Followers

Tuesday, December 24, 2024

Magdilang-Anghel (Diyalogo)

 

Ate Helena: O, Hilda, bakit madilim ang mukha mo? Ano ang maitutulong ko sa `yo?

 

Hilda: Wala ito, Ate Helena.

 

Ate Helena: Naku, huwag ka nang mahiya... Tungkol ba iyan sa paligsahan sa

pagguhit na sinalihan mo?

 

Hilda: Ate, kasi... Kasi hindi magaling ang kamay ko kagaya ni Robert. Siya ang

itinanghal na panalo.

 

Ate Helena: Alam mo, hindi naman mapait na lunukin ang pagkatalo mo. Tanggapin

mo nang maluwag sa dibdib, at magsanay ka palagi para sa susunod, ikaw na ang manalo.

 

Hilda: Isa pa, ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig si Robert, kaya magaganda ang kagamitang pangguhit at pampinta niya.

 

Ate Helena: Naku, hindi basehan iyon, Hilda. Ang kahusayan ng tao ay magmumula sa determinasyon niyang matuto at lumago. Kaya, kung ako ikaw, ngingiti na ako at

magsasanay pa ako para lalo akong gumaling. Naniniwala akong sa susunod na taon, ikaw na ang tatanghaling kampeon sa larangan ng pagguhit sa inyong paaralan.

 

Hilda: Magdilang-anghel ka sana, Ate Helena! Maraming salamat sa pagpapalakas ng  loob ko.

 

Pilipinong Manunulat ng Taon (Liham)

 

                                                                                               Pluma, Tinta, at Wika

Guadalupe Nuevo,

Makati City

Nobyembre 2, 2025

 

 

515 Springtown Villas

Barangay Bucal,

Tanza, Cavite

 

G. Florentino Z. Galizea:

          

Isang mainit na pagbati!

 

Kabilang ka sa mga bibiyahe patungo sa Bohol sa Disyembre 2025!

 

Ang kuwentong pambata na inilahok mo at kabilang sa libo-libong lahok mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas ay magiging bahagi sa ‘Gawad Parangal para sa mga Pilipinong Manunulat ng Taon,’ na gaganapin sa Oceanica Resort Panglao sa ika-13 ng Disyembre 2025, ganap na 4:00, na may temang ‘Boho.’

 

Bilang isa sa mga pararangalan, inaanyayahan ka rin naming dumalo sa iba’t ibang gawain mula Disyembre 10 hanggang 12, gaya ng reading exhibit, on-site storytelling sessions, meet-and-greet with the judges, book-signing events, book cover illustrations demo, at marami pang iba. Ang kumpirmasyon ng iyong pagdalo ay hanggang Nobyembre 7, 2025 lamang. Tumawag sa mga numerong ito: 09288844270 at 09606543132.

 

Nais naming matatamasa mo ang espesyal na pagkilala para sa natatangi mong tagumpay sa araw na ito. Hangad rin naming makasalamuha mo ang mga kapuwa-manunulat, na tatanggap din ng parangal.

 

Inaasahan namin ang iyong pagdalo. At sama-sama nating ipagdiwang ang iyong karangalan. Maraming salamat!

 

 

Lubos na sumasainyo,

G. Theodore Y. Alfonso

Pluma, Tinta, at Wika

Tagapangulo

 

Ang Hinahangaang Kaklase


Gusto nang sumuko ni Kyla sa paggawa ng kaniyang proyekto sa asignaturang Filipino 6. Hindi niya alam kung paano makabuo ng isang teksto mula sa interview survey na isinagawa niya sa kaniyang mga kaklase.   

 

“Anak, kumusta? Parang binagsakan ka ng langit at lupa,” pansing-bati ng kaniyang ina.

 

“Mama, nahihirapan po kasi ako sa proyekto namin. Naisip kong huwag na lang itong ituloy. Hindi bale nang mababa ang makuha kong marka,” malungkot na tugon niya.

 

 Nilapitan pa siya ng ina, saka ipinatong ang kamay nito sa balikat niya. “Ano ka ba? Ngayon ka pa ba susuko kung kailan malapit nang matapos? Nasimulan mo, e, `di tapusin mo na. Huwag kang sumuko. Kung kailangan mong ipahinga ang isip mo, gawin mo muna. Pagkatapos, kung maayos ka na, balikan mo. Huwag mong durugin ang puso mo. Okey?” Tinapik-tapik ng ina ang kaniyang likod.


Tumango si Kyla nang maisip niyang tama ang kaniyang ina, saka nginitian niya ito. “Okey po, Mama. Ikukrus ko po sa aking noo ang mga sinabi mo. Salamat po!”

 

 

Paglabas ng kaniyang ina, saka naman ang pagpasok ng kaniyang alagang pusa. Lumapit ito sa kaniya, at tila naglalambing. Kinarga niya ito at binigyan ng belly rub. Gustong-gusto nito ang ginagawa niya.

 

Hindi namalayan ni Kyla ang oras. “Naku, Milky, kailangan ko nang gawin ang proyekto ko. Dito ka muna, ha? Mamaya na uli tayo maglaro. Mahiga ka muna rito.” Nilagay niya ang alaga sa kama, saka muling hinarap ang mga liham pagtatanong, na pinasagutan niya sa kaniyang mga kaklase.

 

Naagaw ang atensiyon niya ng isang interview survey, kaya binasa niya ito.

 

Block 20, Lot 24 Sitio Talaga,

Barangy Maybangcal,

Morong Rizal

Disyembre 21, 2024

 

Mahal kong Kamag-aral:

 

Isang mapagpalang araw ang sumainyo!

 

Ang liham na ito ay bahagi ng proyektong sa Filipino 6. Malaki ang iyong maitutulong ukol dito. Nais kong hingin ang iyong opinyon sa mga sumusunod na katanungan.

 

Narito ang mga tanong:

 

Mga Tanong

Mga Sagot:

Ano ang iyong buong pangalan?

Pedro Juan J. del Mariya

Gaano ka kadalas gumamit ng gadget sa isang araw?

Wala naman akong sariling cellphone, kaya paminsan-minsan lang ako nakagagamit nito. Iyon ay kapag pinahihiram ako ng aking ina upang magsaliksik sa internet tungkol sa mga aralin.

Paano mo ginagamit ang teknolohiya sa iyong edukasyon?

Ginagamit ko ang teknolohiya, gaya ng cellphone, sa edukasyon. Tulad sa unang tanong, ginagamit ko lamang bilang tulay ng pananaliksik. Maglaro man ako ng games, pero kaunting minuto lamang.

Ano ang opinyon tungkol sa paggamit ng teknolohiya ng mga kabataan ngayon?

Mahalaga ang teknolohiya sa buhay ng mga tao. Sabi ng mga magulang ko, nakapasuwerte raw ng mga kabataan sa panahon ngayon dahil sa mga makabagong teknolohiya. Pero sa palagay ko, pinapatay nito ang kasipagan ng mga kabataan. Naging dependent na ang karamihan sa mga gadyet. Nakalilimutan na nila ang paglaan ng mas mahabang oras para sa edukasyon, na siyang isa sa mga susi ng tagumpay. 

Paano mo maiaangat ang kalidad ng iyong edukasyon sa tulong ng teknolohiya?

Gagamitin ko ang teknolohiya sa pagtuklas ng mga kaalaman, sa pagbabahagi ng wastong impormasyon, at sa pagsisiwalat ng katotohanan.

 

 

Taos-puso akong nagpapasalamat sa inyong suporta!

 

 

Lubos na gumagalang,

Kyla K. Dimakulangan

Grade 6-Mabuti

 

 

            “Milky, Milky, may ideya na ako!” bulalas ni Kyla.

 

           “Meow! Meow!” Nagising tuloy ang alaga niyang pusa.

 

           “Tama si Mama. Hindi dapat ako sumusuko. Kailangan ko lang ipahinga ang aking katawan at isipan.”

 

           “Meow!” sagot pa ni Milky, bago ito muling pumikit.

 

           Handa na rin si Kyla na sumulat ng teksto, mula sa mga kasagutan ng kaniyang kaklaseng si Pedro Juan, na labis niyang hinahangaan dahil sa pagsusunog nito ng kilay. Madalas itong tahimik, pero aktibo sa mga talakayan sa klase.

 

“Ay, Milky, ano ‘to?” Parang namula ang kaniyang pisngi. Pagkatapos, naramdaman niya ang mga paruparo sa kaniyang tiyan.

Ang Parabula ng Nawawalang Tupa


Si Sherman ay isang pastol ng mga tupa. Araw-araw niyang pinapastol ang kaniyang siyamnapu't siyam na tupa.

 

Isang araw, napansin niyang nawawala ang isa sa mga tupa. Labis siyang nalungkot. Ayaw niyang binabalewala ang pagkawala ng iisang tupa. Kahit marami pa naman siyang tupa.

 

Pagkatapos ng masusing paghahanap, natagpuan ni Sherman ang tupa. Labis ang galak niya dahil sa pagbabalik ng nawawalang tupa. Kaya nagdaos siya ng isang pagdiriwang bilang pagpapahalaga sa bawat isa sa kaniyang kawan.

Ang Talinghaga ng Puno ng Igos


Isang araw, tiningala ni Mang Rey ang puno ng igos, na kaniyang itinanim, tatlong taon na ang nakararaan.

 

„‘‘Aba! Wala ka pa ring bunga. Nararapat ka nang putulin!“ sabi ni Mang Rey. Tinawag niya ang utusan.

 

‘‘Bakit po?“ nagtatakang tanong ng utusang lalaki.

 

‘‘Putulin mo na ang punong ito! Walang silbi. Hindi namumunga. Pagkatapos ay sunugin mo ang mga putol-putol na bahagi nito upang maging pataba,“ utos niya.

 

‘‘Po? Huwag po muna nating putin ang puno ng igos. Bigyan niyo ako ng isang taon para pagtuunan ko ng pansin at maalagaan ko ito nang husto hanggang sa magbunga.“

 

„Paano mo gagawin iyon? E, tatlong taon nang hindi ito namumunga,“ singhal ni Mang Rey.

 

 ‘‘Huhukayan ko ang paligid ng puno ng igos, at lalagyan ko ng mga patabang organiko... Kung mamumunga po ito sa susunod na taon ay mabuti. Kung hindi, saka natin putulin.“

 

Napagtanto ni Mang Rey ang kabuluhan ng sinabi ng tagapag-alaga, kaya hindi na niya pinaputol ang puno ng igos. Umasa siyang magbibigay na ito ng mga bunga. 

Ang Manghahasik

 

Isang araw, umalis si Jesus sa bahay, at pumunta siya sa tabi ng dagat. Naglapitan at nagtipon-tipon sa paligid niya ang maraming tao. Kaya, umupo siya sa isang bangka, habang nakatayo naman sa tabi ng dalampasigan ang mga tagasunod niya.

 

Gustong-gusto ng mga tao ang kaniyang mga kuwento at talinghaga, kaya muli siyang nangusap sa kanila. Ang tungkol sa magsasaka ang kaniyang ipinangaral.

 

"Isang magsasaka ang umalis upang maghasik ng mga binhi. Habang naghahasik, ang ilan sa mga binhi ay nahulog sa tabi ng daan. May mga dumapong ibon, at tinuka ang mga binhi. Ang ilang binhi ay nahulog sa mabatong lupa. Kaagad naman tumubo ang mga binhi dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit, nang sumikat na ang araw, natuyo ang mga munting dahon nito. At dahil walang ugat, tuluyang nangamatay ang mga ito. Ang ilan namang binhi na nahulog sa mga damong may tinik. Subalit, mas mabilis humaba ang mga tinik, kaya nahadlangan ang paglaki ng mga binhi. At hindi namunga ang mga ito. Ngunit may ilang binhi ay nahulog sa mabuting lupa, at nagbunga nang marami. At patuloy na mamumunga ang mga ito,” kuwento ni Jesus.

Talambuhay ni Jose Rizal

 

Siya ang pambansang bayani ng Pilipinas. Bukod sa husay sa pagsusulat, siya ay may malawak na kaalaman tungkol sa iba’t ibang paksa. Tila may kaban siya ng mga kaalaman, na nagagamit niya sa paglutas ng mga problema.

 

Ipininanganak si Jose Protasio Rizal Mercado y Alonso Realonda noong ika-19 ng Hunyo, 1861 sa Calamba, Laguna. Palibhasa, lumaki siya mula sa pamilyang may gintong kutsara sa bibig, kaya maringal ang kaniyang edukasyon.

 

Nagtapos siya ng Bachelor of Arts sa Ateneo Municipal de Manila, kung saan nakakuha siya ng mataas na karangalan. Puno siya ng pangarap para sa sarili at bayan, kaya nagpatuloy siya sa pag-aaral sa Europa. Doon niya kung saan nakakuha siya ng mga degree sa Medisina at Pilosopiya. Lumawak din ang kaniyang pananaw sa mga isyu sa Pilipinas dahil sa kaniyang mga na karanasan sa ibayong dagat.

 

Sinulat niya ang nobelang "Noli Me Tangere" sa Madrid, Spain mula 1884 hanggang 1887. Tungkol ito sa mga mapang-aping mananakop at ang mga hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan sa ilalim ng pamahalaang Espanyol. Ang nobelang "El Filibusterismo" ay sinulat niya sa Ghent, Belgium mula 1891 hanggang 1892. Karugtong ito ng naunang nobela. At tungkol naman ito sa mga ideya ng rebolusyon at pagbabago sa lipunan.

 

Ang dalawang nobelang ito ay nagbigay-diin sa mga katiwalian at hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan. Ito rin ay nagbigay ng inspirasyon sa mga Pilipino na lumaban para sa kanilang mga karapatan laban sa mga buwayang Kastila.

 

At dahil sa mga nobelang ito at kaniyang pakikipagbaka sa panulat, inaresto at nahatulan siya ng kamatayan ng mga awtoridad ng Espanya. Kaya noong ika-30 ng Disyembre, 1896, naganap ang pagbaril sa kaniya sa Bagumbayan sa Maynila— Luneta na ngayon.

 

Ang pagpanaw sa mundo niya ang naging simbolo ng pakikibaka para sa kalayaan at nagpasiklab ng damdaming makabayan sa mga Pilipino. Hanggang sa kasalukuyan, si Jose Rizal ay itinuturing na isang bituin ng bayan. Sa kasalukuyan, patuloy na nagiging inspirasyon sa salinlahi ang kaniyang mga ideya at prinsipyo, lalo na sa mga ‘pag-asa ng bayan.’

Gamot

 

Isang gabing maulan, inutusan siya ng mga magulang

Kahit kumikidlat siya’y bumili ng gamot sa tindahan.

Patungo sa malayong tindahan ay madilim na daanan

Wala siyang magawa, kundi suungin ang kadiliman.

 

 

Naiisip niyang baka makakita ng white lady at tikbalang,

Baka dagitin at kainin siya ng manananggal o asuwang

O baka makasalubong niya ang bruhang kinatatakutan

Pero hindi niya inisip na baka kidlat siya ay matamaan

 

 

Nanginginig ang puso at basang-basa man ang katawan,

Lumakad-takbo siya patungo sa sentro nang buong tapang

Utos ng kaniyang mga magulang ay makapangyarihan,

Kaya dapat niyang sundin, at ang takot niya’y dapat labanan.

 

 

Para siyang nagwagi sa marathon at medalya’y napanalunan

Nang marating ang tindahan, na muntik na siyang mapagsarhan.

Mabuti na lang kaniya pa ang naabutan at napakiusapan

Dahil sabi niya, gamot na bibilhin ay talagang-talagang kailangan.

 

 

Tagumpay ang pagbili, pero pag-uwi‘y isa na namang kaparusahan

Daga sa dibdib, bagaman nanahimik na, siya pa ay kinakabahan

Gamot sa palad ay kuyom-kuyom, makarating sana sa tahanan

Upang ang kapatid ay gumaling; at mga magulang, siya’y hangaan.

 

Perya

 

Malapit na naman masayang piyesta.

Nagtayo na ng isang maliit na perya.

Nasasabik na ako sa mga rides nila,

Kaya binuksan ko na ang alkansiya.

 

 

Kumalat’ kumalansing ang mga barya

“Wow! Naipon ko ay kay rami na pala!

Makasasakay ako sa ‘Horror Train’ nila

At sa tsubibo, ako’y makasasakay pa.”

 

 

Pinagsama-sama ko ang magkakahalaga.

Mas marami ang tigpipiso kaysa tiglilima.

Aba! Kakaunti ang tigbebeynteng barya,

Ngunit ang tigsasampu’y gabundok na.

 

 

Nang binilang ko na ang lahat ng pera,

Kasiyaha’y naghalo, ngiti sa mga labi’y nawala

Hindi ko pala naabot ang inaasam na halaga.

Nais ko pa namang sa Color Game ay tumaya.

 

“Anak, sapat na ang ipon mo,” sabi ni Mama.

“Ang pag-iipon ay nakabubuti at siyang tama.

Ang mga laro sa perya, kahit pambata.”

Pinasalamatan at sinunod ko ang aking ina.

Kung Gusto Mong Humaba ang Buhay, Ganito Dapat ang Iyong Almusal

 

 

Sabi ng karamihan, "Breakfast is the most important meal of the day." Ang pahayag na ito ay may batayan, ngunit nakadepende ito sa pangangailangan ng indibidwal. Ang pinakamahalaga ay ang kaalaman tungkol sa mga pagkaing dapat kainin sa umaga dahil ito ang simula ng araw.

 

Kung kaya, may mga pagkaing dapat nating almusalin na nagpapahaba ng buhay, katulad ng oats, itlog, saging, kamote, spinach, at kape. Ito ay ayon sa vlog ng Halamang Gamot FB page.

 

Ang oats ay may taglay na fiber, na kung tawagin ay beta-glucan. Binabawasan nito ang tsansa ng tao na magkaroon ng sakit sa puso. Pinabubuti rin nito ang ating cholesterol levels.

 

            Ang pagkain ng dalawang itlog ay kukumpleto sa pangangailangan ng ating katawan sa isang araw. Dahil sa taglay nitong mahigit 50% na choline ng dalawang itlog, naibibigay nito ang mahahalagang nutrients, kapareho ng Bitamina A, D, at B12. Sa katunayan, ang isang itlog ay nagtataglay ng 8 gramo ng protina. At ang bawat tao ay nangangailangan ng protina, katumbas ng kaniyang timbang. Sa madaling salita, ang isang itlog ay hindi sapat para sa isang tao, sa isang araw, lalo na ang mga aktibo, gaya ng atleta.

 

            Ang dalawang saging sa almusal ay mainam.  Nagtataglay ito ng folate at Bitamina B6, na gumagawa ng serotonin. Ang serotonin ay nagpapabuti ng mood ng tao. Bilang resulta, naiiwasan natin ang pagkabalisa (anxiety). Nagtataglay rin ng soluble fiber ang saging, na nagpapababa ng cholesterol sa katawan. Kung mababa ang cholesterol, mababa rin ang tsansa ng pagbabara ng arteries— uri ng daluyan ng dugo.

 

            Ang kamote ay may kakayahang magpababa ng low-density lipoprotein (LDL) cholesterol level. Ito ay kilala bilang masamang kolesterol. Subalit, tandaan na ang isang kamote ay may 15% ng daily recommended fiber intake. Para sa mga kababaihan, kailangan ng 25 gramo ng fiber kada araw. At para sa mga kalalakihan, 38 gramo ng fiber ang kailangan kada araw.

 

            Mahalagang malaman na ang pag-inom ng isang tasa ng kape sa umaga. Unang-una, nagbibigay ito ng enerhiya. At ayon sa mga pag-aaral, ang kapeng nilahukan ng gatas o krema ay maaaring magprotekta sa tao laban sa mga chronic diseases. Halimbawa nito ay sakit sa puso, hypertension, diabetes, hika, sakit sa baga, o cancer.

          

            Nakapagpapahaba rin ng buhay ang pagkain ng isang serving ng spinach. Pinagaganda nito ang kalusugan ng ating puso. Tila minamasahe nito ang ating arteries. Binabalanse rin nito ang blood sugar at cholesterol levels ng ating katawan.

           

            Sa kabuuan, ang almusal ay mahalagang bahagi ng buhay ng tao. Tunay na makapagpapahaba ng buhay ang pagkonsumo ng mga nabanggit na pagkain at inumin.

 

Kahalagahan ng Almusal

Sa mga maagang pumapasok sa eskuwela o trabaho, importante ang almusal. Kung kaya, inirerekomenda ng mga health practioners ang pagpili ng tamang pagkain at inumin.

 

Dahil sa magkakaibang pamumuhay ng mga tao, nagbigay ang ilan sa kanila ng listahan ng almusal na abot-kaya ng karamihan. Ayon sa kanila, mainam na ito ang sundin dahil hindi lamang ito nagbibigay ng sapat na nutrsiyon, kundi nag-iiwas pa sa mga sakit.

 

Ang oats, spinach, itlog, saging, kamote, at kape ang pinakamainam na almusal, batay sa kanilang rekomendasyon. Subalit, may kalayaan ang bawat indibidwal na kumain ng gusto niya o batay sa kaniyang pangangailangan at kagustuhan.

 

Maaari din namang palitan ang oatmeal ng anomang pagkain na may fiber, gaya ng tinapay na whole grain.  At ang saging ay puwedeng palitan ng ibang prutas, gaya ng avocado o kung ano ang available o seasonal na prutas. Ang mahalaga ay makompleto ang mga nutrisyon sa unang meal pa lamang upang magamit ang mga ito sa mga gawain at trabaho.

 

Sa kabuuan, mahalaga ang pag-aalmusal, gayundin ang pagpili ang pagkain at inumin dahil nagpapalusog at humahadlang sa mga sakit.


Ang Aking Journal -- Hulyo 2026

Hulyo 1, 2026 Muntik na akong ma-late dahil sa bus na nasakyan ko. Panay ang hinto at pick-up niyon ng mga pasahero. Hindi ko na tuloy naa...