Followers

Saturday, October 1, 2016

Ang Aking Journal -- Oktubre, 2016

Oktubre 1, 2016 Dumalo ako sa first year death anniversary ni Ninang Elsa sa Bahay Dampa. Ang sasarap ng pagkain doon. Sobra nga akong nabusog. Naging solemn ang araw na iyon, na dinaluhan ng mga kamag-anak niya at kaming naging kaguro niya. Hindi ko maalis sa alaala ko ang kasal namin ni Emily. Siya at si Sir Rolly ang naging sponsors namin. Siya rin ang gumastos sa pagkain namin sa Max's. Mabait siya. Alas-tres na kami nag-uwian. Tumuloy ako sa Shopwise para mag-grocery. Hindi naman ako nakaidlip kahit antok na antok na ako. Naabutan pa akong gising ni Epr. Nagkape na lamang kami. Oktubre 2, 2016 Alas-8 na namulat ang mga mata ko, pero alas-nuwebe na ako bumangon para uminom ng gatas. Ang sarap magbabad sa higaan. Maghapon, nagsulat ako ng mga akda. May bago akong nobela. Susubukan kong magsulat ng superhero stories. Pangarap kong makilala ang character na gagamitin ko, gaya ng ibang Filipino superheroes na sina Darna, Captain Barbell, at iba pa. After lunch, nagpagupit at nagpakulay na naman ako ng buhok ko. Magastos. Bakit kasi pumuputi at humahaba agad ang buhok ko. Oktubre 3, 2016 Dumating na ang libro.kong "Ang Pagsubok ni Lola Kalakal". Walang mapagsidlan ang kasiyahan ko, habang binubuksan ko ang package. Medyo na-disappoint ako kasi manipis lang pala ang book. Sabagay, ano pa ba ang i-expect ko sa 100 pages? Tinanggap ko na lamang nang buong puso dahil ito ang katuparan ng pangarap ko. Matagal ko nang hinangad na magkaroon ng sariling libro. Self-published man ay sapat na ito para maging thankful ako sa Diyos. Hindi Niya ako binigo. Si Sir Erwin ang unang bumili ng libro. Ever since, isa siya sa mga nagtitiwala sa akin. Binentahan ko rin sina Mam Dang, Mam Edith, at Mam Ana. Gusto ko kasing maramdaman nila ang naramdaman ko sa kuwento ni Lola Kalakal. Puso ko ang ibinenta ko sa kanila, hindi ang libro. Nang umuwi ako, saka ko nalaman na marami ang gustong makabili ng libro ko. Isa na dito sina Camila at Aila, na dalawa sa mga dahilan ng pagkabuo ng nobela. Umani ng maraming comments at likes ang post ko. Marami na rin ang nagpa-reserve. Hangad ko na maubos ang 30 copies, bago ako nakapagpa-publish uli ng 2nd book. Gusto kong ma-inspire lalo ang VI-Topaz. Napatunayan ko na sa kanila na ang pagsulat ay kayamanan at ang pangarap ay hindi imposibleng makamit. Alam kong naghahangad din sila na matupad ko ang pangako kong libro sa kanila, kahit binigo sila ni Sir Jeff. Oktubre 4, 2016 Wala kaming palitan ng klase dahil, una, awarding ng journalism. Aalis si Sir Joel. Pangalawa. May Values at Religion classes. Pangatlo. May Puberty Education Program ang Whisper sa mga dalagita, kasama ang mga female pupils ko. Nagpasulat lang ako ng akda at nagsulat ako sa temporary report card ng mga bata ko. Hapon. Isang biyaya na naman ang natanggap ko. Nanalo ang trainee ko sa 'Pagsulat ng Editoryal". Pang-apat siya. Tuwang-tuwa ako. Sobra akong humanga sa kakayahan ng bata dahil kahit kulang kami sa training, nagawa pa rin niyang ipanalo. Nakaka-proud! Maganda ang feedback ni Mam Koreena sa libro ko, na binili niya kaninang umaga lang. Nagpost pa siya. Nakakataba ng puso. Patuloy rin ang pagbaha ng likes at comments sa post ko kahapon. May mga gustong nagpa-deliver ng book. Hindi ko pala na-anticipate ang gayong scenario. Akala ko ay mga bata, magaulang, at kaguro ko lang ang market ko. Pati sa Bulan ay may mga nais bumili. Oktubre 5, 2016 Nagkaroon ng selebrasyon ng Teachers' Day, kung saan ang bawat grade level ay may presentation. Nagbigay rin nga gifts ang mga bata sa mga teachers. Hindi ko na-feel ang tribute para sa mga guro dahil maiingay at magugulo ang mga bata. Hindi rin ako nagsaway ng klase ko dahil araw ko ngayon. Ayaw kong ma-stress. Pagkatapos ng mahabang programa, sinorpresa naman ako ng mga pupils ko. Pinasabugan nila ako ng confetti pagpasok ko sa room. Natuwa ako. Hindi ko alam na sa ganoong paraan nila ako pasasayahin. Narinig ko kasi na cake ang surprise nila sa akin. Marami rin akong natanggap na regalo at cards. Natutuwa ako sa isang card na natanggap ko. May tula kasi. Nagkainan kaming faculty. Masaya naman kahit paano. Alas-dos y medya, nag-inquire ako sa LBC ng price ng padala. May taga-Polot kasi na gustong bumili ng libro ko at willing magbayad ng LBC fee. Kaya lang, mahal. Nakakahiya naman. Oktubre 6, 2016 Wala pa rin kaming palitan ng klase dahil wala sina Sir Vic at Mam Janelyn. Gayunpaman, nagturo ako sa Filipino, Araling Panlipunan, at ESP. Naging mabait at tahimik naman sila buong araw. Nagawa ko ang mga priorities ko. hindi masyadong na-stress. Pagkatapos ng klase, pumunta ako sa pinakamalapit na JRS para mag-inquire ng delivery/shipping fee ng book ko. Ang price ay P120 lang. Nakalimutan ko na may meeting kaming cooperative board of directors. Kaya, pagkatapos kong matanong ang JRS attendant, agad akong bumalik sa school. Nainis pa nga ako dahil na-traffic pa ako at naglakad. Mabuti na lang, nakaabot pa ako. Narinig nila ang mga suggestions ko. Gusto ko nang masimulan ang pagpapa-print ng second book ko na 'I Love Red', kaya lang hindi ko pa naka-copy-paste lahat mula sa wattpad. Kailangan ko pang i-proofread at i-edit pagkatapos niyon. Siguro, mga isang linggo pa bago ko mai-submit sa publishing house. Oktubre 7, 2016 Sinorpresa uli ako ng VI-Topaz. Nagsaboy uli sila ng confetti pagpasok ko. Tapos, may banner, balloons, at cake pa silang hinanda para sa akin. Natuwa ako sa effort nila. Sobrang nakakataba ng puso. Humirit silang hindi ako magturo, kaya hinayaan ko na lang silang magkuwentuhan. Tutal, hanggang alas-onse lang naman ang klase dahil may inihanda ring tribute ang GPTA. Naalala ko ang preparation namin last year. Mas masaya. Gayunpaman, na-appreciate ko ang effort nila. Kahit paano ay naaliw ako. Nabusog din ako sa masasarap nilang inihandang pagkain. Alas-3 na ako nakauwi. Umidlip ako hanggang alas-sais. Nabawi ko na ang pagod at puyat ko. Oktubre 8, 2016 Maaga kong sinimulan ang ang pag-proofread ng nobelang "I Love Read", na ipapa-publish ko ngayong buwan. Medyo marami ang mali. Tama lang na-i-edit. Ala-una ng hapon ay nasa school na ako para sa Parents-Teachers General Assembly. Mabilis lang ding itong natapos, kaya maaga rin kaming nakapag-issue ng (temporary) report card. Kaya lang, nagpatawag na naman ng meeting si Mam Deliarte. Inabot kami ng pasado alas-kuwatro sa paulit-ulit na issue. Ang iba ay wala namang kapararakan. Dapat sana ay pupunta kami sa bahay ni Ms. Kris dahil doon maghahanda si Mam Dang para sa birthday celebration ng husband niya, kaya lang hindi natuloy. Nagyaya na lang si Sir Erwin na magtaho. Kaya lang, sarado na ang canteen sa Sanitarium. Nagkape na lang kami sa 7-Eleven. Nagkuwentuhan kami doon hanggang alas-sais. Hindi na rin ako tumuloy kina Beverly. Nagbulid na lang ako ng buhangin para hindi ako magastusan sa pamasahe. Ayaw ko nang gumastos nang gumastos. Need ko ng puhunan para sa book ko. Bukas, gagawa na naman ako ng dahilan. Bahala na siya kung ipapadala niya ang bayad sa utang niya o hindi muna. Malulugi rin naman ako sa libro kung ihahatid ko pa sa kanya. Oktubre 9, 2016 Hinarap ko maghapon ang pag-proofread ng nobelang "I Love Red". Naisingit ko rin ang pagsulat ng chapter ng bago kong superhero nobela. Ang bilis lang ng oras. Hindi ako nakarami. Kailangan ko rin kasing magpahinga. Ang hina pa ng internet. Hindi ko nga naharap ang mga akda ng pupils ko. Kailangan ko ring madagdagan ang na-encode ko na 15k words pa lang ang compilation nila. Manipis na libro pa lang iyon. Oktubre 10, 2016 Inspired akong magkuwento kanina. Nagamit ko ang dalawang dagli ko sa lesson namin, tungkol sa pagbibigay ng sanhi at bunga. Nabitin nga lang sila. Pagkatapos ng klase, nagpanotaryo ako ng mga dokumentong ipapasa ko sa Peakland sa October 26. Pinadala ko na rin through JRS ang book na order ni Patrick. Pag-uwi ko, umidlip ako. Alas-singko na ako bumangon. Masakit ang ulo ko. Gabi, gumawa ako ng book cover ng 'I Love Red'. Excited na akong ma-publish ang second book ko. Oktubre 11, 2016 Masaya akong ngayong araw dahil may benta uli ako sa books ko. Si Sir Patrick na kaklase ng kapatid ko, na instructor na ngayon sa RGCC, my Alma Mater, ay tumawag dahil natanggap niya na raw ang libro. Natuwa raw si Sir Pelingon dahil nabanggit ko ang school sa "About the Author". Nais raw nila akong tulungang magbenta. Nakaktuwa talaga. Naging proud din sila sa akin. Nag-comment din sina Auntie Vangie at Auntie Emol sa post ko tungkol sa libro. Umorder na sila, pinuri pa ako. Susuportahan daw nila ako. Nakakatuwa. Nakaka-inspire. Naka-chat ko naman si Emily. Nabanggit niya na nagsusulat din si Kaylee. Sinabi kong gusto kong tulungan ang anak niya na magkalibro. Saka na lang daw. Bahala na. Basta, gusto ko ay makatulong ako. Sana nga sina Hanna, Zj, at Ion ay mamana nila ang pagsusulat ko. Oktubre 12, 2016 May mga supervisors dumating, tapos may seminar pa si Sir Joel at wala si Sir Vic, kaya wala kaming palitan. Gayunpaman, nagturo ako sa klase. Palibhasa tatlo ang subjects ko sa kanila kaya may variation. Siyempre, nakapagkuwentuhan kami at napasulat ko sila. Isa namang good news ang dumating. Lumabas na ang book na "The Hugot Recipes" ng Wattpad Writers' Guild, kung saan ako sumali sa writing contests. Nakasama sa libro ang akda kong 'Yema'. Nakaka-proud. Kaya, hapon, after ko magmeryenda, ay nagpadala ako ng payment sa libro. Isa na naman itong biyaya sa akin. Nagpadala na rin si Sir Pat ng bayad niya sa libro. Inaasahan ko na mag-oorder pa sila. Nag-inquire na rin ako sa Le Sorelle tungkol sa printing. Desidido na ako na sa kanila magpa-publish. Oktubre 13, 2016 Nagturo lang ako sa advisory ko at sa Section 1. Nagpasulat ako sa Garnet ng sanaysay. Bahagi ito ng lesson o curriculum. Marami ang nakasulat. Magaganda naman. Kaya pagkameryenda, hinarap ko ang pag-eencode at pagpopost ng mga napili kong akda. Naisantabi ko na naman ang pag-proofread ng 'I Love Red.' Bago ako nahiga, nag-chat si Emily. Nagdradrama na naman siya. Bakit daw nakakayanan ko ang malayo sa kanila. Hindi ko siya sineryoso. Alam naman kasi niya ang sagot. Ayaw kong tumira o magpalipat sa Aklan. Dito lang ako sa Pasay, lalo na't malapit ko nang malipatan ang bahay ko sa Tanza. Bukas, dadalawin ko si Mama sa Antipolo. Alam kong miss na miss na niya ako. Wala na rin siyang budget, sigurado ako. Oktubre 14, 2016 Wala na naman kaming palitan ng klase dahil wala si Mam Gigi. Nasa Science Quest siya. Gayunpamm, naging busy ang mga pupils ko. Pina-memorize ko sila ng mga magkakasingkahulugang salita, habang ako ay nagta-type ng ilang napiling akda nila. Naging produktibo pa rin naman ang buong araw namin. Pagkatapos ng klase, nakisabay ako kay Sir Erwin sa pagbiyahe. Nag-LRT kami. Papunta ako sa Antipolo. Mga past 6 na ako nakarating. Natuwa si Mama sa pagdating ko. Gaya pa rin siya ng huli kong pag-uwi. Hindi pa rin siya nakakakita. Nagkuwentuhan kami. Alam kong nagalak siyang malaman ang magagandang bagay na nangyari sa akin. Nagkuwento rin siya tungkol sa pagbisita nina Hanna at Zj. Natutuwa ako, kahit alam kung nahihirapan sila sa pamumuhay, kasama ang kanilang stepfather. Umaasa akong mapapabuti silang magkapatid, lalo na't nagsisimba-simba raw sila sa isang religious congregation. Mag-iiwan ako ng libro para sa kanila upang kahit paano ay ma-inspire sila at maging proud sa akin. Oktubre 15, 2015 Maaga akong nagising. Hindi ko nagawang matulog nang mahaba, siguro dahil gusto kong makabalik agad sa boarding house. Kaya, alas-otso y medya pa lang ay nagpaalam na ako kay Mama. Mag-aalas-dose nga ay nakarating ako. Dinaanan ko muna sa school ang padala ng WWG. Tuwang-tuwa ako sa unang anthology book ko. Nag-advertise agad ako. At ngayong araw, apat kaagad ang umorder sa akin-- si Sir Ersin, si Mia, si Auntie Vangie, at si Nida. I'm so blessed. Thankful nga sa akin ang WWG. Pasalamat din ako sa binigay nilang chance. Tinanggap ko rin ang task mula sa Le Sorelle. Ito ay ang.i-handle ang LSPuso Benefit project para sa mga batang may sakit. Kailangan ko ng illustrator para sa mga kuwentong pambata ko. Nangako akong ako ang magpi-finance ng akda kong "Ang mga Pagalit ni Mama". Dapat raw ay makapaglabas kami ng book weekly. Na-pressure tuloy ako. Natapos ko ngayong gabi ang pag-proofread ko ng 'I Love Read'. Nakausap ko na rin ang in-charge ng printing sa Le Sorelle. Bukas ay ipapasa ko na ang layout nito. Oktubre 16, 2016 Palibhasa maaga akong nagising, marami akong na-accomplished ngayong araw. Naipadala ko rin ang bayad sa apat na books ng WWG. Nagkapag-submit ako ng layout ng 'I Love Red'. Nakapag-edit ako ng 'Pahilis' at 'Hijo de Puta'. Nakapag-encode din ako ng mga akda ng pupils ko. Halos wala na nga akong tulog at pahinga. Hindi bale, mas mahalaga ang accomplishments. Nagkaroon pa ako ng kilala sa FB, na nagbigay sa akin ng maramimg idea tungkol sa self-publication, like ISBN at JMD Publication, na nag-ooffer ng 'no minumum number of copy' na ipapaprint. Oktubre 17, 2016 Akala ko suspended ang klase, hindi pala. Palabas na pala ang Bagyong Karen. Gayunpaman, masaya ako buong araw dahil marami ang pumasok. Nag-lesson kami kahit hindi nagpalitan ng klase. Nakapagpasulat ako, habang nag-eencode ng mga akda nila. Nakapag-edit din ako ng book-to-be-published nila. Gabi. Napagdesisyunan namin ng kaibigan at dati kong kaklase na mag-publish kami ng tula. Siya ang mamumuhunan. Ako na ang bahala sa proseso. Excited na rin siyang magkalibro. Oktubre 18, 2016 Naihayag ko sa pupils ko ang nalalapit na pagpapa-publish ng aming libro. Hinikayat ko ang iba, na mag-contribute para maging bahagi nito. Nagkaroon din kami ng botohan para sa title. Ayaw ko na ng Precious Moments dahil parang pang-memoir ito. Ang napili ko, na nagustuhan naman nila ay "Walang Pamagat". Pinadrowing ko naman agad si Martiney ng doodle art para sa book cover. Gabi, ginawa ko iyon. Maganda ang resulta. Excited na ako. Nag-PM naman si Sir Jeff. Nag-sorry siya sa pagka-delay ng 'Trip to Mars'. Sisikapin niya raw na matapos hanggang January. Kahit paano ay umasa ako. Pumunta si Mamah kanina sa school. Kumuha siya ng dalawa kong libro. Magpapaorder din daw siya. Naka-chat ko naman ang handler ng printing ng Le Sorelle. Ililipat ko na lang ang page numbers sa baba. Mas okay raw kasi kaysa kapag nasa taas. Bukas at ise-send ko na lahat ng kailangan para masimulan na ang printing. Oktubre 19, 2016 Nahirapan akong makatulog kaninang alas-dose y medya ng madaling araw. Siguro alas-dos na ako nakatulog. Kaya naman, pupungas-pungas ako sa school kanina. Grabe! Inabot na naman ako ng insomia. Siguro ay excited lang ako sa mga librong ipapa-publish ko pa. Pagkatapos ng klase, nagbayad muna ako ng internet bill. Pag-uwi ko, umidlip muna ako, bago nagmeryenda. Pasado alas-5 na iyon.. Gabi. Sinimulan ko namang i-format ang libro namin ni Gina-- 'Ang Buhay ay isang Tula'. Naumpisahan ko na rin ang book cover niyon. Sunod ay naikasa ko na ang printing ng 'I Love Red 0.1'. Bukas ko na babayaran ang P2290. Ang libro ay P204 kada isa. Ako rin ang magbabayad sa shipping. So, almost P230 rin ang halaga ng libro. Mahal, pero tiyak akong magugustuhan iyon ng mga mambabasa. Then, nagdesisyon akong magpa-print ng journal ko, dated January to December 2016. Nalakap ko na ang lahat ng entries ko. Ipino-format ko na lang. Salamat sa Diyos dahil nabiyayaan ako ng ganitong kakayahan at oportunidad! Oktubre 20, 2016 Kahit walang pasok, maaga pa rin akong bumangon. Gusto ko kasi na marami akong ma-accomplish ngayong araw. Hindi naman ako nabigo. Nakapagpadala ako ng pera kay Emily, gayundin sa Le Sorelle Publishing para sa printing fee. Nakapag-edit ako ng mga manuscripts na ipapa-publish ko. Nakaka-excite na. Gabi. Natanggap ko naman ang limang files ng novels. Kinuha kasi akong online judge ng isang writing group. First time ko ito. Nakaka-proud dahil nabigyan ako ng pagkakataong ganito. Ang bilis lang ng oras kapag may makabuluhan kang ginagawa. Oktubre 21, 2016 Natuwa ako sa suportang ibinigay ng dalawang nanay sa kanilang anak, na isinali ko sa Mr. and Ms. UN 2016. Gumastos pa ang nanay ng Miss sa costume. At, talagang nakakamangha ang kanyang ganda at kasuotan. Sabi nga ng ilang kaklase niyang babae, "Sana ako na lang..." at "Sana si Ano na lang..." Naging successful naman ang programa kahit hindi nakoronahan ang mga candidates ko. Apologetic pa nga ang mga magulang dahil hindi sila gaanong naglabas ng pera. Sabi ko'y okay lang dahil naka-experience ang mga anak nila. Alas-dos, ang Tupa Group at si Mam Bel ay pumunta sa MOA. Birthday ng asawa ni Mam Dang, kaya nag-treat sila sa Taste Asia. Isang masaya at nakakabusog na hapon ang naganap, lalo nang lumipat kami sa Starbucks, para magkape. Inabutan kami doon ng pasado alas-sais. Pag-uwi ko, hunarap ko ang drawing ni Rainier ng kuwentong pambata ko, na gagawing book ng Le Sorelle bilang bahagi ng LSPuso, isang benefit project. Hindi ko nga lang natapos. Kailangan ko itong bigyan ng mas mahabang oras. Tapos, hinarap pag-edit ng "Walang Pamagat". Tapos, chinat ko na ang Le Sorelle. Ipi-print na nila ang unang book ng VI-Topaz, na dapat ay book 2. Magastos at madugo ang pagpa-publish ng libro, pero okay lang dahil masaya ako at feeling fulfilled ako. Oktubre 22, 2016 Maghapon akong gumawa-- nag-edit, nagbasa, nag-darken ng drawing, naglaba, etc. Worth it ang weekend. Kaya lang, sobrang init ng klima. Kahit gusto kong ipahinga ang mga mata at kamay ko, hindi ko nagawa. Hindi ko kinaya ang init. Alas- kuwatro na yata ako nakaidlip, kahit sandali. Isa na namang achievement ang natanggap ko. Nakuha ng Barubal Self-Publication ang kuwento kong "Ang Bagong Bahay ni Procopio". Isinali ko ito nakaraang linggo lang sa "Thank You" one-shot open submission nila. Natutuwa ako dahil kahit madalian kong isinulat iyon ay natanggap pa rin. Siguro, dahil may hugot ito. Dalawa na ang libro kong anthology sa BSP. Ang una ay ang Amalgamation, na hanggang ngayon ay hindi pa nailalabas. Unti-unti ko nang natitikman ang reward ng aking pagsusulat. Salamat sa Diyos. Oktubre 23, 2016 Katulad kahapon, naging okupado ako maghapon. Natapos kong basahin ang isang nobelang idya-judge ko. Nag-edit ako ng manuscript para sa 'The Endeavor'. Hinarap ko rin ang drawing para sa kuwentong pambata. At kung ano-ano pa. Hindi nga lang ako nakatulog dahil sa tindi ng init. Inaalala ko si Mama. Sana naman ay nandoon si Flor. Tutal sembreak naman ni Rhylle. Samahan niya rin sana sa pagpapa-schedule para sa operasyon. Huwag sana matatakot ang mga kapatid ko sa mga gastusin. Kailangang makakita na uli si Mama. Oktubre 24, 2016 Wala pang alas-otso ay nasa school na ako. Sayang lang ang pagpunta ko nang maaga. Sana nag-almusal muna ako bago pumunta. Hindi naman kasi agad nagsimula ang Inset. Tapos, alas-siyes na yata nakabili ang pandesal. Alanganin na ang kain ko. Si Nurse Mariel lang ang speaker buong araw. Apat na Health Talks ang tinalakay niya. Sa hapon kami natuwa dahil may mga pa-games siya na first time naming lahat ma-experience. Hindi ko makakalimutan ang pinaglagay kami ng papel sa likod at pinagsulat kami doon ng mg compliment. Ang gaganda ng adjectives na natanggap ko. Ang bottomline ng larong iyon ay upang malaman namin na mas mainam na magbigay-papuri kaysa manira ng kapwa. Kanina, after lunch, nagdeposito ako ng P6420 sa Le Sorelle para sa 40 copies ng 'Walang Pamagat', ang libro ng VI-Topaz. Isasabay na nila ang delivery ng 'I Love Red'. Excited na ako. Malaki man ang naging capital ko, I know babalik iyon sa akin. Mas masarap ang makatulong kaysa magkamal ng salapi. Oktubre 25, 2016 Late man ako sa bundy clock o sa required time, hindi naman ako nahuli sa almusal. Naabutan ko pa ang mainit na pandesal at ang kapehan at kuwentuhan, bago magsimula ang talk ni Ms. Bernardino tungkol sa action research. Naging makabuluhan ang.second day ng Inset dahil interesting ang topic lalo na't nagkaroon ng workshop. Nakagawa kami ng research title at statements of the problems. Action na lang talaga ang kailangan namin. Nag-chat sa akin ang may-ari ng Le Sorelle Publishing na si Mam Joan. May proposal siya sa akin. Pinahahanap niya ako ng cafe o mini-book store na gustong mag-consignment ng mga LSP books. Siyempre, na-excite ako. Gusto ko ang idea. Natanong ko tuloy ang pagpasok nila sa National bookstore kaya nasabi niya sa akin na maaari niya ring isama ang books ko. Tuwang-tuwa ako. Katuparan na iyon ng pangarap ko. Kaya naman, chinat ko agad si Gina. Sabi ko'y maghanap din siya. Makipagtulungan kami sa LSP para matulungan din kaming makapasok sa NBS. Umaksiyon agad siya. Kay buti talaga ng Diyos. Oktubre 26, 2016 Ikatlong araw ng Inset. Wala namang speaker sa umaga kaya pumunta na lang ako sa Springtown para sa 1st Inspection ng aking bahay. Pero, bago 'yan, nakausap ko si Mrs. Hernandez tungkol sa offer ng LSP. Parang gusto naman niyang tanggapan ang consignment. Kaya lang, may pinapa-renovate siya. Bigyan ko raw siya ng two days para mag-decide. Pasado ala-una, nasilip ko na sa unang pagkakataon ang house-and-lot ko. Medyo na-disappoint ako kasi, malayong-malayo sa model house na nakita ko. Marami pa pala akng magagastos para magaya o mapaganda ko iyon. Hindi ko muna tinanggap ang unit dahil may mga dapat pang ayusin. Pinababalik ako sa Nobyembre 14 para sa second inspection. Oktubre 27, 2016 Niyaya ko si Mam Edith na mag-almusal. Sayang, wala si Ms. Kris. Pagkatapos naming mag-almusal, naka-bonding ko si Papang, habang nagkakape, sa Guidance' Office. Naikuwento ko sa kanya ang tungkol sa bahay ko. Naikuwento naman niya ang planong pagbili nila ng kotse para kay Jolo. Since, dumating na ang principal, from 3-days seminar sa Tagaytay, siya na nag-talk sa amin. About IPRCF ang tinalakay niya, na kung tutuusin ay mas malinaw raw ang talk kahapon ng supervisor. Gabi. Naka-chat ko uli ang proprietor ng LSP. Inalok niya ako na isama ang book ko sa isang cafe sa Valenzuela. Natutuwa ako sa chance na binibigay niya sa akin. Pinayuhan niya pa nga akong gumawa ng textbook. Marami na raw silang natulungan na kagaya kong guro. Siya na siguro ang daan sa katuparan ng pangarap ko. Oktubre 28, 2016 Nakausap ko na si Mrs. Hernandez tungkol sa consignment offer ng Le Sorelle Publishing sa kanya. Naitimbre ko na rin ito kay Mam Joan Legaspi. Pinapiktyuran pa nga sa akin ang harapan ng store. Medyo nagdududa ako sa kakayahan ng store na magbenta ng books, pero umaasa ako sa Panginoon na gagawa siya ng ways para makilaka ang mga LSP books. Alam kung hindi Niya ako bibiguin dahil maganda ang intensiyon ko. Wala namang kapararakan ang naging talk sa last day ng Inset. Walang katapusang IPCRF. Buwisit! Paulit-ulit. Nakaabala lang sa pagsusulat ko para sa NaNoWriMo. Sobrang antok ko pagkatapos ng awarding of certificates, kaya pag-uwi ko, natulog ako. Pasado alas-sais na ako bumangon. Gusto ko sanang matulog na lang magdamag, kaya lang nagugutom na ako. Pagkakain, hinarap ko naman ang pag-eedit. Nagsulat din ako. Nakipag-chat sa mga kaibigang writer. May nagpatulong nga sa akin. Kinuha pa akong personal editor ng mga tula niya. Pleasure ko naman na naedit ko ang una niyang tula. Naka-chat ko si Emily. Nabanggit niya ang tungkol sa small business na ginahawa niya sa Aklan. Umaasa akong magiging successful siya doon. Pareho naming hangad na umangat ang mga buhay namin. Oktubre 29, 2016 Alas-otso na ako nagising. Nakabawi na ako ng puyat. Kaya lang hindi naman ako nakapagahinga maghapon dahil siyempre sa mga pagsusulat at pag-eedit. Idagdag pa ang tindi ng init. Gayunpaman, masaya ako sa mga natapos ko. Ang nobela na isasali ko sa NaNoWriMo ay three chapters na. Tatlong araw na akong advanced. Sana lang ay puwede ang copy-paste. Nag-chat si Jano. Tinatanong niya kung uuwi ako. Sinabi kong hindi ko alam kasi busy pa ako. Uuwi naman ako. Kailangan ko lang maglaba. Naaawa ako sa kondisyon ni Mama. Sana sila rin. At sana, hindi lang ang magmalasakit. Oktubre 30, 2016 Pagkatapos kung maglaba, bumiyahe na ako pa-Antipolo. Dumaan lang ako sa school para kunin ang package (Hugot books from WWG). Mga pasado alas-9:30 na yata iyon. Medyo maluwag na ang kalsada kaya mabilis ang biyahe. Past 12 nasa Bautista na ako. Nakapag-grocery na ako nun. Nakipagkuwentuhan muna ako kay Mama, pagkatapos kumain at bago ako umidlip. Naikuwento ko sa kanya ang tungkol sa bahay ko. Nasabi rin niya sa akin ang kagustuhan niyang maoperahan at maalagaan si Zildjian. In-assure ko siya na ako ang bahala sa gastusin niya sa operasyon. Kaya dapat hindi matatakot ang mga kapatid ko na samahan siyang magpa-schedule. Malakas ang loob at ang pananalig niya sa Diyos. Sana patuloy akong biyayaan para patuloy rin akong makatulong financially. Oktubre 31, 2016 Nalaman ko kay Mama na nakausap niya si Jano. Naging proud daw siya sa mga na-a-achieve ko. Nakakatuwa naman. Sana patuloy akong lumago sa larangang ito upang hindi ko sila mabigo. Mga past nine, bumiyahe na ako pabalik sa Pasay. Sa Yin Nan na ako nag-lunch. Maghapon na naman akong nagpaka-busy sa mga writing tasks ko. Kinailangan ko pang mag-research ng tungkol sa werewolf. Bukas na ng re-opening ng Sulat Pilipinas. Excited na ako. Alam kung isa na naman itong milestone sa buhay ko. Sana ay maging successful na this time.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...