Mga Tauhan:
·
Maestro
Kalabaw
·
Ibon
·
Palaka
·
Unggoy
·
Isda
Tagpuan: Sa
parang; paanan ng bundok; at sa gubat
Eksena 1: Ang Pulong sa Parang
Unggoy:
Maestro, hindi po ako ang may kasalanan.
Ibon:
Ikaw nga ang madalas mandaya sa mga laro natin! (bunghalit)
Palaka:
Ikaw naman, tumatakas kapag natataya.
Isda:
(Nagtatampo) Kayo nga, palagi ninyo akong binuburot.
Maestro Kalabaw:
Tama na! Tama na! Dapat magkasundo-sundo na kayo ngayon.
(Lalong lumakas ang sisihan ng apat.
Ayaw nilang magbati-bati.)
Maestro Kalabaw:
Sige! Kung ayaw ninyong magkasundo at magbati, idadaan natin sa karera ang
lahat!
(Sumang-ayon naman sina Ibon, Palaka,
Unggoy, at Isda.)
Maestro Kalabaw:
May apat na pagsubok kayong pagdaraanan. Ang una ay paglangoy.
Eksena 2: Ang Paligsahan ng Paglangoy sa
Lawa
Maestro Kalabaw:
Mula rito, lalangoy kayo patungo sa kabila. Sa aking hudyat, magsisimula kayong
lumangoy.
(Tuwang-tuwang sina Isda at Palaka.
Hindi naman masyadong masaya sina Ibon at Unggoy.)
Maestro Kalabaw:
Isa, dalawa, tatlo... Langoy!
(Mabilis na nakalayo sina Isda at Palaka
mula sa pampang. Si Unggoy naman ay nahirapan. Samantala, si Ibon ay hindi
halos makalayo kahit isinagwan na niya ang pakpak.)
Maestro Kalabaw:
Pinakamatulin si Isda! Ikalawang pagsubok ay pag-akyat."
Eksena 3: Ang Paligsahan ng Pag-akyat sa
Puno ng Acacia
Maestro Kalabaw:
Mula rito, aakyat kayo patungo sa tuktok. Sa aking hudyat, magsisimula kayong
umakyat.
(Tuwang-tuwang si Unggoy. Natulala si
Palaka. Napangisi si Ibon. Napakamot naman ng ulo si Isda.)
Maestro Kalabaw:
Isa, dalawa, tatlo... Akyat!
(Lumipas ang ilang sandali…)
Maestro Kalabaw:
Napakabilis ni Unggoy! Ikatlong pagsubok ay pagtalon.
Eksena 4: Ang Paligsahan ng Pagtalon sa
Gitna ng Parang
Maestro Kalabaw:
Mula rito, tatalon kayo patungo roon sa puno. Sa aking hudyat, magsisimula
kayong tumalon.
(Tuwang-tuwang si Palaka, gayundin si
Unggoy. Nalungkot naman si Ibon. Samantala, gusto nang umayaw ni Isda.)
Maestro Kalabaw: Isa,
dalawa, tatlo... Talon!
(Parang kidlat na tumalon si Palaka.
Nakasunod naman sina Ibon at Unggoy. Samantala, si Isda ay kung saan-saan
napupunta.)
Maestro Kalabaw:
Ang galing-galing ni Palaka! Ikaapat na pagsubok ay paglipad.
Eksena 5: Bago
ang Paligsahan ng Paglipad
(Naipagaspas ni Ibon ang kaniyang mga
pakpak. Napatingin tuloy sina Palaka, Isda, at Unggoy.)
Unggoy:
Maestro Kalabaw, hindi naman po maaaring ilaban mo kami kay Ibon. Matatalo kami.
Isda:
Kaya nga po... Paano naman po ako makalilipad? Hindi nga po ako makaakyat at
makalangoy, e.
Palaka:
Lalo naman ako.
Maestro Kalabaw:
Mahusay si Isda sa paglangoy. Magaling si Unggoy sa pag-akyat. Kamangha-mangha
naman si Palaka sa pagtalon. At sanay na sanay si Ibon sa paglipad. Tiyak ako,
si Ibon ang mangunguna sa huling pagsubok.
Unggoy:
Kaya wala pong idedeklarang panalo. Tig-iisa lang po kami ng panalo pagkatapos
ng mga pagsubok.
Isda:
Ibang pagsubok na lang po, Maestro Kalabw.
Palaka:
Puwede naman po ang paglakad.
Maestro Kalabaw:
Makinig kayo... Hindi ito paligsahan, kundi pagsubok. Wala pang nanalo sa inyo
sa tatlong pagsubok.
(Nagtataka at nagtinginan sina Ibon,
Palaka, Unggoy, at Isda.)
Maestro Kalabaw:
Sige, bibigyan ko kayo ng sapat na oras para pag-isipan at paghandaan ang
huling pagsubok. Mag-aabang ako sa gubat. Pumunta na lamang kayo roon kapag
handang-handa na kayo.
Eksena 6: Ang Pagpaplano sa Paligsahan
ng Paglipad
(Bumalik sina Ibon, Palaka, Unggoy, at
Isda sa may lawa. Tahimik silang nag-isip doon ng paraan kung paano magwawagi
sa huling pagsubok ni Maestro Kalabaw.)
(Malungkot sina Isda, Palaka, at Unggoy.
Awang-awa naman si Ibon sa tatlo.)
Eksena 7: Ang Paghihintay ni Maestro
Kalabaw sa Gubat
(Halos mawalan na ng pag-asa si Maestro
Kalabaw na makita ang apat sa huling pagsubok.)
(Maya-maya, natanaw na niya sa
himpapawid ang apat. Nakakapit si Unggoy sa mga paa ni Ibon. Hawak-hawak naman
ng mga paa nito ang kalahating bao, na may tubig. Naroon sina Palaka at Isda.)
Maestro Kalabaw:
(Tuwang-tuwa) Binabati ko kayo! Nagwagi kayong apat sa huling pagsubok!
Ibon, Palaka, Unggoy, at Isda:
(Sabay-sabay) Salamat po, Maestro Kalabaw!
Maestro Kalabaw:
Sigurado akong palagi na kayong magkakasundo.
Ibon, Palaka, Unggoy, at Isda:
(Sabay-sabay) Opo!
Maestro Kalabaw:
Tiyak akong marami kayong natutuhan sa mga pagsubok.
Ibon, Palaka, Unggoy, at Isda:
(Sabay-sabay) Totoo po iyon!
Maestro Kalabaw:
O, sige, tara na! Sakay na kayo sa likod ko. Ipapasyal ko kayo sa talon.
(Masayang-masayang nagtungo ang lima sa
nakatagong talon sa gubat.)
No comments:
Post a Comment