Maraming taon na ang nakalipas, namumuno si Datu Ramot sa isang malaking barangay. Bantog siya sa pagiging malupit at maramot.
“Bawal
kayong magpahinga sa oras ng trabaho!” madalas niyang singhal sa mga tauhan sa
prutasan.
At
kadalasan, pinagbabawalan pa ni Datu Ramot ang mga ito na pumitas ng mga
prutas, anomang oras na gustuhin nila. Pinarurusahan niya ang sinomang lumabag
sa kaniyang kautusan.
“Hayaan na
natin silang pumitas ng mga prutas. Marami naman kung mamunga ang mga puno.
Hindi tayo mauubusan, at siguradong marami tayong madadala sa daungan para sa
kalakalan,” masuyong sabi ni Dayang Manggay, ang butihing maybahay ng datu.
“Hindi
maaari!” sigaw ni Datu Ramot. “Kapag ginawa natin iyan, aabusihin tayo ng mga
iyan.”
“Subalit
ang mga prutas na kanilang nakakain sa ating prutasan ay naghahatid sa kanila
ng ngiti sa kanilang mga labi. Ayaw mo ba ng maligaya ang ating nasasakupan?”
“Ayaw ko!
Hindi ako naging datu upang bigyan sila ng kalayaan at karapatang lumigaya. Mga
alipin lang natin sila!”
Umiiyak ang
puso ni Dayang Manggay na tumalikod sa kaniyang asawa. Labis ang pagmamalasakit
niya sa mga tao, kaya nag-isip siya ng paraan kung paano niya matutulungan ang
mga nasasakupan.
Isang
hapon, nagtungo siya nang palihim sa prutasan. Naabutan niya roon ang matandang
babae. Hirap na hirap itong nanunungkit ng mga bubot pang bungang-kahoy.
Masiglang
bumati ang dayang. “Magandang araw po, Lola. Nais niyo po bang kumain ng prutas
na iyan, kahit hilaw at maasim pa?”
“Oo sana,
iha, pero hindi ko na kayang umakyat, at hindi rin kayang abutin nitong tungkod
ko.”
“Sige,
tutulungan ko po kayo.” Hiniram ni Dayang Manggay ang tungkod ng matanda, saka
maingat na sinungkit niya ang pinakamababang kumpol ng mga prutas.
“Maraming
salamat, iha! Napakabusilak naman ng puso mo.”
“Naku, wala
po iyon. Nais ko lang pong magbigay ng kasiyahan sa lahat, sa pamamagitan ng
mga puno ito at ng mga prutas nito.” Pagkatapos niyon, naikuwento ng dayang ang
tungkol sa kalupitan ng datu.
“Malupit at
maramot ang datu. Kailangan siyang parusahan nang matindi!” sabi ng matanda.
“Hindi ko
kailanman nanaisin iyon sa aking asawa. Alam kong may paraan pa. Hangad ko ang
pagbabago niya para manumbalik ang sigla at saya ng mga tauhan namin.”
“Mabuting
tao ka, Dayang Manggay. Hayaan mong tulungan kita.” Inilabas ng matanda mula sa
isang lukbot ang isang malaking binhi. “Itanim mo ito sa lugar na hindi
makikita ng datu. Alagaan mo nang mabuti upang mabilis mamunga, at nang sa
gayon ay mapasaya mo na ang mga tao.”
Tinanggap
ni Dayang Manggay ang binhi. “Maraming salamat po! Ito na ang kasagutan sa
aking problema.”
Nang araw
ding iyon, itinanim ni Dayang Manggay ang binhi. At inalagaan niya iyon nang
mabuti hanggang ang puno ay namunga ng masasarap at matatamis na dilaw na
prutas.
Labis ang
kasiyahan ng mga tao sa mga prutas. Hindi matapos-tapos ang pasasalamat ng mga
ito sa dayang.
“Lapastangan!”
sigaw ni Datu Ramot. “Mga timawa, dakpin at parusahan ang dayang!”
Agad
nagsikilos ang mga kawal ng datu.
“Maawa ka,
mahal na datu,” pakiusap ni Dayang Manggay. “Ang hangad ko lang naman ang
mapasaya ang mga tao natin sa pamamagitan ng mga prutas ng punong itinanim ko.”
“Isang
malaking kataksilan ang ginawa mo, mahal kong dayang. Kaya tanggapin mo ang
kalupitan ko!”
Nag-alsa
ang kalooban ng mga taong nagmamahal kay Dayang Manggay. Malakas ang loob na
pumagitna ang isa sa mga tauhan.
“Mahal na
Datu Ramot, alam kong mabuting tao ka. Bakit hindi mo muna tikman ang bunga ng
punong iyan, bago mo parusahan ang iyong dayang,” mahinahong sabi nito.
“Para ano
pa? Wala na sa akin ang katapatan ng aking dayang,” malungkot na saad ng datu.
“Hindi
totoo iyan, Datu Ramot! Ako ang higit na nagmamahal at nag-uunawa sa ‘yo.
Pinakiusapan ko nang taimtim ang mga tauhan natin na huwag silang mag-aklas
laban sa ‘yo. At sa halip, tulungan akong alagaan ang prutasan, gayundin ang
punong ito upang patuloy tayong umani ng mga prutas.”
“Totoo po
iyan, mahal na datu!” sang-ayon ng matandang lalaki. “Dahil sa punong ito,
nagkakaisa kami. Ang pagmamahal namin sa ating kabuhayan ang dahilan kung bakit
patuloy kaming sumusunod sa mga kautusan mo.”
“Huwag mong
parurusahan si Dayang Manggay!” sigaw pa ng isa pa.
Sabay-sabay
na sumigaw ang lahat. “Pakawalan ninyo ang dayang!”
Paglipas ng
ilang sandali, tahimik na pumitas si Datu Ramot ng isang hinog na bunga ng
puno. Bakas sa mukha nito ang pagkamangha. Noon lamang siya nakakita ng ganoong
prutas, kaya wala sa loob na binalatan niya iyon.
“Ang
bango!” bulalas ng datu. Hindi na nito napigilan ang sarili. Sabik itong
kumagat ito sa laman ng prutas. Ilang saglit pa, nagdeklara na ang datu.
“Palayain ang aking mahal na dayang!”
Masayang
nagpalakpakan ang balana. Nasisiyahang nagpasalamat si Dayang Manggay sa mga
tao, at sa kaniyang asawa.
“Napakatamis
at napakasarap ng prutas na ito! Magtanim pa tayo ng maraming binhi nito sa
ating mga lupain upang palagi na tayong masaya at nagkakaisa,” matapat na utos
ng datu.
Simula
noon, naging mabuting datu na si Datu Ramot. Pinangalanan nilang ‘mangga’ ang
puno at prutas na iyon. Naging simbolo rin ang mangga ng pagmamahalan at
pagkakaisa sa kanilang barangay, at naging bahagi sa lahat ng masasaya at
mahahalagang pagdiriwang tulad ng kasal, binyag, pag-aani, at iba pa.
No comments:
Post a Comment