Followers

Saturday, November 28, 2015

One-Million Dollar Trip to Mars

        
             “Maghapon ka na namang nag-aksaya ng oras, Martin! Hindi ka na naawa sa amin ng Mama mo! Tumigil ka nga sa pag-aaral,  ayaw mo namang magbanat ng buto. Bakit mayaman ka ba?” litanya ng tatay niya na kagagaling lamang sa trabaho.
        Hindi siya umimik. Nakatingin lamang siya sa kanyang ama. Kasalukuyang hawak niya ang soldering iron at lead. Kabisado na niya ang mga linyang iyon. Ilang buwan na rin naman niyang napapakinggan ang mga salitang iyon. Wala na nga siyang marinig na papuri mula sa kanyang ama. Ni hindi man lang siya tanungin kung para saan ang ginagawa niya o kung bakit ayaw niyang magtrabaho o mag-aral.
        Sumilip si Mang Berto sa loob ng kanyang kuwarto. “Ginawa mo nang laboratory itong kuwarto. Baliw ka ba? Andami mong abubot dito. Paano kung magkasunog dito? Ano ka ba, Martin, dise-nuwebe ka na!? Gamitin mo namang ‘yang tuktok mo!” Idinuro pa ng ama ang hintuturo sa kanyang sintido, bago tuluyang lumabas sa kanyang kuwarto. Ibinagsak pa niya ang pinto, dahilan upang mahulog ang naka-frame na sertipiko at medalya. 
       Nabasag ang salamin ng frame ng certificate of recognition ni Martin. Maingat niyang dinampot ang medalya at sertipiko. Naiwan ang mga bubog sa sahig.
       Pinagmasdan niya ang mga karangalang natanggap niya, noong nagtapos siya sa mataas na paaralan. Siya ang “Scientist of the Year” noon sa batch niya.
        Naalala niya ang araw na tinanggap niya ang pinakamataas na award na nakamit niya mula nang mag-aral siya.
        “Congratulations, Martin!” bati sa kanya ni Ginoong Salagumbay, pagkababa nila sa entablado.
       “Salamat din mo, Sir! Salamat sa pagiging mahusay na trainer at teacher sa akin.”
        “Mahusay ka. May talento. Ipagpatuloy mo lang ‘yan. Alam kong kaya mong marating ang lugar na naisin mo…” Tinapik pa siya ng guro sa balikat. “…kahit sa Mars.” Isang matamis na ngiti ang iginawad ni Mr. Salagumbay kay Martin bago sila naghiwalay.
       Muli niyang isinabit sa pako ang frame na walang nang salamin at ang medalya. Nakahanay doon ang isa pang frame. Kinuha niya ito.
       Muli siyang pinanghinaan ng loob. Tila binabayo ang kanyang puso. Pakiwari niya’y palapit na nang palapit ang kanyang kamatayan. Isang buwan na lang kasi ay bibiyahe na siya patungong Mars.
       Hindi niya maintindihan ang sarili niya. Nung una’y isang tagumpay ang turing niya sa kontratang pinirmahan niya sa isang pribadong kompanya. Para kasi sa kanya tinupad nila ang pangarap niyang maka-landing sa Mars. Subalit, pagkatapos ng dalawang linggo, nahintatakutan siya. Sasayangin niya ang kanyang buhay para lamang sa isang pangarap.
       “We are giving you one month to decide. This contract will be void, if you change your mind.” Narinig niya sa kanyang isip ang mga katagang iyon mula sa CEO ng CVC, Inc.. “Let’s meet again, one week before your travel to Mars for the signing of check, worth one million dollars. Good luck!”
       Nang pahirin niya ang mga luhang dumadaloy sa kanyang pisngi, saka lamang niya napansing nasugatan pala ang daliri niya. Humapdi ito nang maghalo ang dugo at luha niya.
       Tumungo siya sa lababo at naghugas. Naggagayat ng sibuyas ang kanyang ina.
       “Maghapon ka sa kuwarto mo, ‘nak. Di ka nagmeryenda,” malambing na bati sa kanya ng ina.
       “Hindi na po. Busog pa po ako…”
       “Ano ‘yang nangyari sa daliri mo?” Napansin pa rin ng ina, kahit maluha-luha ito sa sibuyas.
       “Wala po.”
       “Hay, naku, Martin! Halika ka nga dito. Masyado kang malihim at tahimik nitong mga nakaraang araw. May problema ka ba?’’ Lumapit na ang ina sa anak. “O, may sugat ka, e. Anong nangyari?”
       “Nahiwa po ng papel… Huwag na po kayong mag-alala. Okay lang po ako.” Binawi niya ang daliri mula sa kamay ng ina.
        “Umupo ka nga muna dito, anak.” Inurong ni Aling Martha ang upuang kahoy para kay Martin. “Matagal-tagal na ring hindi tayo nagkukuwentuhan, ‘nak.” Bumalik na rin sa kinauupuan ang ina, ngunit tinigilan na ang ginagawa. “Galit ka ba sa amin ng tatay mo?”
        “Wala po akong karapatang magalit sa inyo, Ma…”
        “Pasensiya ka na sa Papa mo. Alam mo naman… kayod-kalabaw siya para lang mapag-aral niya ang mga kapatid mo at mapakain niya tayo. Kung anuman ang naririnig mo sa kanya…”
        “Ma… kagustuhan ko naman pong tumigil sa pag-aaral. Pasensiya na po kayo kung hindi po ako makatulong sa pinasiyal.” Gusto niyang ituloy ang pagluha niya sa mga sandaling iyon, kaya kinuha niya ang chopping board, kutsilyo at sibuyas sa harap ng kanyang ina at sinimualn niyang hiwain. Ilang Segundo lang, maluha-luha na siya. “Ma, kung sakali mang mawala ako sa mundong ito… huwag po kayong mag-alala, may iiwanan ako para sa inyo, nina Papa at ng mga kapatid ko.”
       “Martin! Ano bang pinagsasabi mo?!’’ Tumindig agad ang ina niya upang yakapin siya. “Anak naman… huwag mong sasabihin ‘yan. Hindi iyan ang solusyon sa kahirapan ng buhay.”
        “Mauunawaan mo rin ako, Ma...”
        “Hindi! Hindi kita mauunawaan. Ayoko! Ayokong gumaganyan ka, anak...”
        Hindi na kumibo si Martin. Nagsidatingan na rin kasi ang mga kapatid niya mula sa paaralan. Tahimik siyang pumasok sa kanyang kuwarto-laboratoryo.
        Nang gabing iyon, hindi siya pinatulog ng isiping nalalapit na ang kanyang araw ng pagtanggap ng  malaking pera, kapalit ang buhay niya. Paulit-ulit niyang naririnig ang mga huling pangungusap ng kanyang ama.
       “Maghapon ka na namang nag-aksaya ng oras, Martin! Hindi ka na naawa sa amin ng Mama mo! Tumigil ka nga sa pag-aaral, ayaw mo namang magbanat ng buto. Bakit mayaman ka ba?”
         Nakakabingi. Nakakasama sa loob. Nakakalungkot…
         Alas-dos ng madaling araw, bumalikwas si Martin sa higaan. Desidido na siya.   
        Nagbukas siya ng ilaw. Ang spotlight ay itintutok niya sa isang suit na kahalintulad sa suot ng isang robot. Sinipat-sipat niya ito. Marami pa itong kulang. Marami pa siyang dapat idagdag. At iyon ang gusto niyang gawin sa mga nalalabing pitong araw.Sa pagbalik niya upang tanggapin ang tseke,  nais niyang ipanukala sa CEO ng CVC, Inc, na dadalhin niya sa Mars ang suit na binubuo niya.
        Walang inaksayang panahon si Martin. Halos, hindi na siya matulog at magpahinga. Hindi na rin siya nagpapapasok ng kapamilya sa kanyang kuwarto. Iniiwasan niya na rin ang pakikiapg-usap, kahit sa kanyang ina.
         Sa ikaanim na araw, nabuo niya ang suit. Lalong kumabog ang dibdib niya. Mataas man ang tiwala niya sa sarili niyang kakayahan, hindi niya rin maigagarantiya ang kakayahan ng kanyang imbensyon na iligtas siya sa posibleng kamatayan sa planetang Mars dahil isang beses niya lang puwede itong isuot. Ito ay nakalaan para sa biyahe niya pabalik sa mundo. Kung anuman ang kahihinatnan nito, tinanggap na niya. Ang mahalaga sa kanya, maibigay niya sa kanyang pamilya ang karangyaan... ang kayamanang minsan lang dumating sa buhay ng tao. Nagpapasalamat siya sa CVC dahil may pag-aaral silang ginawa sa Mars. Dahil dito, matutupad niya ang kanyang pangarap at maiiwanan pa ng pera ang kanyang pamilya. Para sa kanya, isa na itong tagumpay. Tama si Ginoong Salagumbay, kaya nga niyang makarating kahit saan niya naisin, kahit sa Mars.
          Pumayag ang CEO ng CVC, Inc., na dalhin niya ang kanyang imbensyon. Ang mahalaga raw ay maidala niya sa Mars ang isang mekanismo upang doon ay itanim. Pagkatapos, tahimik na tinanggap ni Martin ang tsekeng nagkakahalaga ng isang milyong dolyar na nakapangalan sa kanyang ama.
        “Thank you!”
         “It’s a one-million dollar travel, Martin. Remember, no quitting. See you next week.”
         Tumango lang siya at mabigat ang paa na lumabas sa opisina.
         “Anak naman…” Umiiyak na si Aling Martha. “Hindi namin hinangad na maging milyonaryo. Simpleng buhay lang ang kailangan namin ng Papa mo.” Hinawakan niya ang kamay ng asawa. “Di ba, Berto… Sabihin mo sa anak mo, na mali ang ginawa niya. Berto!” Niyugyog niya pa ang balikat ng nakayuko at natahimik na asawa.
         “Ma, Pa… at sa inyong dalawa kong mga utol… patawad.” Bumuhos na rin ang mga luha ni Martin. “Papa…” Tiningnan siya ng ama. Luhaan na rin ito. “…salamat sa lahat. Salamat sa inspirasyon…”
         Lumapit ang amang puspos ng luha at niyakap si Martin. “Patawad, anak. Hindi ko sinasadya...”
       Naging emosyonal ang pamilya sa mga oras na iyon. Pinilit nilang lahat si Martin upang magbago ng isip, ngunit nabigo lamang sila.
        Sa mga huling araw niyang natitira para makasama ang pamilya, pinilit niyang maging masaya. Sa kabila ng kalungkutang nadarama ng mga kapatid at mga magulang niya, sinikap niyang ipaunawa sa kanila ang sakripisyong gagawin niya ay para sa kanila. Binigyan din  niya ang pamilya ng pag-asang makakabalik siya sa mundo dahil sa kanyang imbensiyon.
        “Paano kung hindi?” Muli na namang tumulo ang luha ng kanyang ina.
        Hindi muna siya kumibo. Ikinulong muna niya sa kanyang braso ang ina. “Masaya na ako, Mama. Masaya na ako dahil matutupad na ang pangarap ko… At alam ko, naniniwala akong makakabalik ako. Babalik ako…”
         “Happy trip, Martin,” malungkot na bati ng CEO sa loob ng spacecraft na maghahatid sa kanya patungong Mars. Tinapik-tapik pa siya nito sa balikat, habang nakatitig naman siya sa suit na nakatayo doon. “God bless you.” Then, nakipagkamay pa ito sa kanya. “I don’t want to say this, but I have to… Rest in peace.”
          Tumulo ang mga luha ni Martin pagkalabas ng CEO. Kasunod niyon ang pagsimulang magbawas ng segundo ang timer ng sasakyan niya. Two-hundred eighty-six seconds na lang ay lilipad na siya.   
          Umusal siya ng panalangin. “Panginoon, gabayan Mo ako. Salamat, salamat po!”
          Tumunog na ang alarm. Hudyat ito na pumaimbulog na ang spacecraft. Hindi niya ito ramdam dahil ang nasa isip niya ay ang kanyang pagbabalik.     
          Ilang araw siyang nasa kalawakan. Pero, ilang oras ang ginugol niya upang gawin ang misyon sa Mars. Naitanim na niya doon ang mekanismo. Kung anuman iyon, hindi niya alam.
          Pagkatapos ay nagmadali siyang isuot ang suit.
          Isang humaharurot na bagay ang bumulwak mula sa pinto ng spaceship ni Martin. Tumuloy-tuloy ito patungong Earth.
          “Andami kong naging kasalanan kay Martin.’’ Nakaakbay si Mang Berto sa asawa, habang pareho silang nakatingin sa kalangitan. “Hindi ko man lang siya napatapos ng pag-aaral, pero siya pa ang nagbigay sa atin ng kaginhawaan.”
          “Kung mayaman lamang sana ako, hindi nangyari ito sa anak natin. Ang sakit sa loob, Berto.” Tuluyan nang bumuhos ang mga luha ni Aling Martha. Tumigil na rin siyang umasang bumalik ang anak mula sa Mars.  
           Mula sa likuran ng mag-asawa, isang pulang robot ang tahimik na lumanding, ngunit agad naman itong naramdaman ng dalawa dahil sa paggalaw ng lupa at pag-ihip ng mainit na hangin. Paglingon nila’y bumungad sa kanila si Martin.
        “Anak?!” magkasabay na bulalas ng mag-asawa.
        “O, Diyos ko, maraming salamat po!” ani Aling Martha.
         Lubos ang pasasalamat ng dalawa sa pagbabalik ni Martin. Hindi maipaliwanag ang kanilang damdamin.
         Dahil sa tagumpay ng biyahe ni Martin, kinilala siya ng Estados Unidos at Pilipinas bilang “Inventor of the 21st Century”. Pinag-aagawan rin ang kanyang imbensyon, ngunit wala ni isa mang kompanya ang nakabili nito. Para sa kanya, walang halaga ang kanyang suit.
        
         
         
             


     
               
      
               
      




No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...