Followers

Tuesday, December 24, 2024

Talambuhay ni Jose Rizal

 

Siya ang pambansang bayani ng Pilipinas. Bukod sa husay sa pagsusulat, siya ay may malawak na kaalaman tungkol sa iba’t ibang paksa. Tila may kaban siya ng mga kaalaman, na nagagamit niya sa paglutas ng mga problema.

 

Ipininanganak si Jose Protasio Rizal Mercado y Alonso Realonda noong ika-19 ng Hunyo, 1861 sa Calamba, Laguna. Palibhasa, lumaki siya mula sa pamilyang may gintong kutsara sa bibig, kaya maringal ang kaniyang edukasyon.

 

Nagtapos siya ng Bachelor of Arts sa Ateneo Municipal de Manila, kung saan nakakuha siya ng mataas na karangalan. Puno siya ng pangarap para sa sarili at bayan, kaya nagpatuloy siya sa pag-aaral sa Europa. Doon niya kung saan nakakuha siya ng mga degree sa Medisina at Pilosopiya. Lumawak din ang kaniyang pananaw sa mga isyu sa Pilipinas dahil sa kaniyang mga na karanasan sa ibayong dagat.

 

Sinulat niya ang nobelang "Noli Me Tangere" sa Madrid, Spain mula 1884 hanggang 1887. Tungkol ito sa mga mapang-aping mananakop at ang mga hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan sa ilalim ng pamahalaang Espanyol. Ang nobelang "El Filibusterismo" ay sinulat niya sa Ghent, Belgium mula 1891 hanggang 1892. Karugtong ito ng naunang nobela. At tungkol naman ito sa mga ideya ng rebolusyon at pagbabago sa lipunan.

 

Ang dalawang nobelang ito ay nagbigay-diin sa mga katiwalian at hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan. Ito rin ay nagbigay ng inspirasyon sa mga Pilipino na lumaban para sa kanilang mga karapatan laban sa mga buwayang Kastila.

 

At dahil sa mga nobelang ito at kaniyang pakikipagbaka sa panulat, inaresto at nahatulan siya ng kamatayan ng mga awtoridad ng Espanya. Kaya noong ika-30 ng Disyembre, 1896, naganap ang pagbaril sa kaniya sa Bagumbayan sa Maynila— Luneta na ngayon.

 

Ang pagpanaw sa mundo niya ang naging simbolo ng pakikibaka para sa kalayaan at nagpasiklab ng damdaming makabayan sa mga Pilipino. Hanggang sa kasalukuyan, si Jose Rizal ay itinuturing na isang bituin ng bayan. Sa kasalukuyan, patuloy na nagiging inspirasyon sa salinlahi ang kaniyang mga ideya at prinsipyo, lalo na sa mga ‘pag-asa ng bayan.’

Gamot

 

Isang gabing maulan, inutusan siya ng mga magulang

Kahit kumikidlat siya’y bumili ng gamot sa tindahan.

Patungo sa malayong tindahan ay madilim na daanan

Wala siyang magawa, kundi suungin ang kadiliman.

 

 

Naiisip niyang baka makakita ng white lady at tikbalang,

Baka dagitin at kainin siya ng manananggal o asuwang

O baka makasalubong niya ang bruhang kinatatakutan

Pero hindi niya inisip na baka kidlat siya ay matamaan

 

 

Nanginginig ang puso at basang-basa man ang katawan,

Lumakad-takbo siya patungo sa sentro nang buong tapang

Utos ng kaniyang mga magulang ay makapangyarihan,

Kaya dapat niyang sundin, at ang takot niya’y dapat labanan.

 

 

Para siyang nagwagi sa marathon at medalya’y napanalunan

Nang marating ang tindahan, na muntik na siyang mapagsarhan.

Mabuti na lang kaniya pa ang naabutan at napakiusapan

Dahil sabi niya, gamot na bibilhin ay talagang-talagang kailangan.

 

 

Tagumpay ang pagbili, pero pag-uwi‘y isa na namang kaparusahan

Daga sa dibdib, bagaman nanahimik na, siya pa ay kinakabahan

Gamot sa palad ay kuyom-kuyom, makarating sana sa tahanan

Upang ang kapatid ay gumaling; at mga magulang, siya’y hangaan.

 

Perya

 

Malapit na naman masayang piyesta.

Nagtayo na ng isang maliit na perya.

Nasasabik na ako sa mga rides nila,

Kaya binuksan ko na ang alkansiya.

 

 

Kumalat’ kumalansing ang mga barya

“Wow! Naipon ko ay kay rami na pala!

Makasasakay ako sa ‘Horror Train’ nila

At sa tsubibo, ako’y makasasakay pa.”

 

 

Pinagsama-sama ko ang magkakahalaga.

Mas marami ang tigpipiso kaysa tiglilima.

Aba! Kakaunti ang tigbebeynteng barya,

Ngunit ang tigsasampu’y gabundok na.

 

 

Nang binilang ko na ang lahat ng pera,

Kasiyaha’y naghalo, ngiti sa mga labi’y nawala

Hindi ko pala naabot ang inaasam na halaga.

Nais ko pa namang sa Color Game ay tumaya.

 

“Anak, sapat na ang ipon mo,” sabi ni Mama.

“Ang pag-iipon ay nakabubuti at siyang tama.

Ang mga laro sa perya, kahit pambata.”

Pinasalamatan at sinunod ko ang aking ina.

Kung Gusto Mong Humaba ang Buhay, Ganito Dapat ang Iyong Almusal

 

 

Sabi ng karamihan, "Breakfast is the most important meal of the day." Ang pahayag na ito ay may batayan, ngunit nakadepende ito sa pangangailangan ng indibidwal. Ang pinakamahalaga ay ang kaalaman tungkol sa mga pagkaing dapat kainin sa umaga dahil ito ang simula ng araw.

 

Kung kaya, may mga pagkaing dapat nating almusalin na nagpapahaba ng buhay, katulad ng oats, itlog, saging, kamote, spinach, at kape. Ito ay ayon sa vlog ng Halamang Gamot FB page.

 

Ang oats ay may taglay na fiber, na kung tawagin ay beta-glucan. Binabawasan nito ang tsansa ng tao na magkaroon ng sakit sa puso. Pinabubuti rin nito ang ating cholesterol levels.

 

            Ang pagkain ng dalawang itlog ay kukumpleto sa pangangailangan ng ating katawan sa isang araw. Dahil sa taglay nitong mahigit 50% na choline ng dalawang itlog, naibibigay nito ang mahahalagang nutrients, kapareho ng Bitamina A, D, at B12. Sa katunayan, ang isang itlog ay nagtataglay ng 8 gramo ng protina. At ang bawat tao ay nangangailangan ng protina, katumbas ng kaniyang timbang. Sa madaling salita, ang isang itlog ay hindi sapat para sa isang tao, sa isang araw, lalo na ang mga aktibo, gaya ng atleta.

 

            Ang dalawang saging sa almusal ay mainam.  Nagtataglay ito ng folate at Bitamina B6, na gumagawa ng serotonin. Ang serotonin ay nagpapabuti ng mood ng tao. Bilang resulta, naiiwasan natin ang pagkabalisa (anxiety). Nagtataglay rin ng soluble fiber ang saging, na nagpapababa ng cholesterol sa katawan. Kung mababa ang cholesterol, mababa rin ang tsansa ng pagbabara ng arteries— uri ng daluyan ng dugo.

 

            Ang kamote ay may kakayahang magpababa ng low-density lipoprotein (LDL) cholesterol level. Ito ay kilala bilang masamang kolesterol. Subalit, tandaan na ang isang kamote ay may 15% ng daily recommended fiber intake. Para sa mga kababaihan, kailangan ng 25 gramo ng fiber kada araw. At para sa mga kalalakihan, 38 gramo ng fiber ang kailangan kada araw.

 

            Mahalagang malaman na ang pag-inom ng isang tasa ng kape sa umaga. Unang-una, nagbibigay ito ng enerhiya. At ayon sa mga pag-aaral, ang kapeng nilahukan ng gatas o krema ay maaaring magprotekta sa tao laban sa mga chronic diseases. Halimbawa nito ay sakit sa puso, hypertension, diabetes, hika, sakit sa baga, o cancer.

          

            Nakapagpapahaba rin ng buhay ang pagkain ng isang serving ng spinach. Pinagaganda nito ang kalusugan ng ating puso. Tila minamasahe nito ang ating arteries. Binabalanse rin nito ang blood sugar at cholesterol levels ng ating katawan.

           

            Sa kabuuan, ang almusal ay mahalagang bahagi ng buhay ng tao. Tunay na makapagpapahaba ng buhay ang pagkonsumo ng mga nabanggit na pagkain at inumin.

 

Kahalagahan ng Almusal

Sa mga maagang pumapasok sa eskuwela o trabaho, importante ang almusal. Kung kaya, inirerekomenda ng mga health practioners ang pagpili ng tamang pagkain at inumin.

 

Dahil sa magkakaibang pamumuhay ng mga tao, nagbigay ang ilan sa kanila ng listahan ng almusal na abot-kaya ng karamihan. Ayon sa kanila, mainam na ito ang sundin dahil hindi lamang ito nagbibigay ng sapat na nutrsiyon, kundi nag-iiwas pa sa mga sakit.

 

Ang oats, spinach, itlog, saging, kamote, at kape ang pinakamainam na almusal, batay sa kanilang rekomendasyon. Subalit, may kalayaan ang bawat indibidwal na kumain ng gusto niya o batay sa kaniyang pangangailangan at kagustuhan.

 

Maaari din namang palitan ang oatmeal ng anomang pagkain na may fiber, gaya ng tinapay na whole grain.  At ang saging ay puwedeng palitan ng ibang prutas, gaya ng avocado o kung ano ang available o seasonal na prutas. Ang mahalaga ay makompleto ang mga nutrisyon sa unang meal pa lamang upang magamit ang mga ito sa mga gawain at trabaho.

 

Sa kabuuan, mahalaga ang pag-aalmusal, gayundin ang pagpili ang pagkain at inumin dahil nagpapalusog at humahadlang sa mga sakit.


Ang Ilaw at Haligi ng Aming Tahanan

Narinig ni Tamtam ang kaniyang mga magulang na nagkukuwentuhan sa sala habang siya ay nagbabalik-aral para sa nalalapit na pagsusulit.

 

Ina: Hindi ako nagsisisi na ako ang naging kabiyak ng dibdib mo. Kahit butas ang bulsa mo noong naniningalang-pugad ka sa akin, makapal naman ang palad mo. Nagbabatak ka ng buto para sa iyong edukasyon at pamilya.

 

Ama: Langit at lupa ang agwat natin, saka amoy-pinipig ka noon. Kaya nga hiyang-hiya ako sa ‘yo noong nagkasalubong tayo—galing ako noon sa construction work.

 

Ina: Naku! Wala iyon! Hangang-hanga nga ako sa ‘yo kasi naipagsasabay mo ang trabaho at edukasyon.

 

Ama: Talaga? Kahit para akong lantang gulay tuwing dadalaw sa bahay ninyo, at mapurol ang ulo ko ay humanga ka sa akin?

 

Ina: Oo naman! Hindi ko tiningnan ang panlabas mong kaanyuan. Mas nakita ko ang pagiging bukas-palad mo. Tumutulong ka noon sa pamilya mo.

 

Ama: Sila kasi ang inspirasyon ko sa buhay. At dahil sa kanila, nagtagumpay ako.

 

Ina: Tama! May malaking papel na ginagampanan ang ating pamilya sa buhay natin. Kaya hindi rin naman tutol ang mga magulang ko noong nag-isang dibdib tayo.

 

Abot-langit ang aking pasasalamat dahil mabubuti ang ilaw at haligi ng aming tahanan. Nagmamahalan sila, at may respeto sa isa’t isa. Kay sarap maging anak nila! Kaya itataga ko sa bato-- magsusunog ako ng kilay hanggang sa makatapos.

 

 

Pututulin na ang Dila ng Ina

Natatandaan niyo pa ba ang implementasyon ng Mother Tongue-based Multilingual Education (MTB-MLE) sa Pilipinas noong S.Y. 2012-2013? Hindi ba’t isang magulong tahanan ang kinalabasan? At ngayong ipatitigil na ito, nakasisiguro akong magiging maayos na ang sistema.

 

Naalala ko pa, umani ng iba’t ibang reaksiyon mula sa iba’t ibang sektor ng bansa. Nakita kaagad ng mga kaguruan ang problema sa pagpapatupad nito. Sa isang division o paaralan mismo, hindi lang iisa ang wikang sinasalita ng mga mag-aaral, kaya nahirapang itong maipatupad. Bukod pa rito, may mga gurong hirap din sa translation. Hindi rin sapat ang instructional materials, kaya hindi napakain ng ina ang lahat ng kaniyang mga anak. May lumusog. May pumayat ang utak, lalong-lalo na ang mga batang lumipat ng paaralan.

 

Ipinanganak ang anak ko sa Antipolo City, at lumaki siya sa Pasay City. Pagtuntong niya sa Kinder, dinala siya ng ina sa Aklan, kung saan ang inang wika ay Aklanon—sobrang layo nito sa wikang Tagalog na kaniyang kinagisnan. Natuto siya roon ng ilang salita, ngunit pagbalik sa siyudad upang ipagpatuloy ang Unang Baitang, nahirapan na naman siyang isalita ang dalawang wika.

 

Ang nakaalarma sa akin bilang ama ay nagkaroon ng makapal na bakod sa pagitan namin. Hindi ko maunawaan ang kaniyang sinasabi hanggang sa mapalo ko siya, lalo na’t ang kaniyang ina ay nangibang-bansa. Matagal din bago niya nakalimutan ang mother tongue na ipinilit ipasalita sa kaniya. Isinuka niya lang nang paonti-onti. Nahirapan siyang kumain ng mga bagong salita nang nasa Unang Baitang na siya sa NCR.

 

Bilang guro, natutuwa akong marinig na puputulin na ang ‘dila ng ina.’ Hindi ito ang solusyon sa learning gaps ng mga mag-aaral. Nakaragdag lang ito sa pasanin ng mga guro. Isa lang itong pag-aaksaya sa budget ng Kagawaran, lalo na ang mga dibisyong Tagalog naman ang wika.

 

Gamitin ang mother tongue sa pagtuturo ngunit huwag gawing asignatura. Ilaan ang dating oras na nakalaan para sa MTB-MLE para sa ibang mas mahalagang programa. Pahabain ang oras para sa pagbabasa.

 

Ipatupad ito kaagad! Putulin na ang dila ng ina!

 

Laban Lang!

 

Ang kabiguan ay kakambal ng tagumpay. Kung hindi tayo makararanas ng pagkabigo, hindi tayo magtatagumpay.

 

Maraming beses akong nabigo mula sa mga sinalihan kong patimpalak sa pagsulat ng akdang pampanitikan. Matagal akong nag-asam ng panalo, subalit napakailap nito. Dumating nga sa punto na nagkaroon ako ng duda sa kredibilidad ng paligsahan, gayundin sa mga hurado. Halos mawalan na rin ako ng tiwala sa sariling kakayahan ko. Idagdag pa ang pakiramdam ng kawalan ng suporta at pagpapahalaga ng mga taong nakapaligid sa akin.

 

Subalit hindi natagumpay ang mga negatibong bagay na ito. Nagpatuloy ako sa pag-asam, paghakbang, at pag-abot ng aking hangarin-- ang manalo.

 

Nitong nakaraang linggo, nakamit ko ang tagumpay! Pagkatapos akong parusahan at halos gulpihin ng kabiguan, heto, ipinaramdam sa akin ng tagumpay kung gaano ito katamis at kasarap.

 

Ngayon, masasabi kong may tagumpay nga sa likod ng kabiguan. Kung sumuko ako kaagad, hindi ko ito mararanasan, at hindi ko masasabing ang tagumpay ay napakasarap damhin kapag labis kang nahirapan sa pag-abot nito.

 

Kaya sa mga katulad kong madalas mabigo sa anomang larangan o aspeto ng buhay, laban lang! Ang tagumpay ay laging nakaabang sa mga taong nagsisikhay.

Huwag Puro Plano. Umakto!

Plano ng Commission on Elections (COMELEC) na dagdagan ng P2,000 ang honorarium ng mga gurong magsisilbi sa 2025 Election. Deserved nila ito, kaya huwag nang daanin sa botohan at delaying tactics ang pagpasa sa proposal na ito.

 

Hindi biro ang tungkuling ginagampanan ng mga poll workers. Boto ng mga mamamayan ang kanilang pinagsisikapang ipunin, bilangin, at isumite sa COMELEC upang matiyak na mailuluklok sa puwesto ang tunay na pinili ng mga botante. Nakalibing na sa hukay ang isa nilang paa tuwing nasa serbisyo sila. At ang halagang ibinabayad sa kanila ay hindi kayang tumbasan ang sakripisyong ito.

 

Sabi ni Comelec Chairman George Garcia, ang P2,000 proposed increase ay mahalaga at dapat maipatupad upang matumbasan ang hirap at bigat ng serbisyong gagampanan ng mga guro bilang poll workers.

 

Mahabang oras—halos 24 oras silang gising—ang ginugugol nila, matiyak lamang na maayos ang botohan sa kanilang presinto, at mabilang nang wasto ang mga boto. Idagdag pa rito ang mahabang pila sa pagkuha ng mga balota at iba pang election paraphernalia, gayundin ang pagbalik nito. Dugo at pawis ang kanilang puhunan, kaya marapat lamang na suklian ito ng sapat na honorarium at iba pang benepisyo.

 

Ipinanukala rin ng Comelec ang P1,000 transportation allowance at dobleng service credits. Wow! Kung maipatutupad ito at ang P2,000 na increase, maraming guro ang mahihikayat na mag-volunteer bilang poll chairmen o poll members.

 

Suportado ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III ang proposal na ito. Aniya, "Napakahalaga ng gampanin ng mga guro sa pagsisiguro ng malinis, maayos, at matiwasay na halalan sa 2025. Sa mga ‘hot spots’ na lugar sa bansa, hindi maiwasang malagay sa panganib ang kaligtasan at buhay ng mga guro.”

 

Inungkat din niya ang mga hinaing ng poll workers tungkol sa 20% na buwis sa honorarium. Hangad niyang magkaroon ng tax-exemption. Hinikayat din niyang bigyang-pansin ng Comelec ang working condition and safety ng electoral board sa panahon ng halalan.

 

Kung pakikinggan ng otoridad ang mga panukalang ito, ang 2025 Election, para sa mga poll workers, ay magiging isang serbisyo, hindi Kalbaryo.

 

Huwag nang patagalin ito. Ibigay sa mga poll workers ang karampatang bayad at benepisyo. Huwag puro plano. Umakto! Ngayon na.

Ang Alamat ng Mangga

Maraming taon na ang nakalipas, namumuno si Datu Ramot sa isang malaking barangay. Bantog siya sa pagiging malupit at maramot.

 

“Bawal kayong magpahinga sa oras ng trabaho!” madalas niyang singhal sa mga tauhan sa prutasan.

 

At kadalasan, pinagbabawalan pa ni Datu Ramot ang mga ito na pumitas ng mga prutas, anomang oras na gustuhin nila. Pinarurusahan niya ang sinomang lumabag sa kaniyang kautusan.

 

“Hayaan na natin silang pumitas ng mga prutas. Marami naman kung mamunga ang mga puno. Hindi tayo mauubusan, at siguradong marami tayong madadala sa daungan para sa kalakalan,” masuyong sabi ni Dayang Manggay, ang butihing maybahay ng datu.

 

“Hindi maaari!” sigaw ni Datu Ramot. “Kapag ginawa natin iyan, aabusihin tayo ng mga iyan.”

 

“Subalit ang mga prutas na kanilang nakakain sa ating prutasan ay naghahatid sa kanila ng ngiti sa kanilang mga labi. Ayaw mo ba ng maligaya ang ating nasasakupan?”

 

“Ayaw ko! Hindi ako naging datu upang bigyan sila ng kalayaan at karapatang lumigaya. Mga alipin lang natin sila!”

 

Umiiyak ang puso ni Dayang Manggay na tumalikod sa kaniyang asawa. Labis ang pagmamalasakit niya sa mga tao, kaya nag-isip siya ng paraan kung paano niya matutulungan ang mga nasasakupan.

 

Isang hapon, nagtungo siya nang palihim sa prutasan. Naabutan niya roon ang matandang babae. Hirap na hirap itong nanunungkit ng mga bubot pang bungang-kahoy.

 

Masiglang bumati ang dayang. “Magandang araw po, Lola. Nais niyo po bang kumain ng prutas na iyan, kahit hilaw at maasim pa?”

 

“Oo sana, iha, pero hindi ko na kayang umakyat, at hindi rin kayang abutin nitong tungkod ko.”

 

“Sige, tutulungan ko po kayo.” Hiniram ni Dayang Manggay ang tungkod ng matanda, saka maingat na sinungkit niya ang pinakamababang kumpol ng mga prutas.

 

“Maraming salamat, iha! Napakabusilak naman ng puso mo.”

 

“Naku, wala po iyon. Nais ko lang pong magbigay ng kasiyahan sa lahat, sa pamamagitan ng mga puno ito at ng mga prutas nito.” Pagkatapos niyon, naikuwento ng dayang ang tungkol sa kalupitan ng datu.

 

“Malupit at maramot ang datu. Kailangan siyang parusahan nang matindi!” sabi ng matanda.

 

“Hindi ko kailanman nanaisin iyon sa aking asawa. Alam kong may paraan pa. Hangad ko ang pagbabago niya para manumbalik ang sigla at saya ng mga tauhan namin.”

 

“Mabuting tao ka, Dayang Manggay. Hayaan mong tulungan kita.” Inilabas ng matanda mula sa isang lukbot ang isang malaking binhi. “Itanim mo ito sa lugar na hindi makikita ng datu. Alagaan mo nang mabuti upang mabilis mamunga, at nang sa gayon ay mapasaya mo na ang mga tao.”

 

Tinanggap ni Dayang Manggay ang binhi. “Maraming salamat po! Ito na ang kasagutan sa aking problema.”

 

Nang araw ding iyon, itinanim ni Dayang Manggay ang binhi. At inalagaan niya iyon nang mabuti hanggang ang puno ay namunga ng masasarap at matatamis na dilaw na prutas.

 

Labis ang kasiyahan ng mga tao sa mga prutas. Hindi matapos-tapos ang pasasalamat ng mga ito sa dayang.

 

“Lapastangan!” sigaw ni Datu Ramot. “Mga timawa, dakpin at parusahan ang dayang!”

 

Agad nagsikilos ang mga kawal ng datu.

 

“Maawa ka, mahal na datu,” pakiusap ni Dayang Manggay. “Ang hangad ko lang naman ang mapasaya ang mga tao natin sa pamamagitan ng mga prutas ng punong itinanim ko.”

 

“Isang malaking kataksilan ang ginawa mo, mahal kong dayang. Kaya tanggapin mo ang kalupitan ko!”

 

Nag-alsa ang kalooban ng mga taong nagmamahal kay Dayang Manggay. Malakas ang loob na pumagitna ang isa sa mga tauhan.

 

“Mahal na Datu Ramot, alam kong mabuting tao ka. Bakit hindi mo muna tikman ang bunga ng punong iyan, bago mo parusahan ang iyong dayang,” mahinahong sabi nito.

 

“Para ano pa? Wala na sa akin ang katapatan ng aking dayang,” malungkot na saad ng datu.

 

“Hindi totoo iyan, Datu Ramot! Ako ang higit na nagmamahal at nag-uunawa sa ‘yo. Pinakiusapan ko nang taimtim ang mga tauhan natin na huwag silang mag-aklas laban sa ‘yo. At sa halip, tulungan akong alagaan ang prutasan, gayundin ang punong ito upang patuloy tayong umani ng mga prutas.”

 

“Totoo po iyan, mahal na datu!” sang-ayon ng matandang lalaki. “Dahil sa punong ito, nagkakaisa kami. Ang pagmamahal namin sa ating kabuhayan ang dahilan kung bakit patuloy kaming sumusunod sa mga kautusan mo.”

 

“Huwag mong parurusahan si Dayang Manggay!” sigaw pa ng isa pa.

 

Sabay-sabay na sumigaw ang lahat. “Pakawalan ninyo ang dayang!”

 

Paglipas ng ilang sandali, tahimik na pumitas si Datu Ramot ng isang hinog na bunga ng puno. Bakas sa mukha nito ang pagkamangha. Noon lamang siya nakakita ng ganoong prutas, kaya wala sa loob na binalatan niya iyon.

 

“Ang bango!” bulalas ng datu. Hindi na nito napigilan ang sarili. Sabik itong kumagat ito sa laman ng prutas. Ilang saglit pa, nagdeklara na ang datu. “Palayain ang aking mahal na dayang!”

 

Masayang nagpalakpakan ang balana. Nasisiyahang nagpasalamat si Dayang Manggay sa mga tao, at sa kaniyang asawa.

 

“Napakatamis at napakasarap ng prutas na ito! Magtanim pa tayo ng maraming binhi nito sa ating mga lupain upang palagi na tayong masaya at nagkakaisa,” matapat na utos ng datu.

 

Simula noon, naging mabuting datu na si Datu Ramot. Pinangalanan nilang ‘mangga’ ang puno at prutas na iyon. Naging simbolo rin ang mangga ng pagmamahalan at pagkakaisa sa kanilang barangay, at naging bahagi sa lahat ng masasaya at mahahalagang pagdiriwang tulad ng kasal, binyag, pag-aani, at iba pa. 

Friday, December 20, 2024

Hamon at Hamon

 Isang taon na naman ang magtatapos

Subalit pagsubok nati’y `di-matapos-tapos

Ang ilan sa atin, may luhang umaagos

Ang iba sa atin, sa pighati ay puspos

Karamihan naman, sa hamon ay hikahos.

 

Pasasalamat ko sa araw na ito’y lubos

Dahil sa katatagan nating di-nauubos

Sa problemang personal man ay nauupos

Kaya maging sa trabaho’y tumatagos

Ngunit matatag, hindi makahulagpos.

 

Samahan man natin ay kapos—

Kapos sa tibay, tamis, at pagiging taos

Pero ang mga puso nati’y nagtutuos,

Nangungusap, at tila hinahaplos—

Ang mga tampuhang nakakapaltos.

 

Sa di-pagkakasunduang bumubuhos

Narito pa rin tayo’t nagtipon—magtutuos

Sana ito na ang simula at pagtatapos--

Simula ng pagkakaisa at paglalamyos

At wakas ng hidwaan, gaya ng unos.

 

Ang hamong ito ay madaling maubos

Subalit katulad natin at sumang ibos,

Ito’y binilot, binilog, pinag-isa, binugkos.

Sa salusalong ito’y di-sapat, ito’y kapos

Pero sana, pagmamahalan, ating maayos.

 

Ang hamon ko’y makinig sa isang utos

Sundin nawa ito at huwag pumaltos—

Magkasundo’t magkaisa, sabi ng Diyos

Iyan ng diwa ng Paskong ating niyayapos

Kaya halina’t magsalo at mag-toast!

 

 

Ang Aking Journal -- Hulyo 2026

Hulyo 1, 2026 Muntik na akong ma-late dahil sa bus na nasakyan ko. Panay ang hinto at pick-up niyon ng mga pasahero. Hindi ko na tuloy naa...