Followers

Friday, August 1, 2025

Ang Alamat ng Makahiya

Noong unang panahon, may isang dalagang nagngangalang Mahiya. Ubod siya ng ganda. Nagkukulay-rosas ang kaniyang pisngi. Matalino at mahusay siya sa maraming bagay. Ngunit kilala siya ng lahat ng kaniyang kanayon bilang isang palalo at walang hiya sa kilos at pananalita.

 

Tuwing may pagdiriwang sa kanilang nayon, gaya ng pista, palagi niyang ibinibida ang sarili. Hindi siya marunong magpakumbaba. Kung sino man ang pumuna sa kaniyang asal, magagalit siya.

 

“Ako dapat ang mag-uwi ng korona dahil ako ang pinakamagandang binibini sa ating nayon,” pagmamayabang ni Mahiya. “Bukod pa roon, di-hamak na matalino ako kaysa sa inyo.” Pairap niyang sinulyapan ang mga katunggali sa pagiging reyna ng taon.

 

Dumating ang pinakahihintay na sandali. Itinanghal na reyna ng taon si Mahiya. Subalit dahil sa kaniyang inasal kanina, walang gustong sumama sa kaniya sa paglalakad pag-uwi.

 

Sobrang dilim patungo sa kanilang bahay. Hirap na hirap siyang lumakad sa pilapil habang hawak ang sulo.

 

“Magandang gabi, iha.”

 

Bahagya siyang nagulat nang makita ang matandang babae.

 

“Naku naman si Lola, bigla-bigla na lang lumilitaw. Mukha ka pa namang aswang,” sabi niya.

 

“Iha, maaari mo ba akong ihatid sa amin? Ginabi kasi ako sa pagdalaw ko sa aking anak sa kabilang bundok.”

 

“Gusto ko na ring makauwi… Sana hindi ka nagpaabot ng gabi.” Halos mabangga ni Mahiya ang matanda nang dumaan siya sa gilid nito.

 

Muntikan na itong mahulog sa palayan. “Wala kang hiya, Mahiya! Dapat kang parusahan!”

 

Agad siyang napahinto nang marinig niya ang galit na boses ng matanda. Pero paglingon niya, wala ito na roon. Kaya tumakbo siya nang mabilis.

 

Sa di-kalayuan, nahulog siya sa palayan. At dahil basang-basa at puno ng putik ang magara niyang kasuotan, hindi siya makaahon sa pilapil.

 

“Nasaan ang korona ko?” naiiyak niyang sabi.

 

Ilang saglit pa, naramdaman niyang lumulubog ang mga paa niya. Hindi na siya makaalis sa may pilapil.

 

Kinabukasan, nabalitaan ang pagkawala ni Mahiya. Hinanap nang hinanap ng mga kalalakihan ang dalaga. Sinundan ng mga ito ang lahat ng posibleng daanan niya.

 

“Kakaibang halaman, o!” sabi ng isang lalaki. Naglapitan ang lahat sa halamang may tinik. Namumulaklak ito ng kulay-rosas na bulaklak.

 

“Parang ang pisngi ni Mahiya,” sabi ng isang binata.

 

“Baka si Mahiya `yan!” sabi pa ng isa.

 

Dahil hindi nila nakita ang dalaga, inakala nilang ang halamang iyon si Mahiya. At lumipas ang mga taon, tinawag nila iyong “makahiya.”

 

 

No comments:

Post a Comment

May Kuwentong Nananahan sa Abandonadong Tahanan

Sa aking paglalakad-lakad, nadaanan ko ang abandonadong bahay na ito. Hindi ko maiwasang maalala ang dati naming tahanan, na malayo sa sentr...