Followers
Friday, July 1, 2016
Ang Aking Journal --- Hulyo, 2016
Hulyo 1, 2016
Nagbigay ako ng summative tests sa Hekasi at Filipino. Nakapag-check na rin kami.
Nag-award din ako ng certificate sa mga pupils ko na naka-perfect ng attendance noong June. I'm sure marami ang na-inspire.
Past one, sinimulan ko ang meeting kahit hindi pa nangalahati ang total na bilang ng expected na parents. Winelcome ko muna sila at pinasalamatan. Then, inisa-isa ko ang aming agenda. Naibida ko rin ang mga activities namin ng mga bata. Tiyak ako na naging proud at masaya sila sa kanilang mga anak. May nagsabi nga na gusto nilang ako pa rin ang guro ng mga anak nila.
Nagkaroon ng election ng HRPTA Officers, bago ko sila pinauwi. I hope na sana maging maayos ang samahan namin sa buong taon.
Naghanda ako ng visual aids bago ako umuwi. Gusto ko kasi na ready na ako sa Lunes, kung kailan bago na naman ang schedule namin.
Bago ko iyon natapos, nagkuwentuhan kami ni Mareng Janelyn tungkol sa isyu ng promotion. Hindi ko talaga lubos maisip na may bias na nangyayari at nangyari. Hindi na nga ako nagpa-rank dahil naniniwala akong para kay Mam Joan ang posisyong ito. Hindi pala. Ipinagkait pa sa kanya. Sana pala nagpa-rank na ako para malaman ko kung ano ang level ko. Sabagay... hindi nila nanaising ako ang ma-promote.
Pag-uwi ko, umidlip ako. Saka ko lang kasi naramdaman ang pagod at antok. Parang gusto ko nang ituloy ang tulog. Kundi lamang humilab ang sikmura ko.
Nang matapos akong magkape, bumalik ang sigla ko. Nakapagsulat nga ako ng dagli, tungkol sa lapida. Sana ma-gets ng mga kinauukulan ang mensahe niyon. Gusto kong matamaan sila at magnilay-nilay.
Hulyo 2, 2016
Bumiyahe ako papuntang Antipolo bandang alas-9 ng umaga. Alas-11:30 na ako dumating sa Bautista. Ilang minuto ang lumipas, sumilip na ako sa kabaong ni Kuya Rex. Nalungkot ako sa sinapit niya. Magti-39 pa lang sana siya sa November.
Matutulog sana ako pagkatapos mananghalian nang dumating sina Auntie Emole. Nakiharap ako sa kanya at kay Ate Donna. Pagkatapos ng ilang minuto, dumating naman sina Tita Merly at Tita Lea. Tapos, bumaba kami kay Tito Ben. Doon ako natagalan kasi nakipag-bonding pa ako kina Joy at April.
Ang saya ng kuwentuhan namin. Nanguha pa kami ng avocado sa kabilang bakod. Doon na rin kami kumain ng hapunan. Namiss ko ang luto ni Auntie Helen.
Dahil sa pagkakataong ito, nakasalamuha ko ang mga pinsan at mga tiyahin ko. Kahit paano ay nailalapit ko ang loob ko sa kanila, na hindi ko madalas magawa dahil sa trabaho at dahil sa pagkamahiyain. Bukas nga ay inaasahan pa ako nina Auntie Vangie na maabutan pa nila ako dito. Nagdesisyon akong magpagabi na lang para makasalamuhang muli sila.
Hulyo 3, 2016
Nakipagkuwentuhan ako kay Chriz. Tinawag niya kasi ako. Kung hindi lang ako pinagluto ni Mama, hindi pa sana kaagad iyon mapuputol.
Pagkuwa'y sina Renoir naman ang kaharap namin. Nahihiya akong kaharap sila pero pinilit ko. Mabuti andoon sina Jano, Chriz, at Kuya Bullet. Bumaba pa nga kami kina Tito Ben. Then, dumating na sina Kuya Jape at Eking. Si Eking naman ang nakakuwentuhan ko.
Ilang saglit ding nakipagkuwentuhan sa akin si Sassy.
Nag-bingo pa kami, bago kami umuwi nina Kuya Jape. Nakisabay na ako sa sasakyan niyang dala. Alas-onse na ako nakauwi sa boarding house.
Hulyo 4, 2016
Kahit 6:30 ang official time namin simula ngayon, nagising pa rin ako nang maaga. Mas gusto ko ang ganitong oras ng gising at pasok. Nakabili pa ako ng almusal sa may daanan.
Naging masigla ang pagtuturo ko sa ibang section. Nainis naman ako sa ingay at gulo ng last section. Nagpakopya lang ako. Ayaw kong kawawain ang vocal cords ko.
Sa Section Garnet naman ay agad kong nakuha ang mga atensiyon nila. Sinimulan ko iyon ng pagpapatawa. Unang beses naming magkaklase dahil si Mam Depaz ay hindi na doon magtuturo.
Alas-dos ay nagkaroon ng faculty meeting. Tungkol sa loading ang pinag-usapan. Hinihintay kong magsalita tungkol sa wrongking, I mean, ranking for promotion, pero walang binanggit. Nakaplano na kasi ang mga sasabihin ko. Pero pagkatapos nito, nagulat na lang ako nang hinilain kaming apat na T2 (Ako, Ms. Kris, Sir Rey, at Mam Leah) palayo upang sabihin niya na maghanda kami ng papers namin para sa ranking ma pangungunahan ni Mam Jessica.
Natuwa ako, and at the same time, nagtaka ako kung bakit nag-iba na naman ang ihip ng hangin.
Pag-uwi ko, inihanda ko ang ilang layout ng mga credentials ko. Kahit paano ay umaasa akong magta-top 1 ako. Huwag lang nilang gagawing bias ang ranking. Kasi, obvious naman na kulilat ang taong gusto nilang i-promote.
Hulyo 5, 2016
Paggising ko ay masakit ang batok ko. Low blood yata ako. Laging kulang sa tulog dahil sa maagang pasok.
Mabuti na lang at may Holy Spirit Mass. Hindi kami nagpalitan ng klase. Nag-stay ako sa klase ko. Nagpasulat ako ng lecture. Nagpasulat ng balita. Nagturo. Nagpa-activity.
Kahit paano ay natuto ang mga bata.
Bukod sa stiffed neck, nag-diarrhea din ako. Ilang beses akong nagbanyo. Kakainis! Namamayat na naman nga ako, dagdagan pa nito.
Mga past 4 na ako nakauwi dahil nag-meeting kaming mga BOD ng coop. Pag-uwi ko naman ay chinat ko si Auntie Vangie. Gusto kasi namin na makamura sa PE uniform. Matagal kaming nag-converse. Kailangan parehong kumita, kaya kailangang maghanap ng murang tela. Sa Thursday ko pa malalaman ang bagong quotation. Sana makakuha kami sa kanila.
Dahil sa mga karamdaman ko, hindi ako makakapunta sa libing ni Kuya Rex. Ipapahinga ko na lang bukas ang katawan ko. Salamat sa holiday!
Hulyo 6, 2016
Walang pasok ngayon dahil Eid'l Ftr. Birthday din ngayon ni Zillion. Tinawagan niya ako. Expected ko naman na ako pa ang tatawagan. Madalas silang may load na pantawag kaya hindi na ako nag-aksaya ng load. Isa pa, masama pa rin ang pakiramdam ko. Hindi ko pa rin maigalaw nang maayos ang leeg ko. Panay din ang poopoo ko. Nanghihina na nga ako. Wala rin akong ganang kumain. Ni hindi rin ako makatulog. Ano ba itong nangyayari sa akin? Gayunpaman, nakagawa ako ng isang layout ng Topaz Precious Moments. Buong maghapon, halos nakahiga lang ako. Mabuti nga at nakapagbanlaw ako ng mga ibinabad kong damit.
Hulyo 7, 2016
Nang pumasok ako, nawala na ang stiffed neck ko. Umasa rin akong hindi na ako mag-diarrhea. Good thing is tumigil na. Nakapagturo ako nang walang istorbo.
Past 12 ay pumunta ako sa DO para sa meeting ng GAD. Ako ang pina-attend ni Mare dahil may meeting din siya as Science coordinator. Alas-dos na nagsimula ang meeting. Isang oras lang naman iyon nagtagal. Nagbigay lang ng trabaho. Ayaw ko na talaga niyon lalo na't si Mare naman talaga ang focal person. Nag-chat kami pagkatapos kong makagawa ng visual aid sa Filipino. Desidido na akong ibigay iyon sa kanya o sa iba kung ayaw niya rin. Ang classroom management na lamang ang gusto kong bigyan ng priority, gayundin ang pagsusulat at pagpaplano para sa publishing ng ilan sa mga akda ko. Doon ay mas maggo-grow pa ako.
Hulyo 8, 2016
Nakaligo na ako nang mag-announce ng suspension of classes dahil sa Bagyong Butchoy. Nainis na natuwa ako. Nainis dahil magbabayad na naman kami ng isang Sabado. Natuwa naman ako dahil makakapagpahinga ako.
Nang maisip kong baka nakapasok na si Mam Rose sa school, nagdesisyon akong pumunta doon. Tama nga ako. Andoon siya. Napaaprubahan ko sa kanya ang price list ng jogging pants at t-shirt kina Auntie Vangie. Approved naman agad. Kaya pagka-almusal ay nagdesisyon naman akong pumunta sa Infinite para ihatid ang sample. Imbes na ipa-LBC, ihatid ko na lang para mabilis.
Mga nine ay andun na ako. Nakipagkuwentuhan ako sa mga dati kong katrabaho lalo na kina Ate Nellie at Ate Juliet. Past 11:30 na yata dumating sina Auntie kaya inabutan na ako ng lunch doon. Past 1 na ako nakaalis para naman dumiresto sa Bautista.
Tamang-tama naman daw ang dating ko kasi may lagnat si Mama. Ipagluluto ko sana siya ng cocidong isda kaya lang dumating na rin si Taiwan bandang alas-singko ng hapon. Siya na ang nagluto.
Hulyo 9, 2016
Kahit malamig, hindi naman ako nagkaroon ng mahabang tulog. Pagising-gising ako. Maaga rin akong nagising. Di bale, at least nakapagpahinga ako sa higaan.
Halos maghapon akong nakahiga, nagsulat, at nag-Facebook. Ang sarap ng buhay.
Alas-sais ng hapon, umalis ako sa Bautista. Andoon pa naman si Taiwan kaya kampante akong maaalagaan niya siya Mama, habang may sakit siya.
Pasado alas-9 na ako dumating sa boarding house.
Hulyo 10, 2016
Ang tawag ni Emily sa cellphone ang gumising sa akin. Birthday niya kasi ngayon. Binati ko siya agad. Alas-nuwebe na ako bumangon. Isang oras iyon pagkatapos niyang tumawag.
Pagkatapos kong mag-almusal ay naglinis ako sa kuwarto. Pinasok kasi ito ng malaking daga. Binutas niya ang dingding para makapasok siya. Andami naging kalat. Nabuksan niya rin ang bigasan.
Past 11 ay nakapagpahinga na ako.
Nakapag-send ako ngayong araw ng dalawang kuwento sa Kalatas at Kandila bilang entries sa gagawing nilang unang publication. Sana ay makasama ang isa man lang sa mga ito.
Alas-singko ng hapon, dumating ang nanay at kapatid ng estudyante kong si Marites. Ipinakikiusap niya sa akin na ayusin ang away nila ng kaklase niya. Sabi ko'y gagawan ko ng paraan bukas.
Hulyo 11, 2016
Nagturo ako at nakipagpalitan ng klase. Kaya lang nagkaroon ng parada dahil sa pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon. Hindi na tuloy kami nagpalitan pagkatapos niyon.
Hindi ako bumaba at ang klase ko. Bahagi ito ng pagbo-boycott ko sa administrasyon. Ayaw ko na uli maging aktibo dahil napupunta lang naman sa wala ang pagod at tulong ko. Hindi na nga nabigyan ng reward, hindi pa na-appreciate. So, hindi bale na. Mag-focus na lang ako sa advisory class ko.
Hindi naman ako masyadong napagod maghapon pero pag-uwi ko ay dumanas ako ng matinding sakit sa ulo. Grabe! Ang sakit talaga! Mula alas-kuwatro hanggang alas-siyete ng gabi ako nag-suffer. Nakaidlip lang ako kaya nawala.
Hindi ko tuloy na-enjoy masyado ang moment nang mabasa ko ang email ng Barubal Publication tungkol sa pagkapili ng entry ko sa Amalgation self-publish book nila.
Nakakatuwanl rin namang malaman na maisasalibro na ang isa sa mga akda ko kahit kailangan ko pang magbenta bago kumita o makalibre ng kopya. Okay na rin iyon. Makita ko lang ang pangalan ko sa loob ng libro ay isa nang tagumpay ng isang bagitong manunulat.
Hindi na ako nagsaing. Nagluto na lang ako ng soup. Nasusuka kasi ako kanina habang masakit ang ulo. Tamang-tama naman dahil medyo gumaan ang ulo ko.
Hulyo 12, 2016
Inspired akong magturo kanina. Kahit dalawang religious sects ang sumalang sa mga klase namin ay hindi ako nagpaapekto. Gusto kong magturo nang magturo. Muntik na nga akong mapaos. Gayunpaman, parang fulfilled ako ngayong araw dahil dito.
Isa pa, nai-deposit ko na rin ang P20,000 sa BDO account ng Infinite Enterprises. Iyon ay paunang bayad sa pinatahi naming PE uniform. Umaasa akong matatapos kaagad ito. Marami na ang nagtatanong kung kailan.
Pangalawa. Nalaman ko sa post ng Barubal Publication na apat sa limang ipinasa kong manuscript ay napili nila. Ang sarap sa pakiramdam. Hindi lang pala isa ang kuwentong mababasa ko una kong libro, apat pa. Nakaka-proud talaga. Sana lang hindi si Zillion ang maipangalan nila, gaya ng nakapaskil sa FB nila. Magagamit ko kasi ito sa ranking, as achievement.
Nag-grocery ako pagkatapos ko sa banko. Then, umidlip muna ako sa boarding house bago nagmeryenda.
Hulyo 13, 2016
Walang klase ngayon dahil may test ng LAPG ang mga dating Grade 3 pupils. Pumasok lang kami.
Naabutan ko ang ka-busy-han sa HE at canteen. Naghahanda ng lugaw para sa meryenda ng mga bata. Hindi ako komporme sa sistema. Wala sa ayos. Parang hindi plinano. Poor leadership.
Gayunpaman, nakapag-almusal ako uli. Lugaw. Pagkatapos niyon, nagkuwentuhan kami nina Sir Erwin at Mareng Janelyn. Hinainan ko sila ng mani, fish cracker, at chocolate. Ang sarap at ang saya ng bonding namin. Inabutan na kami doon ng tanghali.
Pagbaba namin, niyaya kami ni Roselyn. Nilibre niya kami ng lauriat at halo-halo sa CK. Ang sarap din ng kuwentuhan namin doon. Mga alas-dos na kami nakabalik sa school. Doon naman kami naghuntahan at nagtawanan, kasama ang mga kasamahan naming hindi nakasama sa treat ni Roselyn. Naputol lamang dahil dumating na ang lider namin.
Hulyo 14, 2016
Maaga pa lang ay nainis na ako kasi may na-react na naman sa mga post ko. Ang mga tirang lugaw na piniktyuran ko ay minasama pa nila. Ang akin lamang ay malaman nila ang panghihinayang ko. Hindi issue kung sino ang hindi tumulong kahapon sa pag-distribute ng lugaw sa mga LAPG examinees, kundi kung bakit nagluto sila ng napakaraming lugaw. Pera ng kooperatiba ang ginastos doon at hindi school fund dahil ayon sa principal ay wala na namang pera.
Nakakainis ang mga arte at reaksiyon nila. Obvious na may mababang pang-unawa at may malalim na takot. Hay naku! Habang may masamang gawain, patuloy na magsusulat at magpapasaring si Makata O.
Pinilit kong maging masaya sa aking pagtuturo sa kabila nito. In fact, panay ang tawa ng Section Garnet habang nagtuturo ako. Masarap magturo kapag masaya mo itong ginagawa.
Umuwi agad ako pagkatapos ng klase. Umidlip ako bago nagmeryenda. Thanks God dahil nanunumbalik na naman ang gana kong kumain.
Hulyo 15, 2016
Sinimulan ko ang araw ko nang masaya, pero nang nagmeeting kaming Grade VI teachers, nainis ako. May kontrabida talaga kasi sa faculty. Gayunpaman, patuloy namin siyang pinag-usapan. Nagpalitan kami ng kuwento tungkol sa mga maling gawain at ginawa niya. Iba talaga siya.
Past 2, nag-meeting kaming mga Filipino teachers sa pangunguna ng coordinator namin na si Mam Dang. Ang tungkol lang naman sa Balagtasan ang concern ko. Ako raw ang trainer.
Pagkatapos niyon, may emergency meeting naman kaming coop board members. Nag-away kasi ang dalawang tauhan namin sa canteen. Kailangang magdesisyon na tanggalin ang isa sa kanila. Inabutan kami ng alas-4 doon.
Pero, bago iyon ay nakausap ko si Mam Bel. Kinausap raw siya ng kaguro namin na guilty yata sa post kong lugaw. Unfair daw. Bakit? Samantalang ang point of view ko lang naman ay sayang ang mga tirang pagkain. Dapat marunong silang mag-estimate o 'di kaya masarap silang magluto upang hindi nagkakaroon ng maraming tira.
Pagkatapos ng board meeting, nagmeryenda ako ng fries, burger, at pineapple juice sa HP. Nagbayad din ako ng internet bill at binilhan ko ang sarili ko ng pantalon. Regalo ko na ito para sa birthday ko.
Hulyo 16, 2016
Bago ako bumiyahe papuntang Antipolo, nag-stay muna ako sa school. Gumawa ako doon ng learning materials para sa Lunes. Inabutan ako ng alas-onse. Kaya naman, sobrang init na ng biyahe ko. Ang traffic pala talaga sa Marcos Highway dahil sa construction ng LRT extension. Alas-tres na ako nakarating.
May dala akong cake para sa birthday ni Hanna. Inaasahan kong darating sila. Nag-PM ako kay Jano na ipagluto niya ako ng ulam at pansit. Nagawa naman agad niya sa kulang-kulang dalawang oras, pero hindi dumating ang mga anak ko. Hindi ko rin naman kasi tinext. Si Flor ay hindi rin nag-asikaso. Hindi niya na masusundo, gaya ng dati. Sana lang ay magkusa na lang sila. Lagi ko naman silang hinahandaan kapag birthday nila. Dito lang sa lola nila. Minsan lumalabas na lang. Bakit ngayon ay napakailap nila?
Sabagay, bukas pa naman talaga ang birthday niya. Baka dumating din.
Hulyo 17, 2016
Hindi dumating sina Hanna. Hindi naman talaga ako umaasa, kaya hindi ako masyadong nainis. Alam ko naman na inilalayo sila sa amin ng kanilang stepfather. Okay lang. Wala akong magagawa. Hindi ko nga lang naibigay sa kanya ang tablet.
Umuwi ako ng maaga dahil ayaw kong mabalahaw ako ng ulan. Alas-4:30 pa lang nang umalis ako sa Bautista. Alas-otso naman nang dumating ako sa boarding house.
Hulyo 18, 2016
Naging maayos naman ang mga klase ko kanina. Nakapagturo ako nang maayos, kahit sa last section. Sa advisory class ko naman ay nakapagpaawit pa ako ng awiting-bayan.
Alas-tres na ako umuwi. Umidlip lang ako tapos hinarap ko naman ang pagwa-wattpad. Nag-edit lang ako. Nakapag-post din ako ng isang akda ng pupil ko.
Ang pinakamasayang bahagi ng araw ko ngayon ay ang email sa akin ng Barubal Self-Publication. Iniimbitahan ako sa MIBF. Book-signing at chatting with the readers and buyers. Excited na ako.
Nagplano rin ang mga admins ng SP na mag-self-publish, pero hindi yata matutuloy dahil nasaraduhan na ng promo ng NY Self-publish and Prints. Bahala nga sila! Urong-sulong. Kahit sana wala nang promo.
Hulyo 19, 2016
Hindi sana alam ng mga estudyante ko na birthday ko ngayon, kung hindi lang ako binati ni Sir Erwin habang nagpa-flag ceremony. Ayaw ko kasing bigyan nila ako regalo. Okay lang. At least, alam nilang iba ako sa karamihan ng teacher. Hindi ako ang nag-a-announce ng kaarawan para lang mabigyan o magpasaring ng regalo.
Nakaplano na ang blowout treat ko Sa Grade Six teachers. After class ang napagkasunduan namin, pero dahil darating si Mam Jec, district supervisor, ay hindi agad kami nakaalis. Inis na insi nga lang ako dahil, alas-4 na siya dumating. Naasar pa ako nang husto dahil imbes na e-evaluate ang papers namin as aspirants teacher III, nagpasaring lang siya. Nabanggit niya ang post sa Facebook. Alam ko kaagad na ako ang tinutukoy niya. Madalas niya akong pansinin. Ipinakita ko tuloy na hindi ko gusto ang mga sinasabi niya. Obvious na obvious sila ng principal. May sabwatan talaga. Hindi nila puwedeng ipagkaila. Lalo ko pang nakumpirma nang banggitin niya ang salitang 'prerogative'.
Nagmamadali na akong makaalis doon. Kaya nang ako na ang may chance na magsalita, sinabi kong hindi naman ako nagmamadaling ma-promote. Hindi ko nga alam kung bakit ako na-rank, gayong hindi ako naglabas ng papers. Natuwa siya nang marinig niya mula sa akin ang salitang 'pull out'. Nag-adjourn na agad siya. Ang gusto naman nilang ma-promote ay kinamayan ako. Bakit? Anong mayroon? Hindi pa siya ang panalo! Ambisyoso. Gi-give-up lang ako, pero hindi ang tunay na rank 1.
Alas-singko na natapos ang nilutong meeting namin. Umalis agad kaming lima (ako, si Mareng janelyn, si Pareng Joel, Si Mam Milo, at si Sir Ren), patungong SeaSide. Hinayaan ko silang mamili ng ipapaluto. Crabs, clams, shrimps, at tuna belly ang napili nila.
Masaya akong naka-bonding ko sila. Naging masaya kaming nagkuwentuhan, nagtawanan, nagkainan, nagkantahan, at nag-inuman. Pasado alas-10:45 na kami natapos. Sulit ang gastos ko. Ang saya nilang kasama.
Pag-uwi ko, nagsulat ako ng tula para sa mga natatamaan sa mga FB post ko. Lalo ko silang iinisin.
Hulyo 21, 2016
Nakakasanayan ko na yata ang maging masigla at maging komedyanteng guro. Nakikita ko ang eagerness at interest. Na matuto ng mga estudyante ko. Nagiging aktibo rin sila. Kaya, sisikapin kong iwanan sa bahay ang mga problema. Kailangang humarap ako nang nakangiti sa mga mag-aaral para mas may learning at comprehension.
Sa katunayan, gustong-gusto ng Section Garnet na magkuwento ako st magpatawa. Pinatapos nila ako agad sa lesson namin. Imbes na written, nag-oral test na lamang kami.
Natutuwa ako dahil interesado sila na marinig ang kuwento ni Lola Kalakal. Nasabi ko tuloy na isasalibro ko iyon o hinihintay ko ang application ko sa isang publishing house. Business is business. Kailangang hindi nila iyon mabasa bago ma-publish para bumili na lang sila ng libro ko.
Sa sobra kong daldal sa klase, halos mapaos na ako. Naubusan ako ng energy bago matapos ang klase ko sa last period. Mabuti na lang ay nagawa ako rin silang mapatuto at mapatawa.
Natuwa rin ako dahil binisita kami ng estudyante kong nag-transfer. Kasama niya ang stage mother niya. Na-appreciate ko ang pagpapasalamat niya sa akin. Naging mabait raw akong guro ng anak niya. Nag-chat din siya sa akin at nagpaalam na gusto niyang dumalo sa Christmas Party namin. Pumayag ako. Naisip ko na rin talagang imbitahan sila. Naunahan lang ako.
Hindi pa rin nakakalabas sa hospital si Ion. Si Emily naman ay pinaaasikaso sa akin ang Philhealth para makabawas sa bayarin.
Hulyo 22, 2016
Nagpa-summative test ako. Akala ko hindi masyadong mapapagod ang vocal cords ko. Hindi pala. Nakakainis ang mga estudyanteng tanong nang tanong. Gusto pa nilang mag-discuss pa ako. Teat na nga, e.
Ang Section Garnet naman ay gusto pang makipagkuwentuhan sa akin. Halos mapaos at sumakit na ang lalamunan ko. Gustong-gusto talaga nila ang pagpapatawa ko.
Nagpadala ako ng pera sa Aklan pagkatapos ng klase ko. Dinagdagan ko na ng isanlibo para sa hospital bill. Hindi pa kasi namin maki-claim ang sa Philhealth. Ipapadala pa lang ni Emily ang form na pipirmahan ko at ng principal.
Hulyo 23, 2016
Napuyat ako kagabi dahil dalawa ang ka-chat ko. Gayunpaman, maaga pa rin akong nagising. Hindi na ako nakatulog dahil nag-chat na naman ang dalawa. Okay lang naman. Marami akong natutunan sa kanila.
Past 10 ay nasa Harrison Plaza na ako. Hinintay ko si Mam Edith sa Red Ribbon para matulungan ako sa pagpili ng cake.
Nagkuwentuhan naman kami doon pagkatapos naming bumili. Habang hinihintay si Sir Erwin. Eleven na siya nakarating. Nag-taxi na lang kami papunta sa bahay ni Ms. Kris.
Kainan at kuwentuhan na walang humpay ang nangyari. Hindi man dumating ang iba, naging masaya at maingay pa rin kami. Sina Don Facade at Plus One lang ang member ng Hideout ang naroon. Si Mam Dang naman ang hindi nakadalo sa Tupa Group.
Nag-tea party pa kami para matunaw ang mga kinain namin. Ang saya-saya! Sulit ang nagastos ko.
Alas-6:45 na ako nakauwi.
Tumawag si Emily. Bukas pa raw idi-discharge si Zillion. Inoorserbahan pa.
Hulyo 24, 2016
Nagbabad ako sa higaan hanggang alas-9:00. Samantalang maaga akong nagising. Ang sarap lang mahiga. Nakikipag-chat pa naman sa akin ang mga bago kong kaibigan. Tuwang-tuwa sila sa akin. Marami raw silang natututunan.
Nagsulat din ako nang nagsulat. Nakasulat ako ngayong araw ng isang maikling kuwento, gamit ang staple wire, paper clip, at paper, as characters. Nakasulat din ako ng sanaysay, na nagustuhan ng marami kong FB friends. Ang classmate ko ngang si Jackie Delgado ay shinare (share) pa ito. Pinuri at nagpasalamat pa siya sa akin. Nakakaka-flatter. Siyempre, hindi rin pinalampas ni Sir Erwin at Mam Aprilroz ang pagbasa at paghanga rito. Nakakataba talaga ng puso. Idagdag pa si Auntie Vangie. Nai-inspire talaga akong magsulat kapag ganito ang feedbacks.
Alas-3:30, nag-grocery ako sa Puregold. Bumili na rin ako sa malapit doon ng kakanin. Ang sarap ng meryenda ko!
Sa kabila naman ng kasiyahang natamo ko buong araw, isang kalungkutan ang bumalot sa aking katawan nang malaman ko kay Emily ang tungkol sa findings ng x-ray ni Zillion. May pneumonia siya. Grabe! Naulit na naman. Nagka-pneumonia na siya noon dito sa Pasay, habang nasa Saudi ang ina. Nakakalungkot talaga ang ganitong pangyayari.
Hulyo 25, 2016
Nagturo ako ng pagsulat ng tula kanina. Bahagi ito ng unang markahan.
Nakita kong hindi lahat ng estudyante ay interesado sa pagsulat ng tula. Gayunpaman, sinikap kong ituro ito at magustuhan nila. Nakasulat naman ang karamihan. Sa last section, hindi ako nagpasulat.
After class, pumunta ako sa LBC-HP upang ipadala ang CF1 ng PhilHealth, na pinirmahan namin ng principal kanina.
Pag-uwi ko ay naroon na si Epr. Hindi naman ako nagulat dahil naka-chat ko ang Mommy niya. Nanghiram rin kasi siya kanina ng tatlong libong piso. Nasa Calamba raw sila. Mabuti may tira pa akong pera.
Nanuod ako ng Sona ni Duterte. Hindi ko lang napakinggan lahat dahil nakaidlip ako. Sayang! Gayunpaman, nagustuhan ko ang mga achievements at plano niya para sa bansa.
Gabi. Naghanda ako ng visual aid para bukas. Tanaga, isang anyo ng tula, ang ituturo ko.
Hulyo 26, 2016
Hindi kami nagpalitan ng klase dahil tuwing Martes ay may dalawang religious sects na nagha-handle ng mga klase namin. Ang una ay ang Bethany Baptist Church. Ang pangalawa ay ang Our Lady of Sorrows Parish Church. Handa pa naman sana akong magturo ng anyo ng tula--- tanaga. Sa klase ko lang ito naituro. Napasulat ko rin sila ng kanilang sariling akda.
Nag-meeting din kaming Grade Six teachers tungkol sa IPCRF. Nagkasundo rin kaming mag-out-of-town vacation sa December 25-30 sa Tacloban, Leyte. Game na game ako.
Dapat sana ay idedeposit ko ang perang kakulangan ng bayad sa Infinite, para sa order naming 300 pares na PE uniform, kaya lang ay nag-TQC-TQC-han kami. Nag-bonding lang kami with Mam Rose. Tinamad na akong pununta sa banko. Umuwi na lang ako at umidlip.
Pagkatapos maglaba, hinarap ko naman ang pag-type at pag-post ng mga akda ng mga pupils ko. Andami kong napili.
Pagkatapos, saka ko pa lamang naharap ang sarili kong akda. Nagpasa ako ng kontribusyon sa patimpalak na "Ako si...". Then, nag-type ako ng journal ko. August 2007 pa lang ang natatapos ko. Maraming-marami pa akong ita-type.
Hulyo 27, 2016
Masaya akong nagturo kanina ng mga anyo ng tula, gaya ng tanaga, dalit, at diona. Napasulat ko ang una at ikalawang seksiyon. Nag-enjoy naman sa talakayan at kuwentuhan ang ikatlong baitang. Samantala, kumopya lang ang last section, pagkatapos nilang nakinig.
Pagkatapos ng klase, nagyaya si Sir Erwin na kumain kami ng taho sa Sanitarium. Iyon ang pinaka-bonding namin. Napag-usapan namin ang mga isyung naganap kanina at mga nakaraang araw. Natutuwa ako dahil nabaling na sa iba ang usapin. Hindi na ako ang sentro ng problema.
Pag-uwi ko naman ay nag-send ako ng kuwentong pambata sa LSPuso ng Le Sorelle Publishing para sa kanilang benefit project. Umaasa akong makukuha iyon dahil binanggit ko sa email na ako ay isang guro na tumutulong rin sa mga estudyante ko na makapagsulat. Handa rin akong tumulong sa pagbebenta.
Bago pa dumating si Epr, nasimulan ko na ang paggawa ng visual aid para bukas. Ang 'pagsulat ng diary' naman ang ituturo ko.
At bago ako nagsulat sa Manila paper, naalala ko si Zillion at bigla kong na-miss. Nakita ko kasi ang mga naiwan niyang crayons at pencils. Gaya ko, mahilig rin siyang mamulot o mag-ipon ng maliliit na bagay na mapapakibangan pa. Masinop rin siya. Nakita ko pa nga noon kung paano niya lagyan ng masking tape ang naputol na crayola.
Natutuwa talaga ako. Bata pa lamang ay marunong nang magpahalaga.
Hulyo 28, 2016
Na-enjoy ko ang pagtuturo ng 'pagsulat ng diary' sa advisory class ko, kahit halos alam na nilang lahat ang tungkol dito. Pagpasok ko naman sa last section, napansin kong na-enjoy naman nila ang topic, mga paliwanag, at mga kuwento ko hinggil dito. Gustong-gusto rin nilang magsulat at mahingi ang isa sa mga journal ko. Natuwa ako.
Nagkaroon lang ng fire drill kaya hindi ko naituro ang inihanda kong lesson sa dalawa pang klase. Hindi na kasi kami nagpalitan. Nagpa-recite na lang ako ng multiplication sa VI-Topaz, lalo na doon sa mga nakalista. Nakasulat naman ako ng visual aids ko, habang ginagawa nila iyon.
Nag-deposit ako ng kinse mil sa bank account ng Infinite, as additional down payment. Ni-notify ko si Auntie Vangie. Aniya, hindi pa nagagawa ang jogging pants dahil nahuli ang pag-deliver ng tela. Pasadya raw kasi iyon. Ang t-shirts naman ay nakapila na para sa printing.
Ngayong gabi, nag-chat si Emily. Niyayaya ako niya ako na tumira o magpalipat sa Aklan. Hindi ako umoo. Inaalala ko kasi ang bahay at lupa sa Tanza. Isa pa, nanghihinayang ako sa position ko sa GES. Naisip ko rin ang publishing dream ko. Magagawa ko pa kaya iyon kapag nasa Aklan na ako? Bahala na. Hinihintayin ko muna ang mga libro na pina-publish niya-- Trip to Mars, Amalgamation, at LSPuso ('Ang Mga Pagalit ni Mama'). Mahalaga ang mga iyon sa akin.
Hulyo 29, 2016
May closing program kanina sa school ng Buwan ng Nutrisyon. Binalak ko talagang hindi bumaba. Kaya nagturo ako pagkatapos kong mag-award sa mga pupils ng 'Perfect Attendance Award' certificate.
Nakakatawa ang mga sumunod na nangyari. Pinapuntahan ako ni Mam kay Plus One. Bumaba raw kami. Nang hindi kami bumaba, siya naman ang umakyat. Nakita kong tila umaapoy ang mukha niya. Hindi pa raw agad siya binati ng mga bata ko. Ipinagtanggol ko ang mga estudyante ko. Sabi ko'y hindi siya nakita. Ang totoo, kahit ako ay nagulat nang nasa pintuan na siya. Kumakain ako noon. Unang subo ko pa lang yata. Imbes na magulat, inalok ko na lang siyang kumain. Pumasok pa siya at nagtanong kung bakit hindi kami bumaba. Dapat daw ay bumababa lahat kapag may program. Ang sagot ko'y may ginagawa sila. Siya raw ang magpapababa. Sinamahan niya pababa. Ipinagpatuloy ko naman ang pagkain ko. Bumaba na rin ako pagkatapos kong kumain. Nagtawanan kami ni Mam Milo dahil siya rin ay nagpaiwan sa taas. Dalawa kaming may sariling mundo. Nag-groufie lang kaming Grade Six teachers doon.
Hangang alas-12 lang ang mga bata. Shortened dahil may GPTA meeting bandang ala-1:30 ng hapon.
Habang kumakain ng tanghalian, prinaktis ko sin Josaiah, Siouxsie, at Jonas ng Balagtasan. Unang beses iyon. So far, andami pang flaws.
Nag-stay ako sa classroom ko hanggang 1:30. Gumawa ako ng visual aid. Hindi lang natapos.
Parenting seminar pala ang naganap na meeting. Disappointed ang karamihan ng parents. Ang isa ko ngang parent ay gusto nang umuwi. Nakipagkuwentuhan na lang siya sa akin. Marami akong natutunan sa kanya. Una ay ang katotohanang ampon niya lang ang estudyante niya ngayon. Next ay tungkol sa mga pusher sa kanilang lugar. Naging makabayan at politikal kami.
Pagkatapos ng parenting seminar, nagkaroon ng GPTA Election of Officers. Hindi na ako nagpa-nominate. Ako naman ay pinanalo ko ang HPTA President ko. PIO siya.
Next is nagyaya si Plus One na magkaroon ng send-off party para kay Donya Ineng dahil last day na niya ngayon sa Gotamco. Pumayag naman sina Papang. Kaya, after ng election ay pumunta na kami sa hideout. Isa na namang masaya at maingay na dinner bonding ang naganap. Alas-8 na yata ako nakauwi.
Hulyo 30, 2016
Alas-nuwebe na ako bumangon para mag-almusal. Pero, mas maaga akong nakamulat. Ang sarap lang magbabad sa higaan.
Alas-diyes naman ay nabuksan ko ang email ko. Nabasa ko doon ang mensahe ng LSP. Pinapadagdagan ng kulay ang cover illustration na pinadala ko kahapon. Pinadadagdagan din nila ng mga images para sa loob. Pambata kasi. Saka isang libro pala ang kuwento ko. Solo. Dadagdan ko rin ng activities, like word hunt, coloring pages, etc.
Ginawa ko kaagad. Sinubukan kong mag-sketch. Mahirap iguhit ang kamay at mukha, kaya nagpatulong ako kay Epr. Natapos naman niya agad. Kailangan ko lang kulayan. Okay naman ang gawa niya.
Birthday niya ngayon. Gusto ko sana siyang yayaing mag-dinner sa labas at uminom ng kahit isang bucket ng beer, kaya lang umalis na siya bandang alas-singko. May work na raw sila bukas.
Hulyo 31, 2016
Sinikap kong maipasa ko ang mga requirements para sa kuwentong pambata ko na ipinasa ko sa LSPuso. Nagawa ko iyon bago magtanghali.
Sa HP na ako nag-lunch. Bumili kasi ako ng puting barong na kapareho ng uniform namin tuwing Monday at Wednesday. Hindi puwedeng hindi ako mag-uniporme sa itinakdang araw. Makakasuhan ako. Hindi pa kasi natahi ang tela na required ng DepEd.
Nag-grocery na rin ako at bumili ng isang ream ng bond paper at ink ng printer. Kailangan ko nang mag-publish ng magazine ng VI-Topaz.
Umidlip ako pagdating ko. Past 4 na ako bumangon at nagmeryenda. Pagkatapos niyon, nag-encode ako ng mga akda ng mga bata. Diretso post na rin sa FB page namin.
Naka-chat ko si Emily. Papasok na raw bukas si Zillion. Natuwa ako.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Ang Pinakamasamang Kuya
Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...
-
Sorsogon, Isang Destinasyon Ang Sorsogon ay hindi magpapahuli sa kagandahan ng tanawin, at kalinisan na mga dalampasigan, bundok at kapaligi...
-
MGA BAGONG SALAWIKAIN TUNGKOL SA PERA Ang pera, ginagamit para makapagpaligaya, pero ang ligaya, 'di ginagamit para magkapera. An...
No comments:
Post a Comment