Isang linggo na rin ang lumipas, simula nang umuwi si Lolo sa Juban. Malaki ang pinagbago sa kasiglahan ni Elias. Marami naman siyang rason upang maging masaya at masigla sa araw-araw, pero iba ang lakas at saya siya kapag kasama nila sa Sitio Burabod ang kaniyang lolo.
“Lolo Leo! Lolo Leo!” tawag ni Tia Mameng habang karga-karga ang limang
taong gulang na anak na lalaki.
Sinalubong nina Elias at Diego ang mag-ina.
“Tia Mameng, ano pong nangyari sa kaniya?” tanong niya. “Wala na po rito
si Lolo.”
“Ha? Paano si Nolito? Kagabi pa siya ganito.”
Nilapitan ni Elias ang bata, na nagtatago sa dibdib ng ina. “Nolito, ano’ng
masakit sa `yo?”
Takot na takot at umiiyak na nagsumiksik si Nolito sa dibdib ni Tia
Mameng.
“Ganyan siya, Elias. Hindi rin siya nagsasalita o nagsasabi kung bakit.
Wala naman siyang lagnat. Simula nang umuwi sila ni Gadoy kahapon, nagkaganyan
na siya. Iyak nang iyak.”
“Saan po sila galing kahapon?”
“E, wala kasing magbabantay sa kanya kaya isinama ng ama sa pag-uuling sa
Kabubudlan.”
“Sa Kabubudlan?” nanlalaki ang mga mata niyang tanong.
“Oo, doon.”
“Delikado po roon.”
“Kaya nga, e… Ang hula ko, naengkanto si Nolito.”
Humilahid nang humilahid sa Diego sa paa niya. Naramdaman niyang nais
nitong magpakarga, kaya kinuha at kinarga niya ito.
“Elias, hindi ba, marunong ka namang manggamot? Gamutin mo naman si Nolito.
Maawa ka sa kanya,” pakiusap ni Tia Mameng.
Tumingin mula siya sa kanilang bahay, saka malungkot na tumingin kay Tia
Mameng. “Sorry po, ayaw po ni Papay. Kaya nga po umalis si Lolo Leo
rito.”
Halos bumagsak ang balikat ni Tia Mameng sa pagkabigo. “Paano ang anak
ko? Paano natin malalaman kung ano ang nangyari sa kanya?”
“Pasensiya na po talaga kayo.”
Gusto pa sanang makiusap ni Tia Mameng, pero nang marinig ni Elias ang
tawag ng ama, tinalikuran na niya ito.
Hindi namasada ng traysikel si Papay Oliver dahil iniinda nito ang sakit
ng likod. Tinawag siya ng ama upang utusan siyang bumili ng gamot.
“Papay, sabi ni Lolo, nakakasama raw ang sobrang pag-inom ng gamot.
Nakadalawa ka na po simula kagabi. Tapos magpapabili ka na naman po ngayon,” paalala
ni Elias pagkatapos marinig sa ama ang gamot na bibilhin niya.
“E, anong gagawin ko? Kung ganito pa ako bukas, anong kakainin natin?”
medyo inis na sagot ng ama.
“May alam po akong dahon. Tatapalan ko po ang likod niyo.”
“Hay, naku, Elias! Bumili ka na ro’n!”
Hindi na siya nagsalita. Agad siyang tumalima. Wala na siyang magagawa. Sarado
ang puso at isip ng kaniyang ama tungkol sa mga herbal at supernatural na mga elemento
sa paligid.
Malapit na siya sa tindahan nang makasalubong niya si Matt.
“Uy, Matt, anong nangyari sa `yo? Mukha kang kurakpao,” natatawa niyang
komento.
Gulo-gulo ang buhok nito. At mukhang hindi pa ito naliligo. May hawak
itong yelo. “Oo ngani! Naghukay kami parang gawing balon,” paliwanag ni Matt.
“Ah, kaya pala… E, kumusta? May tubig na ba?”
“Wala pa nga, e. Lampas-tao na, pero wala pa.”
“Hayaan mo, magkakatubig din kayo.”
“Sana. E, saan ka pupunta?”
Ikinuwento ni Elias nang mabilisan ang tungkol sa iniinda ng kaniyang
ama. Naikuwento rin ni Matt ang tungkol sa mga sakit ng kanilang mga kalugar.
Si Tia Nona raw ay nakunan pagkatapos magising nang hatinggabi dahil may
naramdamang kakaiba sa kanilang bubungan.
Ang kaklase nilang si Mitoy naman ay nakakita raw ng kakaibang tao o
hayop sa gubat noong nangangahoy ito.
At ang binatang si Tonying ay nabighani raw sa boringkantada, kaya
pabalik-pabalik ito sa Kabubudlan, na parang wala nang ibang nakikilala.
Alam din ni Matt ang tungkol kay Nolito.
“Sana bumalik na si Lolo Leo, `no?”
“Oo nga, e, kaya lang, kontrabida si Papay.”
Natawa muna si Matt. “Ngayong sumasakit ng likod niya, sigurado ako, hinahanap
niya ang lolo mo.”
Ngumiti lang nang saglit si Elias. “Sige na, tunaw na `yang yelo mo. Bibilisan
ko na rin kasi baka mapagalitan na naman ako.”
“Sige na… Ligo tayo mamaya sa sapa. Manguha na rin tayo ng katmon, o kaya
batwan. Magdala tayo ng asin na may sili,” pasigaw na sabi ni Matt habang
naglalakad palayo.
KATUWANG NI ELIAS ang kapatid na si Natasha sa paghahanda ng kanilang
pananghalian. Madalas niya itong turuan ng mga bagay-bagay at gawaing bahay
dahil madalas naglalako ng gulay at prutas ang kanilang ina, at kapag walang
sakit, namamasada naman ng traysikel ang kanilang ama.
Habang naglalagay ng mga kutsara, tinidor, at platong losa si Natasha,
si Elias naman ay naghihintay na lang na maluto ang talbos ng kamote na nilagay
niya sa kinalamansiang ulang.
Tinikman niya iyon. Tama naman ang alat niyon, pero parang kulang sa asim.
Bigla niyang naalala ang pagyayaya ni Matt kanina. Kailangan nilang manguha ng
batwan o katmon, na maaaring gamiting pang-asim sa mga lutuin.
Kaya, habang kumakain silang mag-anak, nagpaalam siya sa ina, na noon ay
tuwang-tuwa dahil naubos ang tindang kalabasa at sitaw. Hindi na nito kailangang
maglako sa hapon. “O, sige, kapag marami kayong makuha, puwede kong maibenta
ang mga iyon. Bibigyan ko kayo ni Matt, para may pambayad kayo sa sine-sine at
pambili ng tinapay at ice candy habang nanonood.”
“Salamat, Mamay!” Hindi man siya nagpakita ng sobrang kasiyahan, pero
lumulukso ang puso niya.
“Basta mag-iingat kayo sa mga ahas.”
“Opo. Isasama naman po namin si Diego.”
“Ako rin, Manoy, sasama ako,” sabi ni Natasha. Niyugyog pa nito nang
bahagya ang balikat niya.
“Hindi ka puwedeng sumama,” mariing sabi ng kanilang ama.
Hindi na nagsalita pa si Elias, baka pati siya ay hindi payagan.
Nagpatuloy na lamang siya sa paghigop ng mainit na sabaw ng nilagang ulang.
ALAS-TRES NG HAPON, kasagsagan ng sikat ng araw, umalis sina Elias, Matt,
at Jasper. Kasama nila si Diego. Ang bawat isa sa kanila ay may nakakuwintas na
tirador. May hawak din silang sanga ng bayabas, bilang pantaboy sa ahas. Si
Elias lang ang may sukbit na pasiking. Lagayan nila iyon ng mga prutas o gulay
na makukuha nila sa bundok. May lamang bag na sako ang pasiking niya.
Bago sila umakyat sa Kabubudlan, naligo muna sila sa sapa. May malalim
at malilim na bahagi ng sapa, kaya doon sila naligo. Nanguha na rin sila ng
pako at suso. Namitas at nanginain na rin sila roon ng katmon at kung ano-ano
pang prutas sa paligid, gaya ng kamagong.
“UY, TARA NA! Tama na ang ligo,” aya ni Jasper. “Baka gabihin na tayo.”
“Oo nga.” Umahon na si Elias, saka nagbihis.
“Bitin! Gusto ko pang magbabad,” sabi ni Matt.
“Tama na. Aakyat pa tayo sa batwan. Saka nangungutim ka na, o. Hindi ka
na nga mukhang kurakpao ngayon, pero maputla ka naman,” biro ni Elias.
Nagtatawanan ang magkakaibigan, nang biglang dumilim ang kalangitan, na
animo’y babagsak ang malakas ng ulan.
“O, tutuloy pa ba tayo?” tanong ni Jasper.
“Siyempre. Nandito na tayo,” tugon niya.
“Naku, naduduwag ka na naman, Jasper,” tudyo ni Matt. “Uulan lang, kaya
ganyan.”
NASA TUKTOK NA sila ng bundok, na medyo Patag. Naroon ang iba’t ibang
uri ng punongkahoy. Sa pinakagitna ng bundok, naroon ang nag-iisang puno ng
batwan.
“Pahinga muna tayo,” panukala ni Jasper.
“Huwag na… Malayo pa tayo,” kontra ni Matt.
“Huwag kayong maingay,” sawata ni Elias sa dalawa.
Nagtataka ang mga kaibigan niya dahil umiikot siya habang pinagmamasdan
ang paligid.
“Bakit?” usisa ni Matt habang si Jasper ay tila kinakabahan.
“Andaming pinutol na mga puno. Inuuling nila,” tugon niya.
“Sus, akala ko naman kung ano,” ani Matt. “Kabuhayan iyan ng mga
kapitbahay natin.”
“Alam ko naman `yon, pero hindi nila alam na may nilalang na nagagalit sa
ginagawa nila.”
“Hoy, Elias! Huwag ka namang ganyan,” lalong sumiksik sa kanila si Jasper.
Nagpatuloy sila sa paglalakad patungo sa direksiyon ng puno ng batwan.
Ilang minuto ang lumipas, mula sa mataas at matandang puno ng lapnisan,
nakarinig sila ng atungal ng hindi mawaring hayop.
“Elias, umuwi na tayo.” Halos mapunit ang damit niya sa paghila ni
Jasper sa damit niya.
“Tumigil ka muna,” sawata niya, saka saglit siyang huminto at nakiramdam.
Ilang saglit pa, lumabas mula sa lapnisan ang nakakatakot na nilalang. Halos
lumuwa ang mga mata nito sa galit. Iwinasawis nito ang hawak na matabang kahoy
habang papalapit sa kanila.
“Elias, anong klaseng tao `yan?” halos maiyak na tanong ni Jasper. Wala
namang kibo si Matt, pero halatang nagimbal.
“Isang kurakpao,” tugon niya. Hindi siya natinag. Naikuwento ni Lolo Leo
sa kaniya noon ang tungkol sa kurakpao.
“Kurakpao?” tanong ni Matt.
“Oo.”
“Palapit na siya, Elias. Hindi pa ba tayo tatakbo?” tanong ni Jasper,
saka inihanda ang tirador.
“Ako’ng bahala,” aniya. “Paumanhin sa inyo. Naparito kami para mamitas
ng bunga ng batwan doon. Hayaan niyo kaming makadaan at makauwi nang ligtas.
Hindi kami masasamang tao.”
Nakita ng magkakaibigan ang paghinto ng kurakpao.
“Apo ako ni Lolo Leo. Ako si Elias Maticas, at sila naman ang mga
kaibigan ko,” patuloy niya.
Nakita nilang ipinikit ng kurakpao ang mga mata nito.
Ipinikit din ni Elias ang kaniyang mga mata. Hindi pa nagtatagal,
nangusap na ang kanilang mga isip. Sa takot nina jasper at Matt, hindi
nagtanong ang mga ito kung ano ang nangyari o ang ginawa niya para hindi sila
saktan ng kurakpao. Ang mahalaga ay ligtas silang nakapitas ng batwan at nakauwi.
Hindi na sila masyadong kumuha nang marami.
No comments:
Post a Comment