Followers

Friday, July 1, 2016

Ang Lapida

Inilapag ng apo ang mamahaling bouquet ng mga bulaklak sa puntod ng yumaong lola. Sinindihan naman ng 65-anyos na lolo ang kandila at saka siya tahimik na nagdasal.

Pinagmasdan lamang ng bata ang lolo. Tahimik rin niyang binasa ang nakaukit sa marmol. RIP Your loving memories will remain in our hearts. Maria Natividad Bondoc Born: December 14, 1952 Died: March 7, 2014.

Nang matapos mag-usal ng dasal ang lolo, hinaplos niya ang mga nakaukit na letra ng pangalan ng yumaong asawa. Ilang minuto niya ring inalala ang mga magagandang alaala nito, habang paulit-ulit na idinadantay ang mga daliri sa bawat titik.

“Lolo, mahal na mahal niyo po talaga si Lola Naty, ano po?” tanong ni Robbie.

Tiningnan niya muna ang apo, bago bahagyang tumango. “Napakabait ng lola mo. Hindi sapat ang mga katagang ito para lagi natin siyang maalala…”

Napamaang ang apo. Hindi na rin nagsalita si Lolo Ruben, kaya tila may dumaang anghel sa pagitan nila.

“Lolo, ano po ang ibig sabihin ng RIP?” muling tanong ng apo.

“Rest in Peace. Ibig sabihin, hangad natin sa lola mo na maging tahimik at masaya sa langit, kasama ang Diyos natin.”

Tumango-tango muna ang bata. “E, ito po?” Itinuro ang sentence sa baba ng RIP.

“Nasa puso lagi natin ang mga alaala ng lola mo.”

“Nababasa niyaa po ba ito?” napakainosenteng tanong uli ni Robbie.

Natawa si Lolo Ruben, pero agad din namang nagseryoso. “Hindi. Pero, opo… nababasa niya. Nararamdaman niya.”

“Alam niya po na dinalaw natin siya ngayon?”

Tumango lang ang lolo.

“Lahat po ba ng lola may ganito?” Itinuro niya ang marmol na lapida.

“Hindi lahat. Hindi lahat ng pamilya ay kayang magpagawa nito. Ang iba, pintura lang. Walang lapida.”

“Bakit po?”

“Kasi ang iba, wala silang pampagawa nito. Mahal kasi ito.”

Tumango-tangong muli ang apo.

“Magagalit po ba si Lolo Naty kung wala siya niyan?”

Tuluyan nang pumulanghit ng tawa si Lolo Ruben. Nakitawa na rin si Robbie.

“Apo, ang lapida ito ay simbolo lang ng pagmamahal natin sa iyong lola. Hindi pa ito sapat para masuklian natin ang pagmamahal na inalaay niya para sa atin noong kasama pa natin siya. Pero, kahit naman hindi ganito ang lapida niya o kahit wala, alam kong hindi siya magagalit, dahil napakamaunawain niya…” Tinantiya niya ang apo kung nauunawaan siya. “Isa pa, kapag walang ganito, baka hindi natin siya mahanap. Baka ibang pamilya ang magtirik ng kandila para sa kanya, kasi nga walang pangalan.”

Kumbinsido si Robbie.

“Let’s go na?” yakag ng lolo.

“Wait…” Hinila niya ang kamay ng lolo para umupong muli sa damuhan. “May sasabihin pa ako kay Lola Naty.”

“O siya. Sige, sabihin mo na.”

“Lola Naty, miss ka na po namin. Sabi ni lolo, alam mo raw na dinalaw ka namin. Sasama uli ako dito sa susunod… Alam ko na po ito puntahan. Hindi po ako maliligaw dahil may lapida ka. Binasa ko lahat at kinabisado.”

Palihim na natawa si Lolo Ruben sa mga tinuran ng apo. Pagkatapos, tahimik silang lumayo sa puntod ni Lola Naty.

Bago nakalabas sa memorial garden ang maglolo, may naisip na namang tanong si Robbie.

“Lo, bakit… bakit po may born at died doon sa lapida? Parang talambuhay po.” Tumawa pa siya.

A, yun ba? Kasi, magkakaiba ng birthday ang tao. Doon natin malalaman kung ilang taon na siya nang bawian siya ng hininga ng Panginoon…”

Kumunot ang noo ng bata.

“May nabasa po kasi akong talambuhay ng isang bayani… parang pareho po. Bayani po ba si Lolo Naty?”

Muntik nang mailuwa ni Lolo Ruben ang pustiso niya. “Hindi siya bayani tulad ng mga kilala mong bayani, pero bayani siya sa kanyang naiibang paraan. Ang pagpapalaki lamang sa iyong ama at iyong mga uncle at auntie ay isa nang kabayanihan…”

“E, sana po pala… ipinalagay niyo sa lapida niya ang mga nagawa ni Lola. Iyong pagiging mabuting ina niya, saka po ‘yung… ‘yung… pagiging titser niya. Sabi niyo po sa akin, naging successful si Lola sa kanyang pagiging titser…”

“Tama ka, Robbie. Pero, hindi naman iyon titingnan ng Diyos pagdating sa langit. Pantay-pantay tayo pagdating doon. Hindi mahalaga kung nakamit mo ang tagumpay dito sa lupa o kung ano-ano ang mga nakamit mo. Ang mahalaga ay kung paano tayo naging mabuting tao nang nabubuhay pa tayo,’’ malinaw na paliwanag ni Lolo Ruben. Nakita niyang nakumbinsi si Robbie sa kanyang inihayag.

“Lolo, gusto ko ‘pag namatay ako…”

“Huwag kang magsalita nang ganyan…” sawata ng lolo.

“Hindi po, Lo… basta gusto ko lang pong malaman niyo na kung ano ang gusto kong ilagay sa lapida ko.”

“O, ano naman?” Napangiti na lang ang lolo sa kabibuhan ng apo.

“RIP poging bata,” aniya, sabay tawa nang malakas.

Napatawa na rin si Lolo Ruben.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...