Followers

Wednesday, August 16, 2023

Pananakit ng Tiyan: Saan at Ano ang Dahilan?


Masakit ang iyong tiyan, pero hindi mo alam ang dahilan? Naku, huwag mo munang inuman ng gamot iyan! Alamin mo muna kung saang parte ng tiyan ang masakit. At, tiyakin mo muna kung ano pa ang iba mong nararamdaman.

 

Ang pagsakit ng tiyan ay may iba’t ibang posibleng dahilan. Maaaring ito ay dulot ng ulcer o hyperacidity, gallbladder stones, appendicitis, colic, gastroenteritis, amoebiasis, kidney infection o stones, o sakit sa matris o ovary. O baka naman nasobrahan ka lang sa pagkain.

 

Kapag pananakit ay nasa itaas ng tiyan at nasa gitna, o medyo kaliwa— sa madaling sabi, sikmura, posibleng ikaw ay may hyperacidity o ulcer. Nararamdaman mo ang pananakit kapag ikaw ay gutom o kahit na ikaw ay busog. At nababawasan ang sakit kapag kumakain ka ng saging o tinapay. Naku, simple lang iyan! Uminom ka lang ng maraming tubig bilang paunang lunas.

 

Kapag ang pananakit ng tiyan ay nasa itaas at nasa kanan—kung saan naroon ang gallbladder o apdo, posibleng ikaw ay may gallbladder stones. May mga pagkakataon na nararamdaman mo ang sakit na ito bandang itaas ng iyong likod. Umaatake kalimitan ang sakit kapag mamantika at matatabang pagkain ang kinain mo. Naku, kailangan mo nang magpa-ultrasound ng tiyan upang matiyak kung may bato sa iyong apdo o wala.

 

Kapag ang pananakit ay nararamdaman mo sa ibaba at kanan—kung nasaan ang lugar ng iyong appendix, posibleng ikaw ay may appendicitis. Matitiyak mong appendicitis nga ito kung ang sakit ay nag-uumpisa sa may sikmura at pagkaraan ng dalawa hanggang tatlong araw ay lumilipat na sa kanan. Isa pa, masakit ang bahaging iyon kapag iyong dinidiinan. Naku, kumonsulta ka na agad sa espesyalista.

 

Kapag ang pananakit ay paikot-ikot at walang permanenteng lugar o sa madaling salita ay parang humihilab ang iyong bituka, posibleng ikaw ay may colic. Don’t panic. Hindi ito delikado. Ang totoo ay posibleng mag-diarrhea ka lang kasi malamang ay nasira ang iyong tiyan dahil sa maruming pagkain. Naku, delikado lang iyan kung nasa biyahe ka!

 

Kapag wala namang pananakit, pero humihilab ang iyong tiyan at parang natatae ka, posibleng ikaw ay may gastroenteritis. Ito ay impeksyong dulot ng panis o maruming pagkain. Naku, kalma lang. Uminom ka lang ng maraming tubig at kumain ng saging.

 

Kapag ang pananakit ng tiyan ay may kasamang pagdumi nang madalas, posibleng ikaw ay may amoebiasis. Pansinin mo ang iyong dumi. Kung ito ay may bahid ng sipon at dugo, may amoeba ka. Naku, dapat ka nang magpareseta sa doktor upang mapuksa mo ang parasitikong ito sa iyong tiyan.

 

Kapag ang pananakit ay nasa may puson mo at mahapdi ang iyong pag-ihi, posibleng may impeksiyon ka o `di kaya’y may kidney stones. Suriin mo rin ang iyong ihi. Kung mapula ito, kidney stones nga. Naku, magpa-urinalysis ka na upang makumpirma mo!

 

Kung babae ka at kapag ang pananakit ay sa may puson mo, posibleng ikaw ay may sakit sa matris o obaryo. Maaaring dysmennorhea lang ito, na nararamdaman mo ang sakit kapag malapit ka nang magkaroon ng regla. Maaari din namang may ovarian cyst (bukol sa obaryo) o myoma ka. Naku, huwag matakot kumonsulta sa doktor upang masuri ang iyong problema sa matris na nagsimula sa pananakit ng tiyan.

 

Anomang uri ng pananakit ng tiyan at saanmang bahagi ng tiyan ito nararamdaman, hindi dapat ito binabalewala. Ang pananakit ng tiyan ay may pinagmumulan o may dahilan, kaya dapat isaalang-alang, lalo na kung ang sakit ay paulit-ulit at madalas.

 

 

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...