Followers

Thursday, November 26, 2015

Walang Silbi

Nag-walk out si Ginang Matias sa kanyang klase dahil na naman sa pagpapasaway ng isa niyang estudyante na si Pedro. Hindi niya maatim na sinagot-sagot siya ng bata. Ayaw rin naman niyang makasakit.

Sa hardin, na nasa tapat ng classroom,  natagpuan niya ang sarili. Ito ang madalas niyang gawin kapag naha-high blood siya sa mga pasaway lalo na kay Pedro. Kahit paano nababawasan ang kanyang pagkayamot kapag nakikita niya ang mga halaman niya, lalo na ang rosas.

Alagang-alaga niya ang kanyang mga halaman. Gumugugol siya rito ng oras upang hindi ito mangamatay at manatiling namumulaklak.

Nang naglaho na ang kanyang galit, pumasok na siya sa magulo at marumi pa rin nilang silid-aralan. Hindi na niya ito pinansin. Ang mahalaga ay maipaalala niya uli sa kanyang mga mag-aaral na sa buong linggo, simula sa Lunes, ay walang pasok dahil sa APEC.

"Sa mga araw na walang pasok, magbasa naman kayo at mag-aral," payo niya habang nakikita niyang abot-tainga ang ngiti ng mga bata. "Hay, salamat! Makakapagpahinga rin ako sa seldang ito." dagdag niya pa. " Ikaw, Pedro... hangga't maaari, ayaw na kitang makita pagpasok. Wala kang gawang matino. Wala ka na ngang silbi, pasaway ka pa!"

Noon niya lamang nabitawan ang mga katagang iyon, marahil ay dahil sa kanyang pagkapuno. Natahimik nga ang buong klase. Nakita pa niyang napayuko na lang si Pedro,  na dati-rati ay nakikipagtitigan pa sa kanya tuwing siya ay pinapagalitan.

Lumipas ang tatlong araw, saka lamang naalala ni Gng. Matias ang kanyang hardin. Natuliro agad siya dahil alam niyang magkakandamatayan ang mga tanim niya. Gustuhin man niyang madiligan ang mga iyon ay imposible dahil nasa probinsiya siya. Kung naalala niya lang sana sa Manila na lang siya namalagi habang long weekend.

Ilang araw rin siyang balisa. Hindi na halos siya makakain at makatulog dahil sa kaiisip. Hanggang kinalingguhan, tinanggap na niya na pagdating niya sa school kinabukasan ay bubungad na sa kanya ang mga lanta at patay na halaman.

Lunes. Namilog ang mga mata ni Gng. Matias sa pagkamangha. Buhay na buhay ang mga halaman niya. Sabay-sabay pang namulaklak ang mga rosas. Nawala na rin ang mga nagtataasang damo.

"Umulan ba dito noong APEC?" tanong niya sa mga bata.

"Hindi po!" sabay-sabay na sagot ng mga estudyanteng nasa pila. Wala doon si Pedro.

Natuwa si Gng. Matias dahil wala ang kinaiinisan niyang estudyante at dahil nagkaroon ng himala sa kanyang hardin.

"Hindi pala umulan... Mabuti naman at hindi natuyot ang mga halaman ko. Hala, pasok na."

"Ikaw, Virgie... pasok na."

"May sakit po si P-pedro." Nautal pa ito.

Tiningnan niya lang ang estudyante at tumango siya. Parang ipinakita niyang wala siyang pakialam.

Pagkaupo ng mga bata, agad na kinolekta ng guro ang mga takdang-aralin.

"Mam... pinabibigay po ni Pedro." Inabot ni Virgie ang isang portfolio.

"Nagmilagro at nakagawa siya ng proyekto!" sarkastikong bulalas ni Gng. Matias. "Kaya pala siya nagkasakit."

"Hindi po dahil sa portfolio, Mam... Araw-araw po siyang nasa garden niyo." Tumalikod na si Virgie.

Lumabas ang guro. Muli niyang sinilip ang hardin niya. Doon ay tila nginitian siya ni Pedro, habang nagdidilig ng mga rosas.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...