Followers

Sunday, July 3, 2016

Ang Bestida

"May problema ba dito Jovilyn? Bakit kayo nag-iiringan? Nakakahiya sa kapitbahay," makapangyarihan, ngunit marahang tanong ni Lolo Banjo nang maabutan niya ang mag-iina na nagtatalo-talo kung sino ang dapat na tumanggap ng bagong bestida.

"Wala, Papa," mariing tanggi ng ina.

"Meron po, Lolo." Lumapit si Jonalyn para magmano.

Nagsilapitan na rin ang mga kapatid niyang sina Jean, Althea, Rhea, Marian, at Flora.

"Pagpalain kayo ng ating Maykapal. Heto may pasalubong ako sa inyo." Iniabot niya ito kay Rhea, ang pinakamatanda sa magkakapatid upang ilagay muna sa hapag-kainan. "Pagkatapos nating pag-usapan at maayos ang anumang inyong pinag-aalitan, saka lamang ninyo kakainin ang aking pasalubong. Ayos ba iyon?"

Nag-chorus sa pagsagot ng 'opo' ang magkakapatid. Kahit paano ay naibsan ang galit nina Jean, Jonalyn, Marian, at Flora. Medyo, sumimangot naman sina Rhea at Althea. Nakahalukipkip naman ang kanilang ina. Nais niyang kumontra, ngunit hindi niya iyon ginawa. Kailanman man ay hindi niya nagawang hadlangan ang pamamagitan ng ama sa kanilang mga alitan, lalo na kapag siya ay nasa panig ng mali.

"Jovilyn, maaari ko bang nahawakan ang bestida?"

Tahimik na ibinigay ni Jovilyn ang bestida sa ama.

Sinipat-sipat ni Lolo Banjo ang maganda at makulay na bestida, pagkatapos at sinulyapan niya isa-isa ang mga apo. Napangiti ang lahat ng sinulyapan niya maliban kay Flora.

"O, Flora, bakit malungkot ka? Hindi mo ba gustong tumanggap nito?"

"Gusto po," mahinahong sagot ni Flora. "Kaya lang, hindi naman iyan ipinasukat sa akin ni Mommy."

Tiningnan nang masama ng ama sa Jovilyn, bago nagsalita. "Alam mo ba, Jovilyn ang salitang equality?" Hindi niya hinayaang makasagot ang anak. "Mula't sapul, ganyan ka. Hindi ka patas. Paano kung kasya rin pala kay Flora ang bestida. Paano mo malalaman kung hindi mo man lamang siya binigyan ng pagkakataong masukat niya ito?"

Hindi nakakibo si Jovilyn.

"Halika, apo. Isukat mo ito."

Biglang sumigla ang awra ni Flora nang lumapit siya kay Lolo Banjo. At agad niya itong isinuot.

"Ayan! Kasyang-kasya at bagay na bagay sa'yo!"

Umikot-ikot pa si Flora. Ninamnam niya ang pagkakataong maisuot iyon, kahit alam niyang malabong ibigay iyon sa kanya ng ina, gayong hindi siya nito paborito.

Pagkatapos hubarin ni Flora ang bestida, tahimik siyang bumalik sa upuan.

"Lahat kayo ay may karapatang tumanggap nito," ani Lolo Banjo. "Kung sinuman ang napili ay ipagpasalamat na ninyong lahat. Magkakapatid kayo. Dapat kayong nagkakaunawaan... nagmamahalan. Ang bestidang ito ay hindi maikukumpara sa inyong iisang dugo na nananalaytay sa inyong mga katawan. Hindi nito dapat masira ang inyong pagkakapatiran. Tandaan niyo 'yan. Ikaw, Jovilyn, gabayan mo ang iyong mga anak tungo sa kagandahang-asal."

"Naunawaan ka po namin, Lolo Banjo," wika ng pangalawa sa magkakapatid na si Marian. Bumuntong-hininga siya bago ipinagpatuloy ang litanya. "Ang hindi namin maunawaan ay kung bakit humantong kami sa ganito. Iisa lamang po ang blusa. Anim kami. Iisa lang ang dapat na tumanggap. Ngunit, sino po sa amin ang dapat? Ako po ba dahil bukod kay Ate Rhea, ako ay masipag sa mga gawaing bahay at sa pag-aaral?  O si Jean dahil siya naman talaga ang pinangakuan niya noon pa. Kaya niya binili ang bestida ay dahil kailangan na niya, ngunit sinasabi niya lamang na hindi pala ito nababagay sa kanya. Kung gayon, sana sa akin na lang po dahil kung ikukumpara ako kay Ate, ako ang mas epektibong ate sa aming mga kapatid. Hindi lamang iyon napapansin ni Mommy, dahil iba ang kanyang tinititigan."

Aalma sana si Rhea, kung hindi lamang napigilan ng ina.

Matalim ang ginawang pagsulyap ng ama kay Jovilyn, bago niya sinagot ang mga katanungan ni Marian.

"Bagay na bagay rin sa'yo ang bestidang ito, Marian. Lahat kayong magkakapatid ay karapat-dapat na magsuot ng ganitong kasuotan. Kaya nga lamang, may mga bagay na dapat isaalang-alang. Since, isa lamang ang bestida at anim kayong maaaring pagpilian, nararapat lang na sundin natin ang tama." Tiningnan niya si Jovilyn. "Bilang ina, wala ka dapat na paboritismo. Lahat sila ay anak mo. Kung hindi mo kayang bigyan sila ng tig-iisang bestida, sana ang tamang pagpili ang isagawa mo. Sino ba ang gusto mong bigyan?" Naghintay nang matagal ang ama sa sagot ng anak. "Sino?"

"Sina Ate Rhea at Ate Althea po ang gusto ni Mommy," Si Flora ang sumagot. May halong panunumbat sa tinuran niya.

"Aba'y walang problema kung isa sa kanila ang tumanggap nito."

"Meron po. Hindi po kasya sa kanila ang bestida. Ang narinig kong sabi ni Mommy, ire-repair daw niya para magkasya..."

"Parini kayong dalawa," yakag ng lolo kina Althea at Rhea.

Kinakabahang lumapit ang magkapatid.

"Isukat niyo ito. Ikaw, muna Althea. Sunod ka, Rhea."

Pagkatapos ang pagsusukat ng bawat isa, binawi na ni Lolo Banjo ang bestida. Inayos niya muna ito. "Althea, bilang pangalawa sa bunso, maliit pa sa iyo ang beatidang ito. Masisira ang tela at disenyo kung pipilitin ng madiskarte niyong ina ang pagre-repair nito. Hindi ikaw ang dapat magsuot nito..."

"Pero, Lolo... ako po ang..." alma ni Althea.

Hinila ni Jovilyn si Althea at hinayaang lumuha sa kanyang likuran.

"Ikaw, Rhea... Ikaw ang pinakatanda sa kanila, pero hindi ibig sabihin ay ikaw na tatanggap nito. Masikip ito sa'yo."

Tahimik na umupo ang nabigong apo.

Nilapitan ni Lola Banjo ang anak. "Jovilyn, ipaliwanag mo nang wasto ang gusot na ito. Malaki ang magiging epekto nito sa anim mong anak, kapag hindi mo naipaunawa sa bawat isa ang kamaliang ito."

"Pa, may gusto na akong pagbigyan niyan. Hayaan niyo na ako. Ako ang ina, kaya ako ang nakakaalam kung sino ang dapat na tumanggap niyan," protesta ni Jovilyn.

"Hayaan? Hahayaan ba kitang gawin ang mali? Hahayaan ba kitang may masaktan? Maling-mali ang paraan mo ng pagpili. Hindi ito ang tunay na ugali ng isang ilaw ng tahanan. Pinupundi mo lamang ang liwanag ng iyong tanglaw..."

"Pa, hayaan niyo na ako..." Kinukuha niya ang bestida sa ama. Hindi ito ibinigay sa kanya.

"Kung hindi si Jean ang magsusuot nito, mas maigi pang wala na lamang sa kanila ang magsuot nito upang hindi pagsimulan ng inggitan at away."

"Hindi si Jean ang dapat magsuot niyan, Papa. Lagi siyang wala sa bahay. Hindi niya nagagawa ang kanyang mga gawaing-pambahay..."

"Pero, alam mong hindi naman talaga siya tamad..."

Hindi nakaimik si Jovilyn. Natahimik na rin ang paligid. Ang mga apo naman ay tila nag-aabang pa rin ng desisyon ng kanila lolo at ina.

Isang malakas na door bell ang bumasag sa katahimikang bumalot sa mag-anak. Dala-dala ang bestida, lumabas si Lolo Banjo upang tingnan ang taong nasa labas ng gate.

Matagal na naghintay ang magkakapatid sa pagbabalik ng lolo. Nang sumungaw si Lolo Banjo, may kasamang mag-ina.

"Mga apo, sila ay nanghihingi ng tulong para sa kaarawan..."

Namilog ang mga mata ng mga apo nang makita ang bestida na hawak na iyon ng dalagita.

"Ano'ng ibig sabihin nito, Papa?" Nanlilisik ang mga mata ni Jovilyn.

"Yaman din lamang na hindi kayo magkasundo, mas mabuti pang ibigay na natin kay Sophia ang bestida. Kasyang-kasya sa kanya. Tamang-tama kaarawan niya ngayon. Regalo na natin sa kanya."

"Maraming salamat po! Ngayon lamang ako makakapagsuot ng ganito kaganda," mangiyak-ngiyak na sabi ni Sophia.

"Walang anuman, Sophia. Regalo nila iyan sa'yo? Hindi ba mga apo?"

Napilitang umoo ang anim na apo. Napangiti sina Jean, Jonalyn, Flora, at Marian. Napangiwi naman sina Althea at Rhea.

Pagkatapos, ihatid ni Lolo bajo ang mag-inang bisita. Masigla at masaya niyang hinarap ang mga apo. "Pumunta na kayo sa dining, kainin na ninyo ang aking pasalubong," utos ni Lolo Banjo.

Hinarap naman niya ang anak. "Anak, hindi ko gusto ang ginawa mo. Sa uli-uli, sikapin mong maging patas sa mga anak mo, nang walang lumuluha. Matatanggap naman nila kung iisa lang ang magsusuot. Ipauunawa mo lang."

Hindi kumibo si Juvilyn. Tanggap naman niya ang desisyon ng ama.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...