Followers

Tuesday, December 31, 2024

Matalik na Magkaibigan (Dulang Pambata)

 Matalik na Magkaibigan (Dulang Pambata)

 

 

Mga Tauhan:

      *Kelvin  -- class president

      *Vaughn – bully

      *Ma’am Salazar – gurong tagapayo ng dalawa

      *Mommy –nanay ni Vaughn

      *Daddy – tatay ni Vaughn

      *Ginang Senia – nanay ni Kelvin

      *Tagapagsalaysay

 

Tagpuan: Sa silid-aralan, Lunes ng umaga

 

Eksena 1: Sa silid-aralan

 

Tagapagsalaysay: Sa silid-aralan ng Ikaanim na Baitang-Pangkat Mabuti, na pinamamahalaan ni Ma’am Salazar, madalas marinig ang pang-aasar ni Vaughn sa kanilang class president na si Kelvin.

 

Vaughn: (Pakanta) Putol ang isang paa, naglalakad mag-isa.

 

Kelvin: (Nakayuko lang)

 

Ma’am Salazar: (Pasinghal) Vaughn, tumigil ka! (Nakapamaywang, malapit kay Vaughn, ngunit mahinahon na) Matagal ko nang sinasabi sa ‘yo, na itigil mo na ang pambu-bully mo sa mga kaklase mo, lalo na kay Kelvin. E, ano kung iisa ang paa ng nanay niya? Alam mo ba kung ano ang dahilan ng pagkaputol niyon?”

 

Vaughn: (Natatawang umiling-iling)

 

Ma’am Salazar: (Pasinghal ulit) Hindi mo dapat binibiro ang nanay niya dahil unang-una, hindi mo siya kilala. Humingi ka ng tawad kay Vaughn at ipangako mo sa amin na hindi mo na ito uulitin.

 

Vaughn: Sorry na, Kelvin. Promise, hindi na niya iyon uulitin.

 

Kelvin: (Hindi tiningnan si Vaughn.)

 

Vaughn: Sige na, Kelvin… Illibre kita ng sampung pisong salamig mamaya sa labas. Tapos, ibibigay ko sa ‘yo ang kalahati ng sandwich ko.

 

Kelvin: (Bumilog ang dalawang mata) Talaga?

 

Vaughn: Oo, basta bati na tayo, ha?

 

Ma’am Salazar: Ganyan nga, sana maging matalik na kayong magkaibigan, simula ngayon.

 

 

 

Eksena 2: Sa silid-aralan, Miyerkoles ng umaga

 

Tagapagsalaysay: Ngunit, hindi pa rin nagbago si Vaughn. Inaasar pa rin niya si Kelvin. Bilang resulta, narinig at nakitang muli iyon ng kanilang guro.

 

Vaughn: (Pakanta) Putol ang isang paa, naglalakad mag-isa.

 

Kelvin: (Nakayuko lang)

 

Ma’am Salazar: (Pasinghal ulit) Hindi ka pa rin pala nagbabago, Vaughn!

 

Vaughn: Sorry po, Ma’am. Nagbibiruan lang kami.

 

Kelvin: (Tumingin sa guro) Hindi po iyon totoo, Ma’am. Sa katunayan, hindi naman po kaibigan ang turing niya sa akin.

 

Ma’am Salazar: (Nakamapaywang na hinarap si Vaughn.) Sa madaling salita, huwad ang paghingi mo ng sorry noong nakaraang linggo?

 

Vaughn: (Pasinghal din na humarap kay Kelvin) Ang yabang po kasi niyan, porke’t siya ang class president!

 

Ma’am Salazar: Ah, dahil sa ganoon, kaya mo siya inaaway. E, paano ka naman niya niyayabangan?

 

Vaughn: (Mahinahon na humarap sa guro) Katulad ng paglilista ng noisy… Lagi niya po akong nililista.

 

Ma’am Salazar: (Itinatago ang pagtawa) Siya ang class president, kung kaya tungkulin niya iyon, tulad rin ng pagsasaway ko sa inyo. Gusto mo bang maging pangulo ng klase ngayon?

 

Vaughn: (Napayuko) Hindi po, Ma'am.

 

Ma’am Salazar: Sa kabila ng lahat ng ito, naunawaan na kita, subalit gusto kong makausap ang mga magulang mo bukas.

 

Vaughn: (Napaluhod) Ma’am, huwag po… Magagalit sila sa akin kapag nalaman nila ang pag-uugali ko. Kelvin, sorry na.

 

Tagapagsalaysay: Sa huli, ang desisyon pa rin ng guro ang masusunod. Inaaasahan ni Ma’am Salazar na darating ang mga magulang ni Vaugn sa Biyernes.

 

 

 

Eksena 3: Sa isang zoo, Linggo ng umaga

 

Tagapagsalaysay: Hindi pumasok sa paaralan si Vaughn noong Biyernes, kaya hindi nakausap ni Ma’am Salazar ang mga magulang niya.

Vaughn: (Voiceover) Sa Lunes, sigurado akong hindi na maaalala ni Ma’am Salazar na pinatatawag niya ang mga magulang ko. (Tumawa pa.)

Tagapagsalaysay: Kasama ngayon ni Vaughn sa pamamasyal sa zoo ang kaniyang mga magulang, kuya, at ang pangalawang kapatid niya.

Vaughn: Mommy, bakit ba palagi tayong pumupunta rito? Sawa na ako sa lugar na ito.

Mommy: Hindi ito tungkol sa lugar.

Vaughn: Tungkol po saan? Gusto kong pumunta sa ibang pasyalan, kapareho ng theme park! (Nagmamaktol, saka tinalikuran ang mga magulang.)

Tagapagsalaysay: Subalit, sinundan pa rin ni Vaughn ang pamilya habang naglalakad ang mga ito nang dalawahan. Humihinto siya nang huminto at nagkukunwaring tumitingin sa mga hayop upang iwasan ang mga ito.

Daddy: Kelvin, halika rito!

Tagapagsalaysay: Nanginig sa takot si Vaughn nang makita ang kaniyang pamilya habang kasama ang ina ni Kelvin. Ano kaya ang susunod na mangyayari?

 

 

Eksena 4: Sa isang zoo, Linggo ng umaga

 

Tagapagsalaysay Sa kabila ng pag-alog ng tuhod  ni Vaughn, at kakila-kilabot na tibok ng puso, nagawa niyang lumapit at batiin si Ginang Senia.

Ginang Senia: (Nakangiti) Kumusta ka, Vaughn?

Vaughn: (Nauutal) M-mabuti po.

Tagapagsalaysay: Nang binigyan siya ni Aling Senia ng matamis na ngiti, nakaramdam siya ng pagkaawa para kay Kelvin sa mga ginagawa niya rito.

Ginang Senia: Ito na siguro ang araw...

Mommy: Tama! (Inakbayan si Vaughn) Kelvin, tingnan mo ang paa ni Ginang Senia... Alam mo ba kung anong nangyari sa kaniya?

Vaughn: (Mas lalong kinabahan) Hindi po, Mommy.

Mommy: Anim na taon na ang nakalilipas, nang iligtas ka niya mula sa posibleng pag-atake ng buwaya na iyon. (Itinuro ang isang sampung talampakang buwaya)  Muntik ka nang mawala sa amin ng Daddy mo… Narito tayo ngayon upang magpasalamat sa kaniya... Magpasalamat ka sa kaniya.

Vaughn: (Namangha at natuwa, kaya niyakap kaagad si Ginang Senia at nagpasalamat.)

Tagapagsalaysay:  Halos maiyak siya sa kaniyang reaksiyon, ngunit walang nagtanong kung bakit.

 

Eksena 5: Sa silid-aralan

Tagapagsalaysay: Nang pumasok si Vaughn sa paaralan kinabukasan, humingi siya ng kapatawaran kay Kelvin. Pinatawad naman siya nito.

Tagapagsalaysay: Naging matalik na magkaibigan na sina Kelvin at Vaughn simula noon. Sinuportahan na rin nila ang anti-bullying campaign sa kanilang silid-aralan at kalaunan sa campus ng paaralan.

 

 

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...