Followers

Friday, August 1, 2025

May Kuwentong Nananahan sa Abandonadong Tahanan

Sa aking paglalakad-lakad, nadaanan ko ang abandonadong bahay na ito. Hindi ko maiwasang maalala ang dati naming tahanan, na malayo sa sentro at mga kapitbahay. Hindi ko masisisi ang pamilyang dating nananahan dito dahil sa buhay, dumarating talaga ang mga sitwasyong kailangang umalis, iwanan ang tahanan. Walang pamilya ang nagtayo ng tahanan upang iwanan lamang ito sa bandang huli. May malaking rason kung bakit ang bahay na ito ay isa na lamang alaala. Awang-awa ako sa bahay na ganito, ngunit nagpapasalamat ako dahil sa bawat paglisan ay may patutunguhan.

 

Binalikan ko ang bahay na ito, kinabukasan. Masama man ang panahon, pero hindi nito ako napigilan.

 

Takot ako noon sa ulan dahil tuwing umuulan, hindi ko alam kung paano ko pipigilan ang pagtulo nito sa aming bubungan. Kung ano-anong pansahod ang iaabang, ngunit balewala lang.

 

Inakyat ko ang bahay na ito sa kabila ang karupukan nito. Isang anay na lamang ang pipirmi ay babagsak na ito. Subalit sa kagustuhan kong balikan ang nakaraan, inakyat ko pa rin ito upang magpatila na rin ng ulam.

 

Bakas sa bahay na ito ang masayang alaala ng nakaraan. Hindi naikakailang nagkaroon ng masasayang salusalo at kuwentuhan sa bahaging ito. Marahil dito sila namamalagi kapag araw. Dito kumakain. Nagkukuwentuhan. Sa likod ko naman ay isang malaking kuwarto, na ang sahig ay kawayan din.

 

Sigurado akong malamig dito sa gabi, at mapresko naman sa umaga at hapon. Subalit sa kalagayan nito ngayon, alaala na lamang ito sa dating pamilyang minsang nagsama-sama rito.

 

 

Malaya Ka Ba?

Isang araw, nakaramdam ako ng pagkabagot. Parang paulit-ulit lang ang ginagawa ko. Nakakasawa. Nakakapagod.

 

Kaya naisipan kong maglakad-lakad.

 

Bakasyon pa naman, pero para akong nakakulong. Malaya naman akong gawin ang gusto ko, pero hindi ko alam kung bakit hindi ko nagagawa.

 

Nakaka-miss maging bata dahil nagagawa nila ang mga bagay na gustuhin nila.

 

Ayaw ko rin namang mainggit sa baka, na panay lang ang sabsab ng damo.

 

Gusto ko sanang maging katulad ng mga sasakyan, malayang magtungo kung saan. Subalit, sa panahon ngayon, bawat kibot ay gastos. Kulang na lang, bilhin na natin ang sariwang hangin. Ang tubig nga'y ibinubote na para ipagbili.

 

Sa sobrang kalayaan ng mga tao, nakakalimutan na ang kalikasan, ang kasimplehan ng buhay. Pulos na lang pagpapaunlad. At ginagawang pamantayan ng tagumpay ang kayamanan.

 

Sa sobrang kalayaan sa mundo, parang nakakulong na ang lahat sa teknolohiya at pagbabago.

 

Naupo nga ako sa concrete barrier nang patalikod sa kalsada. Noon ko napansin ang mataas na gusaling hitik sa CCTV cameras, matataas na bakod, at makakapal na rehas.

 

Bigla akong nalungkot nang mapansin ko ang isang lalaking kumakaway sa akin, na animo'y nagsasabing "Hello! Mabuti ka pa-- malaya."

 

Nais tumulo ng aking luha nang aking mapagtanto na dapat kong ipagpasalamat ang kalayaang aking natatamasa. Hindi katulad ng mga lalaking nakatanaw sa akin, mula sa rehas, malaya akong gawin ang aking mga naisin, pero hindi dapat lumabis sa kalayaang nararapat.

 

Ang aking paglalakad-lakad ay nagbukas sa aking mga mata at kumatok sa aking puso. Marami akong napagtanto. At sa susunod kung paglalakad-lakad patungo kung saan, sigurado akong marami na naman akong aral na mapupulot at matutuhan.

 

 

Ang Alamat ng Makahiya

Noong unang panahon, may isang dalagang nagngangalang Mahiya. Ubod siya ng ganda. Nagkukulay-rosas ang kaniyang pisngi. Matalino at mahusay siya sa maraming bagay. Ngunit kilala siya ng lahat ng kaniyang kanayon bilang isang palalo at walang hiya sa kilos at pananalita.

 

Tuwing may pagdiriwang sa kanilang nayon, gaya ng pista, palagi niyang ibinibida ang sarili. Hindi siya marunong magpakumbaba. Kung sino man ang pumuna sa kaniyang asal, magagalit siya.

 

“Ako dapat ang mag-uwi ng korona dahil ako ang pinakamagandang binibini sa ating nayon,” pagmamayabang ni Mahiya. “Bukod pa roon, di-hamak na matalino ako kaysa sa inyo.” Pairap niyang sinulyapan ang mga katunggali sa pagiging reyna ng taon.

 

Dumating ang pinakahihintay na sandali. Itinanghal na reyna ng taon si Mahiya. Subalit dahil sa kaniyang inasal kanina, walang gustong sumama sa kaniya sa paglalakad pag-uwi.

 

Sobrang dilim patungo sa kanilang bahay. Hirap na hirap siyang lumakad sa pilapil habang hawak ang sulo.

 

“Magandang gabi, iha.”

 

Bahagya siyang nagulat nang makita ang matandang babae.

 

“Naku naman si Lola, bigla-bigla na lang lumilitaw. Mukha ka pa namang aswang,” sabi niya.

 

“Iha, maaari mo ba akong ihatid sa amin? Ginabi kasi ako sa pagdalaw ko sa aking anak sa kabilang bundok.”

 

“Gusto ko na ring makauwi… Sana hindi ka nagpaabot ng gabi.” Halos mabangga ni Mahiya ang matanda nang dumaan siya sa gilid nito.

 

Muntikan na itong mahulog sa palayan. “Wala kang hiya, Mahiya! Dapat kang parusahan!”

 

Agad siyang napahinto nang marinig niya ang galit na boses ng matanda. Pero paglingon niya, wala ito na roon. Kaya tumakbo siya nang mabilis.

 

Sa di-kalayuan, nahulog siya sa palayan. At dahil basang-basa at puno ng putik ang magara niyang kasuotan, hindi siya makaahon sa pilapil.

 

“Nasaan ang korona ko?” naiiyak niyang sabi.

 

Ilang saglit pa, naramdaman niyang lumulubog ang mga paa niya. Hindi na siya makaalis sa may pilapil.

 

Kinabukasan, nabalitaan ang pagkawala ni Mahiya. Hinanap nang hinanap ng mga kalalakihan ang dalaga. Sinundan ng mga ito ang lahat ng posibleng daanan niya.

 

“Kakaibang halaman, o!” sabi ng isang lalaki. Naglapitan ang lahat sa halamang may tinik. Namumulaklak ito ng kulay-rosas na bulaklak.

 

“Parang ang pisngi ni Mahiya,” sabi ng isang binata.

 

“Baka si Mahiya `yan!” sabi pa ng isa.

 

Dahil hindi nila nakita ang dalaga, inakala nilang ang halamang iyon si Mahiya. At lumipas ang mga taon, tinawag nila iyong “makahiya.”

 

 

Ang Alamat ng Ampalayang Ligaw

Lumaki si Laya sa kaniyang lola dahil nangibang-bansa ang mga magulang niya.

 

“O, Laya, bakit hindi ka makipaglaro sa kanila,” tanong ni Lola Salud, habang nakadungaw siya sa bintana. Tahimik niyang tinatanaw ang mga kapuwa-batang naglalaro.

 

“Ayaw ko po, Lola. Mapapagod lang ako.”

 

“Lalakas nga ang katawan mo sa paglalaro dahil mapapatakbo ka. Parang nag-eehersisyo ka na rin.”

 

“Marami naman po puwedeng gawing ehersisyo dito sa bahay, gaya ng pag-iigib ng tubig sa balon, paglalaba, pagwawalis, at pangangahoy.”

 

“Naku, Laya, ang bata mo pa para maging lola. Maging bata ka muna. Ako na ang bahala sa mga gawaing-bahay. Sige na, makipaglaro ka na sa kanila.”

 

Napilitang lumabas si Laya.

 

“Halika, Laya, sali ka sa amin,” aya ni Neneng sa kaniya.

 

“Ayaw ko. Kayo na lang,” nakaismid niyang sagot.

 

“Bakit ayaw mo bang makipaglaro sa amin? Wala naman kaming kuto,” natatawang tanong ni Bening.

 

Nagtawanan ang magkakalaro.

 

“Puro kayo laro! Dapat tumulong kayo sa mga magulang niyo.” Pagkasabi niyon, mabilis niyang tinalikuran ang mga ito. “Mabuti pang mangahoy na lang ako.”

 

Sa kakayuhan, masaya siyang naglibot-libot upang maghanap ng mga tuyong sanga ng puno upang gawing panggatong. Masyado siyang napalayo, kaya tila naligaw siya.

 

“Bata, saang lugar ito? Alam mo ba ang daan pauwi sa Sitio Araw?” tanong niya sa batang babaeng namimitas ng mga bulaklak ng mga ligaw ng damo.

 

“Hindi ko alam iyon, Ate. Halika, maglaro muna tayo. Masayang maging bata.”

 

“Ayaw ko! Katulad ka rin ng mga kaibigan ko. Tamad ka! Bakit hindi ka umuwi sa inyo para makatulong ka sa nanay at tatay mo?” galit na tugon ni Laya.

 

“Hindi mo alam ang sinasabi mo, Laya!” Biglang nawala ang bata.

 

“Hala! Nasaan na `yon?” Takot na takot na tumakbo si Laya palayo.

 

Sa kaniyang pagtakbo, bigla siyang nagpatid ng baging.

 

“Tulong! Tulungan niyo ako!” Pilit na nagpumiglas si Laya. Pero habang ginagawa niya iyon, lalo namang humihigpit ang pagkakakapit sa kaniya ng baging.

 

Lumipas ang ilang segundo, narinig niya ang tawa ng batang babae, pero lumilipad-lipad ito na parang paruparo.

 

“Hoy, bata, tulungan mo ako rito,” sabi niya.

 

“Baging, ibitin mo nang patiwarik ang batang `iyan!” utos ng paruparo.

 

Tila may buhay na sumunod ang baging.

 

“Pakawalan mo ako!” sigaw ni Laya. Nakatiwarik na siya at nagpupumiglas.

 

“Hindi! Tumahimik ka!” sigaw ng paruparo. “Pinarurusahan kita. Hangga’t hindi mo niyakap ang pagkabata mo, mananatili kang matanda at habambuhay na aayawan ka ng mga bata dahil sa kapaitan ng buhay mo.”

 

Hindi iyon naunawaan agad ni Laya, pero nang unti-unting nagbago ang kaniyang anyo, doon niya napagtanto na isinumpa siya ng bata.

 

Minsan, may mga batang nakakita sa kaniya.

 

“Uy, ang sarap naman nitong prutas.” Agad siya nitong kinagat. “Ay, ampait!!” Agad iyong iniluwa ng bata.

 

Simula noon, wala nang nakakita kay Laya. Subalit marami ang nakapansin sa halamang-ligaw na namumunga ng kulubot na prutas. Berde kapag hilaw pa. Pula kapag hinog na. Tinawag nila iyong ampalayang ligaw.

 

 

 

 

Alamat ng Langka

Noong unang panahon, tahimik na naninirahan sa isang maliit na nayon ang maganda at masayahing dalagang si Lanka. Mahusay rin siyang magluto. Sa katunayan, palaging hinahanap ng mga kanayon niya ang kaniyang luto.

 

Matatagpuan sa likod ng kanilang bahay ang isang puno na hitik na hitik sa mabangong bunga. Inaalagaan niya iyon nang husto. Tuwing umaga inaawitan niya ang puno para lalong mamunga. Pailihim niyang ginagamit ang bunga niyon sa kaniyang mga lutuin.

 

Isang araw, may isang masamang espiritu ang nagalit kay Lanka dahil sa kaniyang kasikatan. Nais nitong na tigilan na nang tuluyan ang pamumunga ng puno upang hindi na makapagluto ng masarap na ulam si Lanka. Dahil sa inggit, nilagyan niya ng malagkit na likido ang mga prutas.

 

Kinabukasan, natuklasan iyon ni Lanka. Sobra siyang nalungkot, pero hindi nawalan ng pag-asa. Sa halip, matiyaga niyang pinag-isipan kung paano mawawala ang dagta bago niya lutuin. Hindi nagtagal, nadiskubre niya ang solusyon.

 

Sa galit ng espiritu, ibinunyag nito sa nayon ang lihim ni Lanka. Natuwa pa nang nalaman ng mga kanayon niya na nilalahukan niya ng bunga ng punong iyon ang masasarap na putahe. Kaya simula noon, tinawag na nilang langka ang punong iyon.

Alamat ng Lansones

 Sa isang bayan sa Quezon ipinagbabawal noon na akyatin ang isang bundok. Doon daw matatagpuan ang mga puno na namumunga ng mga prutas na may mapait at nakakalasong buto.

 

Isang araw, may isang batang lalaki ang mapangahas na umakyat sa bundok na iyon. Habang naglalakad, nakasalubong niya ang isang matandang babae. Binigyan siya nito ng mga prutas. “Lola, ito po ang ang sinasabing prutas na nakakalason?“ tanong ng bata.

 

“Naku, hindi nakakalason iyan. Mapait lamang ang buto, pero matamis iyan. Sabihin mo sa mga kanayon mo na nagkakamali sila tungkol sa lansones,“ tugon ng matanda.

 

‘‘Ah, lansones pala ang tawag dito!“ Pag-uwi ng bata, tinikman niya at kaniyang magulang ang lansones. Napatunayan nilang totoo ang sinabi ng matanda. Kaya, agad nilang ipinamalita iyon sa kanilang mga kapitbahay hanggang sa kumalat na sa buong lalawigan.

 

Dahil sa pagsunod at paniniwala ng bata, nagpasya ang matandang babaeng isang diwata pala na pabungahin pa nang marami ang mga puno ng lansones sa bundok. Simula noon, nagkaroon na ng matamis at masustansiyang prutas na lansones ang lugar nila.

Ang Alamat ng Palay

Noong unang panahon, may isang magandang dalaga na nagngangalang Liwayway. Siya ay kilala sa kaniyang kagandahan at kabaitan. Maraming mga binata ang nahuhumaling sa kaniya, ngunit siya ay may isang tanging pag-ibig, ang isang binatang nagngangalang Bituin.

 

Ngunit ang kanilang pag-ibig ay hindi tinanggap ng kaniyang ama, na isang mataas na pinuno. Mariing ipinagbawal nito ang kanilang relasyon at pinilit si Liwayway na pakasalan ang isang mayamang binata mula sa karatig na bayan. Sa labis na kalungkutan, nagpasya si Liwayway na takasan ang kaniyang ama at ang kaniyang bayan upang makasama si Bituin.

 

Sa kanilang pagtakas, matagumpay silang makalayo, ngunit sa kanilang paglalakbay, sila ay nahuli ng mga tagasunod ng ama ni Liwayway. Sa takot at pagkasindak, nagdasal si Liwayway sa mga diyos na sana ay iligtas sila. Bilang sagot sa kaniyang panalangin, nagkaroon ng malakas na bagyo, at sa gitna ng unos, naglaho ang dalawa sa isang nakasisilaw na liwanag.

 

Nang maglaon, ang lugar kung saan sila nawala ay naging isang malawak na bukirin ng mga palay, simbolo ng kanilang pag-ibig at sakripisyo. Ang palay ay naging simbolo ng buhay at kasaganaan sa mga tao, at ang kuwento ni Liwayway at Bituin ay patuloy na isinasalaysay bilang alaala ng kanilang pag-ibig.

May Kuwentong Nananahan sa Abandonadong Tahanan

Sa aking paglalakad-lakad, nadaanan ko ang abandonadong bahay na ito. Hindi ko maiwasang maalala ang dati naming tahanan, na malayo sa sentr...