Plano ng Commission on Elections (COMELEC) na dagdagan ng P2,000 ang honorarium ng mga gurong magsisilbi sa 2025 Election. Deserved nila ito, kaya huwag nang daanin sa botohan at delaying tactics ang pagpasa sa proposal na ito.
Hindi biro
ang tungkuling ginagampanan ng mga poll workers. Boto ng mga mamamayan
ang kanilang pinagsisikapang ipunin, bilangin, at isumite sa COMELEC upang
matiyak na mailuluklok sa puwesto ang tunay na pinili ng mga botante.
Nakalibing na sa hukay ang isa nilang paa tuwing nasa serbisyo sila. At ang
halagang ibinabayad sa kanila ay hindi kayang tumbasan ang sakripisyong ito.
Sabi ni Comelec
Chairman George Garcia, ang P2,000 proposed increase ay mahalaga at
dapat maipatupad upang matumbasan ang hirap at bigat ng serbisyong gagampanan
ng mga guro bilang poll workers.
Mahabang
oras—halos 24 oras silang gising—ang ginugugol nila, matiyak lamang na maayos
ang botohan sa kanilang presinto, at mabilang nang wasto ang mga boto. Idagdag
pa rito ang mahabang pila sa pagkuha ng mga balota at iba pang election paraphernalia,
gayundin ang pagbalik nito. Dugo at pawis ang kanilang puhunan, kaya marapat
lamang na suklian ito ng sapat na honorarium at iba pang benepisyo.
Ipinanukala
rin ng Comelec ang P1,000 transportation allowance at dobleng service
credits. Wow! Kung maipatutupad ito at ang P2,000 na increase,
maraming guro ang mahihikayat na mag-volunteer bilang poll chairmen
o poll members.
Suportado
ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III ang proposal na ito.
Aniya, "Napakahalaga ng gampanin ng mga guro sa pagsisiguro ng malinis,
maayos, at matiwasay na halalan sa 2025. Sa mga ‘hot spots’ na lugar sa bansa,
hindi maiwasang malagay sa panganib ang kaligtasan at buhay ng mga guro.”
Inungkat
din niya ang mga hinaing ng poll workers tungkol sa 20% na buwis sa honorarium.
Hangad niyang magkaroon ng tax-exemption. Hinikayat din niyang
bigyang-pansin ng Comelec ang working condition and safety ng electoral
board sa panahon ng halalan.
Kung
pakikinggan ng otoridad ang mga panukalang ito, ang 2025 Election, para sa mga
poll workers, ay magiging isang serbisyo, hindi Kalbaryo.
Huwag nang
patagalin ito. Ibigay sa mga poll workers ang karampatang bayad at benepisyo. Huwag
puro plano. Umakto! Ngayon na.
No comments:
Post a Comment