Magkaakbay na naglalakad ang matalik na magkaibigang
sina Rommel at Sandy patungong burol. Doon sa may malaki at mataas na puno ng
mangga, kung saan sila madalas na nagpapalipas ng oras para magkuwentuhan,
magplano, magnilay-nilay, magkantahan, at magtawanan.
Ngayong araw, nakatakda nilang pitasin ang bunga ng
mangga na matagal na nilang inaabangang mahinog. Ilang araw na rin silang
pabalik-balik doon upang itaboy ang mga ibong nais tumuka sa bunga.
"Kapag nakatapos ako sa kolehiyo, pupunta ako sa
Manila. Doon ako maghahanap ng trabaho," ani Rommel. "Ikaw? Anong
balak mo?"
"Pareho tayo."
"Kaya pala talaga tayo mag-bestfriend!"
Nakipag-apir muna si Rommel.
Natatanaw na nila ang punong mangga mula sa paanan ng
burol, nang muling nagsalita si Rommel. "Gusto ko ring pumunta sa Amerika.
Magtrabaho. Gusto ko roon manirahan. Ikaw, Sandy?"
"Ayaw ko roon," tila walang ganang sagot ng
kaibigan. Excited kasi siyang maakyat ang puno.
"Teka! Bakit ayaw mo sa Amerika?" Ikaw lang
yata ang ayaw roon. Akala ko pa naman pareho tayo ng gusto..." May
pagtatampo sa himig ni Rommel.
Hindi naman iyon napansin ni Sandy. "Rommel, dali
bilisan mo." Tumakbo na siya paakyat. "Andaming ibon sa puno. Ang
mangga natin, baka nakain na! Dali!"
Hindi tumakbo paakyat si Rommel. Matamlay niyang tinahak
ang burol. Saka lamang siya napansin ni Sandy nang nasa ilalim na siya ng puno.
"Rommel, ang bagal mo naman! Bilis!" sigaw ni
Sandy. At habang hinihintay ang kaibigan, binugaw-bugaw niya ang mga ibon na
nasa sanga ng punong mangga. Sinikap niya ring silipin sa itaas ang bunga na
kanilang pinakakaabangang mahinog, ngunit hindi niya iyon nakita.
Nais nang akyatin ni Sandy ang puno para siya ang maunang
makarating doon sa tuktok, kung nasaan ang malaking bunga ng mangga. Kaya lang,
ayaw niyang unahan si Rommel. Gusto niyang sabay silang aakyat, gaya ng dati.
"Bakit ang bagal at ang lungkot mo ngayon?"
tanong ni Sandy sa kaibigang hindi makitaan ng ngiti sa mukha.
"Tingnan mo ang lugar natin. Ang paligid..."
"O, ano?" nagugulumihanang tanong ni Sandy,
pagkatapos suyurin ng tingin ang ibabang bahagi ng burol, kung saan naroon ang
kanilang mga tahanan.
"Wala ka bang pangarap?"
"May tao bang walang pangarap?"
"May nabasa ako sa libro. Taasan daw natin ang ating
pangarap."
"Mataas din naman ang pangarap ko. Hindi nga lang
kasinglayo ng pangarap mo."
"Sawa na kasi ako sa lugar na ito, Rommel. Suntok sa
buwan ang pag-angat natin dito." Umiling-iling pa siya at ginaya ang huni
ng butiki. " Tingnan mo itong puno ng manggang ito... Hanggang dito na
lamang siya. Tumanda na siya rito. May nagbago ba sa kanya? Hindi ba't wala?
Kay tumal nga niyang mamunga. Mamunga man, paiisa-isa."
"Maaari nga, Rommel, pero hindi ba't dahil sa kanya
naging matayog ang ating mga pangarap. Hindi dahil sa kanya, naging matatag ang
ating pagkakaibigan? Hindi ba't noon at ngayon ay narito siya para pakinggan
tayo. Sa lungkot at saya, narito siya para samahan tayo. Oo, wala siyang
maibigay na masaganang bunga sa amin. Pero naitanong mo ba kung may naitulong
tayo sa kanya para mamunga siya nang hitik na hitik?"
"Ang lalim mong magsalita. Akala mo ba ay hindi kita
nauunawaan? Sandy, huwag mong igaya sa 'yo ang manggang 'yan... Matayog nga ang
pangarap mo, pero takot kang ihakbang ang mga paa mo palayo." Tinalikuran
na niya ang kaibigan at sinimulang yakapin ang malaking puno ng mangga upang
maabot niya ang unang sanga.
Nakita ni Sandy kung paanong nahirapan ang kaibigan na
akyatin ang malaking puno. Nagtataka siya kung bakit. Dati-rati naman ay walang
kahirap-hirap nitong nakaaakyat.
Nang nasa unang sanga na si Rommel, saka lamang niya
napansing hindi na natinag si Sandy sa pagkakatayo kung saan sila nag-usap.
"Akyat na!" yakag ni Rommel sa kaibigan.
Pinilit niyang ngumiti at pasayahin ang boses. "Dali na! Nakikita ko na
ang mangga, o. Wow! Hinog na hinog na!"
Matamlay na umakyat si Sandy sa isa pang sanga na kaharap
ng sanga na kinauupuan ni Rommel.
"Mag-unahan tayo uli?"
Umiling si Sandy.
"Bakit?" tanong ni Rommel. Naisip niyang
nasaktan niya ang kaibigan, pero hindi siya hihingi ng tawad. Nagsabi lang siya
ng saloobin. “Walang masama sa ginawa ko,” naisip niya.
"Mahuhulog ang bunga kapag nag-unahan tayo. Sige na,
ikaw na ang pumitas niyon."
Umakyat na si Rommel sa ikalawa at ikatlong sanga.
"Andito na ako!" masayang sabi niya."
Dahan-dahang umakyat si Sandy. Gaya ng dati, nalulula
siya. May takot talaga siya sa matataas na lugar. Kaya lang, bilang hamon sa
kanyang sarili, matagal na niyang pinag-aaralang labanan ang takot. Naalala na
naman nga niya ang madalas sabihin ng nanay niya sa kanya, na kapag natalo siya
ng kanyang takot at kahinaan, hindi niya ito mapagtatagumpayan.
Siya lang ang nakakaalam sa kanyang kinatatakutan. Ayaw
niya kasing tuksuhin siya ng kaibigan.
Umakyat pa silang pareho. Nasa ikaanim na sanga na si
Rommel, samantalang si Sandy ay nasa ikalimang sanga pa lamang. Abot-kamay na
ni Rommel ang hinog na mangga, samantalang abot-tanaw lang ito ni Sandy.
"Oy, Sandy, ang ganda pala ng tanawin dito sa
taas!" bulalas ni Rommel nang matanaw niya ang luntiang kapaligiran.
"Oo naman! Matagal ko nang alam."
"Bakit? Nakakaabot ka ba rito? Siguro pumupunta at
umaakyat ka rito mag-isa, 'no?"
"Hindi ko na kailangang umakyat diyan para makita mo
ang ganda ng paligid. Minsan, kung sino pa ang nasa baba, siya pa ang madalas
maka-appreciate ng mga bagay-bagay. Minsan rin, kung sino pa amg nasa
taas, siya pa ang hindi nakakakita... ang nabubulag sa kagandahan ng iba at
palibot."
"Wew! Andami mong alam! Ikaw na talaga! Minsan
talaga hindi kita maintindihan. Hugot ba 'yan o bahagi ng mga nobelang nababasa
mo. Ewan! Halika na nga't kainin na natin itong mangga."
"Sige. Kunin mo na. Tirahan mo na lang ako,"
ani Sandy.
"Ang arte mo! Umakyat ka na kasi rito! Para makita
mo ang tanawin dito sa taas."
Hindi umimik si Sandy. Ninamnam niya ang simoy ng hangin
na umugoy sa mga dahon at sanga ng punong mangga. Kumapit siya nang mahigpit,
ngunit tila nabawasan ang takot na kanyang nararamdaman. “Kay sarap pala sa
pakiramdam,” aniya sa isip.
"Sandy, hinog na hinog na nga!" Abot-kamay na
ni Rommel ang mangga, pero hindi pa niya iyon pinipitas. "Halika na
kasi!" May inis na sa kanyang tono.
"Ayaw ko nga! Tama na ako rito sa mababa."
"Huwag mong sabihing naduduwag ka."
"Hindi naman ako naduduwag, e. Ayaw ko lang talaga
nang nasa taas ako."
"Bakit na naman?"
"Sagutin mo ang tanong mo."
"Ogag! Hindi ko nga laman ang laman ng ulo mo,
e."
Tiningala muna ni Sandy ang kaibigan at muling yumuko.
"Nakikita mo ba ang lahat ng bahagi ng katawan ko?"
"Oo naman!"
"Sure ka?"
Natigilan si Rommel. "Hindi. Ulo mo lang,
balikat...ang... Ang... Ewan! Ano ba naman kasing tanong 'yan?"
"Iyan ang dahilan kung bakit ayaw ko nang nasa taas
ako... Mahirap para sa 'yo na makita ang mga nasa baba mo. Nabubulag ka.
Nagiging mapagmataas..."
"Put… Hindi totoo 'yan!"
"Ako... nasa mababa lamang ako, ngunit nakikita ko
ang lahat halos ng parte ng katawan mo, pati ang butas ng ilong mo."
"Litse ka talaga! Buwisit! Pipitasin ko na nga itong
mangga at uubusan kita."
"Sure ka?"
"Oo!"
Tumayo si Sandy. Hinigpitan ang kapit at niyugyog ang
sanga na kanyang kinatatayuan.
"Oy, Sandy, tumigil ka!"
Lalong nilakasan ni Sandy ang pagyugyog. Tila nakalimutan
niyang may takot siya sa heights.
Bago naabot ni Rommel ang mangga, napigtas iyon sa
tangkay at marahang bumagsak sa lupa. Natigilan siya. Maya-maya, minura-mura
niya si Sandy, na kasalukuyan namang bumababa sa puno.
Nang makababa si Rommel, wala na si Sandy. Naroon naman
sa lupa ang nadurog na mangga. Hindi na ito mapakikinabangan pa, kaya labis ang
paghihinayang niya. Gusto niya itong damputin, ngunit mas pinili niyang habulin
ang matalik na kaibigan upang sabihin sa kaibigan na tama ito.
No comments:
Post a Comment