Followers

Friday, October 21, 2016

BlurRed: Pagbabago

Nanibago ako kay Riz. Mula sa kanyang mga kasuotan at kagamitan hanggang sa kanyang kilos at pananalita ay may malaking pagbabago. Awkward.
Hindi siya ang Riz na nakikita kong agresibo, mahalay magsalita, at liberated manamit. Hindi ako komportable. Hindi ako mapakali.
"Riz, 'wag kang magagalit, ha?" tanong ko. Kasalukuyang kaming naglalakad mula sa school canteen.
Iniluwa niya muna ang chewing gum. "O?"
Naasiwa na naman ako sa inakto niya. Napapangitan talaga ako sa babaeng ngumunguya ng gum. Parang kambing. Parang babaeng kaladkarin.
"Malaki ang pinagbago mo. Kahapon lang, hindi ka ganyan..."
Hinarap niya ako. Tumigil kami sa paglalakad. "Pinagbago?" sarkastikong tanong niya. "Ito bang lipstick ko o ang eye liner ko ang tinutukoy mo?"
"Riz, simplicity is beauty. Maganda ka na..."
"O, come, Red! I don't need that damn beauty! Do you know what I need?" pabulong niyang sagot. Inilapit pa niya ang kanyang mukha sa aking mukha, saka ako bahagyang itinulak at saka lumayo. Hindi ako agad nakasunod sa kanya.
Pagdating sa next period namin, iniwasan ako ni Riz. Nakihalubilo siya sa mga kaklase namin. Nagkipagtawanan. Ngunit, kahit ganoon, hindi pa rin niya naikubli ang kanyang negatibong nararamdaman.
Conscious siya sa pagmamasid ko sa kanilang usapan, pero itinuloy niya lang ang pagkukunwari.
"Uy, game ako, noh!" malakas na turan ni Riz.
Lalo kong binuksan ang mga tainga ko. Alam kong ipinaparinig niya iyon sa akin.
"Weey! Kelan pa? Bakit papayagan ka ba niya?" sagot naman ni Ella, ang kaklase naming may tatlo-tatlong jowa. Kahit nakapokus ako sa sinusulat ko, alam kong inginuso niya pa ako.
"Basta! Join ako sa inyo."
"O, sure!" sagot naman ni Andrea, ang chubby-sexy chicks.
Nag-usap pa sila tungkol sa kulay ng buhok at lipstick ni Riz. Hindi ko alam na ganu'n pala ang pamantayan nila ng kagandahan, na parang sa akin ay isang kapintasan. Hindi masama ang maglagay ng kulay sa labi, buhok, at mukha. Ang masama ay kapag sobra naman.
Pinag-isipan ko kung paano ko siya pagsasabihan. Panghihimasok sa buhay niya ang gagawin ko, kaya malamang ay ikakagalit niyang lalo.
Pauwi na kami nang nagkalakas ako ng loob. "Lately... hindi na natin maunawaan ang mga sarili natin," litanya ko. "Sorry kung naging malabo ako."
Tumingin lang siya sa akin. Hindi ko naman alam kung paano ko isisingit ang nais kong sabihin.
"May ayaw ka ba sa akin at gusto mong baguhin ko sa sarili ko?" Kinabahan ako sa sasabihin niya.
Limang segundo ang lumipas, bago siya sumagot. "Kung ang tinutumbok mo ay ang metamorposis ko, sorry. Pero, hindi ko ito babaguhin para lang sa isang tao..."
Hindi ako nagkamali.
"Nagbabago ang tao, hindi lang dahil kailangan, kundi dahil nais niyang magbago rin ang kapwa niya. Ang pagbabago ay hindi panghabambuhay. Pansamantala, 'ika nga."
"Tama ka..." ang tanging kong nasabi.
Hindi na kami nakapag-usap hanggang sa matapos ang mga klase namin. Nagpasabi rin siya na mauna na akong umuwi dahil may pupuntahan pa sila ng mga bago niyang kaibigan.
Ang sakit pala ng nababalewala. Mas naunawaan ko siya ngayon. May pagkukulang nga ako. Hindi siya ang nagbago. Ako...

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...