumalik sa Manila."
Mas gusto mo bang mag-aral doon?"
Tumango lang ako habang tinatantiya si Aling Mela. Tiniyak kong nailiko ko na ang tungkol sa relasyon naming mag-ina.
"Sabagay, maganda naman talagang mag-aral sa Manila. Naranasan ko namin iyan ng Mama mo."
Nanlaki ang mga mata ko sa aking narinig. "Talaga po? Naging magkaklase po kayo ni Mama sa Manila?"
Nginitian muna ako ni Aling Mela bago siya tumango. "Matalino ang Mama mo. Idol ko siya."
Napansin kong hindi tugma ang sinabi niya sa kaniyang emosyon. May lungkot akong naaninag sa kaniyang mga mata.
"Kumusta po si Mama bilang kaibigan?" Nagbakasakali akong may malalaman ako tungkol sa aking ina.
"Mabait siyang kaibigan. Mula pa noon, Malaki na ang naging tulong pinansiyal niya sa akin. Pagdatinh sa pera at pagtulong, hindi niya ako binibigo."
Nabigo ako. Nagulat pa nga ako nang malaman kong nahinto silang pareho sa pag-aaral at hindi na natapos. Hindi naman na niya sinabi pa ang dahilan. Naisip ko na lang na baka dahil nabuntis sila pareho. Hidni na rin ako nag-usisa pa.
Sa dami ng pinagkuwentuhan at pinag-usapan namin ni Aling Mela, nakalimutan ko ang hinanakit sa aking ina. Hindi siya nakakasawang kausap. Siya ang nagpanumbalik ng ngiti sa mga labi ko at sa puso ko. Nakapagbigay rin siya ng mga simpleng aral sa buhay. Siya na yata ang ina na dumaan sa matinding pagsubok sa buhay. Kung dati ang akala ko, si Mama na ang pinakahinamon ng buhay, hindi pala. Si Aling Mela pala ang tunay na simbolo ng pagiging ina. Siya nga ang tunay na ilaw ng tahanan.
 "Napakamahiyain po si Lanie, ano po?" wika ko nang nagmadali siyang lumabas upang kunin ang walis tingting.
                 "Oo."
                May kumurot sa puso ko sa tugon ng ina. Tila may nais pang sabihin sa akin si Aling Mela.
"Iyon po ba ang dahilan kung bakit hindi siya nag-aaral?" Nilakasan ko ang loob ko upang mabigkas ko ang nasa isip ko.
                Tumingin muna si Aling Mela sa akin at agad niya itong inilayo. "Baka hinahanap ka na ni... ni Belinda, I mean, ng Mama mo."
Walang ano-ano, pareho kaming napatingin nang malakas sa pag-iyak ng kapatid ni Lanie.
"Sige na, iho, saka na lang tayo mag-usap. Salamat nga pala sa pagbisita mo sa amin." Ipinatong pa niya ang kaniyang kamay sa balikat ko, bago niya ako tinalikuran.
Sinundan ko ng tingin ang pagpasok niya sa munting tahanan nila at saka ako tahimik na lumabas sa kanilang bakuran. Nalungkot ako dahil hindi ko man lang nasilayan ang magandang mukha ni Lanie, bago ako lubusang nakalayo. Subalit, masaya ako sapagkat nakilala ko ang kaniyang ina. Mas humanga na ako sa kaniya kaysa sa aking sariling ina. Malaki ang kanilang kaibahan.
                "Saan ka ba nagsusuot, bata ka? Kanina ka pa hinahanap ng Mama mo," salubong sa akin ni Lola. Inalalayan niya pa ako sa pagpasok sa bahay.
                "Naglakad-lakad lang po."
                "Matigas talaga ang ulo mo!" singhal ni Mama. Nasa may sala siya, nakahalukipkip. Nangangalit ang mga mata niya. "Sa'n ka galing? Hindi mo ba naisip, na may nag-aalala sa 'yo?"
"Diyan lang po..." Gusto ko nang dumiretso sa kuwarto. Alam ko kung ano ang patutunguhan ng tagpong iyon.
"Sa'n nga? Bumalik ka rito."
                Tumigil ako, pero hindi ko siya titingnan.
 "Sa bahay ni Aling Mela."
                "Bakit ka pumunta roon!?" Naramdaman ko na agad na tumayo si Mama para lumapit sa akin. Nang nilinga ko, tama nga ako.
                 "Bakit? Hindi ho ba puwedeng kausapin ang mga taong tumutulong sa atin?"
                "Hindi! Ano’ng sabi niya sa 'yo? Ano’ng pinag-usapan ninyo?" Nakalapit na siya sa akin. "Ano? Ano?" Niyugyog niya pa ang mga braso ko.
"Belinda!" Umintra na si Lola. "Pagpahingahin mo naman ang anak mo… Roy, akyat na."
"Ayan ka na naman, Ma, e. Kaya, nai-spoiled sa 'yo ang lalaking 'yan!"
                Umakyat na ako nang dahan-dahan. Gusto ko kasing marinig kung paano ako ipagtanggol ni Lola.
                "Hindi siya spoiled! Hindi mo alam ang sinasabi mo. Ako ang lubos na nakakakilala sa kan'ya dahil madalas ako ang kasama niya."
                "Hindi 'yon ang punto ko, Ma… Diyos ko naman... Lahat naman ng ginagawa ko, para sa kan'ya. Bakit nagkakaganito?"
                "Ewan ko sa 'yo. Sagutin mo ang mga tanong mo..."
Hindi ko na nauulinig ang dalawa. Ang alam ko, may malaking dahilan kung bakit ganoon na lamang ang reaksiyon ni Mama nang malaman niyang kina Aling Mela ako nanggaling. Binigyan niya lang ako ng dahilan para magtaka. Kailangan kong malaman ang katotohanan. At, si Aling Mela ang taong makakasagot sa mga katanungang naglalaro sa aking isipan.
Hindi ko ikinuwento kay Aling Mela ang tungkol sa pagtatampo ko kay Mama. Kahit ganoon ang nangyari, ayaw kong masira ang respeto niya sa aking ina.
"Kailan babalik ang Mama mo sa abroad?" kaswal niyang tanong.
"Hindi ko po alam. Sana nga po bumalik na siya agad."
"Ha? Bakit naman? Ayaw mo ba siyang makasama nang matagal?"
Natauhan akong bigla. Hindi kaagad ako nakaisip ng idadahilan. "A, e, gusto ko naman po, kaya lang... gusto ko na pong bumalik sa Manila."
Mas gusto mo bang mag-aral doon?"
Tumango lang ako habang tinatantiya si Aling Mela. Tiniyak kong nailiko ko na ang tungkol sa relasyon naming mag-ina.
"Sabagay, maganda naman talagang mag-aral sa Manila. Naranasan ko namin iyan ng Mama mo."
Nanlaki ang mga mata ko sa aking narinig. "Talaga po? Naging magkaklase po kayo ni Mama sa Manila?"
Nginitian muna ako ni Aling Mela bago siya tumango. "Matalino ang Mama mo. Idol ko siya."
Napansin kong hindi tugma ang sinabi niya sa kaniyang emosyon. May lungkot akong naaninag sa kaniyang mga mata.
"Kumusta po si Mama bilang kaibigan?" Nagbakasakali akong may malalaman ako tungkol sa aking ina.
"Mabait siyang kaibigan. Mula pa noon, Malaki na ang naging tulong pinansiyal niya sa akin. Pagdatinh sa pera at pagtulong, hindi niya ako binibigo."
Nabigo ako. Nagulat pa nga ako nang malaman kong nahinto silang pareho sa pag-aaral at hindi na natapos. Hindi naman na niya sinabi pa ang dahilan. Naisip ko na lang na baka dahil nabuntis sila pareho. Hidni na rin ako nag-usisa pa.
Sa dami ng pinagkuwentuhan at pinag-usapan namin ni Aling Mela, nakalimutan ko ang hinanakit sa aking ina. Hindi siya nakakasawang kausap. Siya ang nagpanumbalik ng ngiti sa mga labi ko at sa puso ko.
Nakapagbigay rin siya ng mga simpleng aral sa buhay. Siya na yata ang ina na dumaan sa matinding pagsubok sa buhay. Kung dati ang akala ko, si Mama na ang pinakahinamon ng buhay, hindi pala. Si Aling Mela pala ang tunay na simbolo ng pagiging ina. Siya nga ang tunay na ilaw ng tahanan.
"Napakamahiyain po si Lanie, ano po?" wika ko nang nagmadali siyang lumabas upang kunin ang walis tingting.
                 "Oo."
                May kumurot sa puso ko sa tugon ng ina. Tila may nais pang sabihin sa akin si Aling Mela.
                "Iyon po ba ang dahilan kung bakit hindi siya nag-aaral?" Nilakasan ko ang loob ko upang mabigkas ko ang nasa isip ko.
                Tumingin muna si Aling Mela sa akin at agad niya itong inilayo. "Baka hinahanap ka na ni... ni Belinda, I mean, ng Mama mo."
Walang ano-ano, pareho kaming napatingin nang malakas sa pag-iyak ng kapatid ni Lanie.
"Sige na, iho, saka na lang tayo mag-usap. Salamat nga pala sa pagbisita mo sa amin." Ipinatong pa niya ang kaniyang kamay sa balikat ko, bago niya ako tinalikuran.
Sinundan ko ng tingin ang pagpasok niya sa munting tahanan nila at saka ako tahimik na lumabas sa kanilang bakuran. Nalungkot ako dahil hindi ko man lang nasilayan ang magandang mukha ni Lanie, bago ako lubusang nakalayo. Subalit, masaya ako sapagkat nakilala ko ang kaniyang ina. Mas humanga na ako sa kaniya kaysa sa aking sariling ina. Malaki ang kanilang kaibahan.
                "Saan ka ba nagsusuot, bata ka? Kanina ka pa hinahanap ng Mama mo," salubong sa akin ni Lola. Inalalayan niya pa ako sa pagpasok sa bahay.
                "Naglakad-lakad lang po."
                "Matigas talaga ang ulo mo!" singhal ni Mama. Nasa may sala siya, nakahalukipkip. Nangangalit ang mga mata niya. "Sa'n ka galing? Hindi mo ba naisip, na may nag-aalala sa 'yo?"
"Diyan lang po..." Gusto ko nang dumiretso sa kuwarto. Alam ko kung ano ang patutunguhan ng tagpong iyon.
"Sa'n nga? Bumalik ka rito."
                Tumigil ako, pero hindi ko siya titingnan.
                "Sa bahay ni Aling Mela."
                "Bakit ka pumunta roon!?" Naramdaman ko na agad na tumayo si Mama para lumapit sa akin. Nang nilinga ko, tama nga ako.
                "Bakit? Hindi ho ba puwedeng kausapin ang mga taong tumutulong sa atin?"
                "Hindi! Ano’ng sabi niya sa 'yo? Ano’ng pinag-usapan ninyo?" Nakalapit na siya sa akin. "Ano? Ano?" Niyugyog niya pa ang mga braso ko.
"Belinda!" Umintra na si Lola. "Pagpahingahin mo naman ang anak mo… Roy, akyat na."
"Ayan ka na naman, Ma, e. Kaya, nai-spoiled sa 'yo ang lalaking 'yan!"
                Umakyat na ako nang dahan-dahan. Gusto ko kasing marinig kung paano ako ipagtanggol ni Lola.
                "Hindi siya spoiled! Hindi mo alam ang sinasabi mo. Ako ang lubos na nakakakilala sa kan'ya dahil madalas ako ang kasama niya."
                "Hindi 'yon ang punto ko, Ma… Diyos ko naman... Lahat naman ng ginagawa ko, para sa kan'ya. Bakit nagkakaganito?"
                "Ewan ko sa 'yo. Sagutin mo ang mga tanong mo..."
Hindi ko na nauulinig ang dalawa. Ang alam ko, may malaking dahilan kung bakit ganoon na lamang ang reaksiyon ni Mama nang malaman niyang kina Aling Mela ako nanggaling. Binigyan niya lang ako ng dahilan para magtaka. Kailangan kong malaman ang katotohanan. At, si Aling Mela ang taong makakasagot sa mga katanungang naglalaro sa aking isipan.












No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...