Followers

Friday, August 1, 2025

Malaya Ka Ba?

Isang araw, nakaramdam ako ng pagkabagot. Parang paulit-ulit lang ang ginagawa ko. Nakakasawa. Nakakapagod.

 

Kaya naisipan kong maglakad-lakad.

 

Bakasyon pa naman, pero para akong nakakulong. Malaya naman akong gawin ang gusto ko, pero hindi ko alam kung bakit hindi ko nagagawa.

 

Nakaka-miss maging bata dahil nagagawa nila ang mga bagay na gustuhin nila.

 

Ayaw ko rin namang mainggit sa baka, na panay lang ang sabsab ng damo.

 

Gusto ko sanang maging katulad ng mga sasakyan, malayang magtungo kung saan. Subalit, sa panahon ngayon, bawat kibot ay gastos. Kulang na lang, bilhin na natin ang sariwang hangin. Ang tubig nga'y ibinubote na para ipagbili.

 

Sa sobrang kalayaan ng mga tao, nakakalimutan na ang kalikasan, ang kasimplehan ng buhay. Pulos na lang pagpapaunlad. At ginagawang pamantayan ng tagumpay ang kayamanan.

 

Sa sobrang kalayaan sa mundo, parang nakakulong na ang lahat sa teknolohiya at pagbabago.

 

Naupo nga ako sa concrete barrier nang patalikod sa kalsada. Noon ko napansin ang mataas na gusaling hitik sa CCTV cameras, matataas na bakod, at makakapal na rehas.

 

Bigla akong nalungkot nang mapansin ko ang isang lalaking kumakaway sa akin, na animo'y nagsasabing "Hello! Mabuti ka pa-- malaya."

 

Nais tumulo ng aking luha nang aking mapagtanto na dapat kong ipagpasalamat ang kalayaang aking natatamasa. Hindi katulad ng mga lalaking nakatanaw sa akin, mula sa rehas, malaya akong gawin ang aking mga naisin, pero hindi dapat lumabis sa kalayaang nararapat.

 

Ang aking paglalakad-lakad ay nagbukas sa aking mga mata at kumatok sa aking puso. Marami akong napagtanto. At sa susunod kung paglalakad-lakad patungo kung saan, sigurado akong marami na naman akong aral na mapupulot at matutuhan.

 

 

No comments:

Post a Comment

May Kuwentong Nananahan sa Abandonadong Tahanan

Sa aking paglalakad-lakad, nadaanan ko ang abandonadong bahay na ito. Hindi ko maiwasang maalala ang dati naming tahanan, na malayo sa sentr...