Followers

Monday, November 2, 2015

Ang Aking Journal --- Nobyembre, 2015

Nobyembre 1, 2015
Maghapon lang akong nagpahinga. Natulog. Nag-FB. Nagsulat. Nag-games. Hay, sarap ng buhay! Sana nga lang ay wala pang pasok bukas.
Kakainis lang dahil hindi pa rin dineklara ni Pnoy na walang pasok sa November 2.
Pauwi na sana ako sa Pasay nang malaman ni Emily kay Liza na naroon pa ang gf ni Epr sa boarding house. Hindi na lang ako lumarga. Respeto na lang sa dalawa. Kailangan nila ng privacy.
Bukas ng madaling-araw na ako aalis. Sana di ako ma-traffic.



Nobyembre 2, 2014
Alas-kuwatro y medya ay lumabas na ako ng bahay para maghintay ng jeep na masasakyan. Aguuy! Antagal kong naghintay. Punuan ang jeep. Bente-minutos akong naghintay sa kalsada. Kaya, nag-FX na lang ako papunta Cubao nang nasa Gate 2 na ako. Wala pa ring ligtas sa traffic. Inabutan na ako ng liwanag sa kalsada. Mabuti one minute late lang ako pag-time in ko. Nakaligo pa naman ako.

Ang nakakatawa, wala masyadong pumasok. Siguro, sampung estudyante ko at apat na estudyante ni Mam Dang ang hinandilan ko. Pinag-test ko tungkol sa decimal. then, pinasulat ko ng sanaysay tungkol sa Undas. Maghapon na nila yun. Naglaro na lang sila at hinayaan ko.

Nagkasakit si Emily kaya di sila nakabiyahe. Naasar ako sa mga private message niya sa Facebook lalo na nang mabasa ko ang tungkol sa reklamo niya kay Mama. Tumaas ang dugo ko papunta sa utak.

Heto ang convo namin:
Emily: c ion nga asikaso sakin eh...kuha arinola..kuha tubig...
Emily: c ma2 bt ganun...d marunong asikaso ng maysakit..ay ganun pla sya...
Emily: bka aqla nagsakit sakitan me
Emily: msama tlga pkiramdam ko...kng hindi bkit papasilbi pko...
Emily: samin pg my sakit ka asikaso tlga...nanay ko at tatay lalo na pgdating sa pgkain...d cla pbaya
Emily: nkita u nmn db nun umuwi ka aklan...
Emily: nagpbili pla ko ky gie fern -c..4 mya punta sya dito..
Ako: Si Mama pa ang sinisi. Alam mo namang malabo n ang mata.
Ako: Hay naku emily. Kung ganyan ka, lalo kang magkakasakit.
Emily: sinisi b un ganun?hindi nmn aq nagpaasikaso ah...aq nmn asikaso sa bta ah...
Ako: Sana di ka na lang pala lumuwas ng Manila. Kaya ko naman yan si Zillion. Parang bumigat tuloy ang buhay ko.
Ako: Andmi mo kasing sinasabi. May comparison ka p. Umalis ka na jan!!
Emily: khit msam nga pkiramdam ko bumangon aq kc tumae c ion ginicng aq.na idlip n sana aq..tpos hinugasan q sya..mya mya pinakain ko sya..tpos pinainum...hindi aq pbaya...nkita mo gumaling n anak mo...iba aq eh isang ina lng po
Ako: Iwan mo na si Zillion. Umuwi k n s Aklan.
Ako: Natural sayo magpapaalaga. Anjan k e. Nakita mo nmn nung tayo mgkksama. Sau pa rin nakadikit. Pag sila yan, tumataba pa yan kay mama. Masyado ka lang reklamador.
Emily: cry emoticon
Ako: Reklamo ng reklamo. Kaya ka nakakaramdam ng ganyan.
Ako: Ako, never ako nagreklamo sa buhay. Ikaw, ultimo, kumot at unan at kobre kama, may reklamo ka.
Ako: Di magpasalamat sa kung anong meron para biyayaan ng Diyos. Ako, kahit pagod na pagod ak0, never ako nagkasakit dhil bawal magkasakit, walang mag-aalaga. Kahit kay mama ayaw kong umuwi para mgpaalaga
Ako: Gawin mo ung dpat kasi malaki k n. Ikaw ang mas malaks. Wag mong iasa s matanda at bulag. Nakita mo ung pagpirma niya db? Akala mo b di ako nalungkot sa eksenang iyon?! Ikaw, sakit lang ng ulo, akala mo katapusan n ng mundo..
Emily: like emoticon
Emily: naiintindihan kita ...peo sana intindihin mo din aq
Ako: Ewan! Kilala n kita. Wala ka talgang pinasasalamatan. Effortless sau lahat. Kung ganyan ka, mapipilitan akong mamuhay mag-isa.
Ako: May sakit ka na, nakakapagsalita ka pa ng ganyan!? Hindi ka na natakot. Di mo ba naiisip na karma yan?!
Ako: Tama! Wag ka ng magreply. Baka kung ano pa masabi ko.

Hindi ko i-edit yan. Copy-pasted talaga.

Akala niya siguro ay matutuwa ako sa mga sinasabi niya tungkol sa aking ina. 



Nobyembre 3, 2015
Hindi ko nirereplyan ang mga PM sa akin ni Emily, although apologetic siya. Nasaktan kaya ako ng husto sa mga sinabi niya against sa aking ina.

Siguro ay na-realize niyang mali siya. Dapat lang naman iyon. Kaya lang, hindi ko kaagad siya mapapatawad.

Nagturo ako ng percent sa advisory class ko dahil nakita ko ang test nila. Kasama iyon. Hindi ko yata naituro iyon nang maigi sa kanila. Nagturo din ako ng outlining sa English subject. At bago mag-uwian, nagpasulat ako ng opinyon nila tungkol sa paghahanda sa pagsusulit. Isasama ko uli ang mga magagandang saloobin sa aming 'The Martian'.

Sa boarding house, nag-encode ako ng mga articles ng V-Mars. Pinost ko na rin agad.

Naplastikan ako sa dalawa kong kasamahan sa Grade V. Ayaw ko talaga sila kapag nagpaplastik lang sila. Wala lang akong magawa. Kailangan kong pakisamahan dahil kami ang magkakasama sa grade level.

Ngayong araw, naka-chat ko si Hanna. Na-open na niya pala ang facebook niya. Sana lang ay siya nga ang kausap ko at hindi si Mj. Humihingi kasi ng pambayad sa field trip sa December 11. Nag-confirm naman ako. Maliit na bagay lang naman. Ayoko lang ng lolokohin ako.



Nobyembre 4, 2015
Nagsimula na kanina ang test-- bagong sistema ng test. Unified na ito. Ang division na ang gumawa. May answer sheet na rin na gaya ng sa NAT. Ang hirap at ang bagal. Time-consuming para sa teachers at students. Hindi rin naman reliable ang outcome. Madadaya pa rin naman. Haist!

So far, okay naman ang test conduction. Naging soft naman at tahimik ang mga bata, unlike sa isang section ng Grade V. Hmmm. Parang di nagte-test.

Nag-bonding kaming mga hideouters sa dining area ng pincipal's office. Lunch time kasi at wala naman si Mam. Sayang wala si Papang.

Umuwi ako bandang alas-dos bente. Umidlip. Thanks, God, nakabawi ako sa puyat kagabi.

Then, nag-laptop ako. Nag-FB lang at gumawa ng profile ko. Pinaghahandaan ko ang RPMS, gayundin ang ranking for T3. Nakapagsulat din ako nga tula. Matagal din akong nakapag-chat sa Mommy ni Epr. Andami naming napag-usapan at napagkuwentuhan. Kulang ang isang araw.



Nobyembre 5, 2015
Ikalawang araw ng pagsusulit. Naging maayos naman ito. Natapos nila ang limang subject. Kahapon kasi ay tatlo lang ang nasagutan nila.

Hindi na nag-PM sa akin si Emily. Marahil ay nagsawa na siya. Hmmm. Bagsak siya sa aking pagsubok.

Ala-una ng hapon, nakipag-meeting ako sa mga co-officers ko sa GPTA. Andami naming activities mula ngayong buwan hangganag December. Ayos! Lalo kong mae-enjoy ang aking reign.

Pagkatapos ng meeting, pumunta kami ni Mumu sa DO. Sumabay na ako sa kanya dahil tinatamad akong kunin ang UMID card ko kapag walang kasama. Mabilis lang naming nagawa ang aming mga pakay sa division office kaya nakauwi agad ako.

Umidlip ako sa kabila ng tinding init sa kuwarto. Past five na ako bumangon para magmeryenda. Sinunod ko naman ang pagsasaayos ng mga answer sheets ng mga bata sa test kanina. Andami nilang mali at kulang. Mabuti napansin ko. Hindi ko iniba ang mga sagot nila. Una, dahil wala akong inuwing test questionnaire. Pangalawa, ayaw ko talagang mandaya dahil hindi ko malalaman ang totoong resulta ng exam kung gagawin ko iyon. Mas mabuti pang makakuha ng mababang iskor kesa doktorin ko ang mga sagot. Okay lang sa akin na obserbahan ako ng DO. Mas maigi ga para malaman nila na nagtuturo ako nang tama at tapat.

Gabi, habang gumagawa ko ng profile ko, nagchat si Papang. Nagyaya siya sa hideout bukas ng hapon. Yes! Bonding uli...



Nobyembre 6, 2015
Marami-rami pa rin ang pumasok sa klase ko kahit tapos na ang exam. Kaya naman sinamantala ko ang pagkakataon na magturo ng Hekasi. Nae-enjoy ko nang ituro ang subject na dati kong kina-boboring-an. Tapos, nagawa ko pang i-apply ang topic upang makapagpasulat sa kanila ng kuwento o iba pang panitikan. Hindi ako nabigo. May mga nakasulat. Natuwa ako sa mga gawa nina Rainier, Veronica at Alexandra. Mayroon pa akong di nababasa.
Marami akong nalaman tungkol kay Donya Choling. Gumawa na naman siya ng paraan para mapag-usapan ako. Akala niya di makakarating sa akin. May nagkuwento kaya sa akin na kausap niya.
Ipinakita ko lang naman sa kanya na matigas ako sa prinsipyong katapatan. Ayokong dayain ang test ng mga bata para lang umangat ang school. Ang gusto ko ay malaman ko ang kakayahan ko bilang guro.
Nainis siya sa pagtanggi kong iyon. Hindi ko sinuportahan ang gusto niyang mangyari. Kaya, tsinismis niya ako.
Okay!
Nalaman ko pa na nangngingitngit siya sa galit dahil sa mga Makata O. quotes ko. Yehey! Natutuwa naman ako dahil ganun ang reaksyon niya. Nila pala. Meron pang isang magpupuyos ang galit sa dibdib. Gusto pa nila akong i-unfriend.
Past 1:30, nagyaya si Sir Rey na kumain sa labas dahil birthday niya. Nag-Mc Do kami. Medyo napasarap ang kuwentuhan namin kahit plastikan lang. Alas-tres na kami nakalabas ng food chain.
Dumaan pa kami sa school dahil kailangan pang tapusin ni Mam Dang ang report niya sa Inset.
Alas-singko na ay di pa sila tapos. Naghihintay na sina Sir Erwin sa hideout kaya nauna na kami ni Mam Anne.
Isa na namang maingay at masayang bonding ang naganap sa hideout. Alas-diyes na ako nakarating sa boarding house.



Nobyembre 7, 2015
Make-up classes. Twenty lang ang pumasok sa akin. Okay lang naman. Pinagsulat ko sila ng tungkol sa pagbasa dahil Buwan ng Pagbasa naman ngayong buwan. Natuwa ako dahil nakasulat sila ng kuwento, sanaysay, tula at editoryal. Nang isinama sa klase ko ang Section Earth, pinasulat ko rin sila. Oakya naman ang mga gawa nila, lalo na ang kay Siouxsie.

Dumating si Mam Jessica Magayanes, ang supervisor ng West District. Pumaosk siya sa klase ko at nagbigay ng maikling pahayag. Hinikayat na pumasok sa susunod na Sabado. Kasama niya si Mam Deliarte.

Past 12, pinauwi na namin ang mga bata. Nkapagbonding naman kaming hideouters sa office at habang nagkakainan ng lunch sa HE room. Naroon si Mema. Nag-check ng attendance naming. Hehe.


Past 4, umuwi na kami. Umidlip ako hanggang pasado alas-sais. Paggising ko, nagbasa at namili ako ng mga akda kanina ng mga estudyante ko. Nakapili ako ng mahigit sampu. Ipinost ko kaagad ang dalawang tula. 

Masasabi ko talagang malayo na ang nararating ng kagustuhan kong maging writer ang mga mag-aaral ko. Grabe na ang interes nila sa pagsusulat. Nakakatuwang isipin na ang mga katulad nila ay nagkaroon ng drive na magsulat. Hindi malayong-malayo ang marating nila kapag tinuloy-tuloy namin ang ganitong gawain. 




Nobyembre 8, 2015
Nakatulog ako nang mahimbing kagabi. Kaya okay lang kahit alas-siyete ay gising na ako.

Ginawa ko ang narrative report ng INSET nina Sir Erwin sa PVES. Unti-unti na itong nabubuo. Ang problema, wala talaga ako doon para magawan ko ng mga wordings. Mabuti at may matrix at konting pictures.

Alas-onse, nakapag-send ako ng summary ng "Ang Pasalubong kay Hannah'' sa Canvas Stories ng Romeo Forbes Children's Story Writing Competition.

Palno ko ring sumali sa IWrite for A Cause ng Psydem Publishing. Isa itong competition. Ang premyo ay hindi pera kundi publication sa Buqo. Isa itong charity dahil ang kikitan ay ido-donate sa napiling foundation. Siyempre magkakaroon lang ng copyright ang author. Not bad. Ang mahalaga ay makapaglathala ako.

Mabilis lang nag-reply ang Canvas. Natanggap na raw nila..

Pasado alas-onse, nagpadala ako kay Flor para sa budget ni Mama. Nalaman ko rin sa kanya na umalis na sa Bautista ang mag-ina ko. Pasado ala-una y medya sila dumating. Sobrang init pa naman ng panahon.

Hindi ko pa kinikibo si Emily although nagpapakita siya ng kasweetan. Nagbusy-busyhan ako. Gusto ko kasing mag-sorry siya.



Nobyembre 9, 2015
NApaaga ang pasok namin ni Zillion kanina. Wala pang six-thirty ay nakalabas na kami ng boarding house. Palibhasa, pinagplantsa kami ni Emily.

Pagdating sa school, nakapagdilig pa ako ng mga halaman.

Wala si Mam Dang. Masakit ang tiyan kaya absent siya. Nagturo lang ako ng Math sa section ko at sa 1. Hindi na ako nagturo sa Section Earth dahil napunta sila kay Sir Rey. Balak ko namang ituro uli ang introduction of geometry.

After class, pumunta ako sa BPI para mag-open sana ng checking account. Ang kaso, parang na-discriminate ako. Parang di sila makapaniwalang ang katulad ko ay magbubukas ng checking account. Andami pang tanong at hinahanap. Sinabi ko ngang pera ko naman ang ilalagak ko sa kanila. Nag-advise pa na sa savings ko muna ilagay. Niknik sila. Never na ako maglalagay ng pera sa kanila. Business is business, alam ko.

Tinext ko ang agent ko. Pinayuhan niya akong mag-open na lang ako sa PNB dahil wala raw akong magiging problema sa application. Natuwa ako kahit sobra akong disappointed sa BPI. Kahit paano ay nawala ito.

Bukas ay pupuntahan ko ang branch na sinabi ni Ate Ning. Gusto ko na talagang mailagak ko ang hawak kong pera baka mapaano pa.

Nag-grocery ako bago umuwi.



Nobyembre 10, 2015
Nakapagturo na ako nang matino sa Math. Nakompleto na kasi kami. Naiinis lang ang sa mga estudyante ni Mam Dang dahil may natutulog. Parang mga adik.
Nagturo din ako nang maayos sa Hekasi at English. Kahit wala akong IMs, alam kong naunawaan nila ako.

After class, pumunta ako sa PNB-Pasay Luna Branch, na ni-refer ng agent ko. Hindi tulad ng nangyari sa BPI, tinanggap agad ang application ko. Walang anumang tanong, binigyan agad ako ng mga forms. Natuwa ako.

Pagkalipas lang ng kalahating oras, nabigyan na ako ng check. Hindi pa nga lang naipasok kasi offline sila. Pero tiwala ako na hindi nila ako dadayain.

Masaya akong umuwi. Pagdating ko, pinansin ko na si Emily.

Magha-hideout sana kami ngayon. Hindi na ako nahintay ni Sir Erwin. Hindi rin kasi nag-reply sina Mam Roselyn. Nasayang lang ang punta niya doon.



Nobyembre 11, 2015
Absent sina Sir Rey at Mam Rose kaya nasira na naman ang schedule ko. Nakatakda sana akong magturo ng angles. Sa klase ko lang tuloy ako nakapagturo. Maghapon na lang ako nagpasulat ng akda. Nag-Hekasi lang kami after recess. At dahil nag-bonding kami after lunch nina Mam Dang at Mam Anne, hindi na kami nakapag-English.\

Umalis pala kanina si Emily. Nagpasa ng papeles niya sa agency. Late na niya nasundo si Zillion.

Pag-uwi ko naman nakahiga lang siya. Masakit daw ang ulo niya at nahihilo siya. Nawala rinpagkatapos uminom ng gatas at kumain ng tinapay. Thanks, God! Ayokong nagkakasakit siya dahil naaabala rin ako. Hindi bale nang ako ang maglaba, huwag lang akong mag-alaga ng maysakit.

Halos tapos ko na ang narrative report ni Sir Erwin sa INSET. Kulang ng lang ng ilang pictures.

Alas-otso-bente, nasend ko ang summary na kailangan sa initial na requirement para sa contest na 'iWrite for a Cuase' ng Psydem Publishing. Umaasa akong mapa-publish na ang aking libro sa Buqo. Malaking karangala ito para sa akin. Hindi lang pala karangalan, kundi simulain.




Nobyembre 12, 2015
Binigyan ko si Emily ng pampa-check-up niya. Masama na naman kasi ang pakiramdam. Alam kong may sakit siya na kailangang malaman namin mula sa doktor.

Sa school, inspired akong magturo ng "drawing and measuring angles". Pasaway lang ang iba. Ayaw makinig. But, overall, natuto ang karamihan.

After ng klase, pumunta ako sa hideout. Kasama ko si Mam Dang. Pupunta rin kasi si Sir Erwin doon. Nagpapatulong din si Mam Dang sa kanyang INSET report. Payo daw ni Mam Deliarte na magpatulong sa akin. Natapos din agad namin kaya nakapagkuwentuha pa kami ni Sir.

Nakauwi ako bandang alas-sais y medya. Hindi ko pala na-send kay Emily ang text ko kaya agad na akong umuwi.

Pagdating ko, nalaman ko na may UTI siya. Bumili na siya nga gamot. No worry naman ako masyado dahil UTI lang naman. Kayang-kaya ko namang tulungan siya. Mabait pa ang Diyos.

Andami kong ginawa, pagkatapos. Naglaba. Gumawa ng materials para sa APEC observation bukas. Sana pala di na ako nag-commit kay Mam Milo. Pero, okay lang. Kaya ko namang ipakita ang aking kahandaan. Nais ko rin kasing matuto pa.




Nobyembre 13, 2015
Friday the 13th. minalas ako sa mga estudyante ko. Kokonti silang mga pumasok.Tapos andami pang tamad at pasaway. Nagklase na naman ang kalahati sa labas. Maghapon sila doon.

Pahinga rin naman ako sa turo dahil di kami nagpalitan. Iyon nga lang, nagpasulat ako sa theme writing. Nag-check pa.

Nainis ako sa journalism at sa mga tao sa likod nito. May nagpatanong ba naman sa akin kung sasama ako bukas sa laban. Automatic, sinagot ko na hindi. Hindi ko naman ipipilit ang sarili ko kung ayaw nila akong kasama. Mananalo ang trainee ko kahit wala ako.

Nakakaasar ang tanong nila. Natural na kasama ako dahil trainer ako. Regional level na bukas kaya dapat nandoon ako. Pero, no problem. Mas masaya bukas sa make-up class namin.



Nobyembre 14, 2015 
Naasar ako sa journalism team dahil hindi ko man lang nakita si Jessica bago umalis papunta sa venue ng MMYWCC. Grabe! Ipinagkait talaga sa akin na isama ako o i-goodluck ko man lang. Samantalang six-thirty ay nasa school na ako. 

Hay, naku!

Nawala rin ang inis at galit ko. Alam kong alam nila na galit ako sa katulad nila. 

Tumulong ako kina Mam Dang at Mam Sharon sa pagtatanim nila sa garden ko. Pinaganda at inayos nila. Ako naman ay hiniwalay ko ang mga bonsai at binobonsai ko. 

Bago mag-alas-dose,  sumama ako kina Mam Dang, Mam Anne, Mam Shiela at Mam Roselyn para bumili ng isusuot sa boho party/debut ng anak ni Plus One sa Monday. 

Antagal namin sa HP kaso wala akong nabili. Wala akong nakita. Paano? Puro kasi pambabaeng stall at boutique ang napuntahan namin.  Okay lang. May mga damit naman akong pwedeng pagpilian.

Nakauwi ako bandang alas-3:30. Umidlip ako. Pagkagising ay nagsulat ako. Ilang akda rin ang nagawa at naencode ko. 

Nagplano kami ni Emily. Kailangan ko silang ihatid ni Ion sa Antipolo bukas dahil parating na naman si Epr. Exit muna sila since wala namang pasok si Ion.




Nobyembre 15, 2015 
Alas-nuwebe ay umalis na kami sa boarding house. Mabilis ang biyahe. Kaya, alas-onse y medya ay nasa Bautista na kami. 

Akala ko ay bukas na ang debut. Sa Martes pa pala. Hindi pa ako luluwas ng Maynila. Natuwa si Emily.



Nobyembre 16, 2015
Maghapon lang akong nakahiga at nag-internet. Nakakatamad. Ang sarap lang magpahinga. Mabuti na lang at solo namin ang kuwarto. Wala pa si Tai, e. 

Alas-sais y medya, umalis ako sa Bautista. Gusto ko kasing makapagpahinga bago kami bumiyahe bukas papunta sa location ng boho party. Gusto ko ring ihanda ang mga damit ko. Isa pa, baka ma-traffic ako kung bukas pa ako aalis. 

Kakaibang experience ang naranasan ko ngayong gabi. Mabuti nakaabot ako sa bukas na Jollibee. Muntik na ngang mangamoy sa pantalon ko. Antagal kasing lumabas ng lalaki sa CR. 

Hay naku! Mabuti nairaos ko. Tindi! Mabuti na lang din at mabilis ang biyahe. Wala gaanong pasahero dahil sa APEC.  

Naglakad nga lang ako, from Harrison to Fortuna Street. 

Nakauwi ako sa boarding house bandang alas-nuwebe ng gabi, bago pumatak ang ulan. Wala pa si Epr. 




Nobyembre 17, 2015
Nakapaghanda ako nang maaga para sa boho party. Maaga rin akong pumunta sa DLTB bus station. Ako ang pinakauna roon. Ayos lang dahil gusto kong magpalamig doon.

Past one kami nakaalis sa Buendia. Past 3 kami nakarating sa Series I Resort. Ang sama namin dahil naligaw pa kami.

Alas-7 na nagsimula ang debut. Nakakatuwa. Isa na naman itong milestone sa buhay ko. Isa rin itong experience kasama ng ibang hideouters.


Ten o'clock natapos ang party. Swimming ang kasunod. Nag-try akong lumublob pero nanginig agad ako. Hindi ko kaya kaya umahon agad ako. Nagkasya na ako sa panunuod sa kanila habang naliligo sila. Isang oras ang lumipas, nagbihis na ako.

Okay na yun! Masaya na ako sa karanasan at pribelihiyong ito dahil sa hideout group.



Nobyembre 18, 2015
Magdamag ang party. May nagkatahan. Pero kami, maliban kina Anne at Hermie ay natulog na. Medyo pagising-gising nga lang. Gayunpaman, sulit ang pagdalo namin. Nakipagbonding pa kami sa mommy ni Plus One, na dating principal ng GES. Very cool siya. Tama ang kuwento ni Sir Erwin. Mabait siya. Niyakap at kiniss pa nga halos kami. Nagpapicture na tuloy kami sa kanya.

Past seven, nagpaalam na kami sa host. Past 8 na kami dumating sa Pasay. Ang bilis lang ng biyahe. Mabuti naman dahil nakapagpahinga ako. Natulog ako maghapon. Sa gabi na ako naglaba. Nakapanuod din ako ng pelikula sa youtube. Ang sarap talagang mag-isa. Hindi muna ako uuwi sa Antipolo. Lalo na't may labahan pa ako bukas. Magpapatuyo at magtutupi pa. Ayoko namang iwanan na nakasampay lang.



Nobyembre 19, 2015
Alas-otso na ako nagising. Ang sarap ng tulog ko. Palibhasa, alas-dose na ako natulog kagabi dahil nanuuod pa ako ng pelikula sa youtube.

Naging makabuluhan ang araw ko ngayon. Una, nakapagsulat ako ng isang kuwento tungkol sa pagluha ng mundo (Earth). Nakakatuwa! Dahil lamang sa isang larawan ay na-inspired akong isulat ang kuwentong sa hinagap ay di ko naisip.

Nakapagsimula rin ako ng katutubong tula na 'diona'. Para itong haiku at tanaga. Ang kaibahan lang ay 7-7-7 ito.

Alas-sais, pagkatapos kong magising at magkape, pumunta ako sa HP para magbayad ng RCBC bill, mag-grocery, bumili ng Liwayway at tumingin ng gym bag para sa Monito kong si Don Facade. Di ako nakabili ng Liwayway. Wala pang display. Nakakita rin ako ng gym bag sa SM. Ang mahal. Kalahati sa pinagkasunduan naming presyo. Sana may sale.



Nobyembre 20, 2015
Alas-nuwebe na ako nagising. Napasarap ang tulog ko. Nabawi ko ang puyat. Eleven-thirty ba naman ako natulog dahil sa kakanuod ng pelikula.

Hindi ko naman inaksaya ang mga oras ngayong araw. Naglaba ako. Nagtupi ng mga sinampay. Nagsulat. Nanuod ng documentaries. Whew! Sulit ang bakasyon!



Nobyembre 21, 2015
Akala ko ay Biyernes lang ngayon. Plano ko sanang pumunta sa PNB kung saan ako nag-open ng Now Account, para malaman kung na-i-debit nw nila ang P20,000 ko as initial investment. Ang kaso, Sabado na pala ngayon. Bukas pa sana ako pupunta sa Antipolo. Dadaanan ko na rin ang HomeMarks para magpasa ng birth certificate at identification cards.
Alas-nuwebe, papunta na ako sa Antipolo. Nag-LRT ako kaya medyo napabilis ako. Pasado alas-dose ay nasa Bautista na ako. Nananghalian na sila.
Nagulat si Emily sa pagdating ko. Di ko kasi siya ni-notify.
Gusto niya akong dramahan. Actually, umiyak-iyak pa siya. Sinabi biya sa akin ang mga pisikal niyang nararamdaman. In short, gusto niyang umuwi sa Aklan pagkatapos kong ipa-checkup siya.
Grabe! Sana pala di ko na lang si pinabalik dito sa Manila. Sa Aklan na lang sana siya nagpagaling. Doble-gastos ang mangyayari dahil babalik na naman siya doon.



Nobyembre 22, 2015
Hindi ako nakatulog nang maayos kagabi pero hindi naman ako puyat. Naging disturbed lang ako sa problema ni Emily. Pinag-pray ko na lang siya. Gusto ko ring maging maayos ang health niya para hindi rin ako naaabala at nagkakagastos.

Nang pauwi na kami ni Zillion sa Pasay, sabi niya na kina Edward na lang siya mag-stay. Sasama siya sa pagluwas sa Maynila. Pumayag naman ako dahil bukas pa naman uuwi si Epr. Pwede pa siyang matulog sa boarding house.

Three o'clock, nasa boarding house na kami. Sobrang init kaya di na naman kami nakatulog.

Past 8:30, binigyan ko si Emily ng isanglibong piso para sa lakad niya bukas. Hindi ko gusto na umalis siya sa boarding house. Respeto na lang kay epr. Nakakahiya kong sama-sama na kaming manunuluyan sa kuwarto. Ipinakikisama ko na nga si Zillion.

Sa tingin ko, natuwa naman siya sa binigay ko. Makakatulong na iyon para makapagpa-checkup na siya ng breast niya. Sa PGH ay libre naman. Tiyaga lang. Pama-pamasahe na lang niya ang perang binigay ko. Pag need niya pa, pwede ko namang bigyan uli siya kung kaya ko pa. Huwag lang sanang cancer o tumor. Mahirap na 'yun...



Nobyembre 23, 2015
Medyo late kami ni Zillion sa flag ceremony. Mabuti na lang at di nag-uwian ang mga estudyante ko. Mahigit 30 pa rin sila.

Nainis ako kay Emily. Hindi pa siya nakaalis bago dumating si Epr. Nagkasakit na naman. Sus! Nakakahiya talaga.

Ala-una y medya, nagpunta kami sa Pasay City Complex nina Mam Karen, Sir Hermie, Mam Milo, Mam Joan V., at Sir Renerio para i-meet daw si Mar Roxas. Pagdating doon, na-out-of-place lang kami dahil turnover ceremony pala iyon ng patrol cars para sa mga pulis. Nag-walk-out kami after ng talk niya.

Alas-kuwatro na kami nakauwi ni Ion dahil natulog pa siya sa school. Pagdating, pinagalitan ko si Emily. Sabi ko, dapat di na muna siya umalis sa Antipolo.

Mabuti na lang, naunawaan ni Epr. Nag-apologize kasi ako sa text.

Nagsimula na ang Banyuhay ng Sulat Pilipinas. Maganda ang response ng mga member. Nainis lang ako kay Chubibo Mondejar (Jimboy). Balahura kung maka-comment. Pati nga 'nang' sa tula ko ay napansin at pinakialaman. Alam ko, tama ako, kaya di ko binago dahil sa kanya, kundi dahil sa kasamahan ko sa SULAT Pilipinas.



Nobyembre 24, 2015
NApuyat ako nang husto kagabi. Palibhasa hindi ako sa kutson natulog. Hindi na ako komportable sa lapag.

Nakipag-chat na lang ako sa kasamahan ko sa SP. Gising pa rin siya ng bandang alas-tres ng umaga. Nakapagsulat rin ako ng dagli sa mga oras na iyon.

Alas-kuwatro na yata ako nakapikit. Tapos, alas-singko, tumunog na ang alarm. Mabuti na lang, hindi kami late ni Zillion. Hindi naman kasi ako tinulungan ni Emily. Nainis nga ako.

Hindi ako na-bad trip sa klase ko. Ang cool at ang bait ko nga. Nakapagturo pa ako ng ploygons at ng dalawang uri ng tula ---diamante at diona. Pinagsulat ko rin sila.

Akala ko, magsosolo lang ako sa Palawan sa April dahil na-expired ang reservation nila kahapon. Hindi nabayaran ni Archie. Pero dahil gusto talaga nilang gumala sa bakasyon, agad kaming nagpa-reserve uli online. Ako na ang pumindot. Successful bago mag-uwian.

Two-thirty, after ko maiuwi si Zillion kay Emily, pumunta ako sa PNB para i-confirm kung pumasok na ang P20K ko. Pumasok naman. Kaya, nag-deposit uli ako g P20K pa.

Then, nagbayad na ako ng tickets nila.

Naawa ako kay Epr. Nasa Cubao siya ngayon. Hindi raw siya uuwi. Alam kong naa-out-of-place siya kay Emily. Parang ayaw pa namang umalis ng asawa ko. Gusto pa yatang magpaabot ng December.




Nobyembre 25, 2015
Nagmamadali kaming pumasok ni Zillion tapos malalaman ko, may Reading Month contests pala. Nanuod ang laht ng pupils at teachers. Isang oras mahigit din ang ginugol namin sa panunuod. wala na naman tuloy pormal ang klase namin. Hindi na ako nakipagpalitan.

Pasado alas-otso, nagtext sa akin si Ms. Kris. Nagtatampo raw siya sa akin dahil hindi ko siya niyaya na sumama sa Palawan. Kaya, pagkatapos kong magpa-recess sa mga bata, kinausap ko siya. Nagkaroon kami ng deal na kami lang ang nakakaalam niyon.

Ilang minuto lang ag lumipas, nakuhaan ko sila ng reservation. Buo na uli ang Tupa Group. This time, magme-merge pa sa Hideout Group. Ayos 'to!

Nagturo ako maghapon sa klase ko. Ang sarap magturo sa kanila. Mas nae-enjoy ko pa ang self-contained kesa sa palitan. Nagkakaroon lang kasi ako nga back logs kapag nagpapalitan lalo na't gusto lagi ni Sir Rey na nasa labas siya o kaya nasa scouting.

Okay na si Emily. wala na siyang nararamdaman. Binalita niya pa sa akin na may plane ticket na siya para sa pag-uwi niya sa Aklan sa december 16. Hmp, 16 pa!


Nobyembre 26, 2015 
Nagpalitan na kami ng klase. Nagpa-summative test lang ako sa dalawang section at nagpa-activity sa V-Mars dahil andami ko nang backlog.
Nagturo din ako sa Hekasi at English. And as usual, nakapagpasulat ako para sa 'The Martian' newspaper namin. Gusto ko kasing makapag-publish uli bago mag-Christmas break.
Gabi, nakapagsulat ako ng dagli tungkol sa teacher at pasaway na estudyante. Nagustuhan ito ni Papang at ni Mam Aprilroz.



Nobyembre 27, 2015
Hindi ko naisama si Zillion sa pagpasok. Si Emily na ang kasama niya sa pagpasok.

Buong araw akong nagturo sa klase ko. Kami lang kasi ni Mam Dang ang pumasok. Nasa Science Quest sina Mam Anne at Mam Rose. Si Sir Rey ay nasa jamboree pa rin. Ang saya ng araw ko. Nagturo ako nang nagturo. Nagpasulat nang nagpasulat. Nagpalaro pa ako sa Math gamit ang mga ginawa kong sets ng tangram puzzles, bilang part ng polygon lesson namin. Nagpakulay din ako ng mga geometrical figures.

Hinintay ko si Zillion magising. Antagal niyang magising kaya ginising ko na lang siya bago mag-alas-kuwatro.

Pagdating namin sa boarding house, may dinadaramdam na naman si Emily. Hay, naku! Wala nang katapusan ang pagkakasakit. Tsk tsk! Konting trabaho, bibigay ang katawan. Isang araw lang naman siyang gumawa ng mga gawaing bahay.




Nobyembre 28, 2015
Maghapon lang kaming nasa kuwarto. Nagsulat ako. Naglaba. Umidlip. Ang sarap!
Gabi, natapos ko ang maikling kuwento na tungkol sa pangarap ng isang lalaki na makapunta sa Mars. Grabe! Habang isinusulat ko ito, naiiyak ako. Naiyak nga rin si Emily nang banggitin ko ang konsepto ko.



Nobyembre 29, 2015
Alas-nuwebe ay pumunta kami sa Fort Santiago para mamasyal. Ito ang pangalwang beses na ipapasyal namin si Zillion. One year old pa lang siya noong huli siyang nakarating. Ako naman, third year high school ako nang una akong makarating. Doon kami nag-field trip.

Halos wala namang pinagkaiba. Nagmahal pa ang entrance fee. Iyon nga lang, sariwa ang hangin. Parang kaming inuugoy. Nakakaantok. Ang sarap itulog.

Past two, umalis na kami. Nag-grocery lang kami sa SW bago umuwi.

Enjoy kaming tatlo. Andami naming pictures, lalo na si Zillion.



Nobyembre. 30, 2015
Bonifacio Day ngayon kaya nagdesisyon akong pumunta sa Antipolo para mabisita ko si Mama. Alas-nuwebe ay umalis na ako sa boarding house. Mag-aalas-dose na ako nakarating.
Naawa ako kay Mama. Hirap na horap na siya sa paningin niya. Siya ang naglalaba ng mga damit niya. Nagluluto pa siya at naghahalaman. Maigi sana kung may kasama siyang apo. Gusto man naming kunin si Hanna, hindi ko magagawa dahil hanggang ngayon ay pinanindigan pa rin ni Mj ang pagbuhay sa kanya. Hihintayin ko na lang na sumuko siya.
Nagpahinga lang ako maghapon. Nawala ang stress ko. Nakapagsulat pa ako ng mga tulang limerick.















No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...