Lumaki si Laya sa kaniyang lola dahil nangibang-bansa ang mga magulang niya.
“O, Laya,
bakit hindi ka makipaglaro sa kanila,” tanong ni Lola Salud, habang nakadungaw
siya sa bintana. Tahimik niyang tinatanaw ang mga kapuwa-batang naglalaro.
“Ayaw ko
po, Lola. Mapapagod lang ako.”
“Lalakas
nga ang katawan mo sa paglalaro dahil mapapatakbo ka. Parang nag-eehersisyo ka
na rin.”
“Marami
naman po puwedeng gawing ehersisyo dito sa bahay, gaya ng pag-iigib ng tubig sa
balon, paglalaba, pagwawalis, at pangangahoy.”
“Naku,
Laya, ang bata mo pa para maging lola. Maging bata ka muna. Ako na ang bahala
sa mga gawaing-bahay. Sige na, makipaglaro ka na sa kanila.”
Napilitang
lumabas si Laya.
“Halika,
Laya, sali ka sa amin,” aya ni Neneng sa kaniya.
“Ayaw ko.
Kayo na lang,” nakaismid niyang sagot.
“Bakit ayaw
mo bang makipaglaro sa amin? Wala naman kaming kuto,” natatawang tanong ni
Bening.
Nagtawanan
ang magkakalaro.
“Puro kayo
laro! Dapat tumulong kayo sa mga magulang niyo.” Pagkasabi niyon, mabilis
niyang tinalikuran ang mga ito. “Mabuti pang mangahoy na lang ako.”
Sa
kakayuhan, masaya siyang naglibot-libot upang maghanap ng mga tuyong sanga ng
puno upang gawing panggatong. Masyado siyang napalayo, kaya tila naligaw siya.
“Bata,
saang lugar ito? Alam mo ba ang daan pauwi sa Sitio Araw?” tanong niya sa
batang babaeng namimitas ng mga bulaklak ng mga ligaw ng damo.
“Hindi ko
alam iyon, Ate. Halika, maglaro muna tayo. Masayang maging bata.”
“Ayaw ko!
Katulad ka rin ng mga kaibigan ko. Tamad ka! Bakit hindi ka umuwi sa inyo para
makatulong ka sa nanay at tatay mo?” galit na tugon ni Laya.
“Hindi mo
alam ang sinasabi mo, Laya!” Biglang nawala ang bata.
“Hala!
Nasaan na `yon?” Takot na takot na tumakbo si Laya palayo.
Sa kaniyang
pagtakbo, bigla siyang nagpatid ng baging.
“Tulong!
Tulungan niyo ako!” Pilit na nagpumiglas si Laya. Pero habang ginagawa niya
iyon, lalo namang humihigpit ang pagkakakapit sa kaniya ng baging.
Lumipas ang
ilang segundo, narinig niya ang tawa ng batang babae, pero lumilipad-lipad ito
na parang paruparo.
“Hoy, bata,
tulungan mo ako rito,” sabi niya.
“Baging,
ibitin mo nang patiwarik ang batang `iyan!” utos ng paruparo.
Tila may
buhay na sumunod ang baging.
“Pakawalan
mo ako!” sigaw ni Laya. Nakatiwarik na siya at nagpupumiglas.
“Hindi!
Tumahimik ka!” sigaw ng paruparo. “Pinarurusahan kita. Hangga’t hindi mo
niyakap ang pagkabata mo, mananatili kang matanda at habambuhay na aayawan ka
ng mga bata dahil sa kapaitan ng buhay mo.”
Hindi iyon
naunawaan agad ni Laya, pero nang unti-unting nagbago ang kaniyang anyo, doon
niya napagtanto na isinumpa siya ng bata.
Minsan, may
mga batang nakakita sa kaniya.
“Uy, ang
sarap naman nitong prutas.” Agad siya nitong kinagat. “Ay, ampait!!” Agad iyong
iniluwa ng bata.
Simula
noon, wala nang nakakita kay Laya. Subalit marami ang nakapansin sa
halamang-ligaw na namumunga ng kulubot na prutas. Berde kapag hilaw pa. Pula
kapag hinog na. Tinawag nila iyong ampalayang ligaw.
No comments:
Post a Comment