Followers

Friday, December 20, 2024

Hamon at Hamon

 Isang taon na naman ang magtatapos

Subalit pagsubok nati’y `di-matapos-tapos

Ang ilan sa atin, may luhang umaagos

Ang iba sa atin, sa pighati ay puspos

Karamihan naman, sa hamon ay hikahos.

 

Pasasalamat ko sa araw na ito’y lubos

Dahil sa katatagan nating di-nauubos

Sa problemang personal man ay nauupos

Kaya maging sa trabaho’y tumatagos

Ngunit matatag, hindi makahulagpos.

 

Samahan man natin ay kapos—

Kapos sa tibay, tamis, at pagiging taos

Pero ang mga puso nati’y nagtutuos,

Nangungusap, at tila hinahaplos—

Ang mga tampuhang nakakapaltos.

 

Sa di-pagkakasunduang bumubuhos

Narito pa rin tayo’t nagtipon—magtutuos

Sana ito na ang simula at pagtatapos--

Simula ng pagkakaisa at paglalamyos

At wakas ng hidwaan, gaya ng unos.

 

Ang hamong ito ay madaling maubos

Subalit katulad natin at sumang ibos,

Ito’y binilot, binilog, pinag-isa, binugkos.

Sa salusalong ito’y di-sapat, ito’y kapos

Pero sana, pagmamahalan, ating maayos.

 

Ang hamon ko’y makinig sa isang utos

Sundin nawa ito at huwag pumaltos—

Magkasundo’t magkaisa, sabi ng Diyos

Iyan ng diwa ng Paskong ating niyayapos

Kaya halina’t magsalo at mag-toast!

 

 

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...