Followers

Saturday, November 28, 2015

One-Million Dollar Trip to Mars

        
             “Maghapon ka na namang nag-aksaya ng oras, Martin! Hindi ka na naawa sa amin ng Mama mo! Tumigil ka nga sa pag-aaral,  ayaw mo namang magbanat ng buto. Bakit mayaman ka ba?” litanya ng tatay niya na kagagaling lamang sa trabaho.
        Hindi siya umimik. Nakatingin lamang siya sa kanyang ama. Kasalukuyang hawak niya ang soldering iron at lead. Kabisado na niya ang mga linyang iyon. Ilang buwan na rin naman niyang napapakinggan ang mga salitang iyon. Wala na nga siyang marinig na papuri mula sa kanyang ama. Ni hindi man lang siya tanungin kung para saan ang ginagawa niya o kung bakit ayaw niyang magtrabaho o mag-aral.
        Sumilip si Mang Berto sa loob ng kanyang kuwarto. “Ginawa mo nang laboratory itong kuwarto. Baliw ka ba? Andami mong abubot dito. Paano kung magkasunog dito? Ano ka ba, Martin, dise-nuwebe ka na!? Gamitin mo namang ‘yang tuktok mo!” Idinuro pa ng ama ang hintuturo sa kanyang sintido, bago tuluyang lumabas sa kanyang kuwarto. Ibinagsak pa niya ang pinto, dahilan upang mahulog ang naka-frame na sertipiko at medalya. 
       Nabasag ang salamin ng frame ng certificate of recognition ni Martin. Maingat niyang dinampot ang medalya at sertipiko. Naiwan ang mga bubog sa sahig.
       Pinagmasdan niya ang mga karangalang natanggap niya, noong nagtapos siya sa mataas na paaralan. Siya ang “Scientist of the Year” noon sa batch niya.
        Naalala niya ang araw na tinanggap niya ang pinakamataas na award na nakamit niya mula nang mag-aral siya.
        “Congratulations, Martin!” bati sa kanya ni Ginoong Salagumbay, pagkababa nila sa entablado.
       “Salamat din mo, Sir! Salamat sa pagiging mahusay na trainer at teacher sa akin.”
        “Mahusay ka. May talento. Ipagpatuloy mo lang ‘yan. Alam kong kaya mong marating ang lugar na naisin mo…” Tinapik pa siya ng guro sa balikat. “…kahit sa Mars.” Isang matamis na ngiti ang iginawad ni Mr. Salagumbay kay Martin bago sila naghiwalay.
       Muli niyang isinabit sa pako ang frame na walang nang salamin at ang medalya. Nakahanay doon ang isa pang frame. Kinuha niya ito.
       Muli siyang pinanghinaan ng loob. Tila binabayo ang kanyang puso. Pakiwari niya’y palapit na nang palapit ang kanyang kamatayan. Isang buwan na lang kasi ay bibiyahe na siya patungong Mars.
       Hindi niya maintindihan ang sarili niya. Nung una’y isang tagumpay ang turing niya sa kontratang pinirmahan niya sa isang pribadong kompanya. Para kasi sa kanya tinupad nila ang pangarap niyang maka-landing sa Mars. Subalit, pagkatapos ng dalawang linggo, nahintatakutan siya. Sasayangin niya ang kanyang buhay para lamang sa isang pangarap.
       “We are giving you one month to decide. This contract will be void, if you change your mind.” Narinig niya sa kanyang isip ang mga katagang iyon mula sa CEO ng CVC, Inc.. “Let’s meet again, one week before your travel to Mars for the signing of check, worth one million dollars. Good luck!”
       Nang pahirin niya ang mga luhang dumadaloy sa kanyang pisngi, saka lamang niya napansing nasugatan pala ang daliri niya. Humapdi ito nang maghalo ang dugo at luha niya.
       Tumungo siya sa lababo at naghugas. Naggagayat ng sibuyas ang kanyang ina.
       “Maghapon ka sa kuwarto mo, ‘nak. Di ka nagmeryenda,” malambing na bati sa kanya ng ina.
       “Hindi na po. Busog pa po ako…”
       “Ano ‘yang nangyari sa daliri mo?” Napansin pa rin ng ina, kahit maluha-luha ito sa sibuyas.
       “Wala po.”
       “Hay, naku, Martin! Halika ka nga dito. Masyado kang malihim at tahimik nitong mga nakaraang araw. May problema ka ba?’’ Lumapit na ang ina sa anak. “O, may sugat ka, e. Anong nangyari?”
       “Nahiwa po ng papel… Huwag na po kayong mag-alala. Okay lang po ako.” Binawi niya ang daliri mula sa kamay ng ina.
        “Umupo ka nga muna dito, anak.” Inurong ni Aling Martha ang upuang kahoy para kay Martin. “Matagal-tagal na ring hindi tayo nagkukuwentuhan, ‘nak.” Bumalik na rin sa kinauupuan ang ina, ngunit tinigilan na ang ginagawa. “Galit ka ba sa amin ng tatay mo?”
        “Wala po akong karapatang magalit sa inyo, Ma…”
        “Pasensiya ka na sa Papa mo. Alam mo naman… kayod-kalabaw siya para lang mapag-aral niya ang mga kapatid mo at mapakain niya tayo. Kung anuman ang naririnig mo sa kanya…”
        “Ma… kagustuhan ko naman pong tumigil sa pag-aaral. Pasensiya na po kayo kung hindi po ako makatulong sa pinasiyal.” Gusto niyang ituloy ang pagluha niya sa mga sandaling iyon, kaya kinuha niya ang chopping board, kutsilyo at sibuyas sa harap ng kanyang ina at sinimualn niyang hiwain. Ilang Segundo lang, maluha-luha na siya. “Ma, kung sakali mang mawala ako sa mundong ito… huwag po kayong mag-alala, may iiwanan ako para sa inyo, nina Papa at ng mga kapatid ko.”
       “Martin! Ano bang pinagsasabi mo?!’’ Tumindig agad ang ina niya upang yakapin siya. “Anak naman… huwag mong sasabihin ‘yan. Hindi iyan ang solusyon sa kahirapan ng buhay.”
        “Mauunawaan mo rin ako, Ma...”
        “Hindi! Hindi kita mauunawaan. Ayoko! Ayokong gumaganyan ka, anak...”
        Hindi na kumibo si Martin. Nagsidatingan na rin kasi ang mga kapatid niya mula sa paaralan. Tahimik siyang pumasok sa kanyang kuwarto-laboratoryo.
        Nang gabing iyon, hindi siya pinatulog ng isiping nalalapit na ang kanyang araw ng pagtanggap ng  malaking pera, kapalit ang buhay niya. Paulit-ulit niyang naririnig ang mga huling pangungusap ng kanyang ama.
       “Maghapon ka na namang nag-aksaya ng oras, Martin! Hindi ka na naawa sa amin ng Mama mo! Tumigil ka nga sa pag-aaral, ayaw mo namang magbanat ng buto. Bakit mayaman ka ba?”
         Nakakabingi. Nakakasama sa loob. Nakakalungkot…
         Alas-dos ng madaling araw, bumalikwas si Martin sa higaan. Desidido na siya.   
        Nagbukas siya ng ilaw. Ang spotlight ay itintutok niya sa isang suit na kahalintulad sa suot ng isang robot. Sinipat-sipat niya ito. Marami pa itong kulang. Marami pa siyang dapat idagdag. At iyon ang gusto niyang gawin sa mga nalalabing pitong araw.Sa pagbalik niya upang tanggapin ang tseke,  nais niyang ipanukala sa CEO ng CVC, Inc, na dadalhin niya sa Mars ang suit na binubuo niya.
        Walang inaksayang panahon si Martin. Halos, hindi na siya matulog at magpahinga. Hindi na rin siya nagpapapasok ng kapamilya sa kanyang kuwarto. Iniiwasan niya na rin ang pakikiapg-usap, kahit sa kanyang ina.
         Sa ikaanim na araw, nabuo niya ang suit. Lalong kumabog ang dibdib niya. Mataas man ang tiwala niya sa sarili niyang kakayahan, hindi niya rin maigagarantiya ang kakayahan ng kanyang imbensyon na iligtas siya sa posibleng kamatayan sa planetang Mars dahil isang beses niya lang puwede itong isuot. Ito ay nakalaan para sa biyahe niya pabalik sa mundo. Kung anuman ang kahihinatnan nito, tinanggap na niya. Ang mahalaga sa kanya, maibigay niya sa kanyang pamilya ang karangyaan... ang kayamanang minsan lang dumating sa buhay ng tao. Nagpapasalamat siya sa CVC dahil may pag-aaral silang ginawa sa Mars. Dahil dito, matutupad niya ang kanyang pangarap at maiiwanan pa ng pera ang kanyang pamilya. Para sa kanya, isa na itong tagumpay. Tama si Ginoong Salagumbay, kaya nga niyang makarating kahit saan niya naisin, kahit sa Mars.
          Pumayag ang CEO ng CVC, Inc., na dalhin niya ang kanyang imbensyon. Ang mahalaga raw ay maidala niya sa Mars ang isang mekanismo upang doon ay itanim. Pagkatapos, tahimik na tinanggap ni Martin ang tsekeng nagkakahalaga ng isang milyong dolyar na nakapangalan sa kanyang ama.
        “Thank you!”
         “It’s a one-million dollar travel, Martin. Remember, no quitting. See you next week.”
         Tumango lang siya at mabigat ang paa na lumabas sa opisina.
         “Anak naman…” Umiiyak na si Aling Martha. “Hindi namin hinangad na maging milyonaryo. Simpleng buhay lang ang kailangan namin ng Papa mo.” Hinawakan niya ang kamay ng asawa. “Di ba, Berto… Sabihin mo sa anak mo, na mali ang ginawa niya. Berto!” Niyugyog niya pa ang balikat ng nakayuko at natahimik na asawa.
         “Ma, Pa… at sa inyong dalawa kong mga utol… patawad.” Bumuhos na rin ang mga luha ni Martin. “Papa…” Tiningnan siya ng ama. Luhaan na rin ito. “…salamat sa lahat. Salamat sa inspirasyon…”
         Lumapit ang amang puspos ng luha at niyakap si Martin. “Patawad, anak. Hindi ko sinasadya...”
       Naging emosyonal ang pamilya sa mga oras na iyon. Pinilit nilang lahat si Martin upang magbago ng isip, ngunit nabigo lamang sila.
        Sa mga huling araw niyang natitira para makasama ang pamilya, pinilit niyang maging masaya. Sa kabila ng kalungkutang nadarama ng mga kapatid at mga magulang niya, sinikap niyang ipaunawa sa kanila ang sakripisyong gagawin niya ay para sa kanila. Binigyan din  niya ang pamilya ng pag-asang makakabalik siya sa mundo dahil sa kanyang imbensiyon.
        “Paano kung hindi?” Muli na namang tumulo ang luha ng kanyang ina.
        Hindi muna siya kumibo. Ikinulong muna niya sa kanyang braso ang ina. “Masaya na ako, Mama. Masaya na ako dahil matutupad na ang pangarap ko… At alam ko, naniniwala akong makakabalik ako. Babalik ako…”
         “Happy trip, Martin,” malungkot na bati ng CEO sa loob ng spacecraft na maghahatid sa kanya patungong Mars. Tinapik-tapik pa siya nito sa balikat, habang nakatitig naman siya sa suit na nakatayo doon. “God bless you.” Then, nakipagkamay pa ito sa kanya. “I don’t want to say this, but I have to… Rest in peace.”
          Tumulo ang mga luha ni Martin pagkalabas ng CEO. Kasunod niyon ang pagsimulang magbawas ng segundo ang timer ng sasakyan niya. Two-hundred eighty-six seconds na lang ay lilipad na siya.   
          Umusal siya ng panalangin. “Panginoon, gabayan Mo ako. Salamat, salamat po!”
          Tumunog na ang alarm. Hudyat ito na pumaimbulog na ang spacecraft. Hindi niya ito ramdam dahil ang nasa isip niya ay ang kanyang pagbabalik.     
          Ilang araw siyang nasa kalawakan. Pero, ilang oras ang ginugol niya upang gawin ang misyon sa Mars. Naitanim na niya doon ang mekanismo. Kung anuman iyon, hindi niya alam.
          Pagkatapos ay nagmadali siyang isuot ang suit.
          Isang humaharurot na bagay ang bumulwak mula sa pinto ng spaceship ni Martin. Tumuloy-tuloy ito patungong Earth.
          “Andami kong naging kasalanan kay Martin.’’ Nakaakbay si Mang Berto sa asawa, habang pareho silang nakatingin sa kalangitan. “Hindi ko man lang siya napatapos ng pag-aaral, pero siya pa ang nagbigay sa atin ng kaginhawaan.”
          “Kung mayaman lamang sana ako, hindi nangyari ito sa anak natin. Ang sakit sa loob, Berto.” Tuluyan nang bumuhos ang mga luha ni Aling Martha. Tumigil na rin siyang umasang bumalik ang anak mula sa Mars.  
           Mula sa likuran ng mag-asawa, isang pulang robot ang tahimik na lumanding, ngunit agad naman itong naramdaman ng dalawa dahil sa paggalaw ng lupa at pag-ihip ng mainit na hangin. Paglingon nila’y bumungad sa kanila si Martin.
        “Anak?!” magkasabay na bulalas ng mag-asawa.
        “O, Diyos ko, maraming salamat po!” ani Aling Martha.
         Lubos ang pasasalamat ng dalawa sa pagbabalik ni Martin. Hindi maipaliwanag ang kanilang damdamin.
         Dahil sa tagumpay ng biyahe ni Martin, kinilala siya ng Estados Unidos at Pilipinas bilang “Inventor of the 21st Century”. Pinag-aagawan rin ang kanyang imbensyon, ngunit wala ni isa mang kompanya ang nakabili nito. Para sa kanya, walang halaga ang kanyang suit.
        
         
         
             


     
               
      
               
      




Friday, November 27, 2015

Hijo de Puta: Ciento bente-uno

"Salamat pa rin sa pagdalaw mo, Lianne..." Idinantay ko ang nanghihna kong palad sa kamay niya. Nabawi ko na ang lungkot ko. Pilit ko na lang ikinubli ito upang masilayan kong muli ang ngiti sa mga labi ng pinakamamahal kong babae.

Hindi ako nagkamali. Ipinasilay niya sa akin ang napakatamis niyang ngiti. Nalunod ako. Wari ko'y bigla akong lumakas. "Nag-alala ako sa'yo... Mabuti na lang, paluwas na talaga ako ng Manila nang may nagtext sa akin."

Nagyakap ang mga daliri namin nang di namin namalayan.

"Gusto kong malaman kung sino ang nagdala sa akin dito." kako.

"Hindi nakarehistro ang number ng nagtext sa phonebook ko... Wait lang.." Bibitiw na sana siya sa pagkakahawak namin sa isa't isa.

"H'wag na, Lianne... Mamaya natin malalaman sa doktor. O kaya sa information.."

"Okay."

Naramdaman kong pinisil-pisil niya ang mga daliri ko. Kakaibang sensasyon ang aking naramdaman. Hindi lang kuryente. Muntik na akong mapapikit sa ligayang iyon. "Lianne, natatakot akong mag-isa. Please, huwag ka munang umalis." Gusto ko sanang sabihin 'yun, pero inabot ako ng hiya. Ayokong sabihing nagdradrama ako. Sanay naman akong mag-isa.

Pinagmasdan ko ang mukha ni Lianne habang wala kaming masabi sa isa't isa. Nagkatitigan kami hanggang naibaba na lang niya ang kanyang tingin.

"Sino ang gumawa sa'yo nito, Hector?" pagbubukas muli ni Lianne ng usapan. That time, siya naman ang nakatitig sa akin.

Ako, nakatingin lang sa kawalan. Mahabang sandali ko ring pinag-isipan kong sasabihin ko ba sa kanya ang lahat ng nangyari o hindi. Alam naman niya ang uri ng trabaho ko kaya nahuhulaan kong may ideya na siya. Pero, hindi niya pa alam ang tungkol kay Val. Ayokong malaman niya pa iyon. Hindi kami nagkakilala ni Val. Hindi siya ang may gawa niyon sa akin.

"Sino, Hector?" Bahagya akong napitlag sa muli niyang pagtanong. Tila isang makapangyarihang tinig ang naulinig ko mula sa babaeng nagmamalasakit sa akin.

"Si Val! Si Val.."

"Sino si Val?''




Hijo de Puta: Ciento bente

Nasa puting kuwarto na ako nang makamulat ako. Dalawa na ang benda ko-- sa tagiliran at sa braso. Hindi pala panaginip ang nangyari sa akin, sa kamay ni Val. Isa pala itong bangungot. Muntik na niya akong makuha at mapatay.

Nakuyom ko ang mga kamao ko ngunit humapdi lamang ang mga sugat ko. Sa mga oras na iyon ay wala akong magagawa kundi magpagaling at magpakalakas. Bubuwelta ako.

Tatlong katok ang narinig ko sa pinto bago pumasok ang lalaking nurse. "Magandang hapon po, Sir! BP lang po."

Tumango ako at hinayaan ko siyang kunin ang blood pressure ko.

"120/90."

"Nurse, sino ang nagdala sa akin dito?" tanong ko. Gusto kong malaman kung sino at paano ako nakarating nang buhay sa hospital. Utang na loob ko sa kanya ang buhay ko.

"Kaka-duty ko lang po kasi, Sir. Hayaan niyo po, itatanong ko sa information..."

Tumango uli ako.

"May kailangan pa po kayo?"

Umiling ako. 

Maraming minuto ang lumipas, dalawang mararahang katok ang pumutol sa pagkaidlip ko. Akala ko ay nurse uli ang papasok ngunit nagulat ako sa pagpasok ni Lianne. "Hello, Hector!' bati niya habang marahan lumapit sa akin.

Napatda ako sa kagandahang taglay niya. Parang kailan lang. Marahil ay nakabawi na siya ng tulog mula sa ilang araw na pagod at puyat. "M-mabuti naman, Lianne."

Ipinatong niya muna ang dala niyang mga prutas bago siya muling nagsalita. "Kumusta na ang pakiramdam mo?'' Hinawakan niya pa ang braso ko na lalong napapintig ng puso ko. Isang kuryente pa ang dumaloy mula sa aking braso hanggang sa aking alaga.

Lumunok muna ako ng laway. "M-maayos na. Salamat nga pala sa pagdala mo sa akin dito. Utang ko sa'yo ang buhay ko..."

Kumunot ang noo ni Lianne. "Hindi! Hindi ako ang nagdala sa'yo dito,'' mariing tanggi ni Lianne. Umurong pa siya ng isang hakbang. Tapos, inusog niya palapit sa akin ang upuang nasa tabi ng side table. "May nagtext lang sa akin..."

Nalungkot ako. Akala ko'y siya ang bayani ko. Natahimik kaming pareho. Nag-isip ako. Siya naman ay nagtatanong at naghihintay ng reaksiyon ko.








Hijo de Puta: Ciento dise-nuwebe

"Turn around..." utos ni Val. Ramdam ko ang otoridad sa kanyang salita lalo na nang inulit niya pa ito. 
Tagos na tingin ang iginawad ko sa kanya bago sinunod ang gusto niya ngunit hindi pa rin ako makaisip ng paraan kung paano ko siya dadambahin.
"Sayaw pa!" Bahagya pa akong nagulat sa sinabi niya.
Sinimulan ko uling igiling ang katawan kong nababalot ng takot at galit. Maya-maya, narinig ko ang Careless Whisper mula sa cellphone ni Val. Kung alam ko lang na nagbukas at nag-browse siya sa cellphone niya, sinamantala ko nang agawin ang hawak niyang baril.
Nakakalibog ang tugtog. Naaalala ko ang mga sandaling isinasayaw ko ang musikang iyon sa bar. Imbes na mawalan ako ng ganang sumayaw, lalo pa akong tinigasan.
"Val? Huwag..." Nakatutok na sa likod ko ang dulo ng kanyang kalibre.
"Umayon ka lang... Di ka masasaktan." Matigas na ang boses niya. Parang hindi na siya si Val. Lalaking-lalaki naman pala siya, naisip ko.
"Huwag na ako, Val..." Naramdaman ko naman kasi ang matigas niyang alaga na tumusok sa kanal ng behind ko. Mainit. Nakakalibog, pero hindi ako papayag sa gusto niya.
Dumampi na ang labi niya sa may batok ko, tapos bumaba hanggang sa may balikat ko. Kakaibang sensasyon ang hatid nito sa akin. Parang ayaw ko nang tumanggi.
Naging alerto ako. Ang maagaw ko ang baril niya ang tangi kong gustong magawa.
"Ang sarap mo, Hector..." bulong niya. Pagkadaka'y nasa kamay na niya si Manoy. Nilaro-laro niya habang pakadyot-kadyot naman siya sa puwitan ko. Ramdam ko ang pagpupimilit na sumingit sa pagitan ng mga hita ko ang kanyang mahaba at matigas na alaga.
Matagal niyang pinaglaro ang mga labi niya sa likod ko, kasabay ng pagkukumayog ng kanyang sawa na matuklaw ako. Hinayaan ko lamang siya. Gusto ka na ngang ma-carried away. Ang sarap niya kasing magpainit.
Tumigil siya, ikang segundo ang lumipas pagkatapos kong mapapikit sa sarap. Then, itinulak niya ako sa kama.
"Manatili kang nakadapa!" aniya, bago pa man ako nakatihaya.
Wala siyang sinayang na sandali. Pumatong siya sa akin. Mas ramdam ko na noon ang katigasan niya habang nakatutok naman sa sintido ko ang baril niya.
"Shit ka, Val! Tigilan mo na 'to!" Nasasaktan na ako sa ginagawa niya. Hindi na libog ang nararamdaman ko. Poot na.
Pumitlag ako sa kabila ng sakit na nararamdaman ko sa sugat. Hinawakan ko baril at buong lakas kong binuwag ang pagkakadagan sa akin ni Val ngunit agad din naman niya akong nakubabawan at natutukan ng baril ang ulo ko.
"Fuck you! Hindi mo ako kaya, Hector!" Nakadagan pa rin siya.
Desidido na akong manlaban. Mabilis kong sinanggi ang kamay niya at nagawa kong tumihaya. Nawala ang balanse niya at nahulog sa kama. Agad akong bumangon upang kunin ang alarm clock sa side table at ipukol sa kanyang ulo pero pagharap ko, nakatutok na ang baril sa mukha ko.
"Put it down!" Hindi na siya kakitaan ng kabaitan. Demonyo na ang tingin ko sa kanya.
Binato ko siya. Kaya lang, nakailag siya. Pagkatapos ay nagulat kaming pareho. Nakalabit niya ang gatilyo.
"Shit, Val..." Naramdaman kong bumulwak ang dugo sa braso ko. Napatda si Val bago siya nagdumaling magbihis.
Humingi ako ng awa at tulong mula sa kanya pero di siya kumibo. Unti-unti na ring dumidilim ang paningin ko.
"Hindi tayo nagkakilala, Hector. Marami akong connection."
Tuluyan nang dumilim ang kabahayan.

Liham, Lihim #21

Maria,
Alam kong nasasaktan ka sa mga oras na ito pero ang totoo, ako ang lubos na nagdurusa. Hindi ko gustong iwan ka, lalo na't nagdadalantao ka na.
Sana mapatawad mo ako. Magpapakalayo-layo muna ako. Hangad ko naman ang kaligayahan, kalusugan, kabutihan at kaligtasan mo, pati na rin ng magiging anak mo.
Paalam! Lagi kang magdarasal sa Panginoon. Siya lang ang magiging sandalan at lakas mo.
Nagmamahal,
Pedro

P.S.
Sana ipangalan mo na lang sa akin ang sanggol na isisilang mo, kahit hindi ako ang tunay niyang ama. Salamat!

Thursday, November 26, 2015

Walang Silbi

Nag-walk out si Ginang Matias sa kanyang klase dahil na naman sa pagpapasaway ng isa niyang estudyante na si Pedro. Hindi niya maatim na sinagot-sagot siya ng bata. Ayaw rin naman niyang makasakit.

Sa hardin, na nasa tapat ng classroom,  natagpuan niya ang sarili. Ito ang madalas niyang gawin kapag naha-high blood siya sa mga pasaway lalo na kay Pedro. Kahit paano nababawasan ang kanyang pagkayamot kapag nakikita niya ang mga halaman niya, lalo na ang rosas.

Alagang-alaga niya ang kanyang mga halaman. Gumugugol siya rito ng oras upang hindi ito mangamatay at manatiling namumulaklak.

Nang naglaho na ang kanyang galit, pumasok na siya sa magulo at marumi pa rin nilang silid-aralan. Hindi na niya ito pinansin. Ang mahalaga ay maipaalala niya uli sa kanyang mga mag-aaral na sa buong linggo, simula sa Lunes, ay walang pasok dahil sa APEC.

"Sa mga araw na walang pasok, magbasa naman kayo at mag-aral," payo niya habang nakikita niyang abot-tainga ang ngiti ng mga bata. "Hay, salamat! Makakapagpahinga rin ako sa seldang ito." dagdag niya pa. " Ikaw, Pedro... hangga't maaari, ayaw na kitang makita pagpasok. Wala kang gawang matino. Wala ka na ngang silbi, pasaway ka pa!"

Noon niya lamang nabitawan ang mga katagang iyon, marahil ay dahil sa kanyang pagkapuno. Natahimik nga ang buong klase. Nakita pa niyang napayuko na lang si Pedro,  na dati-rati ay nakikipagtitigan pa sa kanya tuwing siya ay pinapagalitan.

Lumipas ang tatlong araw, saka lamang naalala ni Gng. Matias ang kanyang hardin. Natuliro agad siya dahil alam niyang magkakandamatayan ang mga tanim niya. Gustuhin man niyang madiligan ang mga iyon ay imposible dahil nasa probinsiya siya. Kung naalala niya lang sana sa Manila na lang siya namalagi habang long weekend.

Ilang araw rin siyang balisa. Hindi na halos siya makakain at makatulog dahil sa kaiisip. Hanggang kinalingguhan, tinanggap na niya na pagdating niya sa school kinabukasan ay bubungad na sa kanya ang mga lanta at patay na halaman.

Lunes. Namilog ang mga mata ni Gng. Matias sa pagkamangha. Buhay na buhay ang mga halaman niya. Sabay-sabay pang namulaklak ang mga rosas. Nawala na rin ang mga nagtataasang damo.

"Umulan ba dito noong APEC?" tanong niya sa mga bata.

"Hindi po!" sabay-sabay na sagot ng mga estudyanteng nasa pila. Wala doon si Pedro.

Natuwa si Gng. Matias dahil wala ang kinaiinisan niyang estudyante at dahil nagkaroon ng himala sa kanyang hardin.

"Hindi pala umulan... Mabuti naman at hindi natuyot ang mga halaman ko. Hala, pasok na."

"Ikaw, Virgie... pasok na."

"May sakit po si P-pedro." Nautal pa ito.

Tiningnan niya lang ang estudyante at tumango siya. Parang ipinakita niyang wala siyang pakialam.

Pagkaupo ng mga bata, agad na kinolekta ng guro ang mga takdang-aralin.

"Mam... pinabibigay po ni Pedro." Inabot ni Virgie ang isang portfolio.

"Nagmilagro at nakagawa siya ng proyekto!" sarkastikong bulalas ni Gng. Matias. "Kaya pala siya nagkasakit."

"Hindi po dahil sa portfolio, Mam... Araw-araw po siyang nasa garden niyo." Tumalikod na si Virgie.

Lumabas ang guro. Muli niyang sinilip ang hardin niya. Doon ay tila nginitian siya ni Pedro, habang nagdidilig ng mga rosas.

Wednesday, November 25, 2015

Basurero

Ina: ‘Nak, anong gusto mong trabaho paglaki mo?
Anak: Basusero.
Ina: Ha? Bakit basurero? Ang duming trabaho ‘yun.
Anak: Maghuhugas naman ako ng kamay, e.
Ina: (speechless)

Tuesday, November 24, 2015

Dalawang Balot ng Galletas

"Sa maybahay, ang aming bati. Merry Christmas na maluwalhati..." pasigaw na awit ng tatlong bata sa tapat ng bungalow house, habang itinitono sa kanta ang tansang tamborin. "...Ang pag-ibig..."

"Patawad!" Sumilip ang matabang lalaki sa may pintuan. "Tapos na ang carolling! Umuwi na kayo!"

Nalungkot si Pikoy, ang pinakabata sa tatlo. Ayaw pa niya talagang tumigil sa pangangaroling. May gusto pa siyang bilhin.

"Uwi na lang tayo, Tino at Pikoy... Tama na 'yang kinita natin." ani Nonoy.

"Isa na lang... Dun tayo sa malaking bahay. Malaki magbigay yun, di ba?" panukala ni Tino, nakakatandang kapatid ni Pikoy.

Sumang-ayon si Nonoya. Tuwang-tuwang si Pikoy dahil madaragdagan ang perang paghahati-hatian nila.

Hindi nabigo ang tatlo sa huli nilang pag-awit.

"Thank you! Thank you! Ang babait ninyo. Thank you!" masiglang chorus ng tatlo, nabigyan kasi sila ng limang malalaking piso.

Agad na hinati-hati ni Tino ang kanilang kinita. Bilang pinakamatanda, hindi na siya kinuwestyon ng dalawa kung magkano ang kabuuan ng kita nila. Basta masaya nang tinanggap ni Nonoy ang siyete pesos niyang kinita. Inabutan niya rin si Pikoy ng kaparehong halaga.

"Uuwi na ako. Mag-aalas-dose na!" Mabilis na tumakbo pauwi si Nonoy.

"Ingat.." kumaway pa ang kuya ni Pikoy. At nang makalayo ang kaibigan, pumulanghit ito ng tawa.

"Bakit?" maang na tanong ni Pikoy.

"Naloko natin si Nonoy."

"Ha?"

"May sampung piso pa akong nakatabi sa kabilang bulsa ko. Tig-lima pa tayo."

Malungkot na masayang tinanggap ni Pikoy ang limang piso.

Nagpuputukan na nang makauwi sila sa tahimik at madilim nilang bahay. Gising pa ang kanilang ina samantalang himbing na himbing naman ang kapatid nilang lalaki, na limang taong gulang.

"Mama, Merry Christmas po!" sabay abot ni Pikoy ng dalawang supot ng galletas.

"Salamat, anak! May pagsasaluhan tayo sa Noche Buena!" Hindi naitago ng ina ang kanyang mga luha.

Sunday, November 22, 2015

Mga Katanungang Ang Hirap Sagutin

Hindi lahat ng bagay ay alam natin. Hindi natin alam sagutin ang mga tanong na ipinupukol sa atin, kahit na may katiting tayong nalalaman tungkol dito, lalo na kapag bata ang nagtanong.  Ang hirap sagutin lalo na't kailangan mo agad masagot ang itinatanong nila! Mabibigla ka talaga at mame-mental block. Mabobobo kang bigla.

Ang limang taong gulang kong anak ay napaka-inquisitive at napaka-observant. Andami niyang tanong. Andami niyang napapansing bagay-bagay na para sa atin at normal lang, pero para sa kanya ay bago at pambihira. Well, it's part of growing up ng isang bata. Oras niya talagang magtaka at mag-explore sa mundo.

Saan gaaling ang ipis?

Iyan ang tanong niya sa akin, minsang naglalakad kami, isang gabi mula sa tindahan. Siguro ay may nakita siyang 'kalpis'. 

Kalpis?

Kalyeng ipis...

Ang sagot ko ay... sa dumi!

"Ah, sa dumi pala galing ang ipis..." Kumbinsido na siya sa sagot ko samantalang ako parang hindi. Pinaniwala ko lang siya. Para sa kanya, ang tali-talino ko. Pero, ang katotohanan, naboploks akong bigla. 

Heto pa:
"Bakit may leeg tayo?"

"Bakit pag tinatanong kita, ang sagot mo ay di mo alam? Anong ibig sabihin ng di ko alam?"

"Anong ibig sabihin ng kapitbahay?"

Etc.. etc.. etc.

Ikaw, kaya mo bang sagutin lahat ng tanong niya, on-the-spot?

Field Trip

Masuyo ang hawak ng ina sa kamay ng anak habang patungo sila sa paaralan. "Bakit kaya ako pinatawag ng teacher mo?" aniya pagkatapos humithit sa sigarilyo na hawak ng kaliwang kamay.

"Hindi ko po alam. Siguro po ay tungkol sa field trip," inosenteng sagot ng batang babae.

Humithit pang muli sa yosi ang ina na naka-shorts nang maiksi na halos kita na ang maiitim at maugat na kuyukot, bago niya itinapon sa kalsada ang upos. "Ah, gano’n ba? Bilisan na natin. Late ka na, e."

Sa silid-aralan, naabutan nilang nagtuturo na ang maestro, na agad namang huminto upang kausapin ang ina.

"Mabuti po at nakarating po kayo. Salamat! Gusto ko lang pong malaman ninyo na~"

"Ay opo, Sir! Sasama po sa field trip si Valerie," sabad ng ina.

"Salamat kung gano’n, pero po ang dahilan ng pagpapatawag ko sa inyo ay ang paninigarilyo ng anak niyo dito sa campus... Alam niyo po ba `yon?"

"Halika nga rito, bata ka at ipi-field trip kita!" Hinila ng ina ang anak sa buhok at dali-dali silang lumabas sa classroom.

 

 

 

 

Next on Nixon (2)

"Punyeta! Ang traffic pa," Inis na inis niyang sigaw sa mahabang pila ng mga sasakyan sa unahan at likuran niya. "Malas ko talaga ngayong araw! Put*!" Painot-inot ang pag-andar niya kaya lalo siyang nang-init. Walang nagawa ang malakas na aircon sa sasakyan niya. Bumusina na siya nang bumusina. Later, inihinto niya ito dahil baka mapaaway lang siya. In-on na lang niya ang radyo at bumungad agad sa kaniya ang tawanan ng dalawang babaeng deejays. Inilipat niya iyon dahil ayaw niya nang babaeng humahalakhak. Ngunit, bago pa siya nakahanap ng magandang tugtog, nag-ring na ang cell phone niya na nasa bulsa ng pantalon niya. Ayaw niya sanang sagutin ang tawag, pero nang mabasa niya si Magenta ang nasa linya, agad niya itong sinagot. "Hello, 'Ney?!" sweet niyang bati. "Ano na naman ang nabalitaan ko?" galit na tanong ng girlfriend niya. "Anong? Anong balita? Kanino?" "My God, Nixon! Hindi ka na naman umaayos ng buhay mo! Bakit ba ayaw mong sumeryoso?" "Si Sandy na naman ang nagsabi niyan sa'yo?" Naasar siya pero pilit niyang pinapakalma ang sarili. "Hindi na mahalaga kung sino. Ang tinatanong ko, bakit? Nasa iyo na ang lahat. Mag-aaral ka na lang nang mabuti..." Hindi na natiis ni Nixon ang bunganga ng kasintahan. "Nagda-drive ako, 'Ney. Mamaya, tatawagan kita." "'Kita mo na..." Narinig pa niyang nag-hello pa si Magenta. "F*ck! Wala na akong kakampi! Wala na akong ginawang tama!" ------- Isang minuto na siyang bumubusina saka pa lamang siya pinagbuksan ng gate ni Yaya Muleng. Kaya pagkababa niya sa kotse, pinagalitan niya ito. "Ano bang ginagawa mo sa kusina?" "Ser... hende ko naman alam na darateng ka. Gabe ka pa dapat darateng de ba?" "Wala kang pakialam!" Nagmadali na siyang pumasok. "E, 'di wow! Sungit naman ng bebe ko! Hmp! Siguro... nag-away na naman sila ni Magenta..." pabulong nitong sabi pagkaalis ng senyorito. Natatawa pa ito Sa kuwarto niya dumiretso si Nixon. Agad niyang kinontak si Magenta. Ring lang nang ring ang nasa kabilang linya, kaya nabugnot na si Nixon. Nagmura siya nang nagmura habang pabalik-pabalik sa bintana ng kaniyang kuwarto. At nang nagsawa sa kaka-dial, inihagis niya ang cell phone sa headboard ng kama. Nawasak iyon. "Ser?'' tatlong sunod-sunod na tawag ang narinig sa labas ng kuwarto ni Nixon. "Miryinda po." "Ayokong magmeryenda!" "Sayang naman netu, Ser..." "Kainin mo!" galit na sagot ng binata habang palapit sa pinto upang i-lock ito. Maagap na nabuksan at nakapasok si Yaya Muleng. "Itu na po ang miryinda mo." Ang sarap pa ng ngiti nito. Walang nagawa si Nixon. Nakuyom na lang niya ang mga kamao niya at inabot ang tray ng mga pagkain. "Ser, bakit mo senera ang silpun mo?" Dinampot niya ito. "Nag-away na naman ba kayo ni Madyinta?" "Lumabas ka na nga. Usyusera!" Pinagtulakan niya pa ang kaniyang yaya palabas ng kuwarto. "Nagtatanung lang naman ako, Ser..." "Get a life!" sigaw pa ng binata sa tagapag-alaga. Nabitawan tuloy ni Yaya Muleng ang sirang cell phone. "Wat du yu min, Ser?" nakamaang na tanong niya at nagmamadaling lumabas sa kuwarto bago siya mabato ni Nixon ng kahit anong bagay na madampot nito. Nakalabas na nga siya nang ihagis ni Nixon ang remote control ng aircon sa pintuan. Naghiwa-hiwalay ang mga bahagi niyon. Ilang minuto lang ang lumipas ay naramdaman niya ang init. Kaya agad siyang tumayo para paandarin ang aircon, ngunit hindi pala ito gumagana kapag manual dahil noong nakaraang buwan ay nasira niya ito. Um-echo ang 'Yaya Muleng' sa kaniyang kuwarto. Tagaktak na ang pawis niya. Tila nais niyang mangalmot. Nang hindi dumating si Yaya Muleng, tinungo niya ang pinto upang doon siya sumigaw. Sa kasamaang-palad, naapakan niya ang matulis na piraso ng remote control, kaya isa na namang sigaw ang narinig sa kaniyang kuwarto. Nagawa pa rin niyang buksan ang pinto at tawagin ang yaya. Natataranta na si Nixon. Hindi niya alam kung paano mapupupo ang dugo sa kaniyang talampakan. "Yaya Muleeeeng!" Mas malakas ngayon ang sigaw niya. Pinilit niya pang lumabas at sumigaw sa may hagdanan. "Yaya! Tulungan mo ako dito!" Nang hindi niya nakita ang yaya, bumalik siya sa kuwarto. Kumuha siya ng bulak at alcohol. "Tang 'na! Buwisit na buhay 'to!" Binuhusan niya ng alcohol ang sugat. "Sh*t!" Nasira ang mukha niya sa sobrang hapdi. Halos maitapon niya ang hawak. Inulit niya ang pagbuhos ng alcohol, kaya natigil kahit paano ang pagdaloy ng dugo. Nakatulong din ang bulak na itinapal niya. Napasalampak siya sa kaniyang kama. Si Magenta pa rin ang nasa isip niya. Gusto niyang puntahan sa school ang girlfriend, pero naisip niya na baka lalong magalit sa kaniya. Isa pa, hindi na niya ito makokontak dahil wasak na rin ang cell phone niya. Bumangon siya at dinampot ang mga piraso ng cell phone. Napangiwi siya, saka siya nanghinayang sa halaga niyon. Sinubukan niya iyong buuin, ngunit nabigo siya at lalo lang nayamot. Isa na namang sigaw ang kumawala mula sa kaniya. "F*ck sh*t!" Tumayo na siya at ibinasura ang mga piraso ng cell phone. Saka siya pumasok sa banyo para maligo. Pagkalipas ng sampung minuto, isa na namang sigaw at mura ang narinig sa banyo. "Yaya Muleeeeng, nasaan na ang tuwalya rito?" Inulit niya pa ng dalawang beses, na mas malakas ngunit walang dumating na katulong. Napilitan siyang lumabas nang basang-basa. Siya na ang naghanap ng towel sa kaniyang kabinet. Halos mabungkal niya at mailabas ang mga damit niya bago niya nahanap ang puting tuwalya. Nagpunas siya at nagtapis, saka siya bumaba. Nangangatal ang kaniyang mga labi dahil sa inis. "Yaya Muleng!" tawag niya nang nasa living room pa lamang siya. Walang sumagot. Tinungo niya ang kusina. Wala rin. "Yaya Muleeeng!" Nasa garden na siya. Pero, wala pa rin siyang nakita ni anino ng yaya. Bumalik siya sa loob at tahimik at mabilis na pinuntahan ang lahat ng sulok ng kabuhayan na maaaring kinaroroonan ni Yaya Muleng. Galit na galit na pumanog si Nixon. Halos magiba na ang kahoy na hagdan sa pag-akyat niya. "Malalagot ka sa akin, Yaya Muleng! Huwag na huwag kang magpapakita sa akin!" Sa kaniyang kuwarto, tumambad sa kaniya ang gulo-gulong kabinet at mga piraso ng sirang remote control. Hindi niya pinansin ang mga iyon. Plano niyang umalis, kaya nagbihis siya. Habang nagsasapatos, pinagpawisan na naman siya. Naisipan niyang hawiin ang mga kurtina at buksan ang mga bintana. Mula sa kaniyang kinatatayuan, tila nakita niyang palabas ng gate si Yaya Muleng. May dala itong malaking bag. "Yaya Muleng!?" Hindi siya narinig kahit ilang beses na niya itong tinawag. Nagmadali siyang bumaba para maabutan pa niya ang yaya.

Friday, November 20, 2015

Mga Palatandaan ni Juan Tamad pagdating sa Pagbihis at Paghubad ng mga Kasuotan

Kilala ang mga Pilipino bilang Juan Tamad. Kaya kahit sa pagbihis at paghubad ng mga kasuotan ay kinatatamaran. Narito ang ilan sa mga katamaran ni Juan Tamad:
1. Sa sampayan na siya nagbibihis. Tila hindi natutuyo ang mga nilabhan niya. Kaya nakahanger pa rin ang mga maruruming damit. Aakalain mo ngang nasa ukay-ukay ka.
2. Ang hinubad na pantalon ay isasabit upang muling magamit pero nakabaligtad at nakapasok pa sa loob ang mga dulo nito. Parang umang lang.
3. Nandidiri sa sariling sinuot na underwear. Daig pa niya ang mayaman dahil ayaw maglaba ng kanyang brief/panty. Sana nag-disposable na lang siya.
4. Pagkahubad niya ng damit na pinagpawisan, iso-shoot na lang sa lagayan ng labahan. Tinalo pa si Michael Jordan kung makapag-dunk.
5. Ang mga medyas na ilang beses nang ginamit ay isusuksok pa sa sapatos imbes na ilagay na sa labahan. Kawawa naman ang daga. Mabaho na nga ang sapatos, mabantot pa ang medyas!
6. Ang sinturon ay hindi tinatanggal sa pantalon bago ilagay sa labahan. Sana pera ang hindi niya inaalis para hayahay naman ang maglalaba.
7. Naghuhubad ng shorts o pantalon na kasabay ang underwear. Kung titingnan mo, parang costume ng superhero. Mabuti sana kung mabango pa. Baka nga may konti pang... ano.
Ikaw, anong numero o mga numero ang ginagawa mo?

Thursday, November 19, 2015

Kainan ng Tunay na Samahan

Ang tunay na samahan, walang arte sa kainan.
Kung walang kutsara't tinidor, magkakamayan.
Kung ano ang nakahain ay pinasasalamatan.
Kung sa usaping bayarin ay mag-aambagan;
walang reklamo, walang iringan at lamangan.
Kaya pagkakain ay to the max ang kabusugan.

Diona

DIONA
Ito'y uri ng tula
mula sa ating bansa
na may sukat at tugma.




APEC

Pilipinas, naghanda
upang ang ibang bansa

mahalina’t humanga.



PAG-IISA
Kay sarap mag-isa
sapagkat nagagawa
nating maging malaya.



EHERSISYO

Ang pag-eehersisyo
ay isang sakripisyo,
dulot ay positibo.



DROGA
Nang kita'y makilala,
buhay ko ay nag-iba--
nawasak at nasira.







Wednesday, November 18, 2015

Lumuha Ka Lang, Earth


LUMUHA KA LANG, EARTH


Isang araw, sa kalawakan, nagkabangayan ang magkakaibigang planeta.

Bumida si Earth sa usapan. "Ikaw, Mercury, sipsip ka kay Sun. Nilapit mo talaga ang sarili mo. Ayan tuloy, ang init mo lagi. Hindi ka madapuan kahit isang ibon."

"Hindi ko nilapit ang sarili ko. Ako ang pinakamaliit sa inyong lahat, kaya dapat nasa liwanag ako. Gusto mo bang maapakan ako? Reklamo ka nang reklamo. Ikaw nga malapit din kay Sun. Pangatlo ka naman, ‘di ba?" sagot ni Mercury.

"Naku, Earth! Kinaiinggitan mo pa itong si Mercury," sabat naman ni Venus. "Wala nga siyang buwan at ring. Ang nipis pa ng atmosphere niya." Tinapik-tapik niya ang likod ni Earth. "Kaibigan, huwag kang magpanibugho. Nasa iyo na ang lahat. May tubig ka. Ang lupa mo ay natitirhan ng mga hayop at tao. Samantalang ako, maaari raw akong matirhan ng tao, pero ano? May nakatira ba? May gusto bang tumira? Wala! Kaya, ipagpasalamat mo na kung ano ang meron ka."

Lumapit naman si Mars, na kanina pa namumula sa inis at galit kay Earth. "Ikaw, Earth, wala kang kakuntentuhan. Pati ang mga taong nakatira sa 'yo, nagmana sa 'yo! Mga taong asal-hayop!"

"Teka... teka, Mars! Huwag mo akong paratangan ng gan’yan. Iba ako sa mga taong naninirahan sa akin," medyo mahinahong paliwanag ni Earth.

"Oo, iba ka nga, pero hindi mo ba alam na napaka-spoiled na ng mga taong pinatitira mo sa mga lupa mo? Gusto na nilang kamkamin lahat ng sa 'yo. Ang masama pa, pati ako... Oo, pati ako ay gusto nilang angkinin."

"Mars, paumanhin..." singit ni Venus. "Walang kinalaman si Earth sa kagustuhan ng mga tao na marating at mapag-aralan ka."

"Oo, sana nga, Venus. Pagsabihan niya ang mga tao niya!" Inis na lumayo si Mars sa umpukan.

"Tama sila, Earth," sang-ayon ni Jupiter, ang pinakamalaki sa kanilang walo.

"Huwag kang mangialam dito, Jupiter! Malaki ka lang, pero wala kang binatbat!" sawata ni Earth sa kaibigang dambuhala.

Umihip ang hangin sa paligid ni Jupiter. Namula rin nang husto ang kanyang mga spots. Nagliwanag siya dahil sa inis niya ang kanyang tatlumpu't walong buwan.

"Oops, sandali... sandali!" Napigilan agad ni Saturn si Jupiter na nakakuyom na ang mga kamao upang sunggaban si Earth.

"Bitiwan mo ako, Saturn! Tuturuan ko ng leksiyon 'yang lapastangang 'yan!" Nagpupumilit pang lumapit si Jupiter kay Earth, pero dahil malaki at malakas si Saturn, nagawa niyang ilayo ang kaibigan.

Kalmado pa rin si Earth. Tila, hindi apektado sa mga kinilos ni Jupiter.

"Kayang-kaya kitang durugin, Earth!

Sa malayo, inalo-alo ni Saturn si Jupiter. "Tama na! Ganyan talaga, si Earth. Unawain na lang natin. Problemado kasi siya ngayon. Sa dami ng mga nangyayari sa kanyang kalupaan at sangkatauhan, hindi na niya naisip ang mga magagandang bagay na meron siya, bagkus kinaiinggitan pa niya ang mga bagay na meron tayo."

Tila kumbinsido naman si Jupiter sa tinuran ng kaibigan, kaya nanahimik siya.

Ang tahimik at tila nilalamig laging si Uranus ay nilapitan si Earth. Niyakap niya ang kaibigan. Ilang minuto silang magkadikit. Nang naramdaman niya na bumaba na ang init ng ulo ni Earth, nagsalita na siya. "Alam mo, kaibigan... nauunawaan kita... ka namin. Hindi biro ang mga pinagdadaanan mo sa ngayon. Ang mga taong pinatira mo sa mga lupa mo ay siya ring sumisira sa mga magagandang kalikasan mo. Sila-sila ay nagpapahirapan, nagnanakawan, at nagpapatayan. Nalulungkot kami para sa 'yo..."

Tumingin si Earth sa mga malalamlam na mata ni Uranus. "Mali ba ako? Mali bang maging mapagbigay? At kayo ang tama dahil kayo ay mararamot?"

"Hindi mo kami nauunawaan, Earth. Oo, mararamot kami dahil ayaw naming tumanggap ng mga tao. Hindi kami nila matirhan at mapuntahan, pero hindi ibig sabihin ay maramot kami. Iniisip din namin ang kapakanan ng bawat isa sa atin. Tingnan mo 'yang si Neptune..."

Pinukol naman ni Earth ng tingin si Neptune na napakalayo sa kanila. Namimilipit siya sa lamig.

"Malamig ang pakikitungo niya sa ating lahat, subalit hindi mo maiaalis sa kanya ang pag-aaalala niya sa 'yo."

Umismid si Earth. Hindi siya kumbinsido sa tinuran ni Uranus. "Makasarili 'yan, kaya ganyan! Tingnan mo, malayo nga siya kay Sun at Moon, pero may sarili pa ring buwan. Siyam na buwan pa. Ang yabang niya. Ang ganda sana ng kulay-asul niyang liwanag, hindi naman maapuhap kapag kailangan."

Nalungkot si Uranus sa reaksiyon ng kaibigan. Laylay-balikat siyang lumayo. Tinungo niya sina Sun at Moon.

Limang minuto ang nakalipas, dumating na ang dalawang nakakatanda nilang kaibigan.

"Nagsumbong na pala si Uranus sa inyo!" inis na tumalikod si Earth upang layuan ang dalawa. Agad siyang naharang ni Venus. Inakbayan siya palapit sa dalawa.

"Makinig ka muna sa kanila," ani Venus bago niya iniwan ang tatlo.

"Salamat, Venus!'" sabi ni Moon. "Ang lakas mo talaga kay Earth."

Napangiti na lang si Venus.

"Tinalo mo pa ako sa init ng ulo, Earth. May problema ka ba sa mga kaibigan mo?" malambing na tanong ni Sun.

"Wala po... Sila po ang may problema sa akin. Mga inggetero at inggetera.''

"Ganoon ba talaga ang pagkaunawa mo?'' Si Moon naman ang nagtanong. Nagpakawala ito ng liwanag, simbolo ng paggabay sa kadiliman ng isip at damdamin.

Nahiya si Earth. Yumuko siya.

"Earth, hindi namin hangad na humingi ka ngayon ng tawad sa mga kaibigan mo dahil sa mga nasabi mo sa kanila. Ang amin lang ay sana maunawaan mo ang mga bagay-bagay, kung bakit ikaw ay nasa kinatatayuan mo at kung bakit ikaw lang ang biniyayaan ng Maykapal na napakagagandang bagay." Nagbawas siya ng init upang hindi na mag-init ang ulo ni Earth. "Tingnan mo, kay gaganda ng iyong mga karagatan, mga ilog, mga bundok, bulkan, burol o kapatagan. Kay ririkit ng mga kagubatan mo. Andaming kahali-halinang hayop na nananahan sa mga kalupaan at katubigan mo."

Tumingin si Earth sa mga mata ni Sun. Sinulyapan niya rin si Moon. "Patawarin ni’yo po ang naging asal ko. Siguro nga po ay naging bulag ako sa katotohanan. Nasa akin na pala ang lahat. Ako na nga ang pinakamapalad na planeta sa lahat... pero dahil sa mga suliraning ginagawa ng mga taong pinatitira ko..." Tuluyan nang umagos ang mga luha ni Earth.

"Tahan na, Earth... Salamat naman at na-realize mo na ang iyong pagkakamali," wika ni Moon. "Ang mga tao lang naman ang dahilan kung bakit ka nagkakaganyan. Sinisira nila ang iyong ganda at yaman. Masahol pa sila sa mga hayop."

"Salamat sa Diyos dahil walang tao sa atin, Moon."

"Tama ka, Sun!"

"Yes, Moon... Sana alam ng mga taon kung paano pahalagahan si Earth. "Huwag nilang hintaying sumuko na pati ang kaisa-isang planeta na maaari nilang tirahan. Ako nga'y nagiging marahas na sa kanila. Kaya, hayan, unti-unti nilang natitikman ang init ng aking mga silahis."

"Ako, mananatili akong gabay nila tuwing sasapit ang kadiliman. Patuloy akong magniningning upang tanglawan sila. Sana lang... sana lang ay malaman nila ang halaga natin sa kanila.

"Sana..." Punong-puno ang pag-asa ni Sun.

"Salamat po sa inyong dalawa!" sabi ni Earth. Itim na itim na ang mga luha niya.

"Walang anuman, Earth."

"Sige lang, Earth, lumuha ka lang…" ani Sun na labis na naaawa sa kanya. "...hanggang sa makita ng mga tao ang iyong pighati."

Patuloy na lumuha si Earth. Walang sinuman ang nakapagpatigil nito.








Saturday, November 14, 2015

Para sa mga Kurakot na Kuripot

Mga gurong dakila, hindi nanlilimos at nakikiamot
Kundi nanghihingi ng sahod na disente at di panot
Kakarampot na umento, inyo pang ipinagdadamot
Puso’t damdamin niyong kay tigas, nakakapanghilakbot!

Kay tataas ng sahod mga politikong gawain ay baluktot
Ngunit ang mga abang guro, inyong namang kinukuripot;
Mga tunay na nagmamahal sa bansa, buhay’ masalimuot,
Samantalang, bilyong piso napupunta lang sa kurakot.

Serbisyong makatao kapalit ay pasuweldong kakarampot;
Huwag niyo naman silang ituring na mga babaeng haliparot
Misyong makamit ang kalidad na edukasyon, di nalilimot;
Itigil na niyo ang pagpapalusot at sa kanila’y pagpapaikot.

Itaas ang kanilang sahod, ibaba ang buwis na nakakatakot!
Kanilang dedikasyon, inyong suklian upang mithiin, di malagot
Ibigay sa kanila kung ano ang angkop, huwag kayong buraot
Upang ang bawat isa, hindi naghihikahos, hindi sisimangot.

Sa ating pinuno.. sila’y inyong dinggi’t wag kang magpakabayot.
Magpakalalaki ka’t lumayo sa mga kasabwat mong sumusutsot
Upang malaman at makita mo ang mga nagawang mong gusot;

At upang kapwa mo Pinoy, hindi ka matiris na kagaya ng surot.

Genius of the Century

Isang araw, umuwi si Thomas mula sa paaralan at inabot sa kanyang ina ang isang nakatuping papel. "Sabi po ni Teacher, ibigay ko po raw ito sa'yo at ikaw lang po ang magbabasa."

Maluha-luhang binasa ng ina ang sulat. "Napakatalino ng anak mo. Ang aming paaralan ay napakaliit para sa kanya. Wala kaming magagaling na guro para turuan siya. Ikaw na ang magturo sa kanya."

Maraming-maraming taon ang lumipas pagkatapos mamatay ang ina niya at isa na siya sa mga dakilang imbentor, nagkakalkal siya sa mga lumang gamit. Walang ano-ano ay nakita niya ang isang nakatuping papel sa drawer. Kinuha niya ito at binuksan.

Sa papel ay nabasa niya ito: "Ang inyo pong anak ay napagkakamalang may problemang pangkaisipan. Hindi na namin siya pinapasok."

Umiyak si Thomas sa loob ng halos isang oras. Pagkatapos, nagsulat siya sa kanyang diary. "Si Thomas Alva Edison ay pinaghihinalaang may sakit sa kaisipan, ngunit dahil sa kanyang dakilang ina, siya ay tinaguriang genius of the century."


Tibok ng Puso (Dula)

  Tibok ng Puso     Mga Tauhan:     *Lydia     *Brad   Tagpuan:     * Sa isang pamantasan   Eksena 1: Labas. Sa mapunong...