Natatandaan niyo pa ba ang implementasyon ng Mother Tongue-based Multilingual Education (MTB-MLE) sa Pilipinas noong S.Y. 2012-2013? Hindi ba’t isang magulong tahanan ang kinalabasan? At ngayong ipatitigil na ito, nakasisiguro akong magiging maayos na ang sistema.
Naalala ko
pa, umani ng iba’t ibang reaksiyon mula sa iba’t ibang sektor ng bansa. Nakita
kaagad ng mga kaguruan ang problema sa pagpapatupad nito. Sa isang division o
paaralan mismo, hindi lang iisa ang wikang sinasalita ng mga mag-aaral, kaya
nahirapang itong maipatupad. Bukod pa rito, may mga gurong hirap din sa
translation. Hindi rin sapat ang instructional materials, kaya hindi napakain
ng ina ang lahat ng kaniyang mga anak. May lumusog. May pumayat ang utak,
lalong-lalo na ang mga batang lumipat ng paaralan.
Ipinanganak
ang anak ko sa Antipolo City, at lumaki siya sa Pasay City. Pagtuntong niya sa
Kinder, dinala siya ng ina sa Aklan, kung saan ang inang wika ay
Aklanon—sobrang layo nito sa wikang Tagalog na kaniyang kinagisnan. Natuto siya
roon ng ilang salita, ngunit pagbalik sa siyudad upang ipagpatuloy ang Unang
Baitang, nahirapan na naman siyang isalita ang dalawang wika.
Ang
nakaalarma sa akin bilang ama ay nagkaroon ng makapal na bakod sa pagitan
namin. Hindi ko maunawaan ang kaniyang sinasabi hanggang sa mapalo ko siya,
lalo na’t ang kaniyang ina ay nangibang-bansa. Matagal din bago niya
nakalimutan ang mother tongue na ipinilit ipasalita sa kaniya. Isinuka niya
lang nang paonti-onti. Nahirapan siyang kumain ng mga bagong salita nang nasa
Unang Baitang na siya sa NCR.
Bilang
guro, natutuwa akong marinig na puputulin na ang ‘dila ng ina.’ Hindi ito ang
solusyon sa learning gaps ng mga mag-aaral. Nakaragdag lang ito sa pasanin ng
mga guro. Isa lang itong pag-aaksaya sa budget ng Kagawaran, lalo na ang mga
dibisyong Tagalog naman ang wika.
Gamitin ang
mother tongue sa pagtuturo ngunit huwag gawing asignatura. Ilaan ang dating
oras na nakalaan para sa MTB-MLE para sa ibang mas mahalagang programa.
Pahabain ang oras para sa pagbabasa.
Ipatupad
ito kaagad! Putulin na ang dila ng ina!
No comments:
Post a Comment