Nasa puting kuwarto na ako nang makamulat ako. Dalawa na ang benda ko-- sa tagiliran at sa braso. Hindi pala panaginip ang nangyari sa akin, sa kamay ni Val. Isa pala itong bangungot. Muntik na niya akong makuha at mapatay.
Nakuyom ko ang mga kamao ko ngunit humapdi lamang ang mga sugat ko. Sa mga oras na iyon ay wala akong magagawa kundi magpagaling at magpakalakas. Bubuwelta ako.
Tatlong katok ang narinig ko sa pinto bago pumasok ang lalaking nurse. "Magandang hapon po, Sir! BP lang po."
Tumango ako at hinayaan ko siyang kunin ang blood pressure ko.
"120/90."
"Nurse, sino ang nagdala sa akin dito?" tanong ko. Gusto kong malaman kung sino at paano ako nakarating nang buhay sa hospital. Utang na loob ko sa kanya ang buhay ko.
"Kaka-duty ko lang po kasi, Sir. Hayaan niyo po, itatanong ko sa information..."
Tumango uli ako.
"May kailangan pa po kayo?"
Umiling ako.
Maraming minuto ang lumipas, dalawang mararahang katok ang pumutol sa pagkaidlip ko. Akala ko ay nurse uli ang papasok ngunit nagulat ako sa pagpasok ni Lianne. "Hello, Hector!' bati niya habang marahan lumapit sa akin.
Napatda ako sa kagandahang taglay niya. Parang kailan lang. Marahil ay nakabawi na siya ng tulog mula sa ilang araw na pagod at puyat. "M-mabuti naman, Lianne."
Ipinatong niya muna ang dala niyang mga prutas bago siya muling nagsalita. "Kumusta na ang pakiramdam mo?'' Hinawakan niya pa ang braso ko na lalong napapintig ng puso ko. Isang kuryente pa ang dumaloy mula sa aking braso hanggang sa aking alaga.
Lumunok muna ako ng laway. "M-maayos na. Salamat nga pala sa pagdala mo sa akin dito. Utang ko sa'yo ang buhay ko..."
Kumunot ang noo ni Lianne. "Hindi! Hindi ako ang nagdala sa'yo dito,'' mariing tanggi ni Lianne. Umurong pa siya ng isang hakbang. Tapos, inusog niya palapit sa akin ang upuang nasa tabi ng side table. "May nagtext lang sa akin..."
Nalungkot ako. Akala ko'y siya ang bayani ko. Natahimik kaming pareho. Nag-isip ako. Siya naman ay nagtatanong at naghihintay ng reaksiyon ko.
No comments:
Post a Comment