Followers

Wednesday, October 5, 2016

Asul na Rosas

Sa totoo lang, hindi ako umaasa sa mga estudyante ko na bibigyan nila ako ng regalo o sorpresa sa Araw ng mga Guro, dahil noon pa man ay hindi ako nagpapasaring, naghahangad o humihingi. Noong nakaraang taon, sinabihan ko sila na huwag akong reregaluhan, sapagkat nasanay akong wala akong natatanggap na regalo. Isa pa, mga estudyante pa lamang kasi sila. Wala pa naman silang hanapbuhay. Ang makita lang silang disiplinado, natuto, at nag-aaral nang mabuti ay sapat nang regalo o biyaya sa akin, bilang guro.

Ipokrito ako, kung sasabihin kong ayaw kong tumanggap ng kahit ano. Subali't hindi ko talaga iniisip ang ibibigay nila. Gayunpaman, hindi naman nila ako nalilimutan. Marami pa rin ang nag-aabot ng munting pasasalamat.

Mas pinahahalagahan ko pa nga ang mga mensahe kaysa sa mga pagkain at gamit.

Kahapon, bago ang selebrasyon, may sinabi ako sa kanila. "Bukas, sigurado akong may magbibigay na naman ng plastik na bulaklak." Ang ibig kong sabihin ay umaasa akong may mag-aabot sa akin niyon sapagkat iyon lamang ang kaya nilang bilhin mula sa kanilang baon. Nais ko rin sanang sabihin na huwag nang plastic na bulaklak. Mas maigi pang prutas na lamang o kaya tinapay.

Dalawang Teachers' Day na kaming magkakasama. Maraming regalo at greeting cards na rin ang natanggap ko mula sa kanila, pero ngayong araw, pambihira ang saya na aking naramdaman nang iabot sa akin ng estudyante kong lalaki ang asul na rosas.

Nagustuhan ko iyon. Gustong-gusto ko. Natuwa kasi ako kung paano siya lumapit sa akin, kung paano niya inabot, at kung paano niya binigkas ang "Happy Teachers' Day, Sir!"
Gusto ko siyang yakapin. Gusto ko siyang pasalamatan. Gusto kong humingi sa kanya ng kapatawaran dahil madalas ko siyang pagalitan.

Oo. Makulit siya.

Makulit siya, pero may laman ang kanyang utak at may angking galing sa pagguhit. Kaya, gusto ko siya.

"Salamat!" sabi ko. Tanging matamis na ngiti at makahulugang tingin ang iginawad ko sa kanya, bilang tanda ng aking kasiyahan.

Plastik man ang bulaklak na kanyang iniabot niya sa akin, hindi naman plastik ang pagbati niyang iyon. Damang-dama ko ang tunay niyang mensahe sa likod ng asul na rosas.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...