Followers

Tuesday, November 24, 2015

Dalawang Balot ng Galletas

"Sa maybahay, ang aming bati. Merry Christmas na maluwalhati..." pasigaw na awit ng tatlong bata sa tapat ng bungalow house, habang itinitono sa kanta ang tansang tamborin. "...Ang pag-ibig..."

"Patawad!" Sumilip ang matabang lalaki sa may pintuan. "Tapos na ang carolling! Umuwi na kayo!"

Nalungkot si Pikoy, ang pinakabata sa tatlo. Ayaw pa niya talagang tumigil sa pangangaroling. May gusto pa siyang bilhin.

"Uwi na lang tayo, Tino at Pikoy... Tama na 'yang kinita natin." ani Nonoy.

"Isa na lang... Dun tayo sa malaking bahay. Malaki magbigay yun, di ba?" panukala ni Tino, nakakatandang kapatid ni Pikoy.

Sumang-ayon si Nonoya. Tuwang-tuwang si Pikoy dahil madaragdagan ang perang paghahati-hatian nila.

Hindi nabigo ang tatlo sa huli nilang pag-awit.

"Thank you! Thank you! Ang babait ninyo. Thank you!" masiglang chorus ng tatlo, nabigyan kasi sila ng limang malalaking piso.

Agad na hinati-hati ni Tino ang kanilang kinita. Bilang pinakamatanda, hindi na siya kinuwestyon ng dalawa kung magkano ang kabuuan ng kita nila. Basta masaya nang tinanggap ni Nonoy ang siyete pesos niyang kinita. Inabutan niya rin si Pikoy ng kaparehong halaga.

"Uuwi na ako. Mag-aalas-dose na!" Mabilis na tumakbo pauwi si Nonoy.

"Ingat.." kumaway pa ang kuya ni Pikoy. At nang makalayo ang kaibigan, pumulanghit ito ng tawa.

"Bakit?" maang na tanong ni Pikoy.

"Naloko natin si Nonoy."

"Ha?"

"May sampung piso pa akong nakatabi sa kabilang bulsa ko. Tig-lima pa tayo."

Malungkot na masayang tinanggap ni Pikoy ang limang piso.

Nagpuputukan na nang makauwi sila sa tahimik at madilim nilang bahay. Gising pa ang kanilang ina samantalang himbing na himbing naman ang kapatid nilang lalaki, na limang taong gulang.

"Mama, Merry Christmas po!" sabay abot ni Pikoy ng dalawang supot ng galletas.

"Salamat, anak! May pagsasaluhan tayo sa Noche Buena!" Hindi naitago ng ina ang kanyang mga luha.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...