Followers
Sunday, November 22, 2015
Next on Nixon (2)
"Punyeta! Ang traffic pa," Inis na inis niyang sigaw sa mahabang pila ng mga sasakyan sa unahan at likuran niya. "Malas ko talaga ngayong araw! Put*!"
Painot-inot ang pag-andar niya kaya lalo siyang nang-init. Walang nagawa ang malakas na aircon sa sasakyan niya. Bumusina na siya nang bumusina. Later, inihinto niya ito dahil baka mapaaway lang siya.
In-on na lang niya ang radyo at bumungad agad sa kaniya ang tawanan ng dalawang babaeng deejays. Inilipat niya iyon dahil ayaw niya nang babaeng humahalakhak. Ngunit, bago pa siya nakahanap ng magandang tugtog, nag-ring na ang cell phone niya na nasa bulsa ng pantalon niya. Ayaw niya sanang sagutin ang tawag, pero nang mabasa niya si Magenta ang nasa linya, agad niya itong sinagot.
"Hello, 'Ney?!" sweet niyang bati.
"Ano na naman ang nabalitaan ko?" galit na tanong ng girlfriend niya.
"Anong? Anong balita? Kanino?"
"My God, Nixon! Hindi ka na naman umaayos ng buhay mo! Bakit ba ayaw mong sumeryoso?"
"Si Sandy na naman ang nagsabi niyan sa'yo?" Naasar siya pero pilit niyang pinapakalma ang sarili.
"Hindi na mahalaga kung sino. Ang tinatanong ko, bakit? Nasa iyo na ang lahat. Mag-aaral ka na lang nang mabuti..."
Hindi na natiis ni Nixon ang bunganga ng kasintahan. "Nagda-drive ako, 'Ney. Mamaya, tatawagan kita."
"'Kita mo na..."
Narinig pa niyang nag-hello pa si Magenta. "F*ck! Wala na akong kakampi! Wala na akong ginawang tama!"
-------
Isang minuto na siyang bumubusina saka pa lamang siya pinagbuksan ng gate ni Yaya Muleng. Kaya pagkababa niya sa kotse, pinagalitan niya ito. "Ano bang ginagawa mo sa kusina?"
"Ser... hende ko naman alam na darateng ka. Gabe ka pa dapat darateng de ba?"
"Wala kang pakialam!" Nagmadali na siyang pumasok.
"E, 'di wow! Sungit naman ng bebe ko! Hmp! Siguro... nag-away na naman sila ni Magenta..." pabulong nitong sabi pagkaalis ng senyorito. Natatawa pa ito
Sa kuwarto niya dumiretso si Nixon. Agad niyang kinontak si Magenta.
Ring lang nang ring ang nasa kabilang linya, kaya nabugnot na si Nixon. Nagmura siya nang nagmura habang pabalik-pabalik sa bintana ng kaniyang kuwarto. At nang nagsawa sa kaka-dial, inihagis niya ang cell phone sa headboard ng kama. Nawasak iyon.
"Ser?'' tatlong sunod-sunod na tawag ang narinig sa labas ng kuwarto ni Nixon. "Miryinda po."
"Ayokong magmeryenda!"
"Sayang naman netu, Ser..."
"Kainin mo!" galit na sagot ng binata habang palapit sa pinto upang i-lock ito.
Maagap na nabuksan at nakapasok si Yaya Muleng. "Itu na po ang miryinda mo." Ang sarap pa ng ngiti nito.
Walang nagawa si Nixon. Nakuyom na lang niya ang mga kamao niya at inabot ang tray ng mga pagkain.
"Ser, bakit mo senera ang silpun mo?" Dinampot niya ito. "Nag-away na naman ba kayo ni Madyinta?"
"Lumabas ka na nga. Usyusera!" Pinagtulakan niya pa ang kaniyang yaya palabas ng kuwarto.
"Nagtatanung lang naman ako, Ser..."
"Get a life!" sigaw pa ng binata sa tagapag-alaga.
Nabitawan tuloy ni Yaya Muleng ang sirang cell phone. "Wat du yu min, Ser?" nakamaang na tanong niya at nagmamadaling lumabas sa kuwarto bago siya mabato ni Nixon ng kahit anong bagay na madampot nito.
Nakalabas na nga siya nang ihagis ni Nixon ang remote control ng aircon sa pintuan. Naghiwa-hiwalay ang mga bahagi niyon.
Ilang minuto lang ang lumipas ay naramdaman niya ang init. Kaya agad siyang tumayo para paandarin ang aircon, ngunit hindi pala ito gumagana kapag manual dahil noong nakaraang buwan ay nasira niya ito.
Um-echo ang 'Yaya Muleng' sa kaniyang kuwarto. Tagaktak na ang pawis niya. Tila nais niyang mangalmot.
Nang hindi dumating si Yaya Muleng, tinungo niya ang pinto upang doon siya sumigaw. Sa kasamaang-palad, naapakan niya ang matulis na piraso ng remote control, kaya isa na namang sigaw ang narinig sa kaniyang kuwarto. Nagawa pa rin niyang buksan ang pinto at tawagin ang yaya.
Natataranta na si Nixon. Hindi niya alam kung paano mapupupo ang dugo sa kaniyang talampakan.
"Yaya Muleeeeng!" Mas malakas ngayon ang sigaw niya. Pinilit niya pang lumabas at sumigaw sa may hagdanan. "Yaya! Tulungan mo ako dito!"
Nang hindi niya nakita ang yaya, bumalik siya sa kuwarto. Kumuha siya ng bulak at alcohol.
"Tang 'na! Buwisit na buhay 'to!" Binuhusan niya ng alcohol ang sugat. "Sh*t!" Nasira ang mukha niya sa sobrang hapdi. Halos maitapon niya ang hawak.
Inulit niya ang pagbuhos ng alcohol, kaya natigil kahit paano ang pagdaloy ng dugo. Nakatulong din ang bulak na itinapal niya.
Napasalampak siya sa kaniyang kama. Si Magenta pa rin ang nasa isip niya. Gusto niyang puntahan sa school ang girlfriend, pero naisip niya na baka lalong magalit sa kaniya. Isa pa, hindi na niya ito makokontak dahil wasak na rin ang cell phone niya.
Bumangon siya at dinampot ang mga piraso ng cell phone. Napangiwi siya, saka siya nanghinayang sa halaga niyon. Sinubukan niya iyong buuin, ngunit nabigo siya at lalo lang nayamot. Isa na namang sigaw ang kumawala mula sa kaniya. "F*ck sh*t!"
Tumayo na siya at ibinasura ang mga piraso ng cell phone. Saka siya pumasok sa banyo para maligo.
Pagkalipas ng sampung minuto, isa na namang sigaw at mura ang narinig sa banyo. "Yaya Muleeeeng, nasaan na ang tuwalya rito?" Inulit niya pa ng dalawang beses, na mas malakas ngunit walang dumating na katulong.
Napilitan siyang lumabas nang basang-basa. Siya na ang naghanap ng towel sa kaniyang kabinet. Halos mabungkal niya at mailabas ang mga damit niya bago niya nahanap ang puting tuwalya. Nagpunas siya at nagtapis, saka siya bumaba.
Nangangatal ang kaniyang mga labi dahil sa inis.
"Yaya Muleng!" tawag niya nang nasa living room pa lamang siya.
Walang sumagot. Tinungo niya ang kusina. Wala rin.
"Yaya Muleeeng!" Nasa garden na siya. Pero, wala pa rin siyang nakita ni anino ng yaya. Bumalik siya sa loob at tahimik at mabilis na pinuntahan ang lahat ng sulok ng kabuhayan na maaaring kinaroroonan ni Yaya Muleng.
Galit na galit na pumanog si Nixon. Halos magiba na ang kahoy na hagdan sa pag-akyat niya. "Malalagot ka sa akin, Yaya Muleng! Huwag na huwag kang magpapakita sa akin!"
Sa kaniyang kuwarto, tumambad sa kaniya ang gulo-gulong kabinet at mga piraso ng sirang remote control. Hindi niya pinansin ang mga iyon. Plano niyang umalis, kaya nagbihis siya.
Habang nagsasapatos, pinagpawisan na naman siya. Naisipan niyang hawiin ang mga kurtina at buksan ang mga bintana. Mula sa kaniyang kinatatayuan, tila nakita niyang palabas ng gate si Yaya Muleng. May dala itong malaking bag. "Yaya Muleng!?" Hindi siya narinig kahit ilang beses na niya itong tinawag.
Nagmadali siyang bumaba para maabutan pa niya ang yaya.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment