Gusto nang sumuko ni Kyla sa
paggawa ng kaniyang proyekto sa asignaturang Filipino 6. Hindi niya alam kung
paano makabuo ng isang teksto mula sa interview survey na isinagawa niya
sa kaniyang mga kaklase.
“Anak, kumusta? Parang
binagsakan ka ng langit at lupa,” pansing-bati ng kaniyang ina.
“Mama, nahihirapan po kasi
ako sa proyekto namin. Naisip kong huwag na lang itong ituloy. Hindi bale nang
mababa ang makuha kong marka,” malungkot na tugon niya.
Nilapitan pa siya ng ina, saka ipinatong ang
kamay nito sa balikat niya. “Ano ka ba? Ngayon ka pa ba susuko kung kailan
malapit nang matapos? Nasimulan mo, e, `di tapusin mo na. Huwag kang sumuko.
Kung kailangan mong ipahinga ang isip mo, gawin mo muna. Pagkatapos, kung
maayos ka na, balikan mo. Huwag mong durugin ang puso mo. Okey?” Tinapik-tapik
ng ina ang kaniyang likod.
Tumango si Kyla nang maisip
niyang tama ang kaniyang ina, saka nginitian niya ito. “Okey po, Mama. Ikukrus
ko po sa aking noo ang mga sinabi mo. Salamat po!”
Paglabas ng kaniyang ina,
saka naman ang pagpasok ng kaniyang alagang pusa. Lumapit ito sa kaniya, at
tila naglalambing. Kinarga niya ito at binigyan ng belly rub.
Gustong-gusto nito ang ginagawa niya.
Hindi namalayan ni Kyla ang
oras. “Naku, Milky, kailangan ko nang gawin ang proyekto ko. Dito ka muna, ha?
Mamaya na uli tayo maglaro. Mahiga ka muna rito.” Nilagay niya ang alaga sa
kama, saka muling hinarap ang mga liham pagtatanong, na pinasagutan niya sa
kaniyang mga kaklase.
Naagaw ang atensiyon niya ng
isang interview survey, kaya binasa niya ito.
Block 20, Lot 24 Sitio Talaga,
Barangy Maybangcal,
Morong Rizal
Disyembre 21, 2024
Mahal
kong Kamag-aral:
Isang
mapagpalang araw ang sumainyo!
Ang
liham na ito ay bahagi ng proyektong sa Filipino 6. Malaki ang iyong
maitutulong ukol dito. Nais kong hingin ang iyong opinyon sa mga sumusunod na
katanungan.
Narito
ang mga tanong:
Mga Tanong |
Mga Sagot: |
Ano
ang iyong buong pangalan? |
Pedro Juan J. del Mariya |
Gaano ka kadalas gumamit ng
gadget sa isang araw? |
Wala
naman akong sariling cellphone, kaya paminsan-minsan lang ako
nakagagamit nito. Iyon ay kapag pinahihiram ako ng aking ina upang
magsaliksik sa internet tungkol sa mga aralin. |
Paano mo ginagamit ang
teknolohiya sa iyong edukasyon? |
Ginagamit
ko ang teknolohiya, gaya ng cellphone, sa edukasyon. Tulad sa unang
tanong, ginagamit ko lamang bilang tulay ng pananaliksik. Maglaro man ako ng games,
pero kaunting minuto lamang. |
Ano ang opinyon tungkol sa
paggamit ng teknolohiya ng mga kabataan ngayon? |
Mahalaga
ang teknolohiya sa buhay ng mga tao. Sabi ng mga magulang ko, nakapasuwerte
raw ng mga kabataan sa panahon ngayon dahil sa mga makabagong teknolohiya.
Pero sa palagay ko, pinapatay nito ang kasipagan ng mga kabataan. Naging
dependent na ang karamihan sa mga gadyet. Nakalilimutan na nila ang
paglaan ng mas mahabang oras para sa edukasyon, na siyang isa sa mga susi ng
tagumpay. |
Paano
mo maiaangat ang kalidad ng iyong edukasyon sa tulong ng teknolohiya? |
Gagamitin
ko ang teknolohiya sa pagtuklas ng mga kaalaman, sa pagbabahagi ng wastong
impormasyon, at sa pagsisiwalat ng katotohanan. |
Taos-puso
akong nagpapasalamat sa inyong suporta!
Lubos
na gumagalang,
Kyla
K. Dimakulangan
Grade
6-Mabuti
“Milky, Milky, may ideya na ako!”
bulalas ni Kyla.
“Meow! Meow!” Nagising tuloy ang
alaga niyang pusa.
“Tama si Mama. Hindi dapat ako
sumusuko. Kailangan ko lang ipahinga ang aking katawan at isipan.”
“Meow!” sagot pa ni Milky, bago ito
muling pumikit.
Handa na rin si Kyla na
sumulat ng teksto, mula sa mga kasagutan ng kaniyang kaklaseng si Pedro Juan,
na labis niyang hinahangaan dahil sa pagsusunog nito ng kilay. Madalas itong tahimik,
pero aktibo sa mga talakayan sa klase.
“Ay, Milky, ano ‘to?” Parang namula ang
kaniyang pisngi. Pagkatapos, naramdaman niya ang mga paruparo sa kaniyang
tiyan.
No comments:
Post a Comment