“Breaking News. Lalaki,
natagpuang patay,” narinig ni Aling Mila sa telebisyon.
Biglang dumaloy sa buo niyang
katawan ang pangamba. Hindi na niya pinakinggan ang buong balita. Alam niyang
drug-related crime na naman ito. Tumayo na siya at sumilip sa bintana.
“Mahabaging Diyos, nasaan na kaya si Bentong?” Pagkatapos ay mabilis siyang
umakyat ang tinungo ang nahihimbing na asawa. “Kinggoy, gising! Gising,
Kinggoy!”
“Ano ba!? Natutulog na ako, e!”
singhal ng asawa.
“Si Bentong, wala pa! Hindi ka ba
nag-aalala?”
“Punyeta naman, e!” Napilitang
bumangon si Kinggoy “Kagabi lang, inaway mo siya, ngayon, nauulol ka sa
pag-aalala. Pati tulog ko, naabala.”
“Manang-mana talaga sa’yo ang
anak mo!” labas-litid na bulyaw ni Aling Mila kay Mang Kinggoy. “Ay, naku, Kinggoy! Kelan ka pa ba tutubuan ng concern para
du'n sa panganay mo? Mas mahalaga pa nga yata sa'yo ang mga barkada mo,
e!"
"Kailan ka rin ba tutubuan ng kulugo sa
bunganga? E, hatinggabi na, ngawa ka pa nang ngawa! Mahiya ka naman sa mga
kapitbahay?" Muling nahiga si Kinggoy at nagtakip ng unan.
"Mahiya? Ikaw ba, meron nu'n?" Pilit na
tinatanggal ni Mila ang unan sa ulo ng asawa. "At, huwag na huwag mong
ipagmalaki sa akin ang inaakyat mong pera sa bahay na 'to. Baka nagkakalimutan
tayo..." Akma na siyang tatalikod nang tumama sa kanya ang unan ni
Kinggoy.
"Puta! Subukan mo! Subukan mo! Madadamay
ka."
Tahimik na lumabas ng kuwarto si Mila. Bumaba
siyang hindi lang pangamba para kay Bentong, kundi ang takot para sa asawa at
pamilya.
"Ma, ano na naman po ba ang pinag-aawayan ninyo ni Papa?" Ikinagulat ni Mila na makita si Laleng sa sala.
"Matulog ka na. May pasok ka pa bukas. Huwag
mo nang usisain. Hindi ka na masanay sa amin ng Papa mo..." Umiwas ng
tingin ang ina.
"Si Kuya, wala pa rin po ba?" Paakyat na
sana si Laleng.
"Wala pa nga, e. Nag-aalala na ako.
Napagalitan ko pa naman siya kanina." Nais kumawala ng mga luha niya.
“Asus, si Mama, hindi na nasanay kay Kuya. Uuwi din
‘yun.” Nilapitan ni Laleng ang ina at inakbayan. “Sleep po na tayo…”
“Sige na. Akyat na. Susunod na ako. Hihintayin ko
pa siya hanggang…” tumingin muna sa wall clock. “…hanggang alas-dos.”
Tahimik na pumanhik ang bunsong anak ni Aling Mila.
Kumakabog naman ang dibdib niya na naupo sa sofa at panaka-naka ang tingin sa
pinto.
Maya-maya, narinig ng ina ang kalabog ng mga paa ni
Laleng. “Ma, Ma…”
“Bakit?” sagot niya nang nasa hagdan na anak.
“Si Kuya, andiyan lang pala sa kuwarto niya.”
“Ha?” Agad na napatindig ang ina at sinundan si
Laleng. “Ay, Diyos ko. Walang hiyang batang ‘to!” Nais naman niyang matawa.
“Emote po kasi kayo ng emote, e.” Itinago ni Laleng
ang pagtawa.
“Wala siya diyan kanina. Ang damit niyang ‘yan ang
suot-suot niya kanina nang nagpaalam siya sa akin.”
“E, ewan ko po…” Natatawang pumasok sa kuwarto si
Laleng.
Hindi agad lumabas si Aling Mila sa kuwarto ni
Bentong. Iginala muna niya ang paningin.
Maayos at malinis ang kuwarto ni Bentong. Sa ibabaw
ng mababang cabinet, natanaw niya ang mga tropeo. Nakapost din ang naka-frame
na mga medalya at ilang sertipiko. Hindi niya alam na ganoon na karami ang
napanalunan ng anak sa athletics. Hindi niya napigilan ang sarili na lumapit doon
at binasa niya isa-isa ang mga nakasulat. Natatandaan niya ang ibang
competition, pero ang pinakabagong tropeo ay ngayon niya lamang nakita.
“Mag-aral kang mabuti. Hindi ‘yang sports ang
inaatupag mo. Ano bang mapapala mo d’yan? Pilay. Sakit sa katawan. O ‘di kaya’y
sakit? Wala kaming pansuporta sa kalokohang mong ‘yan, Bentong. Magtigil ka!”
Naalala niya ang litanya ng asawa, nang minsang humingi ang anak sa ama ng
allowance para sa kanyang laban sa Palarong Pambansa. Naalala niyang nakaalis
pa rin ang anak nila, kahit hindi nila nabigyan ng kahit singkong duling.
“Ito pala ‘yun, anak. Patawarin mo kami ng Papa mo,”
bulong ni Aling Mila. Nais niyang lapitan ang nahihimbing na anak, ngunit
nagkasya na lamang siya sa pagtanaw dito.
Isang minuto niya ring pinagmasdan ang anak. Tinanong
niya ng kanyang sarili. Kailan niya ba masasabi sa anak na mahal na mahal niya
ito? Kailan niya kaya masasabing “Galingan mo anak. Proud na proud kami sa’yo!”
Bago bumagsak ang mga luha niya, pumihit na siya
palabas ng kuwarto, ngunit isang personalized note ang napansin niya na
nakaipit sa salamin sa may tabi ng pintuan. Kinuha niya ito. “Dad: A son’s
first superhero, a daughter’s first love.” Iyan ang nakasulat.
Yumuyugyog ang mga balikat na ibinalik ni Aling
Mila ang note. Tinanaw niyang muli ang anak, saka pinatay ang ilaw.
Kinabukasan sa hapag kainan, magkasalubong ang mga
kilay ni Mang Kinggoy na pinagmasdan ang pag-aalmusal ni Bentong. Nang matapos
ang anak, saka lamang siya nagsalita. “Napuyat kami ng Mama mo kakahintay sa’yo
kagabi…” Pataas ang tono ng ama.
Sumabat agad ang ina. “Kinggoy, nagkamali ako. Nasa
kuwarto lang pala siya…”
“Nasa kuwarto?Asan siya nang naghapunan tayo? Saan
siya dumaan? Sa bintana? Si Antman ba siya? Sus, Mila! Pinagtatakpan mo naman
ang kalokohan ng kupal na ‘yan!”
“Iyon ang totoo, Kinggoy. Hindi ba, Laleng?”
Tumango lamang si Laleng. Ayaw niyang tumingin sa
mabalasik na ama.
“Ano ‘to? Sabwatan? Litse! Puro kayo mga
sinungaling. Magsama-sama kayo!” Padabog na tumindig si Kinggoy at binuksan ang
telebisyon.
Nagkatinginan na lamang sina Aling Mila at Laleng,
habang tahimik naman si Bentong.
Nilakasan ni Mang Kinggoy ang volume ng tv, gaya ng
madalas niyang gawin tuwing naiinis at nang-iinis.
“Nahuli-cam sa CCTV ang lalaking itinali sa poste
ng kuryente ng misteryosong lalaki.” Umagaw iyon sa atensiyon
ng mag-iina. Sabay-sabay nilang pinanuod ang video.
Nagligpit na ng pinagkainan niya si Bentong.
Pasalit-salit ang tingin niya sa pinapaunod at sa anak. “Parang siya ‘yun.”
Naisip niya.
“Walang kuwentang balita!” bulalas ni Mang Kinggoy.
Pagkuwa’y inilipat na niya iyon sa ibang channel.
“Bakit mo nilipat? Ibalik mo doon. Gusto kong
malaman kung ano ang dahilan ng misteryosong lalaki.” Nakalapit na si Aling
Mila sa asawa para agawain ang remote control.
“Kabulastugan! Gawa-gawa lang nila ang ganyang
balita para kumita sila. Ikaw…” Dinuro pa niya sa sintudo si Aling Mila. “Kalaki
mong tanga! Parang hindi mo alam ang
kalarakan sa media.”
“Nagmarunong ka na naman, Kinggoy! Ikaw na ang matalino.”
“Bobo ako. Hindi ako matalino. Kaya nga pumatol ako
sa’yo.” Seryoso pa rin ang asawa.
“Mas lalo ako…” Tinalikuran niya si Kinggoy, saka
nagtatalak sa may lababo. “Huwag na huwag ka lang magkakamali… Naku, Diyos ko.
Di bale nang magdildil kami ng mga anak mo ng asin…”
No comments:
Post a Comment