Followers

Wednesday, November 18, 2015

Lumuha Ka Lang, Earth


LUMUHA KA LANG, EARTH


Isang araw, sa kalawakan, nagkabangayan ang magkakaibigang planeta.

Bumida si Earth sa usapan. "Ikaw, Mercury, sipsip ka kay Sun. Nilapit mo talaga ang sarili mo. Ayan tuloy, ang init mo lagi. Hindi ka madapuan kahit isang ibon."

"Hindi ko nilapit ang sarili ko. Ako ang pinakamaliit sa inyong lahat, kaya dapat nasa liwanag ako. Gusto mo bang maapakan ako? Reklamo ka nang reklamo. Ikaw nga malapit din kay Sun. Pangatlo ka naman, ‘di ba?" sagot ni Mercury.

"Naku, Earth! Kinaiinggitan mo pa itong si Mercury," sabat naman ni Venus. "Wala nga siyang buwan at ring. Ang nipis pa ng atmosphere niya." Tinapik-tapik niya ang likod ni Earth. "Kaibigan, huwag kang magpanibugho. Nasa iyo na ang lahat. May tubig ka. Ang lupa mo ay natitirhan ng mga hayop at tao. Samantalang ako, maaari raw akong matirhan ng tao, pero ano? May nakatira ba? May gusto bang tumira? Wala! Kaya, ipagpasalamat mo na kung ano ang meron ka."

Lumapit naman si Mars, na kanina pa namumula sa inis at galit kay Earth. "Ikaw, Earth, wala kang kakuntentuhan. Pati ang mga taong nakatira sa 'yo, nagmana sa 'yo! Mga taong asal-hayop!"

"Teka... teka, Mars! Huwag mo akong paratangan ng gan’yan. Iba ako sa mga taong naninirahan sa akin," medyo mahinahong paliwanag ni Earth.

"Oo, iba ka nga, pero hindi mo ba alam na napaka-spoiled na ng mga taong pinatitira mo sa mga lupa mo? Gusto na nilang kamkamin lahat ng sa 'yo. Ang masama pa, pati ako... Oo, pati ako ay gusto nilang angkinin."

"Mars, paumanhin..." singit ni Venus. "Walang kinalaman si Earth sa kagustuhan ng mga tao na marating at mapag-aralan ka."

"Oo, sana nga, Venus. Pagsabihan niya ang mga tao niya!" Inis na lumayo si Mars sa umpukan.

"Tama sila, Earth," sang-ayon ni Jupiter, ang pinakamalaki sa kanilang walo.

"Huwag kang mangialam dito, Jupiter! Malaki ka lang, pero wala kang binatbat!" sawata ni Earth sa kaibigang dambuhala.

Umihip ang hangin sa paligid ni Jupiter. Namula rin nang husto ang kanyang mga spots. Nagliwanag siya dahil sa inis niya ang kanyang tatlumpu't walong buwan.

"Oops, sandali... sandali!" Napigilan agad ni Saturn si Jupiter na nakakuyom na ang mga kamao upang sunggaban si Earth.

"Bitiwan mo ako, Saturn! Tuturuan ko ng leksiyon 'yang lapastangang 'yan!" Nagpupumilit pang lumapit si Jupiter kay Earth, pero dahil malaki at malakas si Saturn, nagawa niyang ilayo ang kaibigan.

Kalmado pa rin si Earth. Tila, hindi apektado sa mga kinilos ni Jupiter.

"Kayang-kaya kitang durugin, Earth!

Sa malayo, inalo-alo ni Saturn si Jupiter. "Tama na! Ganyan talaga, si Earth. Unawain na lang natin. Problemado kasi siya ngayon. Sa dami ng mga nangyayari sa kanyang kalupaan at sangkatauhan, hindi na niya naisip ang mga magagandang bagay na meron siya, bagkus kinaiinggitan pa niya ang mga bagay na meron tayo."

Tila kumbinsido naman si Jupiter sa tinuran ng kaibigan, kaya nanahimik siya.

Ang tahimik at tila nilalamig laging si Uranus ay nilapitan si Earth. Niyakap niya ang kaibigan. Ilang minuto silang magkadikit. Nang naramdaman niya na bumaba na ang init ng ulo ni Earth, nagsalita na siya. "Alam mo, kaibigan... nauunawaan kita... ka namin. Hindi biro ang mga pinagdadaanan mo sa ngayon. Ang mga taong pinatira mo sa mga lupa mo ay siya ring sumisira sa mga magagandang kalikasan mo. Sila-sila ay nagpapahirapan, nagnanakawan, at nagpapatayan. Nalulungkot kami para sa 'yo..."

Tumingin si Earth sa mga malalamlam na mata ni Uranus. "Mali ba ako? Mali bang maging mapagbigay? At kayo ang tama dahil kayo ay mararamot?"

"Hindi mo kami nauunawaan, Earth. Oo, mararamot kami dahil ayaw naming tumanggap ng mga tao. Hindi kami nila matirhan at mapuntahan, pero hindi ibig sabihin ay maramot kami. Iniisip din namin ang kapakanan ng bawat isa sa atin. Tingnan mo 'yang si Neptune..."

Pinukol naman ni Earth ng tingin si Neptune na napakalayo sa kanila. Namimilipit siya sa lamig.

"Malamig ang pakikitungo niya sa ating lahat, subalit hindi mo maiaalis sa kanya ang pag-aaalala niya sa 'yo."

Umismid si Earth. Hindi siya kumbinsido sa tinuran ni Uranus. "Makasarili 'yan, kaya ganyan! Tingnan mo, malayo nga siya kay Sun at Moon, pero may sarili pa ring buwan. Siyam na buwan pa. Ang yabang niya. Ang ganda sana ng kulay-asul niyang liwanag, hindi naman maapuhap kapag kailangan."

Nalungkot si Uranus sa reaksiyon ng kaibigan. Laylay-balikat siyang lumayo. Tinungo niya sina Sun at Moon.

Limang minuto ang nakalipas, dumating na ang dalawang nakakatanda nilang kaibigan.

"Nagsumbong na pala si Uranus sa inyo!" inis na tumalikod si Earth upang layuan ang dalawa. Agad siyang naharang ni Venus. Inakbayan siya palapit sa dalawa.

"Makinig ka muna sa kanila," ani Venus bago niya iniwan ang tatlo.

"Salamat, Venus!'" sabi ni Moon. "Ang lakas mo talaga kay Earth."

Napangiti na lang si Venus.

"Tinalo mo pa ako sa init ng ulo, Earth. May problema ka ba sa mga kaibigan mo?" malambing na tanong ni Sun.

"Wala po... Sila po ang may problema sa akin. Mga inggetero at inggetera.''

"Ganoon ba talaga ang pagkaunawa mo?'' Si Moon naman ang nagtanong. Nagpakawala ito ng liwanag, simbolo ng paggabay sa kadiliman ng isip at damdamin.

Nahiya si Earth. Yumuko siya.

"Earth, hindi namin hangad na humingi ka ngayon ng tawad sa mga kaibigan mo dahil sa mga nasabi mo sa kanila. Ang amin lang ay sana maunawaan mo ang mga bagay-bagay, kung bakit ikaw ay nasa kinatatayuan mo at kung bakit ikaw lang ang biniyayaan ng Maykapal na napakagagandang bagay." Nagbawas siya ng init upang hindi na mag-init ang ulo ni Earth. "Tingnan mo, kay gaganda ng iyong mga karagatan, mga ilog, mga bundok, bulkan, burol o kapatagan. Kay ririkit ng mga kagubatan mo. Andaming kahali-halinang hayop na nananahan sa mga kalupaan at katubigan mo."

Tumingin si Earth sa mga mata ni Sun. Sinulyapan niya rin si Moon. "Patawarin ni’yo po ang naging asal ko. Siguro nga po ay naging bulag ako sa katotohanan. Nasa akin na pala ang lahat. Ako na nga ang pinakamapalad na planeta sa lahat... pero dahil sa mga suliraning ginagawa ng mga taong pinatitira ko..." Tuluyan nang umagos ang mga luha ni Earth.

"Tahan na, Earth... Salamat naman at na-realize mo na ang iyong pagkakamali," wika ni Moon. "Ang mga tao lang naman ang dahilan kung bakit ka nagkakaganyan. Sinisira nila ang iyong ganda at yaman. Masahol pa sila sa mga hayop."

"Salamat sa Diyos dahil walang tao sa atin, Moon."

"Tama ka, Sun!"

"Yes, Moon... Sana alam ng mga taon kung paano pahalagahan si Earth. "Huwag nilang hintaying sumuko na pati ang kaisa-isang planeta na maaari nilang tirahan. Ako nga'y nagiging marahas na sa kanila. Kaya, hayan, unti-unti nilang natitikman ang init ng aking mga silahis."

"Ako, mananatili akong gabay nila tuwing sasapit ang kadiliman. Patuloy akong magniningning upang tanglawan sila. Sana lang... sana lang ay malaman nila ang halaga natin sa kanila.

"Sana..." Punong-puno ang pag-asa ni Sun.

"Salamat po sa inyong dalawa!" sabi ni Earth. Itim na itim na ang mga luha niya.

"Walang anuman, Earth."

"Sige lang, Earth, lumuha ka lang…" ani Sun na labis na naaawa sa kanya. "...hanggang sa makita ng mga tao ang iyong pighati."

Patuloy na lumuha si Earth. Walang sinuman ang nakapagpatigil nito.








No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...