Followers
Tuesday, April 28, 2020
Masaya Ako Kahit Walang Bisita sa Aking Kaarawan
Sunday, April 26, 2020
30 Dahilan Kung Bakit Kailangang Magbasa ng Libro
Friday, April 24, 2020
Saging na naman!
Tuwing
darating si Papa mula sa trabaho, tuwang-tuwa ako. Lagi siyang may pasalubong
sa akin. Kung hindi gelatin, ang dala niya ay fried chicken. Kadalasan, ang bitbit niya ay saging.
Ang hapag-kainan namin ay hindi
nawawalan ng saging. Kung hindi seƱorita, latundan ang nakahain. Kundi saba,
lakatan ang aming kinakain.
Minsan nga, naisip ko, ganito pala
ang maging matsing. Araw-araw kasi kaming kumakain ng saging. Sa almusal, may
nilagang saging. Kapag tanghalian, may panghimagas na saging. At sa hapunan,
may saging pa rin.
Minsan nga, naisip ko, baka ako'y
maging tsonggo. Tubuan na ako ng buntot at balahibo. Humaba na ang mga kamay
ko. At mas mahaba pa kaysa sa mga paa ko. Pagkatapos, umakyat na ako sa mga
puno. At sa kagubatan ay manirahan na ako.
Minsan nga, natanong ko si Mama.
"Bakit po madalas saging ang dala ni Papa?"
"Kailangan kasi ito ng ating
katawan," sagot ni Mama.
"Gaano po kasustansiya ang
saging," tanong ko uli sa kanya.
"Napakasustansiya!"
sabi niya. Pagkatapos nagbiro pa siya. "Pampakinis din ito ng mukha. Kapag
mahilig ka sa saging, hindi ka titigyawatin."
Nagtataka ako, kaya nagtanong muli
ako. "Bakit po?"
"Tingnan mo ang mga unggoy sa
gubat... Hindi ba, wala silang tigyawat?"
Natawa ako sa biro ni Mama, pero
hindi ako naniniwala sa kanya.
Isang gabi, umuwi si Papa. Saging
ang pasalubong niya.
"Saging na naman!" sabi
ko bago ako nagmano kay Papa. Hindi ko napansin na nasaktan ko ang damdamin
niya.
Kaya sa mga sumunod na araw, wala
na siyang dala ni isa. Nalungkot ako at nagsisisi na.
Nami-miss ko na ang saging, pero
hindi ko binigkas ang aking hinaing.
Isang gabi, malungkot na umuwi si
Papa. May nararamdaman daw siya.
Kinabukasan, hindi siya pumasok sa
trabaho. Nahihirapan daw siyang kumilos at tumayo.
Minsan hindi niya mahawakan ang
baso. Nahuhulog at nababasag ito.
Isang linggo nang hindi
makapagtrabaho si Papa. Kaya isang araw may dumating na doktora. Tinanong at
tsenek-ap siya.
Sabi ng doktora, kulang si Papa sa
potassium. Nabanggit nito ang saging at gamot na ipaiinom.
"Salamat
po!" sabi ni Mama nang ihatid niya ang doktora.
"Walang anuman! Basta ang
bilin ko sa inyo, ha? Ang saging ay
napakahalaga. Sa bawat tahanan, hindi dapat ito nawawala."
Simula noon, hindi na ako
nagrereklamo kung ang pasalubong ni Papa ay saging.
Hindi na ako napapangiwi kapag
saging ang nakahain. Hindi na rin ako nagtatanong kung magiging kamukha na ako
ng matsing.
Basta ang mahalaga, ang saging ay
napakagaling!
Thursday, April 23, 2020
Mga Salitang Filipino na Kadalasang Mali ang Pagkakagamit
Monday, April 20, 2020
Ang Kadang-Kadang ni Dang-Dang
Mga Kakayahang Nalilinang ng Pagbabasa at Pakikinig ng Kuwento
Friday, April 17, 2020
Siyam na Uri ng Mambabasa (Readers)
Thursday, April 16, 2020
Tips for Reading Together
Tuesday, April 14, 2020
Ako si CoViD-19.
Saturday, April 11, 2020
16 Bagong Kulay sa Crayola
Thursday, April 9, 2020
Ano'ng Hitsura ng Demonyo?
Wednesday, April 8, 2020
Ang Aking Journal -- Abril 2020
Tuesday, April 7, 2020
Bakit Nakakaiyak ang Sibuyas?
"Anak, pakihiwa nga nitong sibuyas." Iyan ang tanging utos ni
Papa na nagpapaiyak sa akin.
Lalapit pa lang ako sa kanya, umiiyak na ako. Tawa
naman nang tawa si Papa.
"O, bakit umiiyak ka na naman? Hindi mo pa nga
nababalatan at nahihiwa ang sibuyas, e,' sabi niya.
"E, kasi po nakakaiyak naman po talagang maghiwa
niyan."
"Ganoon talaga."
"Bakit po kasi nakakaiyak ang paghihiwa ng
sibuyas?"
"Naglalabas kasi ng sulfur ang sibuyas
kapag hiniwa natin. Kapag umabot iyon sa ating mata, nagiging sulfuric acid,
na nagiging dahilan ng pagluha natin," paliwanag niya.
Naliwanagan naman ako, kaya minsan hindi na ako
naiiyak. Inilalayo ko ang sibuyas sa mga mata ko. Minsan, pumipikit pa ako.
Hindi lang ako ang pinaiiyak ni Papa, este ng sibuyas
pala.
"Junjun, pakihiwa nga nitong sibuyas," utos
ni Papa kay Kuya.
Umiiyak na agad si Kuya Junjun habang palapit siya.
Tawa naman kami nang tawa ni Papa.
Minsan, nagtaka ako kay Papa kasi hindi ko siya
nakitang umiyak dahil sa sibuyas.
"Papa, may sikreto po ba sa paghiwa ng
sibuyas?" tanong ko.
"Meron. Mabuti naman at naitanong mo iyan."
"Paano po?"
Sabi ni Papa, hinihiwa niya raw ang sibuyas habang
nakalubog sa tubig. Minsan naman, pinapahiran niya ng suka ang sangkalan.
Epektibo nga! Kaya, simula noon, hindi na ako umiiyak
kapag naghihiwa ng sibuyas. Pero, hindi pa rin tumigil si Papa sa pagpapaiyak
sa akin.
"Kainin mo iyan! Ang mahal-mahal ng sibuyas
ngayon, tapos itatabi mo lang diyan sa plato mo," pagalit niya sa akin.
Tumutulo na ang luha ko habang dahan-dahan kong
kukutsarain ang sibuyas sa plato ko.
"Bakit po kasi nilalagyan n'yo pa ng sibuyas ang
ulam?" tanong ko.
"Iyan ang isa sa mga nagpapasarap sa lutuin.
Kainin mo 'yan. Hindi ka naman mamatay n'yan. Para kang hindi lalaki."
Pinilit kong kainin, pero umaagos ang mga luha ko.
"Napakabalat-sibuyas mo naman," natatawang
sabi niya.
Pati sina Mama at Kuya Junjun ay pinagtawanan ako. Ang
hindi lang tumawa ay si Bunso.
Halos araw-araw akong umiiyak sa hapag-kainan dahil sa
sibuyas. Lahat halos ng ulam namin ay may sibuyas. Kapag ang almusal namin ay scrambled
eggs, may sibuyas. Kapag ang pananghalian namin ay ginisang monggo, may
sibuyas. Kapag ang hapunan namin ay paksiw na isda, may sibuyas.
Minsan, sinubukan kong kumain ng sibuyas para hindi na
nila ako pagtawanan. Masarap naman pala ang sibuyas! Hindi ito maanghang, kundi
manamis-namis.
"Sabi ko sa 'yo, e!" natutuwang sabi ni
Papa. "Hindi ka namatay, 'di ba?"
"Opo!"
"Maraming sustansiya ang naibibigay ng
sibuyas," sabi naman ni Mama.
"Tama! Mainam ito para sa ating mga mata, puso,
at kasukasuan," dagdag ni Papa.
"Wow! Kakain na po ako palagi ng sibuyas!"
bulalas ko. "Huwag lang po ang hilaw."
Tinawanan na naman ako nina Papa, Mama, at Kuya.
Pagkatapos, ininggit nila ako sa pagkain ng sibuyas na galing sa sawsawang
toyo-kamatis-kalamansi-at-sibuyas.
"Kakain ka rin nito pagdating ng araw," sabi
ni Kuya.
Napangiwi na lang ako.
Tuwing nasa hapag-kainan kaming pamilya, tungkol sa
sibuyas ang usapan namin. Hindi na nila ako napapaiyak. Nagbibigay na lamang
sila ng mga trivia tungkol sa gulay na nagpapaiyak.
"Alam n'yo ba? Ang bansang Tsina ang may
pinakamalaking produksiyon ng sibuyas sa buong mundo. Sinundan ito ng India at
Amerika," sabi ni Papa.
"Alam n'yo ba? Ang sibuyas ay ginamit na
panggamot sa mga sugatang sundalo noong panahon ng digmaan," sabi ni Mama.
"Alam n'yo ba? Nabasa ko sa libro ni Patricia
Shcultz, na '1000 Places to Visit Before You Die," na ang New York na may
bansag na 'Big Apple' ay dating 'Big Onion," sabi ni Kuya.
"Alam n'yo ba? Ang sibuyas ay kaaway ng mga aso.
Pinapababa nito ang dugo nila, na maaaring sanhi ng kanilang anemia,"
sabi ni Papa.
"Alam n'yo ba? Ang sibuyas ang ikaanim sa
pinakasikat na gulay sa buong mundo," sabi ni Mama.
"Alam n'yo ba? Nabasa ko sa Guiness Book of World
Records na si Peter Glazebrook ang nakapagtanim ng pinakamalaking
sibuyas," sabi ni Kuya.
Hangang-hanga ako sa kanila. Marami akong natutuhan sa
kanila tungkol sa sibuyas. Pinaiyak man ako nito, pero tuwang-tuwa ako dahil
ngayon ako naman ang magtuturo kung paano maghiwa at kumain ng sibuyas.
Natutuwa ako dahil ako naman ang magpapaiyak sa anak ko.
"Anak, pakihiwa nga nitong sibuyas."
Monday, April 6, 2020
Ang Pamilyang Masagana
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...