Followers

Tuesday, December 31, 2024

Hari ng Sinungaling (Dula)

Mga Tauhan:

    *Kuling – madalas ireklamo sa barangay dahil sa pagsisinungaling

    *Kapitan Tano – kapitan del baryo, na parang robot kung magsalita

    *Lolo Tino – pinakamatanda sa baryo, na palaging inuubo

    *Aling Canda – nanay ni Kuling

    *Aling Bening – laging malakas ang boses

    *Mang Sandro – mahinahong magsalita, kahit galit

    *Mang Kardo --utal-utal kung magsalita

    *Aling Laleng – matigas kung magsalita

    *Aling Mayang – laging paos

    *Mang Bingbong – panay ang kamot sa pusod habang nagsasalita

    *mga barangay tanod

    * 2 lalaking nakasakay sa motorsiklo

    *Tagapagsalaysay

 

Tagpuan: sa isang baryo

 

 

Cartoon person walking on a dirt road

Description automatically generatedEksena 1: sa loob ng barangay hall

 

Tagapagsalaysay: Sa malayong baryo ng bayan ng San Ildefonso, si Kuling ay usap-usapan ng mga tao. Lagi siyang inirereklamo kay Kapitan Tano.

 

Lolo Tino: Magandang umaga, Kapitan Tano!

 

Kapitan Tano: Maupo po kayo. Ano po ang maipaglilingkod namin sa inyo?

 

Lolo Tino: Si Kuling, pinaniwala ang aking apo. Sabi niya, nahulog daw sa putikan ang aking pustiso.

 

Kapitan Tano: (Natatawa) Palabiro lang po talaga si Kuling, Lolo Tino.

 

Lolo Tino: Hindi naman kasi totoo. Ubod siya ng sinungaling, Kapitan Tano. Ang totoo, nahulog ang pustiso ko sa koral ng mga pato.

 

Kapitan Tano: (Lalong natawa)

 

Mga barangay tanod: (Nakitawa rin)

 

Kapitan Tano: Hayaan niyo po, Lolo Tino, pagsasabihan ko po si Kuling, na hari ng sinungaling.

 

Lolo Tino: Salamat po!

 

Kapitan Tano: Walang anoman po! Basta ako ang kapitan ninyo, lahat ng problema at reklamo ay aayusin ko.

 

Mga barangay tanod: (Nagpalakpakan)

 

Kapitan Tano: Halika kayo, maglilibot tayo.

 

 

 

Eksena 2: sa labas ng barangay hall. umaga

 

Tagapagsalaysay: Paglabas na paglabas pa lang nina Kapitan Tano, sinalubong na sila ng mga galit na galit na tao.

 

Aling Bening: (Malakas ang boses) Kapitan Tano, hindi na namin mapapalampas si Kuling.

 

Aling Canda: (Galit) Oo nga po, Kapitan Tano. Sobra na siya! Napakasinungaling niya talaga!

 

Tagapagsalaysay: Sumang-ayon ang iba. Nagsisigawan pa sila.

 

Mga Nagrereklamo: Ikulong niyo na siya! Ikulong niyo na siya!

 

Kapitan Tano: Teka! Teka, mga kabarangay ko! Basta ako ang kapitan ninyo, lahat ng problema at reklamo ay aayusin ko. Halikayo sa opisina ko... Makikinig ako sa mga hinaing ninyo. Madaraan sa hinahon ang lahat ng ito.

 

 

 

Eksena 3: sa loob ng barangay hall. umaga

 

Tagapagsalaysay: Nang nasa loob na ang mga nagrereklamo, iniisa-isang pinakinggan ni Kapitan Tano ang mga sumbong ng mga ito.

 

Mang Sandro: (Mahinahon) Ang anak kong si Nono, takot na takot po sa nuno. Sabi kasi ni Kuling, may duwende raw siyang nakita sa punso, sa may tabi ng puno.

 

Mang Kardo: (Utal-utal) Napalo ko si Luisito kasi nakita raw ni Kuling na kumikendeng. Sabi ni Luisito, hindi naman totoo.

 

Aling Laleng: (Matigas ang boses) Hindi raw ako nagbabayad ng utang kay Aling Conching, sabi ni Kuling. Tsismoso siya at napakasinungaling!

 

Aling Mayang: (Paos, pero galit) Nililigawan niya ang aking anak na si Cora. Nangako siya nang nangako. Kilig na kilig naman itong dalaga ko. Sabi niya, magtratrabaho raw siya sa Maynila para daw sa kinabukasan nila, pero nasaan siya? Hayun, sa inuman! Kung hindi nasa inuman, nasa bingohan.

 

Aling Bening: (Panay ang ngiwi) Kahapon naman, daing siya nang daing. Nanghingi sa akin ng dahon ng bayabas. May sugat raw siya, kaya maglalanggas. Kako, kumuha ka na riyan, Kuling. Alam niyo po ba ang ginawa niya? Inani ang mga bunga. Wala halos tinira.

 

Mang Bingbong: (Galit na galit) Kanina, nakasalubong ko siya. Tinanong ko kung may nakita siyang baka. Aniya, patungo raw sa iraya, kaya sinundan ko ang nakawala kong alaga. Pero, hindi ko nakita. Pagbalik ko, nandoon lang pala. Buwisit siya talaga! Napakasinungaling niya! (Panay ang kamot sa pusod habang nagsasalita)

 

Aling Canda: (Mangiyak-ngiyak) Hindi ko na kaya ang pagsisinungaling niya. Kahit anak ko siya, gusto kong maparusahan na siya. Kapitan Tano, sobra na! Sabi niya, pumasok siya sa eskuwela. Iyon pala, nasa inuman o bingohan siya.

 

Mga nagrereklamo: (Pasigaw) Ikulong niyo na siya! Ikulong niyo na siya!

 

Kapitan Tano: Teka! Teka, mga kabarangay ko! Basta ako ang kapitan ninyo, lahat ng problema at reklamo ay aayusin ko. Hindi ako basta-basta nagpapakulong ng kabarangay ko hanggang hindi ko napapakinggan ang panig niya.

 

Aling Canda: Sige po, Kapitan Tano. Aasahan namin ang tulong ninyo. Gusto kong maparusahan siya para siya ay madala at hindi na magsinungaling.

 

Tagapagsalaysay: Nangako si Kapitan Tano na gagawin ang lahat para si Kuling ay mapatino.

 

 

Eksena 4: sa loob ng barangay hall. umaga

 

Tagapagsalaysay: Isang araw, nakausap ni Kapitan Tano si Kuling.

 

Kapitan Tano: (Nakangiti nang pilit) Hindi naman siguro lingid sa iyo, ang mga reklamo ng mga kapitbahay mo.

 

Kuling: (Ngumiti muna) Hindi ko po alam na may nagrereklamo. Sino-sino po?

 

Kapitan Tano: Palabiro ka talaga, Kuling. (Napangiti nang tunay) Marami silang nagrereklamo. Kung iisa-isahin ko, baka abutan tayo ng Pasko. Alam kong alam mo kung ano-ano ang mga ginawa mo at sinabi mo. Hindi ka naman tsismoso, tama ba ako?

 

Kuling: Opo, tama po kayo.

 

Kapitan Tano: (Seryoso) Kung gayon, kailan ka magbabago?

 

Kuling: Magbabago? Bakit po? Ayaw niyo po bang sinasabi ko ang totoo? Ayaw niyo po ba ng mapagbiro? Makukulong po ba ako dahil sa mga ginawa ko?

 

Kapitan Tano: (Naiinis na) Ikaw pa ang maraming tanong, iho! Ang gusto ko, ng nanay mo, at ng mga kapitbahay mo ay iyong pagbabago. Aasa na ako. Sige na, Kuling, umuwi ka na at pag-isipan mo ang aking hiling.

 

Tagapagsalaysay: Tahimik na lumabas si Kuling, pagkatapos wala sa loob na naglakad siya nang naglakad. Hindi niya napansin ang mga bulong-bulungan ng mga kabarangay niya.

 

 

Eksena 5: sa tabi ng kalsada. umaga

 

Tagapagsalaysay: Naglakad siya nang naglakad hanggang makarating siya ilalim ng mayabong na puno sa tabi ng kalsada. Doon, si Kuling ay huminto. Hindi nagtagal, may dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo ang huminto.

 

Lalaki 1: (Nagtanggal muna ng helmet) Kilala mo ba ang taong ito?

 

Kuling: (Tiningnan ang nasa litrato)

 

Tagapagsalaysay:  Namukhaan ni Kuling si Kapitan Tano.

 

Kuling: Bakit po?

 

Lalaki 2: May kailangan kami sa kaniya.

 

Tagapagsalaysay: Napansin ni Kuling na armado ang mga ito.

 

Kuling: Maliit lang ang baryong ito, kaya kilala kong lahat ang mga tao, pero hindi ko kilala ang hinahanap ninyo.

 

Lalaki 1: Ah, ganoon ba? Sige!

 

Lalaki 2: Mali ang binigay na impormasyon.

 

Tagapagsalaysay: Bago pa nakaalis ang dalawa, si Kuling ay may naisip na ideya.

 

Kuling: Maaari ko kayong tulungan. Iwanan ninyo ako ng larawan at numerong matatawagan.

 

Lalaki 1: Sige, sige, tama nga iyan! (Binigay kay Kuling ang larawan)

 

Lalaki 2: May numerong nakasulat sa likod niyan. Aasahan namin iyan.

 

Kuling: Sige.

 

Tagapagsalaysay: Mabilis na bumalik si Kuling kay Kapitan Tano upang ipakita ang litrato. Sinabi niya rin ang mga hitsura ng mga lalaki.

 

 

Eksena 6: sa loob ng barangay hall. umaga

 

Kapitan Tano: (Nanginginig ang boses) Diyos ko! Diyos ko! Salamat sa iyo, Kuling! Niligtas mo ako.

 

Kuling: Bakit po?

 

Kapitan Tano: Ang numerong ito ang gamit ng taong tumatawag sa akin at nagbabantang papatayin ako.

 

Kuling: Diyos ko, salamat po, dahil sinungaling ako!

 

Kapitan Tano: (Natawa) Binabati kita, Kuling. Ikaw nga ang hari ng sinungaling!

 

Tagapagsalaysay: Dahil sa nangyari, nagbago na ang pagtingin ng mga kababaryo ni Kuling sa kaniya. Hindi na siya inirereklamo, kahit ng mga magulang niya. Isa na rin siya sa mga barangay tanod. Binabantayan niya ang kanilang barangay at pinoprotektahan ang buhay ni Kapitan Tano. 

 

 

 

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...