Followers
Saturday, July 16, 2016
Ang Lapis ni Lite Rati
Sa loob ng tatlong taong pamumuno ng matandang hari ay nagkamatayan sa gutom at sakit ang mga tao. Tila ikinakatuwa pa ito ng matanda at ng kanyang mga napagkakatiwalaang tauhan. Nais kasi nilang malipol ang sangkatauhan upang lalong lumakas ang puwersa ng bawat isa.
Isang araw, pinatawag ni Haring Gurang-Utan ang mga alagad. Palibhasa'y nalalapit na rin ang kanyang pagsasalin ng korona, ay ihahabilin na niya sa mga kanang kamay ang lahat ng mga dapat gawin upang mapanatili silang makapangyarihan sa kaharian ng Ocmatog.
"Ikaw, Madam Moth, bilang pinakamataas sa lahat, ay inaasahan kong magpapatuloy ng kasamaan sa Ocmatog. Panatilihin mong magulo at mabaho ang kahariang ito! Ipatupad mo ang batas ng galit, inggit, selos, at kayabangan. Gawin mong miserable ang buhay ng susunod na hari nang sa gayon ay ikaw ang maging reyna." Humalakhak muna ang gurang. "Sikapin mong magutuman ang karamihan sa mga alipin upang unti-unti silang manghina upang hindi nila magawang suwayin ang iyong mga kautusan, lalo na si Lite Rati."
"Siya nga, Haring Gurang-Utan! Siya ang tinik sa aking lalamunan. Kailangan siyang maidispatsa sa kahariang ito!" galit na sabi ni Madam Moth. Iwinagayway niya ang kanyang pakpak at nagliparan ang mga animo'y alikabok mula dito.
Naubo sina Haring Gurang-Utan, Morphino, Sisi-Hero, Recto, Miss Kroskopyo, at Malabanan. Sa tindi ng lason mula sa alikabok ng pakpak ni Madam Moth, maaaring mabulag o mamatay ang sinumang makalanghap niyon.
"Grabe! Ang tindi talaga ng kamandag mo, Madam!" bulalas ni Morphino, ang lider ng mga batugan at patulog-tulog sa kaharian.
"Oo nga, Mommy!" sabad naman ni Mariposa. "Kapag si Lite Rati ang nakalanghap niyan, siguradong tipok!" Humalakhak pa siya bago nangamot sa kanyang mga braso. "Ayan! Pati tuloy ako, nadale niyo, Mommy..."
"Sorry, anak." Masuyong nilapitan ni Madam Moth si Mariposa. Ikinulong niya ito sa kanyang mga pakpak. " Hayaan mo, pasasaan ba't tutubuan ka rin ng mga pakpak n akatulad ng mga ito."
"Talaga po?" Bumilog ang mga mata ni Mariposa at naramdaman niyang nawala ang pangangati niya.
"Oo! Promise. Maghintay ka lang, 'di ba, Haring Gurang-Utan?"
Tumango lang ang hari na mukhang unggoy. Natutuwa siya sa pagiging masama at ambiyosa ng mag-ina. Hindi siya nagkamali sa kanyang mga pinili.
"Ako, Madam Moth? Kailan niyo akong paliliparin?" tanong ni Morphino.
Nang humiwalay si Madam Moth sa kanyang anak, saka lamang niya sinagot si Morphino. "Hindi ba'y pinangkuan ka na ni Haring Gurang-Utan? Dahil sa iyong katamaran at kapabayaan, ikaw ay gagawaran ng gantimpala. Maghintay ka lamang. Hayaan muna nating manahimik si Lite Rati. Siya ang mortal mong kaaway. Hindi mo siya matatalo, kung hindi mo siya mapatulog."
"Parang imposible iyon, Madam Moth. Ang kanyang lakas ay nanggagaling sa kanyang lapis. Bawat isulat niya sa kanyang papel ay nagiging totoo. Ayaw ko siyang kalabanin. Natatakot ako sa kanya." Halata ang nginig sa boses ni Morphino.
Napangiti ang hari. "Morphino, may kakayahan kang hindi niya kaya. Gawin mo ang lahat para makuha mi ang kanyang mahiwagang panulat. Iyon lamang ang tanging paraan upang mapatulog mo siya. At kapag nagawa mo iyon, ikaw na... ikaw na!" Humalakhak si Haring Gurang-Utan.
Naghalakhakan ang lahat.
"Ako. Ako ang makakatulong sa'yo, Morphino," maarteng sambit ni Miss Kroskopyo, ang scientist ng kaharian. May hawak itong microscope. "Hahanapin ko ang pinakamaliit na kasalanan ng mortal nating kaaway para magkaroon tayo ng ground upang maparusahan siya."
"Tama ka, Miss Kroskopyo! Sige, silipin mo siya nang silipin." Tila nabuhay ng loob si Morphino. Humikab pa siya.
"Maiba ako, Haring Gurang-Utan..." Pumagitna si Sisi-Hero. Inayos niya muna ang kanyang kapa at itinaas ang kanang braso na animo'y handa na upang lumipad. "Kayo po ang may kasalanan, kaya lalong lumakas ang kapangyarihan ng lapis ni Lite Rati."
"Naninisi ka naman," sawata ni Madam Moth kay Sisi-Hero.
"Ang akin lamang naman ay pagpapaliwanag. Gusto kong ipaalam sa inyo na sinisisi ko ang aking sarili kung bakit hindi ko siya kayang sunggaban, dagitin, at dalhin sa malayo upang hindi na siya makapanghasik dito ng kabutihan. Mabuting impluwensiya siya sa sangkatauhan! Hindi siya dapat na pinakikinggan ng mga alipin!"
"Tama ka, Sisi-Hero." Si Malabanan ang nagsabi.
Natakip ng ilong ang lahat dahil sa mabahong amoy na nanggagaling sa bunganga ni Malabanan.
"Ano ba 'yan, Malabanan! Hindi ba't nagkasundo na tayo na hindi ka na magsasalita? Ang baho na naman ng hininga mo!" galit na galit na sabi ni Madam Moth. "Tinalo mo pa ang lason sa mga pakpak ko!"
"Sorry po. Sorry po."
Lalong nagalit si Madam Moth. Pinaghahampas niya si Malabanan ng kanyang pakpak. "Maligo ka na mga muna at magsipilyo. Sipsip ka kasi ng sipsip, e!"
Tahimik na umalis si Malabanan. Inamoy-amoy pa niya ang hininga.
Natawa na lamang ang hari at ang iba pa. Pagkatapos ay tila may dumaang demonyo sa kanilang gitna.
Maya-maya, pumasok si Recto, ang abogado ng kaharian. Pormal na pormal ang kanyang kasuotan. Bumagay sa kanya ang kanyang sungay at buntot. Para siyang lobo sa katawan ng tupa. "Magulong hapon sa inyong lahat! Nais kong ibalita ang nalalapit na araw ng pagpuputong ng korona sa bagong hari ng Ocmatog. Sa loob ng isang buwan, ikaw, Haring Gurang-Utan ay papalitan na ni Haring Huyu. Handa ka na po bang lisanin ang magulo, mabaho, at naghihirap na kahariang ito?"
"Matagal na akong handa! FYI lang... Kaya naghihirap na ang kahariang ito sapagkat nailipat ko na sa aking kastilyo ang mga kayamanan ng inyong kaharian," sagot ng hari.
"Ganoon ba?"
"Oo, Recto! Salamat sa'yo! At, salamat sa inyong lahat! Salamat sa inyong kasamaang-loob!" Humalakhak uli ang matanda. Pagkatapos, nagbalat siya ng saging at siya'y kumain.
Naubos ng hari ang isang piling na saging. Pagkuwa'y napansin niyang may nais pang marinig ang kanyang mga masasamang alagad.
"O, sige na! Balik na sa mga puwesto niyo. Manmanan ninyong maigi si Lite Rati at ang kanyang mga kaibigan. Gawin niyo silang miserable. Pahirapan niyo sila, hanggang sila na mismo ang sumuko at lumayas sa kahariang ito," makapangyarihang wika ni Haring Gurang-Utan.
Tahimik na nagsisunuran ang mga alagad, maliban kay Recto.
"Recto, mabuti at nagpaiwan ka," malungkot na turan ng hari.
"Bakit?"
"Gusto mong igawa mo uli ako ng mga pekeng kasulatan. Gusto kong manatiling mayaman, malakas, bata, at makapangyarihan. Gawan mo ng paraan! Gawan mo ng paraan!"
Napamaang si Recto.
Natataranta ang hari. "Si Lite Rati... si Lite Rati..."
"Ano si Lite Rati?"
"Pinadalhan niya ako ng sulat." Mula sa kanyang bulsa, dinukot niya ang sulat. "Hindi ko pa binasa. Natatakot ako. Alam mo namang sa bawat titik ng kanya isulat ay tila sumpa sa akin. Ayaw ko! Ayaw kong basahin ito!"
"Sunugin na natin," mungkahi ni Recto.
"Huwag!"Muling itinago ng hari ang sulat.
"Bakit?"
"Ayon sa sulat niya sa akin noong nakaraang araw, kapag sinunog ko raw ang huling sulat niya sa akin, kasama raw akong masusunog sa langit! Ayaw ko sa langit! Ayaw ko doon, Recto!" Halos maiyak na ang hari mula sa pagkakasubsob niya sa kanyang mga palad. "Tulungan mo ako."
Natatawang nilapitan ni Recto ang hari, saka ito niyakap at tinapik-tapik sa likod. Bago sila nagkahiwalay, nadukot na niya ang sulat mula sa bulsa ni Haring Gurang-Utan.
"Sige na, mahal na hari. Ako'y lilisan na upang matulungan kita sa iyong suliranin," seryoso niyang sabi. Pilit niyang pinipigilan ang pagtawa.
"Aasahan ko iyan, Recto."
Tumango lamang ang huwad na abogado. Agad din siyang tumalikod at tumungo sa tagong sulok ng kaharian upang basahin ang sulat.
"Mahal na Haring Gurang-Utan, Ako ang magiging hari ng Ocmatog. Lite Rati," basa ni Recto. Kinabahan siya nang husto. "Kailangang mapeke ko ang sulat na ito."
Tumakbo si Recto sa kanyang opisina. Doon ay pinag-isipan niya ng husto ang dapat gawin upang makuha ang matagal nang inaasam.
Tatlong oras ang nakalipas bago nagkaroon ng matinong solusyon si Recto sa kanyang problema. Daglian niyang tinungo ang kuwarto ng hari.
"Mahal na hari! Mahal na Haring Gurang-Utan!" Sunod-sunod na katok ang ginawa ni Recto sa pinto ng kuwarto ng hari, ngunit hindi niya narinig ang boses nito. Kaya, nagdesisyon na siyang pumasok, kahit alam niyang pagagalitan siya nito.
Pagbungad niya sa pinto, tumambad sa kanya ang hari. Nakabigti ito. Laylay na ang dila at maputla na ang kulay ng balat nito.
Nagagap ni Recto ang kanyang bibig at takot na takot na umalis doon. Natagpuan niya ang kanyang sarili sa kanyang opisina. Saka lamang niyang napagtanto ang kanyang kasalanan nang makita ang mga abo ng sinunog niyang sulat.
Mula sa lilang kurtina, lumabas si Lite Rati. Ikinagulat iyon ni Recto.
"Nakita ko ang mga ginawa mo," ani Lite Rati. Dinuro niya ng kanyang lapis si Recto.
"Hindi! Hindi!" Napaurong si Recto, habang marahang lumalapit sa kanya si Lite Rati. Nagtakip siya ng mata. "Umalis ka na!" Pagkatapos ay naghintay siya ng gagawin o sasabihin nito. Nang wala siyang marinig, dumilat siya. Wala na si Lite Rati. Ngunit, sa kanyang mesa at may puting papel na nakapatong. Binasa niya ang nakasulat.
"Mamamatay ang lahat ng mga namemeke sa kahariang ito!"
Maya-maya, nagdilim ang kanyang paningin.
Mula nang mamatay ang lahat ng masasamang tao sa kaharian ng Ocmatog, nanumbalik na ang kapayapaan, kasayahan, kasaganaan, at pagkakaisa. Naging patas at makataong pinuno si Haring Huyu na naging dahilan upang kaluguran siya ng mga tao. Si Lite Rati naman at patuloy na naging tagapagbantay at tagpagtanggol ng lahat. Ang kanyang mahiwagang lapis ay kanyang ginagamit para sa pagpapalaganap ng kabutihan.
Mga Uri ng Doktor sa Paaralan
Kung gayon ay hindi ko na patatagalin pa.
May mga punungguro o school principal na graduate ng doctorate degree. Mataas ang kanilang pinag-aralan. Nagagamit nila ito sa kanilang pamumuno. Pero, hindi lahat ng may matataas na pinag-aralan ay nagtapos ng doctorate degree. Ang iba, matataas ang kaalaman sa pagdodoktor ng liquidation of school fund. Tinalo pa nila ang bookkeeper at accountant sa husay nilang mag-compute ng mga expenses, na hindi naman nila iginastos para sa paaralan, mga guro, at mga mag-aaral. Personal consumption, kumbaga. Ang motto nila ay "May pera sa resibo."
Alam ni'yo na?
Next. May mga doktor na ring mga guro. Masisipag kasing mag-aral ang iba. Ito ay para sa personal development and promotion purposes. Bukod dito, doktor din sila sa mga grades ng mga mag-aaral. Sa sobrang baba na ng kalidad ng edukasyon ngayon, halos wala nang makakapasa kung tototohanin ang pagbibigay ng grades sa card. May mga estudyante na may general average na below 70%, which is failed. Hindi ito maaari sa K-12 curriculum. Kaya, no choice ang ulirang guro kundi pumikit at maging doktor. Hindi bale na ang quality education. Mas mahalaga na ngayon ang quantity education. Iyan kasi ang mission ng DepEd.
Zero dropout rate pa more para mas dumami ang teacher-doctor!
Hindi lang sa grades nagiging doktor ang isang guro, kundi sa paggawa ng report. Dahil sa sandamukal na paperworks, hindi na ito nagiging makatao at makatotohanan. Result-based raw. Laging may ebidensiya. Kailangan lagi ng pictures sa bawat gawain. Paperless na raw kasi 21st century na. Ngunit, lalo yatang nadoble ang trabaho nila. Nagpasa na sila ng hard copy. Maysoft-copy pang hinihingi. WTF? Nauurat ang mga guro. Kaya, no choice uli sila kundi doktorin ang report at mga documents.
Napepeke na nga rin ang mga pertinent papers for the sake of promotion. Ang school talaga ang orihinal na Recto.
Kaya sa mga guro diyan, huwag na kayong magalit sa mga estudyanteng doktor. Kung dinodoktor man nila ang mga sagot nila. Perfect lagi ang quiz dahil hindi nakikipagpalitan at dahil sila mismo ang naglalagay ng tamang sagot sa papel nila. It's a tie! Pareho na kayong doktor. Astig! Hindi pa nga grumadweyt, doktor na kaagad.
Iyan ba ang katuturan ng winika ni Dr. Jose Rizal na "ang kabataan ay siyang pag-asa ng bayan?"
I guess so...
Bago ako magtapos ng pagdodoktor, este ng pagsusulat, isa pang uri ng doktor sa paaralan ang nais kong ibigay. Sila ang mga estudyanteng doktor ang sulat-kamay. Kahuhusay nilang gumawa ng reseta. Pambihira ang font style na ginagamit nila sa pagsusulat. Mahihiya si Arial o si Calibri.
Nakaka-highblood! Kailangan ko ng doktor!
Thursday, July 14, 2016
Langgam VS Tao
Wednesday, July 13, 2016
Huwag na Huwag
pagkatapos mong angkinin ang lahat ng trabaho.
Kayanin mo dahil ika'y gahaman sa puwesto.
Akala mo, sobra ang sipag at galing mo.
Huwag na huwag ka ring magtatampo
Kung mga kasamahan mo'y naiinis sa'yo.
Kasalanan mo, ikaw ay nagpapakitang-tao.
Akala mo'y boss mo'y mapapaniwala mo.
Huwag na huwag kang magagalit dito:
"Paepal ka! Hindi ka naman santo
Upang sambahin ng iyong mga katoto.
Maghirap ka dahil iyan ang iyong gusto!"
Saturday, July 9, 2016
BlurRed: Beer
"Kumusta ang pag-aaral mo?" tanong ni Boss Rey.
"Maayos naman po. Kailangan ko lamang ng extra income para makatulong sa lumalaking pamilya," seryoso pero nakangiti kong sabi.
"A, talaga! Ibig mong sabihin, buntis ang Mommy mo?" Parang wala talaga siyang alam. Ang hula ko nga ay naitsismis na ni Jeoffrey sa kanya iyon.
"Opo. December na nga siya manganganak."
"Mabuti 'yan. At least, may kapatid ka na. Mahirap ang solong anak..."
Tumango-tango na lang ako. Hindi ko alam kung ano pa ang sasabihin ko, kahit sa tingin ko ay hindi naman mahirap 'yun.
"E, kumusta naman kayo ni... ng girlfriend mo?"
Natigilan ako. Hindi ko akalaing itatanong niya ang bagay na iyon. Nagkamali yata ako ng hinuha. Hindi pa siya lubusang nagbago. Kailangan ko pa rin yatang mag-ingat.
"Okay lang din po kami," pakli ko. Ayaw kong humaba ang usapan namin tungkol doon. "Titingnan ko lang po kung tapos na."
Bago ako nakalabas ay nagsalita siya. "Mamayang 12 ka na mag-perform, may nagtext pala sa akin. Mga fans mo raw. Gusto ka nilang maabutang tumugtog..."
Hindi na ako lumabas. Umupo uli ako at pinag-isipan ang bagay na iyon. Gumulo ang utak ko. Gusto kong isipin na ini-style-lan lang ako ni Boss Rey. Pero, nang naisip ko ang pangangailangan ko sa pera ay nawala ang pangamba ko. No problem, sabi ko sa sarili ko.
"Hello, Jeoff? Dalhan mo nga kami ng dalawang beer dito. Samahan mo na rin ng mani. Salamat!"
Mas lalong kumabog ang dibdib ko sa narinig ko. Napansin yata iyon ni Boss Rey. Lalo na't nalunok ko ang laway ko.
"Huwag kang mag-alala. Wala na akong interes sa'yo." Tumawa pa siya. Parang napahiya tuloy ako.
"Boss, wala naman akong iniisip na ganu'n," kako.
"Mabuti naman..."
Hindi na ako tumingin sa kanya. Iginala ko na lang ang paningin ko sa kanyang bagong ayos na opisina. Tama nga ako. Nagbago na siya. Panlalaki na ang desinyo nito. Ang mga kulay at mga gamit ay hindi kakikitaan ng feminity, gaya dati. Nice choice!
Maya-maya, bumukas na lamang ang pinto. Sumungaw si Jeoffrey. May hawak itong tray na kinapapatungan ng dalawang bote ng light beer at isang platito ng adobong mani.
"Heto na po, Boss, ang order niyo." ani Jeoffrey. Pagkapatong niya niyon sa table ng amo namin, lumapit siya sa akin. Ngayon na lang uli kami nagkita. "Red, kumusta?" Nakipag-apir pa siya sa akin.
"Ayos lang! Ito balik MusicStram."
"Ayos 'yan, Bro! Kay Boss Rey, walang problema..." Hawak pa rin niya ang palad ko. "Paano iwan muna kita. Mamaya ka pa sasalang. Relax ka muna dito." Nakipag-chest bump muna siya. Tapos, tinapik-tapik niya ang balikat ko bago umalis.
"Sige, Bro!" Kahit paano ay nabawasan ang pagiging close ko sa kanya, kaya okay lang sa akin na lumabas agad siya.
"Beer mo, o," alok ni Boss nang nakalabas ba si Joeffrey. Nakuha niya na ang kanya.
Lumapit ako upang kunin ang isang bote.
"Cheers?!" Iniabang pataas ni Boss Rey ang beer niya.
"Cheers!" Wala akong nagawa kundi makipag-untugan ng bote sa kanya. Wala naman sigurong masama at malisya.
Apat na lagok lang yata ni Boss Rey ang kanya. Kaya, tinawagan niya uli si Jeoffrey. Agad naman itong dumating na may dalang bote ng beer.
"Ikaw, Red?" ani Jeoffrey.
"Tama na 'to," agad kong sagot. Itinaas ko pa para makita niyang kalahati pa ang laman.
"Ang hina mo namang uminom! Wala. Takot sa jowa," tukso ng kaibigan ko. Tumawa pa bago lumabas.
Ngumiti lang ako. Nasanay na ako sa kanya.
Friday, July 8, 2016
Hijo de Puta: Ciento bente-kuwatro
Ang pagkainip yata ang papatay sa akin sa mga oras na iyon. Kasama at kausap ang nais ko, ngunit paano ko matatawagan o makokontak si Lianne? Ang mga nurse naman ay parang kay iilap. Papasok lamang para gawin ang kanilang trabaho. Ayaw din halos magsalita. Akala ko nga ay mga pipi o robot sila.
Binuksan ko ang telebisyon, gamit ang remote control na nasa lamesita sa aking tabi. Naghanap ako ng masayang panoorin.
Isang foreign film ang nakaagaw sa aking interes. Sandali kong ipinako ang aking mga mata at tainga sa pelikulang iyon. Maya-maya ay namiss kong bigla ang aking ina. Naghangad din ako na sana nakasama ko ang aking ama. Noon ko lamang nalaman ang halaga ng pagkakaroon ng isang kompletong pamilya. Mapalad si Lianne dahil naranasan niya iyon bago pa bawiin ng Diyos ang buhay ng kanyang ama, naisip ko. Ako, ni sa larawan ay hindi ko nakilala ang aking ama. Gustuhin ko man, tpero tila imposible na ngayon.
Ramdam ko ang pagbigat ng talukap ng aking mga mata, kaya kahit pumikit ko nang hindi in-off ang tv.
Hindi ko alam kung anong oras na o kung gaano kahaba ako nakatulog. Basta naramdaman ko na lamang na parang may nakatitig sa akin. Nang idilat ko ang aking mga mata, ang mukha ni Lianne ang nakita ko. Pumikit uli ako upang pagdilat ko ay mapatunayan kong hindi ako dinadaya ng aking paningin.
"Lianne..." ang tanging nawika ko. Naalala kong nakatulugan ko pala ang telebisyon, ngunit patay na iyon.
Sumilay ang matamis na ngiti sa mga labi ni Lianne at pinisil niya ang palad ko. Pagkatapos ay nag-usap ang aming mga mata.
"Kumusta ka?" Ako na ang bumasag sa katahimikan.
"Huwag mo akong alalahanin. Okay lang ako. Nag-report lang ako sa school at sa hospital na pinag-iinternan ko..."
Tumango-tango lang ako.
"Ikaw? Kumusta naman ang pakiramdam mo?"
Inilayo ko ang tingin ko at hindi sinasadyang napadako ito sa wall clock. Nalaman kong alas-tres na pala ng madaling araw.
"Gusto ko nang umuwi sa pad. Pakisabi sa doktor, ayaw kong magtagal dito. Ayaw rin naman nilang sabihin sa akin kung sino ang gumagastos nito..."
"Ayan ka na naman, Hector, e! Kailangan mong lumakas. Huwag matigas ang ulo. Kung hindi dahil sa katigasan ng ulo mo, hindi sana nangyari sa'yo 'to. Umuwi ka kaagad sa pad mo, e. Ngayon gusto mo na namang umuwi doon. Hindi ba't delikado na?" Parang Mommy ko ang pananalita ni Lianne.
Naisip ko si Val, pati ang impluwensiya na sinasabi nito. Tama si Lianne, naisaloob ko.
"Pakihanap si Jake. Si Mama Sam o kaya si Lemar. Sabihan mo sila sa nangyari sa akin..." natatarantang sabi ko. Bigla kasi akong kinabahan. Alam kong maimpluwensiyang tao si Val. At, isa ito sa mga kaya niyang gawin. "Please, Lianne, tulungan mo ako."
"Aaminin ko sa'yo..." Bumuntong-hininga muna si Lianne. "...hindi ako galing sa school at sa hospital. Galing ako sa police station. Pina-blotter ko si Val."
"Ano?" Halos mapatayo ako sa gulat. "Bakit mo ginawa 'yun? Hindi mo ba alam na mas lalo akong mapapahamak? Ikaw rin. Ayaw kong madamay ka, Lianne." Gustong pumatak ng mga luha ko.
"I'm sorry. Ginawa ko lang ang alam kong tama."
"Tama? Hindi lahat ng tama ay karapat-dapat!" Napataas ang boses ko. "Minsan, mas mabuting gumawa ka ng mali para mapaganda ang takbo ng buhay mo..."
"Ito ba ang halimbawa ng sinasabi mong tama? Bakit, maganda ba ito sa tingin mo?"
Hindi nakaimik si Hector.
"Hector, hindi mo ikakapahamak ang pagsuplong ko sa pulis. Bukas, darating sila para kausapin ka. Sorry uli kung hindi ko ito sinabi sa'yo. Ginawa ko iyon dahil... dahil may taong ayaw kang nasasaktan nang husto..."
Tumayo na si Lianne at tahimik na nahiga sa mahabang sofa sa may paanan ng kama ko.
Pinagmasdan at pinakiramdaman ko si Lianne. Nang hindi na kumikilos, saka ko lamang tinimbang ang halaga ng effort ng babaeng mahal ko.
Gusto kong bumangon upang magpasalamat kay Lianne. Batid ko na ngayon ang kahulugan ng ginawa ng dalaga. Pag-aalala. Pagmamalasakit. Pagmamahal.
Nang mga sandaling iyon ay hindi na ako dalawin ng antok. Inihanda ko ang aking sarili at mga isasagot sa inisyal na imbestigasyon bukas ng pulisya. Pagkatapos ay pinaligaya ko ang aking mga mata. Pinanuot ko ang kanyang titig sa kaumbukan ni Lianne. Kailan ko kaya maaangkin si Lianne?ang tanong ko sa aking sarili.
Bahagyang umangat ang kumot sa aking harapan, kaya nilaro ko ang ahas sa ilalim nito, bago ako natulog.
Thursday, July 7, 2016
Paano Magluto ng Bagoong na Alamang?
Ang una ay magtadtad ka ng bawang. Pinong-pino. Bawal ang makapal na piraso. Tadtarin mo na rin ang mukha mong makapal. Tapos, maggayat ka ng sibuyas. Huwag kang iiyak. Kapag umiyak ka, guilty ka. Tandaan mo, pinong-pino rin. Iyong parang hindi halatang sibuyas. Katulad ng ginagawa mong mga kabulastugan sa opisina. Akala mo walang nakakaalam o nakakakita sa'yo.
Isunod mo na ang paggayat ng kamatis. Mas pino, mas maganda. Huwag mong isama ang mga buto nito o ang mga bulok kasi ipambabato ko sa'yo. Sa dami mong kasalanang ginawa sa amin, kulang pa ang bulok na kamatis. Dapat sa'yo, hilaw na durian ang ihampas sa pagmumukha mo!
Sa karne na tayo. Dapat mas marami ang taba kaysa sa laman. Huwag masyadong malaki ang pagkahiwa ng karne. Huwag ding masyadong marami. Sahog lang 'yan, kumbaga. Nasanay ka kasi sa marami. Ayaw mo ng kaunti. Gusto mong ubusin ang pondo natin.
Magpainit na ang kawali. Igisa mo na ang mga rekados. Alam mo na kung ano ang uunahin mo? Bawang ba o ang sibuyas? Alam mo nga kung paano makakupit ng salapi sa pondo natin. So, dapat alam mo na rin kung paano maging mabango ang ginigisa mo.
Ihuli mo ang kamatis at ang karne. Huli lagi ang pagsisisi. Darating ang araw, kakarmahin ka rin.
Huwag mong sunugin ang mga ginigisang sangkap. Ikaw ang dapat sunugin sa impiyerno! Masamang ehemplo ka, e.
Then, pakuluan sa loob ng 30 seconds. Oo, pakukuluan din kita. Hindi nga lang 30 seconds, kundi 30 minutes, para lumambot iyang puso mo.
Pagkatapos nito, ilahok mo na ang alamang. Mabaho 'yan, kagaya mo. Pero, masarap naman. Masarap ka rin naman. Masarap kang bitayin.
Limang minuto mong pakuluan. Ang bilis lang nu'n kaya huwag kang mainip. Hindi ka nga nainip noong nagnanakaw ka ng pera namin.
Next is lagyan mo ng suka. Isang kutsara lang. Pang-alis ng langsa. At pampatagal ng buhay. Ikaw, asido ang ibubuhos ko sa'yo. Pang-alis ng makapal mong mukha. Pampatanggal din ng buhay.
Ang sweet ko, 'no?
Ganyan ang alamang. Kailangan manamis-namis. Kaya, lagyan mo ng konting asukal para maglaban ang alat at tamis. Saka mo lakasan ang apoy. Imagine the burning hell. Ganoon kalakas. Doon kita ihahagis.
Kapag may consistency na ang mixture, luto na ang alamang. Siguradong maghahanap ka ng manggang hilaw o singkamas.
Huwag ka nang maghanap dahil ilalagay na kita sa garapon.
Sunday, July 3, 2016
Ang Bestida
"Wala, Papa," mariing tanggi ng ina.
"Meron po, Lolo." Lumapit si Jonalyn para magmano.
Nagsilapitan na rin ang mga kapatid niyang sina Jean, Althea, Rhea, Marian, at Flora.
"Pagpalain kayo ng ating Maykapal. Heto may pasalubong ako sa inyo." Iniabot niya ito kay Rhea, ang pinakamatanda sa magkakapatid upang ilagay muna sa hapag-kainan. "Pagkatapos nating pag-usapan at maayos ang anumang inyong pinag-aalitan, saka lamang ninyo kakainin ang aking pasalubong. Ayos ba iyon?"
Nag-chorus sa pagsagot ng 'opo' ang magkakapatid. Kahit paano ay naibsan ang galit nina Jean, Jonalyn, Marian, at Flora. Medyo, sumimangot naman sina Rhea at Althea. Nakahalukipkip naman ang kanilang ina. Nais niyang kumontra, ngunit hindi niya iyon ginawa. Kailanman man ay hindi niya nagawang hadlangan ang pamamagitan ng ama sa kanilang mga alitan, lalo na kapag siya ay nasa panig ng mali.
"Jovilyn, maaari ko bang nahawakan ang bestida?"
Tahimik na ibinigay ni Jovilyn ang bestida sa ama.
Sinipat-sipat ni Lolo Banjo ang maganda at makulay na bestida, pagkatapos at sinulyapan niya isa-isa ang mga apo. Napangiti ang lahat ng sinulyapan niya maliban kay Flora.
"O, Flora, bakit malungkot ka? Hindi mo ba gustong tumanggap nito?"
"Gusto po," mahinahong sagot ni Flora. "Kaya lang, hindi naman iyan ipinasukat sa akin ni Mommy."
Tiningnan nang masama ng ama sa Jovilyn, bago nagsalita. "Alam mo ba, Jovilyn ang salitang equality?" Hindi niya hinayaang makasagot ang anak. "Mula't sapul, ganyan ka. Hindi ka patas. Paano kung kasya rin pala kay Flora ang bestida. Paano mo malalaman kung hindi mo man lamang siya binigyan ng pagkakataong masukat niya ito?"
Hindi nakakibo si Jovilyn.
"Halika, apo. Isukat mo ito."
Biglang sumigla ang awra ni Flora nang lumapit siya kay Lolo Banjo. At agad niya itong isinuot.
"Ayan! Kasyang-kasya at bagay na bagay sa'yo!"
Umikot-ikot pa si Flora. Ninamnam niya ang pagkakataong maisuot iyon, kahit alam niyang malabong ibigay iyon sa kanya ng ina, gayong hindi siya nito paborito.
Pagkatapos hubarin ni Flora ang bestida, tahimik siyang bumalik sa upuan.
"Lahat kayo ay may karapatang tumanggap nito," ani Lolo Banjo. "Kung sinuman ang napili ay ipagpasalamat na ninyong lahat. Magkakapatid kayo. Dapat kayong nagkakaunawaan... nagmamahalan. Ang bestidang ito ay hindi maikukumpara sa inyong iisang dugo na nananalaytay sa inyong mga katawan. Hindi nito dapat masira ang inyong pagkakapatiran. Tandaan niyo 'yan. Ikaw, Jovilyn, gabayan mo ang iyong mga anak tungo sa kagandahang-asal."
"Naunawaan ka po namin, Lolo Banjo," wika ng pangalawa sa magkakapatid na si Marian. Bumuntong-hininga siya bago ipinagpatuloy ang litanya. "Ang hindi namin maunawaan ay kung bakit humantong kami sa ganito. Iisa lamang po ang blusa. Anim kami. Iisa lang ang dapat na tumanggap. Ngunit, sino po sa amin ang dapat? Ako po ba dahil bukod kay Ate Rhea, ako ay masipag sa mga gawaing bahay at sa pag-aaral? O si Jean dahil siya naman talaga ang pinangakuan niya noon pa. Kaya niya binili ang bestida ay dahil kailangan na niya, ngunit sinasabi niya lamang na hindi pala ito nababagay sa kanya. Kung gayon, sana sa akin na lang po dahil kung ikukumpara ako kay Ate, ako ang mas epektibong ate sa aming mga kapatid. Hindi lamang iyon napapansin ni Mommy, dahil iba ang kanyang tinititigan."
Aalma sana si Rhea, kung hindi lamang napigilan ng ina.
Matalim ang ginawang pagsulyap ng ama kay Jovilyn, bago niya sinagot ang mga katanungan ni Marian.
"Bagay na bagay rin sa'yo ang bestidang ito, Marian. Lahat kayong magkakapatid ay karapat-dapat na magsuot ng ganitong kasuotan. Kaya nga lamang, may mga bagay na dapat isaalang-alang. Since, isa lamang ang bestida at anim kayong maaaring pagpilian, nararapat lang na sundin natin ang tama." Tiningnan niya si Jovilyn. "Bilang ina, wala ka dapat na paboritismo. Lahat sila ay anak mo. Kung hindi mo kayang bigyan sila ng tig-iisang bestida, sana ang tamang pagpili ang isagawa mo. Sino ba ang gusto mong bigyan?" Naghintay nang matagal ang ama sa sagot ng anak. "Sino?"
"Sina Ate Rhea at Ate Althea po ang gusto ni Mommy," Si Flora ang sumagot. May halong panunumbat sa tinuran niya.
"Aba'y walang problema kung isa sa kanila ang tumanggap nito."
"Meron po. Hindi po kasya sa kanila ang bestida. Ang narinig kong sabi ni Mommy, ire-repair daw niya para magkasya..."
"Parini kayong dalawa," yakag ng lolo kina Althea at Rhea.
Kinakabahang lumapit ang magkapatid.
"Isukat niyo ito. Ikaw, muna Althea. Sunod ka, Rhea."
Pagkatapos ang pagsusukat ng bawat isa, binawi na ni Lolo Banjo ang bestida. Inayos niya muna ito. "Althea, bilang pangalawa sa bunso, maliit pa sa iyo ang beatidang ito. Masisira ang tela at disenyo kung pipilitin ng madiskarte niyong ina ang pagre-repair nito. Hindi ikaw ang dapat magsuot nito..."
"Pero, Lolo... ako po ang..." alma ni Althea.
Hinila ni Jovilyn si Althea at hinayaang lumuha sa kanyang likuran.
"Ikaw, Rhea... Ikaw ang pinakatanda sa kanila, pero hindi ibig sabihin ay ikaw na tatanggap nito. Masikip ito sa'yo."
Tahimik na umupo ang nabigong apo.
Nilapitan ni Lola Banjo ang anak. "Jovilyn, ipaliwanag mo nang wasto ang gusot na ito. Malaki ang magiging epekto nito sa anim mong anak, kapag hindi mo naipaunawa sa bawat isa ang kamaliang ito."
"Pa, may gusto na akong pagbigyan niyan. Hayaan niyo na ako. Ako ang ina, kaya ako ang nakakaalam kung sino ang dapat na tumanggap niyan," protesta ni Jovilyn.
"Hayaan? Hahayaan ba kitang gawin ang mali? Hahayaan ba kitang may masaktan? Maling-mali ang paraan mo ng pagpili. Hindi ito ang tunay na ugali ng isang ilaw ng tahanan. Pinupundi mo lamang ang liwanag ng iyong tanglaw..."
"Pa, hayaan niyo na ako..." Kinukuha niya ang bestida sa ama. Hindi ito ibinigay sa kanya.
"Kung hindi si Jean ang magsusuot nito, mas maigi pang wala na lamang sa kanila ang magsuot nito upang hindi pagsimulan ng inggitan at away."
"Hindi si Jean ang dapat magsuot niyan, Papa. Lagi siyang wala sa bahay. Hindi niya nagagawa ang kanyang mga gawaing-pambahay..."
"Pero, alam mong hindi naman talaga siya tamad..."
Hindi nakaimik si Jovilyn. Natahimik na rin ang paligid. Ang mga apo naman ay tila nag-aabang pa rin ng desisyon ng kanila lolo at ina.
Isang malakas na door bell ang bumasag sa katahimikang bumalot sa mag-anak. Dala-dala ang bestida, lumabas si Lolo Banjo upang tingnan ang taong nasa labas ng gate.
Matagal na naghintay ang magkakapatid sa pagbabalik ng lolo. Nang sumungaw si Lolo Banjo, may kasamang mag-ina.
"Mga apo, sila ay nanghihingi ng tulong para sa kaarawan..."
Namilog ang mga mata ng mga apo nang makita ang bestida na hawak na iyon ng dalagita.
"Ano'ng ibig sabihin nito, Papa?" Nanlilisik ang mga mata ni Jovilyn.
"Yaman din lamang na hindi kayo magkasundo, mas mabuti pang ibigay na natin kay Sophia ang bestida. Kasyang-kasya sa kanya. Tamang-tama kaarawan niya ngayon. Regalo na natin sa kanya."
"Maraming salamat po! Ngayon lamang ako makakapagsuot ng ganito kaganda," mangiyak-ngiyak na sabi ni Sophia.
"Walang anuman, Sophia. Regalo nila iyan sa'yo? Hindi ba mga apo?"
Napilitang umoo ang anim na apo. Napangiti sina Jean, Jonalyn, Flora, at Marian. Napangiwi naman sina Althea at Rhea.
Pagkatapos, ihatid ni Lolo bajo ang mag-inang bisita. Masigla at masaya niyang hinarap ang mga apo. "Pumunta na kayo sa dining, kainin na ninyo ang aking pasalubong," utos ni Lolo Banjo.
Hinarap naman niya ang anak. "Anak, hindi ko gusto ang ginawa mo. Sa uli-uli, sikapin mong maging patas sa mga anak mo, nang walang lumuluha. Matatanggap naman nila kung iisa lang ang magsusuot. Ipauunawa mo lang."
Hindi kumibo si Juvilyn. Tanggap naman niya ang desisyon ng ama.
Si Rommel at si Sandy
Magkaakbay na naglalakad ang matalik na magkaibigang
sina Rommel at Sandy patungong burol. Doon sa may malaki at mataas na puno ng
mangga, kung saan sila madalas na nagpapalipas ng oras para magkuwentuhan,
magplano, magnilay-nilay, magkantahan, at magtawanan.
Ngayong araw, nakatakda nilang pitasin ang bunga ng
mangga na matagal na nilang inaabangang mahinog. Ilang araw na rin silang
pabalik-balik doon upang itaboy ang mga ibong nais tumuka sa bunga.
"Kapag nakatapos ako sa kolehiyo, pupunta ako sa
Manila. Doon ako maghahanap ng trabaho," ani Rommel. "Ikaw? Anong
balak mo?"
"Pareho tayo."
"Kaya pala talaga tayo mag-bestfriend!"
Nakipag-apir muna si Rommel.
Natatanaw na nila ang punong mangga mula sa paanan ng
burol, nang muling nagsalita si Rommel. "Gusto ko ring pumunta sa Amerika.
Magtrabaho. Gusto ko roon manirahan. Ikaw, Sandy?"
"Ayaw ko roon," tila walang ganang sagot ng
kaibigan. Excited kasi siyang maakyat ang puno.
"Teka! Bakit ayaw mo sa Amerika?" Ikaw lang
yata ang ayaw roon. Akala ko pa naman pareho tayo ng gusto..." May
pagtatampo sa himig ni Rommel.
Hindi naman iyon napansin ni Sandy. "Rommel, dali
bilisan mo." Tumakbo na siya paakyat. "Andaming ibon sa puno. Ang
mangga natin, baka nakain na! Dali!"
Hindi tumakbo paakyat si Rommel. Matamlay niyang tinahak
ang burol. Saka lamang siya napansin ni Sandy nang nasa ilalim na siya ng puno.
"Rommel, ang bagal mo naman! Bilis!" sigaw ni
Sandy. At habang hinihintay ang kaibigan, binugaw-bugaw niya ang mga ibon na
nasa sanga ng punong mangga. Sinikap niya ring silipin sa itaas ang bunga na
kanilang pinakakaabangang mahinog, ngunit hindi niya iyon nakita.
Nais nang akyatin ni Sandy ang puno para siya ang maunang
makarating doon sa tuktok, kung nasaan ang malaking bunga ng mangga. Kaya lang,
ayaw niyang unahan si Rommel. Gusto niyang sabay silang aakyat, gaya ng dati.
"Bakit ang bagal at ang lungkot mo ngayon?"
tanong ni Sandy sa kaibigang hindi makitaan ng ngiti sa mukha.
"Tingnan mo ang lugar natin. Ang paligid..."
"O, ano?" nagugulumihanang tanong ni Sandy,
pagkatapos suyurin ng tingin ang ibabang bahagi ng burol, kung saan naroon ang
kanilang mga tahanan.
"Wala ka bang pangarap?"
"May tao bang walang pangarap?"
"May nabasa ako sa libro. Taasan daw natin ang ating
pangarap."
"Mataas din naman ang pangarap ko. Hindi nga lang
kasinglayo ng pangarap mo."
"Sawa na kasi ako sa lugar na ito, Rommel. Suntok sa
buwan ang pag-angat natin dito." Umiling-iling pa siya at ginaya ang huni
ng butiki. " Tingnan mo itong puno ng manggang ito... Hanggang dito na
lamang siya. Tumanda na siya rito. May nagbago ba sa kanya? Hindi ba't wala?
Kay tumal nga niyang mamunga. Mamunga man, paiisa-isa."
"Maaari nga, Rommel, pero hindi ba't dahil sa kanya
naging matayog ang ating mga pangarap. Hindi dahil sa kanya, naging matatag ang
ating pagkakaibigan? Hindi ba't noon at ngayon ay narito siya para pakinggan
tayo. Sa lungkot at saya, narito siya para samahan tayo. Oo, wala siyang
maibigay na masaganang bunga sa amin. Pero naitanong mo ba kung may naitulong
tayo sa kanya para mamunga siya nang hitik na hitik?"
"Ang lalim mong magsalita. Akala mo ba ay hindi kita
nauunawaan? Sandy, huwag mong igaya sa 'yo ang manggang 'yan... Matayog nga ang
pangarap mo, pero takot kang ihakbang ang mga paa mo palayo." Tinalikuran
na niya ang kaibigan at sinimulang yakapin ang malaking puno ng mangga upang
maabot niya ang unang sanga.
Nakita ni Sandy kung paanong nahirapan ang kaibigan na
akyatin ang malaking puno. Nagtataka siya kung bakit. Dati-rati naman ay walang
kahirap-hirap nitong nakaaakyat.
Nang nasa unang sanga na si Rommel, saka lamang niya
napansing hindi na natinag si Sandy sa pagkakatayo kung saan sila nag-usap.
"Akyat na!" yakag ni Rommel sa kaibigan.
Pinilit niyang ngumiti at pasayahin ang boses. "Dali na! Nakikita ko na
ang mangga, o. Wow! Hinog na hinog na!"
Matamlay na umakyat si Sandy sa isa pang sanga na kaharap
ng sanga na kinauupuan ni Rommel.
"Mag-unahan tayo uli?"
Umiling si Sandy.
"Bakit?" tanong ni Rommel. Naisip niyang
nasaktan niya ang kaibigan, pero hindi siya hihingi ng tawad. Nagsabi lang siya
ng saloobin. “Walang masama sa ginawa ko,” naisip niya.
"Mahuhulog ang bunga kapag nag-unahan tayo. Sige na,
ikaw na ang pumitas niyon."
Umakyat na si Rommel sa ikalawa at ikatlong sanga.
"Andito na ako!" masayang sabi niya."
Dahan-dahang umakyat si Sandy. Gaya ng dati, nalulula
siya. May takot talaga siya sa matataas na lugar. Kaya lang, bilang hamon sa
kanyang sarili, matagal na niyang pinag-aaralang labanan ang takot. Naalala na
naman nga niya ang madalas sabihin ng nanay niya sa kanya, na kapag natalo siya
ng kanyang takot at kahinaan, hindi niya ito mapagtatagumpayan.
Siya lang ang nakakaalam sa kanyang kinatatakutan. Ayaw
niya kasing tuksuhin siya ng kaibigan.
Umakyat pa silang pareho. Nasa ikaanim na sanga na si
Rommel, samantalang si Sandy ay nasa ikalimang sanga pa lamang. Abot-kamay na
ni Rommel ang hinog na mangga, samantalang abot-tanaw lang ito ni Sandy.
"Oy, Sandy, ang ganda pala ng tanawin dito sa
taas!" bulalas ni Rommel nang matanaw niya ang luntiang kapaligiran.
"Oo naman! Matagal ko nang alam."
"Bakit? Nakakaabot ka ba rito? Siguro pumupunta at
umaakyat ka rito mag-isa, 'no?"
"Hindi ko na kailangang umakyat diyan para makita mo
ang ganda ng paligid. Minsan, kung sino pa ang nasa baba, siya pa ang madalas
maka-appreciate ng mga bagay-bagay. Minsan rin, kung sino pa amg nasa
taas, siya pa ang hindi nakakakita... ang nabubulag sa kagandahan ng iba at
palibot."
"Wew! Andami mong alam! Ikaw na talaga! Minsan
talaga hindi kita maintindihan. Hugot ba 'yan o bahagi ng mga nobelang nababasa
mo. Ewan! Halika na nga't kainin na natin itong mangga."
"Sige. Kunin mo na. Tirahan mo na lang ako,"
ani Sandy.
"Ang arte mo! Umakyat ka na kasi rito! Para makita
mo ang tanawin dito sa taas."
Hindi umimik si Sandy. Ninamnam niya ang simoy ng hangin
na umugoy sa mga dahon at sanga ng punong mangga. Kumapit siya nang mahigpit,
ngunit tila nabawasan ang takot na kanyang nararamdaman. “Kay sarap pala sa
pakiramdam,” aniya sa isip.
"Sandy, hinog na hinog na nga!" Abot-kamay na
ni Rommel ang mangga, pero hindi pa niya iyon pinipitas. "Halika na
kasi!" May inis na sa kanyang tono.
"Ayaw ko nga! Tama na ako rito sa mababa."
"Huwag mong sabihing naduduwag ka."
"Hindi naman ako naduduwag, e. Ayaw ko lang talaga
nang nasa taas ako."
"Bakit na naman?"
"Sagutin mo ang tanong mo."
"Ogag! Hindi ko nga laman ang laman ng ulo mo,
e."
Tiningala muna ni Sandy ang kaibigan at muling yumuko.
"Nakikita mo ba ang lahat ng bahagi ng katawan ko?"
"Oo naman!"
"Sure ka?"
Natigilan si Rommel. "Hindi. Ulo mo lang,
balikat...ang... Ang... Ewan! Ano ba naman kasing tanong 'yan?"
"Iyan ang dahilan kung bakit ayaw ko nang nasa taas
ako... Mahirap para sa 'yo na makita ang mga nasa baba mo. Nabubulag ka.
Nagiging mapagmataas..."
"Put… Hindi totoo 'yan!"
"Ako... nasa mababa lamang ako, ngunit nakikita ko
ang lahat halos ng parte ng katawan mo, pati ang butas ng ilong mo."
"Litse ka talaga! Buwisit! Pipitasin ko na nga itong
mangga at uubusan kita."
"Sure ka?"
"Oo!"
Tumayo si Sandy. Hinigpitan ang kapit at niyugyog ang
sanga na kanyang kinatatayuan.
"Oy, Sandy, tumigil ka!"
Lalong nilakasan ni Sandy ang pagyugyog. Tila nakalimutan
niyang may takot siya sa heights.
Bago naabot ni Rommel ang mangga, napigtas iyon sa
tangkay at marahang bumagsak sa lupa. Natigilan siya. Maya-maya, minura-mura
niya si Sandy, na kasalukuyan namang bumababa sa puno.
Nang makababa si Rommel, wala na si Sandy. Naroon naman
sa lupa ang nadurog na mangga. Hindi na ito mapakikinabangan pa, kaya labis ang
paghihinayang niya. Gusto niya itong damputin, ngunit mas pinili niyang habulin
ang matalik na kaibigan upang sabihin sa kaibigan na tama ito.
Friday, July 1, 2016
Ang Aking Journal --- Hulyo, 2016
Ang Lapida
Pinagmasdan lamang ng bata ang lolo. Tahimik rin niyang binasa ang nakaukit sa marmol. RIP Your loving memories will remain in our hearts. Maria Natividad Bondoc Born: December 14, 1952 Died: March 7, 2014.
Nang matapos mag-usal ng dasal ang lolo, hinaplos niya ang mga nakaukit na letra ng pangalan ng yumaong asawa. Ilang minuto niya ring inalala ang mga magagandang alaala nito, habang paulit-ulit na idinadantay ang mga daliri sa bawat titik.
“Lolo, mahal na mahal niyo po talaga si Lola Naty, ano po?” tanong ni Robbie.
Tiningnan niya muna ang apo, bago bahagyang tumango. “Napakabait ng lola mo. Hindi sapat ang mga katagang ito para lagi natin siyang maalala…”
Napamaang ang apo. Hindi na rin nagsalita si Lolo Ruben, kaya tila may dumaang anghel sa pagitan nila.
“Lolo, ano po ang ibig sabihin ng RIP?” muling tanong ng apo.
“Rest in Peace. Ibig sabihin, hangad natin sa lola mo na maging tahimik at masaya sa langit, kasama ang Diyos natin.”
Tumango-tango muna ang bata. “E, ito po?” Itinuro ang sentence sa baba ng RIP.
“Nasa puso lagi natin ang mga alaala ng lola mo.”
“Nababasa niyaa po ba ito?” napakainosenteng tanong uli ni Robbie.
Natawa si Lolo Ruben, pero agad din namang nagseryoso. “Hindi. Pero, opo… nababasa niya. Nararamdaman niya.”
“Alam niya po na dinalaw natin siya ngayon?”
Tumango lang ang lolo.
“Lahat po ba ng lola may ganito?” Itinuro niya ang marmol na lapida.
“Hindi lahat. Hindi lahat ng pamilya ay kayang magpagawa nito. Ang iba, pintura lang. Walang lapida.”
“Bakit po?”
“Kasi ang iba, wala silang pampagawa nito. Mahal kasi ito.”
Tumango-tangong muli ang apo.
“Magagalit po ba si Lolo Naty kung wala siya niyan?”
Tuluyan nang pumulanghit ng tawa si Lolo Ruben. Nakitawa na rin si Robbie.
“Apo, ang lapida ito ay simbolo lang ng pagmamahal natin sa iyong lola. Hindi pa ito sapat para masuklian natin ang pagmamahal na inalaay niya para sa atin noong kasama pa natin siya. Pero, kahit naman hindi ganito ang lapida niya o kahit wala, alam kong hindi siya magagalit, dahil napakamaunawain niya…” Tinantiya niya ang apo kung nauunawaan siya. “Isa pa, kapag walang ganito, baka hindi natin siya mahanap. Baka ibang pamilya ang magtirik ng kandila para sa kanya, kasi nga walang pangalan.”
Kumbinsido si Robbie.
“Let’s go na?” yakag ng lolo.
“Wait…” Hinila niya ang kamay ng lolo para umupong muli sa damuhan. “May sasabihin pa ako kay Lola Naty.”
“O siya. Sige, sabihin mo na.”
“Lola Naty, miss ka na po namin. Sabi ni lolo, alam mo raw na dinalaw ka namin. Sasama uli ako dito sa susunod… Alam ko na po ito puntahan. Hindi po ako maliligaw dahil may lapida ka. Binasa ko lahat at kinabisado.”
Palihim na natawa si Lolo Ruben sa mga tinuran ng apo. Pagkatapos, tahimik silang lumayo sa puntod ni Lola Naty.
Bago nakalabas sa memorial garden ang maglolo, may naisip na namang tanong si Robbie.
“Lo, bakit… bakit po may born at died doon sa lapida? Parang talambuhay po.” Tumawa pa siya.
A, yun ba? Kasi, magkakaiba ng birthday ang tao. Doon natin malalaman kung ilang taon na siya nang bawian siya ng hininga ng Panginoon…”
Kumunot ang noo ng bata.
“May nabasa po kasi akong talambuhay ng isang bayani… parang pareho po. Bayani po ba si Lolo Naty?”
Muntik nang mailuwa ni Lolo Ruben ang pustiso niya. “Hindi siya bayani tulad ng mga kilala mong bayani, pero bayani siya sa kanyang naiibang paraan. Ang pagpapalaki lamang sa iyong ama at iyong mga uncle at auntie ay isa nang kabayanihan…”
“E, sana po pala… ipinalagay niyo sa lapida niya ang mga nagawa ni Lola. Iyong pagiging mabuting ina niya, saka po ‘yung… ‘yung… pagiging titser niya. Sabi niyo po sa akin, naging successful si Lola sa kanyang pagiging titser…”
“Tama ka, Robbie. Pero, hindi naman iyon titingnan ng Diyos pagdating sa langit. Pantay-pantay tayo pagdating doon. Hindi mahalaga kung nakamit mo ang tagumpay dito sa lupa o kung ano-ano ang mga nakamit mo. Ang mahalaga ay kung paano tayo naging mabuting tao nang nabubuhay pa tayo,’’ malinaw na paliwanag ni Lolo Ruben. Nakita niyang nakumbinsi si Robbie sa kanyang inihayag.
“Lolo, gusto ko ‘pag namatay ako…”
“Huwag kang magsalita nang ganyan…” sawata ng lolo.
“Hindi po, Lo… basta gusto ko lang pong malaman niyo na kung ano ang gusto kong ilagay sa lapida ko.”
“O, ano naman?” Napangiti na lang ang lolo sa kabibuhan ng apo.
“RIP poging bata,” aniya, sabay tawa nang malakas.
Napatawa na rin si Lolo Ruben.
Ang Aking Journal -- Hulyo 2026
Hulyo 1, 2026 Muntik na akong ma-late dahil sa bus na nasakyan ko. Panay ang hinto at pick-up niyon ng mga pasahero. Hindi ko na tuloy naa...
-
Ano ang Kolum (Column)? Paano ito isinusulat? Ang kolum o pitak ay regular na lathalain o serye ng mga artikulo sa pahayagan, magasi...
-
Si Baltog Noong unang panahon, may isang maginoo at makisig na binata—si Baltog. Anak siya ng datu sa tribu ng Botaera ...