Simple lang naman ang pagluto nito. Kung paano mo kadaling naloko kaming mga kasamahan mo sa trabaho, ganoon din ang pagluto nito.
Ang una ay magtadtad ka ng bawang. Pinong-pino. Bawal ang makapal na piraso. Tadtarin mo na rin ang mukha mong makapal. Tapos, maggayat ka ng sibuyas. Huwag kang iiyak. Kapag umiyak ka, guilty ka. Tandaan mo, pinong-pino rin. Iyong parang hindi halatang sibuyas. Katulad ng ginagawa mong mga kabulastugan sa opisina. Akala mo walang nakakaalam o nakakakita sa'yo.
Isunod mo na ang paggayat ng kamatis. Mas pino, mas maganda. Huwag mong isama ang mga buto nito o ang mga bulok kasi ipambabato ko sa'yo. Sa dami mong kasalanang ginawa sa amin, kulang pa ang bulok na kamatis. Dapat sa'yo, hilaw na durian ang ihampas sa pagmumukha mo!
Sa karne na tayo. Dapat mas marami ang taba kaysa sa laman. Huwag masyadong malaki ang pagkahiwa ng karne. Huwag ding masyadong marami. Sahog lang 'yan, kumbaga. Nasanay ka kasi sa marami. Ayaw mo ng kaunti. Gusto mong ubusin ang pondo natin.
Magpainit na ang kawali. Igisa mo na ang mga rekados. Alam mo na kung ano ang uunahin mo? Bawang ba o ang sibuyas? Alam mo nga kung paano makakupit ng salapi sa pondo natin. So, dapat alam mo na rin kung paano maging mabango ang ginigisa mo.
Ihuli mo ang kamatis at ang karne. Huli lagi ang pagsisisi. Darating ang araw, kakarmahin ka rin.
Huwag mong sunugin ang mga ginigisang sangkap. Ikaw ang dapat sunugin sa impiyerno! Masamang ehemplo ka, e.
Then, pakuluan sa loob ng 30 seconds. Oo, pakukuluan din kita. Hindi nga lang 30 seconds, kundi 30 minutes, para lumambot iyang puso mo.
Pagkatapos nito, ilahok mo na ang alamang. Mabaho 'yan, kagaya mo. Pero, masarap naman. Masarap ka rin naman. Masarap kang bitayin.
Limang minuto mong pakuluan. Ang bilis lang nu'n kaya huwag kang mainip. Hindi ka nga nainip noong nagnanakaw ka ng pera namin.
Next is lagyan mo ng suka. Isang kutsara lang. Pang-alis ng langsa. At pampatagal ng buhay. Ikaw, asido ang ibubuhos ko sa'yo. Pang-alis ng makapal mong mukha. Pampatanggal din ng buhay.
Ang sweet ko, 'no?
Ganyan ang alamang. Kailangan manamis-namis. Kaya, lagyan mo ng konting asukal para maglaban ang alat at tamis. Saka mo lakasan ang apoy. Imagine the burning hell. Ganoon kalakas. Doon kita ihahagis.
Kapag may consistency na ang mixture, luto na ang alamang. Siguradong maghahanap ka ng manggang hilaw o singkamas.
Huwag ka nang maghanap dahil ilalagay na kita sa garapon.
Followers
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment