Followers

Thursday, October 31, 2024

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.

 

Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lead.’ Layunin nitong mapukaw ang interes at atensiyon ng mambabasa. Dito rin itinatakda ang tono o boses ng may-akda. Ang tono ay damdamin o emosyon ng may-akda ukol sa paksa. Maaari siyang matuwa, mainis, magalit, malungkot, matakot, at iba pa.

 

Paano mapupukaw ang interes o atensiyon ng mambabasa? Simple lang. Simulan ito sa nakakaintrigang pangungusap o talata. Maaaring ito ay isang matinding pahayag, tanyag na kasabihan, nakagugulat na katotohanan, makabuluhang tanong, o magandang anekdota.

 

Pangalawa, dugtungan ito ng Nut Graph. Layunin ng nut graph na ipakilala o ihayag ang pangunahing paksa ng akda. Dito ipinaliliwanag nang husto ang lahat ng tungkol sa paksa. Dito nagaganap ang paglalahad ng mahahalagang puntos o diwa na tatalakayin sa mga sumusunod na talata. Dapat ding mahusay ang pagkakalahad nito upang mabigyan ng ideya ang mambabasa kung saan patungo ang akda.  

 

Pangatlo, isulat ang Background Information. Sa talatang ito, ibibigay ang mga impormasyong sakop ng paksa. Nararapat na maibigay ang mga mahahalaga at makabuluhang imporamsyong konektado sa paksa upang makatulong sa mabilis na pag-unawa ng mambabasa. Ito ay maaaring magmula sa kasaysayan, surveys, istatistiks, at iba pang lehitimong pinagkunan.

 

Pang-apat, lagyan ng Supporting Paragraphs. Ang mga talatang ito ay siyang magpapaunlad sa pangunahing ideya o paksa ng lathalain. Ang bawat talata ay dapat magpokus sa iba’t ibang aspeto ng paksa. Kumuha ng direktang pahayag mula sa mga interbyu, detalyadong paglalarawan, at resulta ng mga pananaliksik at pag-aaral upang masuportahan ang mga naunang talata. Sikaping lohikal at magkakaugnay ang mga talatang ito upang mapanatili ang interes ng mambabasa.

 

Panglima, isaalang-alang ang Human Interest Elements. Ano ba ito? Ito ay aspeto ng akda na kung saan naglalaman ng karanasan at damdamin ng tao, na nagdudulot ng interes sa mambabasa. Sa madaling salita, mas interesting ang isang akda kung may taong involved sa istorya. Isali ang kanilang totoong karanasan, pahayag, at salaysay upang pulutan ng aral o maging relatable sa mambabasa.

 

Pang-anim, buuin ang Konklusiyon. Ito ay talata na naglalaman ng kabuuan ng akda. Ito ay isinusulat sa pinakamaikling paraan habang nag-iiwan ng impresyon sa puso at isipan ng mambabasa. Nararapat na magkaroon ng talatang nagbibigay ng panapos na pahayag mula sa mga naunang talata, lalo na sa ‘the lead,’ habang nagpapahiwatig ng pamamaalam o pagwawakas ng talata.

 

At pampito, gawin ang Call to Action o Reflection. Hikayatin ang mambabasa na kumilos batay sa paksa. Maaari ding mabigay ng mga bagay na napagtanto mula sa nilalaman ng akda. Maaaring gawin ito sa pamamagitan ng tanong, panawagan sa pagkilos, o nakakapupukaw-kaisipang pahayag upang makakonekta ang mambabasa.

 

Magagawa ang lathalain nang maayos kung magpopokus sa iisang paksang tinatalakay. Ang bawat talata ay dapat na may malinaw na layunin, at manatiling nakatuon sa iisang ideya.

 

Gumamit din ng mga salita sa paglilipat-diwa sa bawat talata. Tiyaking ang bawat talata ay dumadaloy nang maayos patungo sa susunod na talata. Samakatuwid, dapat na konektado ang bawat talata.

 

At gawin itong maikli. Iwasan ang mga detalyeng hindi kailangan o hindi nakatutulong sa pagpapaunlad ng paksa. Sikaping ang bawat salita o pangungusap na gagamitin ay makabuluhan—limitado pero malaman.

 

Hayan! Tapos na. Simple lang, `di ba? Sulat na ng mabisa at nakapupukaw-interes na lathalain!

Wednesday, October 30, 2024

Paulit-ulit

Paulit-ulit tayong sinasalanta ng mga bagyo. Paulit-ulit din tayong binabaha, pero hindi pa rin tayo natututo. Paulit-ulit pa rin tayong nakakalimot.

 

Tuwing masasalanta tayo ng kalamidad, gaya ng bagyo at baha, nabubuhay ang bayanihan. Naglalabasan ang mga pilantropo, gayundin ang mga trapo. Namimigay sila ng ayuda habang nakatutok ang camera. Siyempre, naiibasan ang pighati ng mga biktima. Ang nakakalungkot, alam nating lahat na ang mga iyon ay pansamantala.

 

Hindi rin naman matatawaran ang kabayanihan ang mga rescuers sa pagsalba sa mga buhay ng ating mga kababayan. Kahit sarili nila ay nalalagay rin sa kapahamakan. At ang sarili nilang pamilya ay kanilang iniwan para lang sa pagsaklolo sa mga lubos na naapektuhan.

 

Hindi mawawala ang mga panawagan ng pagbabago. Babaha ng mga adbokasiya tungkol sa pagmamahal at pangangalaga sa kalikasan. Subalit ang masaklap na katotohanan ay mabilis nating makalimutan ang ugat ng mga dinaranas nating pagbaha.

 

Paulit-ulit na lang!

 

Paulit-ulit na naman tayong magpuputol ng mga kahoy. Ni hindi nga tayo nagtanim.

 

Paulit-ulit pa rin ang isyu tungkol sa pagmimina. Ni hindi nga mapatigil ang quarrying.

 

At ang basura!? Numero itong problema. Wala tayong disiplina sa pagtatapon ng mga basura. Paulit-ulit nang sinasabi na mag-recycle, mag-reuse, at mag-reduce, ngunit paulit-ulit pa rin nating isinasawalambahala ang panawagang ito.

 

Uulitin ko… Paulit-ulit man tayong humingi ng saklolo, tumanggap ng ayuda, o managawan ng pagbabago, kung nakalimutan nating gampanan ang tungkulin natin sa kalikasan, ay paulit-ulit tayong babahain.

 

Hanggang paulit-ulit nating isinasabuhay ng mga maling gawain, paulit-ulit tayong daraing tuwing darating ang bagyo.

 

 

 

Sunday, October 27, 2024

Si Jess at ang mga Batang Alpha -- Bentong #1

 “Kinggoy, may naghahanap na naman sa ‘yo!”

 

Dinig ni Bentong ang sigaw ng kaniyang ina, na noon ay nasa labas ng bakuran nila, lalo na’t malapit lang ang salamin sa bintana.

 

“Sino ang naghahanap?” sigaw rin ng kaniyang ama, na ang hula niya ay nakasalampak na naman sa sofa.

 

Dumungaw uli si Bentong upang kilalanin ang naghahanap sa ama. Pamilyar ang mukha niyon, pero hindi niya alam ang pangalan. Palagi nitong hinahanap ang kaniyang ama.

 

“Si Aztech daw siya.”

 

Lalong lumakas ang kutob ni Bentong na may milagrong ginagawa ang kaniyang ama.

 

“Papasukin mo na!” bulyaw pa ni Kinggoy sa asawa.

 

Minadali naman ni Bentong ang paglalagay ng wax sa kaniyang buhok, saka isinukbit niya ang kaniyang pulang backpack. At dahan-dahan siyang nagbukas ng pintuan. Nais niyang marinig ang usapan ng dalawa. Subalit wala siyang naririnig. Kaya bumaba na siya.

 

Hindi na nagulat ang kaniyang ama, gayundin ang lalaking payat na bisita nito. Sa halip, napansin pa nito ang kaniyang buhok. “Adik ka ba? Bakit ganyan ang ayos ng buhok mo?”

 

Tiningnan niya si Aztech. Nais niyang sabihing ‘Mas mukhang adik pa nga itong bisita mo,’ pero hindi niya sinabi. Sa halip ay pinatumba niya ang kaniyang buhok. Nawala ang mga tusok-tusok na kinorte niya kaniya. “Buhok lang naman ito, ‘Tay. Paano niyo po nasabing adik ako?” magalang niyang tugon.

 

“Nagtatanong ka pa?! Sampalin kita, e. Iyan ba ang natututuhan mo sa eskuwela?”

 

Yumuko at umiling na lang siya.

 

“Ayusin mo ang buhay mo! Mag-aral ka nang mabuti nang hindi ka matulad sa mga tambay riyan sa kalye.”

 

“Opo. Papasok na po ako.” Tahimik siyang lumapit sa may pintuan. “May pangarap ako sa buhay, ‘Tay, hindi kaya ng iba riyan.”

 

“May gusto kang ipakahulugan, Bentong?”

 

“Wala po, ‘Tay. Kako, pangarap kong maging pulis para mahuli ko ang mga drug lords, drug dealers, at drug users.” Makahulugan siyang tumingin sa dalawa bago siya tuluyang tumalikod.  

 

“O, Bentong, bakit ngayon ka lang lumabas. Mahuhuli ka na sa klase mo,” pansing-bati ng kaniyang ina nang magkita sila sa labas.

 

“Hindi, `Nay… Within three minutes, nasa school na ako. Bye po!” Pagkasabi niyon, parang naiwan ang kaluluwa ni Bentong nang humarurot siya ng takbo.

 

“Uy, Bentong, mag-ingat ka!” pahabol ng ina.

 

 ------

 

“Good morning, Sir Balingheto!” bati ng mga kaklase niya.

 

Good morning, Sir Balinheto!” bati ni Bentong sa kaniyang adviser. Sakto ang dating niya, kaya lang pinagtinginan siya ng mga kaklase.

 

“Nice hairdo, Ruben!” sabi ng guro. “Next time, blue naman o kaya green.

 

Hindi niya sigurado kong pinupuri siya nito o ano. Basta dumiretso na lang siya sa kaniyang silya.

 

“Mukha kang anime character,” sabi ng katabi niyang si Joshua, na matalik niyang kaibigan.

 

Nginitian niya lang ito.

 

“Hindi… Para siyang si Astro Boy, kaya lang pula ang buhok niya,” sabi naman ng isa pa niyang katabi— si Lorraine. “Ang cute!”

 

Napatingin siya kay Lorraine, na agad namang nagliko ng tingin. Pero nakita niyang ngumiti ito, kaya lumabay ang beloy, habang nagkukulay-rosas ang mga pisngi. Lalo tuloy siyang humanga rito.

 

“Uy, sino ang cute? Si Astro Boy, si Bentong, o ako?” biro ni Joshua kay Lorraine.

 

“Si Astro Boy, siyempre. Alangan namang ikaw!” pagtataray ni Lorraine.

 

“Ah, akala ko si Bentong.”

 

“The three of you, will you please define speed?”

 

Natigalgal sila nang marinig nila ang malakas na tanong na iyon ng kaniyang Science teacher-slash-adviser.

 

Umayos sila nang upo.

 

Nangatal ang tuhod ni Joshua, at hindi makatingin kay Sir Balingheto.

 

Napadukot si Lorraine sa bag niya upang kunin ang Science notebook niya.

 

“Ikaw, Ruben, define speed,” untag ng guro.

 

Kung gaano siya kabilis nakarating sa school, ganoon din siya kabilis tumayo. “Sir, iyan po ba ang lesson natin ngayon?”

 

“Hindi. Tinatanong ko lang sa inyo, lalo na sa ‘yo.”

 

“Why, Sir?”

 

“Nakita kita kahapon… Nilampasan mo ang motorsiklo ko. Ang bilis mong tumakbo! Pambihira ka.”

 

Nagkarooon ng bulong-bulungan sa silid-aralan habang lumalapit si Sir Balingheto sa kaniya. “Now, tell me, what is the definition of speed.”

 

“Speed is the ration between distance and time,” sagot niya bago pa nakalapit sa kaniya ang guro. Tuwang-tuwa siya sa kaniyang sarili dahil napakikinabangan niya ang mga nababasa niya.

 

Tumigil sandali si Sir Balingheto upang tingnan siya sa mga mata. “You’re right, Ruben! Very good! Hindi ka lang basta atleta, mahusay ka rin sa akademiko.”

 

“Thank you, Sir.” Umupo na siya, saka lamang rumehistro sa pandinig niya ang malakas na palakpakan ng mga kaklase niya.

 

“Ang galing mo talaga, Bespren!” sabi ni Joshua. Niyugyog pa nito ang likod niya.

 

“You saved me, Ruben. You’re my hero now!” sabi naman ni Lorraine.

 

Hindi niya alam kung paano siya tutugon. Basta ang alam niya, kinikilig na naman siya, lalo na’t nakatingin ito sa kaniya, at nahawakan sa braso niya.

 

“Class, you listen to me,” sabi ni Sir Balingheto nang makabalik na ito sa harapan. Hinintay nitong umayos ng upo at tumahimik ang klase. “We are in 2028 now, class. We are experiencing various calamities. We are facing chaos. All of us are prone to crimes. We are not safe anywhere, anytime. However, I would like to reiterate to you what I always advocate— the importance of education. Please, kids… you are still the hope of our nation. Pursue your education. Refrain from doing evil deeds. If all of us are doing good, our world will be the safest planet in the universe to live on. Thus, whatever happens around us, choose to be good. Be a hero by doing good things in your own special way.” Tiningnan siya nito. “Ruben, you have an extraordinary skill. Use it in a good way.”

 

Tumango-tango siya. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na itutuloy niya ang ginawa niya kagabi.

 

Ipinagpatuloy naman ni Sir Balingheto ang pag-inspire sa mga estudyante. Inisa-isa nitong banggitin ang mga kaklase ni Bentong. Lihim siyang humanga sa kaniyang gurong tagapayo. Hindi lang ito mahusay sa larangan, kundi may puso at malasakit sa mga kabataan. Nauunawaan niya ang mensaheng inihahatid nito sa kanila.

 

“Even, you, Joshua, you might be a hero if you choose to. Your jolly attitude will help your colleagues in some ways. Continue being you, without compromising your academic performances,” puri ng kanilang guro sa katabi niya.

 

Tinapik-tapik niya ang likod ni Joshua habang nakayuko ito— mangiyak-ngiyak. “You’re my hero, Joshua. Napapasaya mo ako palagi,” bulong niya sa bespren.  

 

Saturday, October 26, 2024

Si Jess at ang mga Batang Alpha -- Jess #3

“Sir, kami ang pinadala ng kompanya para i-clear ang nabaling sanga ng puno ninyo,” pakilala ng lalaki na nasa late 20’s ang edad. “Sila naman ang kasamahan ko.”

 

“Nice! Mabuti naman, mabilis ang inyong action,” sabi ni Jess. “Sige, pasok kayo. Ituturo ko sa inyo ang aayusin ninyo.”

 

“Guys, sumunod na lang kayo, ha. Ibaba na ninyo ang mga gamit,” utos ng lider ng clearing operation team, saka sumunod ito sa kaniya.

 

Pagkatapos, mabigyan ng instruction ni Jess ang leader ng team, iniwan na niya ito. Nakasalubong pa niya ang dalawang kasamahan nito. Nginitian niya ang mga ito.

 

“Daddy, papasok na ako!” salubong sa kaniya ni Jesrelle.

 

“That’s great! Mag-aral ka nang mabuti, ha?”

 

“Yes, Dad!”

 

Napansin niya ang hawak na laruan ni Jesrelle. “Ihahatid mo ba siya?” tanong niya sa asawa.

 

“May school service siya.” Nakangiting sagot ni Rochelle habang hawak nito ang trolley bag ng kanilang anak. “Parating na iyon.”

 

“Oh, nice for him!” Hinalikan niya ang pisngi ng anak. “Take care, Jesrelle.”

 

Tumango at ngumiti lang ito.

 

“Favorite superhero mo pala si Superman?” tanong niya habang nakatingin sa laruang hawak ng anak.

 

Tiningnan ni Jesrelle ang laruan, saka inabot sa ama. “Opo! Gusto kong maging katulad niya, Daddy.”

 

“Talaga?”

 

Muling tumango at ngumiti ang anak.

 

“Sige... pero mag-aral ka nang mabuti. At iwanan mo na muna ito rito. Puwede ba iyon?”

 

Mabilis na binawi ni Jesrelle ang laruan mula sa kamay ni Jess. “No! He’s going to come with me!” Kumurba ang mga kilay nito, saka medyo humaba ang mga labi.

 

“I’m sorry... Pero hindi ba magagalit si Teacher kapag nagdala ka ng toy sa classroom?”

 

“No!” medyo galit nitong tugon, saka niyakap ang laruan.

 

Bago pa siya nakapagsalitang muli, narinig na nila ang busina ng school service ni Jesrelle.

 

“Mommy, nandiyan na po si Kuya Fred,” sabi ni Jesrelle, sabay takbo patungo roon.

 

“Careful, ‘Nak,” sabi ni Rochelle.

 

Nagkatinginan silang mag-asawa. “Masasanay rin ako kay Jesrelle.”

 

Nginitian siya ng maybahay, saka nito sinundan ang kanilang anak.

 

Sinundan naman niya ng tingin ang asawa. Natutuwa siya dahil masiglang kumakaway si Jesrelle. Hindi niya lang alam kung pati siya ay kinakawayan. Pero kumaway na rin siya, habang pinipilit ngumiti.

 

Pabalik na si Rochelle mula sa may gate, nang mapansin niyang nakatingin sa kanila ang tatlong lalaki. Pakiwari niya, kanina pa umusyuso ang mga ito. At nang tingnan niya nang masama ang mga ito, saka nagsikilos ang mga ito.

 

Inakbayan niya ang asawa nang pabalik na sila sa loob ng bahay.

 

“Namulat si Jesrelle na wala ka, kaya sana maunawaan mo siya,” sabi ng kaniyang asawa.

 

“Oo, Rochelle, uunawain ko siya. Babawi ako.”

 

“Salamat!”

 

Pinisil niya nang bahagya ang balikat ng asawa. “Ako ang dapat na magpasalamat sa ‘yo kasi sa kabila ng ginawa ko, pinili mo pa rin akong makasama. Ipinaglaban mo ako sa pamilya mo.”

 

Nakaupo na siya upang mag-almusal nang magsalita si Rochelle. “Ang pagmamahal ko kay Jesrelle ang dahilan ng pagtanggap ko sa ‘yo. Ayaw kong lumaki siyang walang ama.”

 

“Salamat, Rochelle. Mahal na mahal ko kayo, kaya bumalik ako.”

 

“Huwag mo nang sisirain uli ang pamilya natin, Jess. Ipangako mo.”

 

Tumango siya, at nginitian ang asawa. “Pangako.”

 

“At patunayan mo sa pamilya ko na kaya mo kaming alagaan, ipaglaban, at protektahan.”

 

“Yes, of course, I will. Sana lang din, itigil na nila ang pagmamata nila sa akin at panghuhusga. Oo, nagkasala ako. Naligaw ng landas, pero heto na uli ako ngayon.”

 

“You can’t blame them, Jess. Sa tindi ng sakit na idinulot mo sa akin, hindi mo maiaalis sa kanila ang magalit sa ‘yo.”

 

“Kaya nga sana mapatawad na rin nila ako. I don’t expect it now, pero sana gradually… maramdaman kong okey na sila sa akin.”

 

“Hayaan na lang muna natin silang maghilom ang sugat sa kanilang puso. Time heals. Ang mahalaga ngayon ay si Jesrelle.”

 

“Oo, I will be his Superman, Rochelle,” masaya niyang sambit. Para siyang nasa alapaap sa mga sandaling iyon.

 

 

----------

 

 

Tila nakangiti ang puso ni Jess habang nagmamaneho patungo sa bankong kaniyang pinapasukan. Ilang araw na rin siyang nalulunod sa kaligayahan dahil nabuo na niya ang kaniyang pamilya.

 

Sa kalagitnaan ng trapiko, tumawag si Luna.

 

“Miss na kita, Jess. Kailan mo ako dadalawin sa unit ko?” maharot nitong sabi.

 

“Tantanan mo na ako, Luna. Hinding-hindi na mauulit ang namagitan sa akin. Huwag mong sirain ang pamilyang binuo ko.”

 

Ibababa na sana niya ang tawag, pero mabilis na nakatugon si Luna. Minura-mura muna siya nito. “Ako dapat ang nasa puwesto ni Rochelle! Tayo dapat ang may anak.”

 

“Stop it! Wala ka nang lugar sa buhay ko.” Pagkasabi niyon, pinatayan na niya ng tawag si Luna. Nag-off na rin siya ng cell phone. Saka pinakalma niya ang sarili. Muli niyang binalikan ang pag-alala sa mukha ni Jesrelle. Parang nakita niya ito mula sa rearview mirror. Naglalaro ito sa backseat.

 

“Daddy, I want to be like him!” sabi ni Jesrelle. Itinaas pa nito ang laruang Superman.

 

Napangiti na lamang siya.

 

Nginitian at binati niya ang dalawang security guard na naka-duty sa bankong pinapasukan niya. Binati niya rin ang mga katrabaho niya sa loob bago siya dumiretso sa opisina niya.

 

Hindi pa nagtatagal, kumatok at pumasok si Luna. “Good morning, Jess, my dear!”

 

Gusto niyang bulwayan ito, pero nang nakita niyang inaabot nito sa kaniya ang cordless telephone, kumambiyo siya.

 

“A call for you,” walang siglang sabi ni Luna, saka nanatiling nakatayo sa harap ng table niya.

 

Sinenyasan niya ito na lumabas na, pero sinenyasan din siya nito na hinihintay nito ang telepono.

 

Wala siyang nagawa kundi kausapin ang nasa kabilang linya.

 

Nagulat si Luna nang bigla siyang natuwa sa magandang balita, kaya lalo itong nakinig at naghintay.

 

“Thank you very much, Sir! Bye!” aniya bago ibinaba ang telepono, at iabot kay Luna.

 

“What is it, Jess?” usisa nito.

 

“It’s none of your business, Luna. Go back to your work.”

 

Nagpanting ang tainga ni Luna. Minura siya nito, saka dinuro. “Magsisisi ka, Jess!”

 

Ngumisi lang siya. Hindi siya natakot dahil alam niyang tama ang ginagawa niya. Nasaktan na naman niya ang damdamin nito. Pero, sa tingin niya, deserve nitong saktan niya dahil ayaw pa nitong itigil ang kahibangan sa kaniya.

 

Nangako siya kay Rochelle, kaya kailangan niyang tuparin iyon. Napagtanto niyang walang tukso na makakatalo sa pagmamahal sa pamilya.

Si Jess at ang mga Batang Alpha -- Aling Marissa #1

 "Marissa, nasaan na ba ang anak mo? Paigiban mo nga itong tapayan natin at walang magamit panghugas. Magluluto na ako..." ani Mang Edung sa asawa, habang nagtatahip ito ng bigas.

"Si Totong? Kaninang umaga pa umalis. Akala ko nga'y pumunta sa 'yo."

Hindi umimik si Mang Edung. Hindi naman nito nakitaan ng pangamba ang asawa. Kaya lang, nang dumilim na'y wala pa ang kanilang anak. Ang mga kapatid na ang naghahanap kay Totong.

"Huwag kayong mag-alala... Matapang at malakas ang Kuya Totong ninyo. Hindi siya matatakutin sa dilim." Pinakalma ng ina ng mga damdamin ng mga anak. "Sige na, buksan mo na ang radyo, Nognog. Makinig na tayo sa balita..."

Tumalima na ang pangalawang anak, saka bumalik sa pagmasid sa gamugamong palipad-lipad sa gasera.

"`Nay, kapag nawalan po ba ng pakpak ang gamugamo, makakalipad pa rin siya?" inosenteng tanong ni Nognog.

Napangiti muna si Aling Marissa. "Hindi na. Kailangan muna siyang magkapakpak uli para makalipad."

Nalungkot si Nognog. "Hindi pala matutupad ni Kuya ang pangarap niya."

Napasulyap ang ina sa anak. Pabulong lamang iyon, subalit malinaw na malinaw ang dating niyon sa pandinig niya. Ngayon lamang siya nag-alala sa kaniyang panganay na anak.

"Namataan kaninang hapon ang isang batang may saklay na nakipaglaban sa mga lalaking nagtatapon ng basura sa Ilog Pasig. Para sa mga detalye, narito si Dick Romanes, mag-uulat..." Natigilan si Aling Marissa. Pinatigil niya ang mga anak sa pagkilos at pagsasalita.

"Narito ako ngayon sa isang bahagi ng Ilog Pasig upang kapanayamin ang isang residente na nakakita sa pangyayari. Magandang gabi, Ginoong Andres! Ano po ba ang nakita ninyo kanina?" sabi ng reporter.

"Kitang-kita ko po ang isang bata. Nakatakip ang mukha ng kaniyang baro. Parang ninja. Galing po siya sa kalawakan. Opo. Nakakalipad po siya. Sa maniwala po kayo, sa hindi, pinaghahampas niya po ang mga lalaking nagtatapon ng basura. May mga patay na hayop pong kasama roon. Hindi po siya pilay, pero gamit niya po ang isang saklay."

"Maraming salamat, Ginoong Andres. Patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang nasabing phenomena. Ito ang Radyo Manila Ngayon! Dick Ramones. Balik sa 'yo, Trina."

"Diyos ko... Diyos ko," sambit ni Aling Marissa. Tinungo niya ang bintana at tinanaw ang kadiliman ng gabi sa bakuran. Umaasa siyang parating na si Totong.

Nakita ni Mang Edung ang pag-aalala ng asawa sa anak. Tila nabiyak ang puso nito. Marahil ay dinamdam ni Totong ang kalabisan ng mga salita nito kanina sa taniman.

Hindi nakatulog nang maayos ang mag-asawa dahil sa hindi pag-uwi ni Totong.

"Mang Edung, ilabas niyo ang anak niyong pilantod ngayon din!" Isang malakas na tawag ang gumising sa mag-anak. Mataas na ang araw ng mga oras na iyon.

Sinilip ni Mang Edung ang tumatawag, at nakita niya si Ka Oka, ang kilalang lider ng mga illegal loggers sa kanilang lugar, na naninirahan sa nayon. Nahintatakutan siyang pumanaog.

"Bakit niyo po hinahanap ang anak ko?" Nangangatal ang boses ng ama. Mas lalo itong lumiit nang palibutan ito ng malalaking lalaki na kasama ni Ka Oka.

Kinuwelyuhan ni Ka Oka si Mang Edung. "Ilalabas mo ba ang anak mo o gagawin ko kayong troso?"

"W-wala po rito ang anak ko. Ano po bang kasalanan niya sa inyo?"

"Diyos ko! Ka Oka, bakit po?" tanong ni Aling Marissa, habang natatakot na lumapit sa asawa. "Huwag niyo pong saktan ang asawa ko."

Nag-iiyakan na ang mga bata sa loob ng bahay, kaya sumenyas na si Ka Oka sa dalawang malalaking lalaki na may sukbit na baril. Inihagis naman nito sa lupa si Mang Edung. Sinipa pa nito sa sikmura ang padre de pamilya, dahilan upang mamilipit ito sa sakit.

"Tama na, Ka Oka. Walang kaming ginagawang masama sa inyo!" Tinulungan ni Aling Marissa ang asawa.

"Wala? Hindi mo ba alam ang ginawa ng pilantod mong anak?"

"Kahapon pa siya wala rito. Kami nga'y nag-alala magdamag dahil hindi siya umuwi," paliwanag ni Aling Marissa.

"Boss, negative," sabi ng isang lalaki mula sa tirahan ng mag-anak.

Kumakawag-kawag at umiiyak naman ang magkapatid dahil hila-hila ang mga ito ng isa pang lalaki. At nang mainis ito, isa-isang nakatikim ng malalakas na batok ang mga bata, dahilan upang matumba ang dalawang paslit.

Hindi malaman ng inang puspos na luha, kung sino ang unang itatayo.

"Kulang pa 'yan sa perwisyong dinulot ng anak ninyo sa negosyo ko!" sambit ni Ka Oka, na animo'y mabangis na hayop. Hiningi nito ang baril sa alipores, at tinutukan isa-isa ang pamilya ni Totong. "Ngayon, sasabihin niyo ba kung nasaan siya o hindi?"

"Maawa ka na po, Ka Oka. Anoman ang pagkakamali ni Totong, sana mapatawad mo siya."

"Boss, ang bata!" bulalas ng lalaki, na itinuturo ang nilalang na lumilipad.

Bago pa nakita ni Ka Oka si Totong mula sa himpapwid, nahampas na niya ito ng saklay. Mabilis din niyang pinagpapalo ang dalawang lalaki hanggang sa hindi na makagulapay pa ang mga ito.

"Ako ba ang hinahanap niyo? Ako si Totong Saklay, ang tagapagligtas ng kapaligiran. Nararapat lamang kayong maparusahan upang hindi na pamarisan."

Nagtakbuhan ang mga lalaki, at naiwang iika-ika si Ka Oka.

Hindi naman makapaniwala ang mga magulang at kapatid ni Totong sa nakitang katapangan at kakayahan nitong makipaglaban at lumipad.

Malayo na ang natakbo ni Ka Oka, nang lapitan ni Mang Edung si Totong. "Anak, patawad. Hindi ko sinasadya. Maraming salamat!" Niyakap nito nang mahigpit ang anak.

Ramdam ni Totong ang pagyugyog ng mga balikat ng ama.

"Kuya, Kuya..." magkapanabayan naman ang paglapit ng kapatid niya.

"Nakakalipad ka na, Kuya. Ang galing ng kuya namin!" sabi ni Nognog.

"Hindi ka na pilay, Kuya?' tanong naman ng bunso na si Malot.

Nagkatawanan ang mag-anak.

Si Jess at ang mga Batang Alpha -- Nixon #4

 Nakawalong bote na si Nixon, kaya nagniningning na ang paningin niya. Gandang-ganda na siya sa mga GRO na panay ang pahiwatig na i-table ito.

"Kaya mo pa ba, Sir?" tanong at pahimas-himas pa sa kaniya ng floor manager.

"K-kaya pa... N-nasaan na... si Ligaya?" Pagkatapos, sumubsob siya sa mesa, dahilan upang bahagyang maalog ang mga boteng nakapatong doon.

Napangisi ang bakla. Sinenyasan nito ang dalawang bouncer na ipasok si Nixon sa kuwarto. Agad namang tumalima ang dalawa.

"Michelle, ikaw na muna ang bahala sa mga customer," bilin ng floor manager sa matronang nasa counter.

"Oh, fine, Mamah! Enjoy!" maarteng sagot ng matrona.

"Teka..." Bumalik ang bakla. "Meron ka ba d'yan? Pautang nga muna."

"Baklang 'to! Hi-hits muna bago tumira!" biro ng babae. At kumalkal ito sa bag nito. "O, pasalamat ka, may isa pa. Bukas, ha, bayaran mo ako," sabay abot ng isang maliit na plastik ng puting pulbos.

"Bruhang 'to, walang tiwala sa ganda ko! Hmp, d'yan ka na nga't kanina pa ako naglalaway. Baboosh!" Pakembot-kembot na umalis ang beking floor manager. Ngiting-aso naman ang naiwang assistant.

__________

Sa ilalim ng puting kumot, gumalaw ang munting hubad na katawan. Nagtalukbong ito. Maya-maya, nilitaw nito ang mukha. Ramdam niya ang hilo at sakit ng ulo dahil tila umiikot ang kaniyang paligid. Kaya kinurap-kurap niya ang kaniyang mga mata. Inilibot sa buong kuwarto ang kaniyang paningin. Nasa isang maliit na puting kuwarto siya. May shower room sa bandang kanan. May side table at lamp shade sa kaliwang side. Sa kaniyang paanan naman ay tinutumbok ang pinto. Salamin naman ang nagsisilbing kisame. 

Kinusot-kusot ng bata ang kaniyang mga mata at muling tinitigan ang sarili mula sa repleksiyon ng salamin. Nakita niya ang maliit na mukha ng bata. Kapagdaka'y tinanggal niya ang kumot sa kaniyang katawan at tumambad sa kaniya ang maliliit na parte ng kaniyang katawan.

"Ako ba 'to?" Tumayo na siya't tumungo sa shower. Nakita niya roon ang batang katauhan. "O, hindi! Ako si Nixon! Ako si Nixon!" Para siyang asong hindi maihi. "Anong nangyari sa 'yo, Nixon?" Tiningnan niya muli ang kaniyang hubad na katawan pati na ang kaniyang ari.

Totoo nga. Naging bata siya. 

Natataranta niyang tinakbo ang pinto at mali-mali niya itong ini-lock. Sunod ay tiningnan niya ang bawat sulok ng kuwarto kong may CCTV. Sinipat-sipat niya rin ang salamin kung meron.

Wala.

"Shit! Bakit ganito? Anong nangyari sa akin?!" Magkakahalong inis, lungkot, kaba, taranta, at pagtataka ang nararamdaman ng bata. Napaupo siya sa dulo ng kama. Matagal siyang nablangko. Hindi niya alam ang kasagutan sa kaniyang katanungan. Ang tangi niyang alam ay uminom siya kagabi. 

Nang maisip niyang kailangan niyang makalabas doon, dali-dali niyang dinampot ang kaniyang pantalon at damit. "Damn!" Ibinagsak niya ang kaniyang mga kasuotan dahil malaki pala ang mga iyon para sa kaniyang katawan. 

Gusto na niyang umiyak na parang paslit, subalit naalala niyang hindi talaga siya isang bata. Ipinagpalagay na lang niyang isa lang iyong epekto ng kaniyang kalasingan. Ayaw niyang maging bata. 

Kumislap sa dulo ng kaniyang balintataw ang mga susing naka-hook sa sinturera ng kaniyang pantalon. Agad niya itong tinanggal sa pagkaka-hook. Dinampot niya na rin ang kaniyang t-shirt nang may determinasyon at direksiyon. Kailangan niyang harapin ang pagsubok na ito. 

Suot-suot niya ang malaking damit, ngunit walang underwear, sumungaw siya sa pintuan. Walang katao-tao sa pasilyo, kaya nagmamadali siyang lumabas. Sa bar, nakita niyang naglilinis ang janitor, kaya tumiyempo siya upang tahimik na makalabas doon. 

"Hoy, bata! Sa'n ka galing!" sigaw ng janitor. 

Hawak na niya ng handle ng salaming pinto, kaya bago pa siya nito nalapitan ay nakatakbo na siya palayo. Sa isang nakaparadang trak siya nakapagkubli. Humahangos pa siyang sumisilip-silip kung nasundan siya nito o hindi. Mula naman doon, nakikita niya ang kaniyang sasakyan. 

Matagal siyang naghintay bago siya lumantad. Nilapitan naman niya ang kotse. Nang ipapasok na niya ang susi, narinig niya ang pamilyar na boses ng bakla. Pagbaling niya sa may bar, nakita niya ang janitor at ang floor manager. Parang may sumabog sa kaniyang puso.

"Hulihin mo, dali!" utos ng bakla sa janitor. "Magnanakaw 'yan!"

Kumaripas ng takbo si Nixon. Nakalipat na siya ng kalsada, kaya hindi siya naabutan ng janitor. Isa pa, tila alangan itong habulin siya. 

Tumakbo lang nang tumakbo si Nixon hanggang sa makarating siya sa isang abandonadong gusali. Pumasok siya roon at nag-isip. Gusto niyang balikan ang mga nangyari kagabi dahil hindi siya puwedeng umuwi sa bahay nila hangga't hindi siya bumalik sa dating anyo, subalit bigo na naman siya. 

Nakatalungko siya sa kaniyang mga tuhod. Dumadaloy na ang mga luha niya. 

__________

Mahilab na ang kaniyang sikmura nang magising siya mula sa pagkakatalungko. Noon niya lamang iyon naramdaman. Sa buong buhay niya, masasarap na pagkain ang natitikman niya, ngunit ngayon kahit kaning bahaw at isang tuyo ay hindi niya hihindian. 

Hindi na niya naisip ang kaniyang tunay na katauhan at kalagayan. Ang tangi niyang hangad ay malamnan ang kumakalam na tiyan. 

Naisip niyang umuwi sa mansiyon, ngunit tila suntok sa buwan kung iyon ang uunahin niya. Kaya minarapat niyang maglakad-lakad. Palinga-linga niyang binaybay ang kalsadang pabalik sa kanilang tahanan habang nagmamatyag ng mapapagkukunan ng pagkain.

Nahihirapan siyang maglakad dahil hindi siya sanay maglakad nang nakapaa, kaya animo'y hindi naman siya umuusad. 

Sa tindi ng uhaw, gutom, at pagod, sa isang fastfood chain, napahinto si Nixon. Hindi niya ugaling manghingi, pero sa pagkakataong iyon, inilahad niya ang kaniyang palad sa mag-asawang kumakain at nakapuwesto sa may salamin. Sa una, hindi siya pinansin ng dalawa, ngunit nang hindi siya umalis doon sa kaniyang kinatatayuan habang takam na takam sa pagkain, lumabas ang babae.

"Bata, sa 'yo na 'to." Ibinigay sa kaniya ang tirang fries. 

Nilantakan agad iyon ni Nixon. Pinagmasdan muna siya ng babae at bago pa ito nakapasok, naubos na niya iyon. Gutom pa rin siya. Hinaplos-haplos niya ang kaniyang tiyan at lalamunan habang mabagal na naglakad palayo sa mag-asawa, na kasalukuyang nakamasid pa rin sa kaniya.

Gusto niyang mahiya sa sarili, pero hindi bale na. Siya lang naman ang nakakaalam ng kaniyang kalagayan. 

Naghintay siya ng lalabas na customer, lalo na ang may take-out upang mahingian niya ng pagkain.

Si Jess at ang mga Batang Alpha -- Nixon #3

 Inihinto ni Nixon ang kotse, at binuksan ang salamin nito sa kaniyang kaliwa. "Kuya, may nakita o napansin po ba kayong isang babae?" tanong niya sa hardinera na nasa harap ng malaking bahay. "Naka-pink siyang uniporme ng maid."

"Wala po, Sir!" sagot nito. “Dito po ako nakapokus sa ginagawa ko. Doon po kayo magtanong sa DSWD."

"Salamat po sa katarayan ninyo, ah!" Naiinis na pinaharurot ni Nixon ang kaniyang sasakyan. "Ano bang klase ng mga tao, meron ang panahon ngayon? Kung hindi pakialamera, suplada. Kung hindi makitid ang utak... hay buhay!"

Nag-isip siya kung saan siya pupunta. Gusto niyang pumunta sa opisina ng kuya niya, pero naisip niyang maaabala lamang niya ang kapatid. Gayunpaman, nagtalo ang isip niya. Nais niyang ipaalam ang pag-alis ni Yaya Muleng.

Bigla siyang lumiko sa kanto. Muntik na niyang maararo ang cart ng fish ball vendor na nasa gilid ng daan.

Nagmura at nag-bad finger pa ang lalaki. Napangisi na lamang siya. "Dukha! Diyan ka nagtitinda, e. Next time, sasagasaan na talaga kita!"

Nag-aalala siya sa bahay nila. Kung umalis nga si Yaya Muleng, maaaring mapasok ito ng mga kawatan. Binilisan niya ang pagmamaneho para makarating agad siya sa opisina ng kuya niya bago pa ito makauwi.

Isang itim na itim na aso ang bigla na lang tumambad sa harapan ng kotse. Agad niyang tinabig ang manibela upang iwasan ito, ngunit huli na ang lahat.

Mula sa side mirror, nakita niyang tumatakbo palapit sa kaniya ang mga lalaking may hawak na dos por dos at tubo. Nanginginig niyang muling pinaharurot ang kotse. Hindi na nagawa pang makalapit ng mga nangangalit na mga mama.

Tila nabunutan siya ng tinik sa dibdib nang nakaliko siya sa kanan, kaya lang biglang tumirik ang sasakyan niya sa kalagitnaan ng kalsadang papunta na sa opisina ni Kuya Kennedy niya. Twenty meters na lang ang layo. Nahampas niya ang manibela sa sobrang kamalasan.

Nakagawa na ng traffic ang pagkakabalahaw ng kotse. Pinagsisigawan na siya ng mga motorista.

"Tumirik ang kotse ko," sagot niya sa isang matabang driver ng van. "Anong magagawa ko?"

"Driver ka, 'di mo alam! Dig a hole!" sabi nito bago dumiretso.

May nagturo kay Nixon sa isang talyer, kaya pinuntahan niya ito. Asar na asar man sa mga naganap sa kaniya nang araw na iyon, nagawa pa rin niyang pakiusapan ang mekaniko na unahin ang awto niya. Nakitawag pa siya rito.

"Hello? Can I talk to Mr. Kennedy Robles please?" malambing niyang tanong sa nakatanggap ng tawag niya.

Pinaghintay siya nang saglit.

"Hello, Kuya? Nasa talyer ako."

"Ano na naman ang ginawa mo sa kotse ko? Nixon naman! Ginawa mo na lang hobby ang pagsira diyan. Sana sinabi mong kailangan mo ng toy car."

"Sorry, Kuya."

"Sorry? Is that all? As always? Tuwing makaperwisyo ka, magso-sorry ka lang, ayos na? Nixon naman, hindi ka na bata. Grow up!"

Natigalgal si Nixon. Naisip niyang napuno na sa kaniya ang kuya niya. Dati-rati naman, kahit nagkakasala siya, malambing pa rin sa kaniya ang kapatid niya.

Nag-echo sa tainga niya ang mga salitang huling tinuran ni Kennedy. "Hindi ka na bata. Grow up!"

"Hello!? Hello, Nixon?! Saan ka? Saang talyer ka?" 

Saka lamang siya natauhan.

---------

Alas-sais na nang dumating si Kennedy sa talyer. Hindi pa rin ayos ang sasakyan.

Naipaliwanag na ni Nixon sa kuya niya ang buong pangyayari. Hindi na niya sinabi ang tungkol sa kaniyang propesor. Sinimulan niya ang kuwento tungkol sa paglalayas ni Yaya Muleng.

"Why did you leave the house? Are you crazy? Lumayas pala, umalis ka rin!" Mataas na ang boses ng kuya. Hindi na ito mapakali.

"Sinundan ko nga siya at hinanap."

"Damn! Hinanap? Nakarating ka pa rito? You are not acting your age, Nixon!" Tumalikod na ito at nagmamadaling binuksan ang kotse. "I've gotta go! Malilintikan ka na naman nito kay Daddy!"

Hindi siya natakot sa tinuran ng kuya. Mas natakot siya sa pagkayamot nito. For the first time, ginanon siya ng kapatid. Naisip niya tuloy na may LQ rin ito sa girlfriend nito.

Isang oras pa siyang naghintay bago naayos ang kotse.

Bukod sa gutom, iba ang nararamdaman ni Nixon sa mga oras na iyon. Tila nangangati ang mga paa niya. Gusto niyang takasan ang mga kaguluhang dinulot niya sa bahay nila. Bantulot naman siyang tawagan ang kuya niya sa bahay dahil sigurado na siyang makakatikim na naman siya ng pagalit. 

Habang kumakain, nagdesisyon siyang magpalipas ng gabi sa kung saan siya datnan ng antok, tutal may laman pa naman ang credit card niya. 

Sa isang karaoke bar sa Antipolo siya dinala ng manibela niyang walang direksiyon. Pipitsugin lamang iyon kung ikukumpara sa mga night club na pinunpuntahan niya kapag gusto niyang mag-unwind.

Pagkababa pa lamang niya sa kotse, sinalubong na agad siya ng mga babaeng maiiksi ang damit at makakapal ang makeup. 

"Sir, sa akin ka liligaya," bati ng isa. Ikinalawit pa nito ang kamay sa baywang ni Nixon.

"Hayaan mo siyang mamili!" sabi naman ng isa, na medyo mataba. " Bakit ikaw lang ba ang puwedeng magpaligaya sa kan'ya?" Tinanggal nito ang kamay ng kasama sa baywang ni Nixon. 

"P*ta! Mang-aagaw!" Sinabunutan nito ang chubby na kapwa GRO.

Nagsabunutan ang dalawa.

Natawa na lang si Nixon bago siya pumasok. 

Sinalubong at inistima naman siya ng baklang floor manager habang paminsan-minsang nananantsing. Sa pandalawahang table siya nito dinala at pinaupo.

"Sir, anong brand niyo? Marami rin akong babae rito. May sariwa," sabi nito na tila nakakapang-engganyo.

"Dalawang beer lang."

Sa sobrang lakas ng volume ng karaoke, halos hindi siya narinig ng floor manager. Inulit niya pa iyon. 

"Dalawang beer? Okay! Kung gusto mo ng ligaya, sabihin mo lang, ha?" Hinaplos pa ng bakla ang panga ni Nixon, gayundin ang kaniyang dibdib. 

Ilang minuto lang ang lumipas, nilapag na ng isang mahinhin at mahiyaing GRO ang dalawang bote ng beer, baso, tissue, at bucket ng ice tubes.

"Anything, Sir?" tanong ng babae. Pilit pa nitong ibinababa ang laylayan ng maiksing palda nito.

Tiningnan siya ni Nixon mula mukha hanggang binti. Makinis. Maputi. Mukhang sariwa. Naisaloob niya. Bata pa. Ang tantiya niya ay nasa dise-otso pa lang.

"Ikaw."

"Po?" 

"Gusto kitang i-table," malakas na sambit ni Nixon. "Puwede ka ba?"

Si Jess at ang mga Batang Alpha -- Totong #1

 "Lumilipad na naman 'yang isip mo, Totong!" bulyaw ng ama sa katorse anyos na anak, habang ito'y nakapangalumbaba sa may bintana. "Pumarini ka na nga't tulungan mo ang nanay mo. Magsalok ka ng tubig. "Puro ka pantasya. Sa buhay nating ganito at sa kalagayan mong 'yan, imposible na."

Sanay na si Totong sa masasakit na salita ng ama. Hindi na iyon tumatalab sa manhid niyang puso. Totoo naman, e. Nagpapantasya lamang siya. Imposible ang mga pangarap niya. Ni hindi nga siya nakatuntong sa Kinder. Bukod sa napakalayo ng eskuwelahan, wala pang yayakag sa kaniya. Hindi siya maaaring ihatid-sundo ng kanyang ina, lalo na ng kanyang ama. Mas pinili na lamang niyang mamalagi sa bintana, tumanaw sa kabukiran o 'di kaya'y magtampisaw sa ilog at umakyat sa taas ng talon, at makipag-usap sa kalikasan.

Pinagmasdan niya ang kanyang ama, mula sa bintana habang ito ay naghahanda sa pag-alis. Isinukbit na nito ang bag, na kinapapalooban ng baon, tubig, itak, hasaan, bimpo, ekstrang damit, at iba pa. Natanaw naman niya sa bakuran ang dalawang maliliit na kapatid na naglalaro ng lupa, at ang inang naglalaba malapit sa balon.

Malayo na ang kaniyang ama, nang isang bagay ang biglang pumasok sa kaniyang utak. Dali-dali, ngunit maingat siyang bumaba. Nasanay na siyang maglakad gamit ang saklay sa kaniyang braso at ibalanse ang maikli, baliko, at maliit na kanang paa.

"`Nay, hindi po kita matutulungang magsalok ng tubig ngayon," masiglang sabi ni Totong.

Bahagyang nagulat ang ina, lalo na't hindi ito sanay na nakikita ang anak na nakangiti at masigla. "Sige lang, 'Nak. Wala naman ang tatay mo."

"Salamat po!" Mabilis siyang lumabas sa kanilang bakuran.

"Totong, saan ka ba pupunta?" sigaw na tanong ng ina.

"Kuya Totong!" halos magkasabay namang tawag ng kaniyang mga kapatid. Humabol pa ang mga ito hanggang sa tarangkahan. Umiyak pa ang bunso, habang tumatawag. Pero tila kay bilis na nakalayo si Totong.

Ang pook na kinalakhan ni Totong ay malayo sa kabihasnan. Tanging ang mga huni ng mga ibon, ang mga pagaspas ng mga dahon tuwing iihip ang mahinhing hangin, at ang mga lagaslas ng tubig sa talon ang tanging mga ingay na kaniyang naririnig. Kabisado na rin niya ang pasikot-sikot sa kagubatan. Naging kaibigan niya na rin halos ang mga hayop at insekto sa kanilang paligid. Nakakausap niya rin ang mga ito, gaya ng napapakinggan niya sa radyo.

Ngayong araw, muli niyang tinungo ang itaas ng talon. Gamay na niyang akyatin iyon, sa kabila ng mga malalaking bato. Marahil, naging ehersisyo na niya ang pag-akyat doon, kung saan nakakahinga siya, nakakalimot, at nakapagpapalipad ng isipan.

Mula roon, tinanaw niya ang paligid ng talon. Tanaw na tanaw niya ang mga nagtataasang puno, na ikinukubli ang malalayang ibon doon.

Dumukwang siya sa puting tubig na bumabagsak sa talon. Napuno ng ligaya ang puso niya sa tila musikang tunog niyon at mahika ng tubig, habang ito ay nagiging asul na agos patungo sa ilog na siyang nagsusuplay ng kuryente sa kanayunan. Umupo siya sa batong hindi inaagusan ng tubig.

"`Nay, maganda po ba ang Maynila? Masarap po bang tumira doon?" Naalala niya nang minsang itanong niya sa kaniyang ina. Nuwebe anyos pa lamang siya noon.

Hindi agad nakapagsalita ang ina. Hinawi niya muna ang buhok ng anak. "Sa tulad natin, isang paraiso ang Maynila."

"Paraiso?" bulalas niya. Nanlaki pa ang mga mata. "E, 'di... maganda po roon? Pupunta po ako roon paglaki ko."

Bahagyang tumango lang ang ina niya, saka ipinagpatuloy ang pagpapaligo sa kaniya.

Hinubad niya ang kaniyang manipis, nangingitim, gula-galanit na damit. Nalantad ang kaniyang manipis na katawan, na hindi umakma sa kaniyang edad. Mapagkakamalan siyang sampung taong gulang pa lamang.

Gaya ng madalas nilang gawin magkakapatid, isinuot ni Totong ang kaniyang damit sa ulo na animo'y isa siyang ninja. Saka marahan niyang itinukod ang kaniyang saklay at dinipa ang kaliwang braso. Sa una'y nanginginig ang kaniyang katawan, ngunit unti-unti niya itong nabalanse.

"Kaibigang Hangin... ako'y iyong iduyan at dalhin kung saan man. Nais kong maging malaya... malaya sa sakit, pagdurusa, at kalungkutan, " malakas na tawag ni Totong.

Umihip ang malamig at mahalimuyak na hangin.

"Mga kaibigan kong ibon... ako'y inyong ilipad. Ako'y inyong itakas sa mundo ng kapighatian. Nais kong makawala sa hawla ng kawalang-halaga!"

Nagsiliparan ang mga namumungad na ibon sa kagubatan.

Tumingala si Totoong sa langit. "Panginoon, gamitin Niyo po ako. Nais kong maging malaya at magkaroon ng makabuluhang buhay!" Ipinikit niya ang kaniyang mga mata at marahang inangat ang kaniyang saklay. Kasabay ng pagtaas niya ng kaniyang kamay ang pagtaas ng kaniyang saklay. "Salamat po, O, Diyos!"

Hindi niya nakita kung paanong ang mga ibon ay bumuo ng hugis kamay ng Diyos, ngunit naramdaman niya ang hanging yumakap sa kaniya.

Puspos ng luha ng kaligayahan ang mga mata ni Totong. Naramdaman niyang nagpantay ang kaniyang mga paa. "Salamat po!" pabulong niyang sambit habang ibinababa niya ang kaniyang mga kamay.

Umawit ng pagbubunyi ang mga ibon sa kaniyang palibot, tila sinasabi nilang "Kaya mo 'yan, Totong!"

"Salamat, mga kaibigan!" Pagkuwa'y inihagis niya sa tubig ang kaniyang saklay. Pinagmasdan niya ang dahan-dahan nitong pagbagsak at pagkawala sa tubig. Pagkatapos, maingat siyang tumalikod at naglahad ng mga kamay. "Malaya na ako!" sigaw niya. "Malaya na ako!" At saka siya nagpatihulog sa talon.

Sa isang burol, naroon si Mang Edung, ama ni Totong, na nagbubungkal ng lupa na pagtatamnan niya ng kamote, gabi, at kamoteng-kahoy. Ito ang ikinabubuhay ng kanilang pamilya.

Matatanaw naman sa himpapawid ang isang pambihirang nilalang, na animo'y ibon na tinuturuan pa lamang lumipad ng mga magulang. Umikot-ikot ito sa ulap. Pumaimbulog. At tuluyan itong nilayuan ng mga ibon, sapagkat natuto na itong lumipad, sa pamamagitan lamang ng pagtaas ng saklay niya.

Mula sa himpapawid, kitang-kita ni Totong ang papalapit na kobra sa likod ni Mang Edung. Sa kaniyang mga mata, nagtila dambulaha iyon, na handa nang lamunin nang buo ang kaniyang ama. Kaya hindi siya nag-aksaya ng sandali. Dumaluyong siya pababa at hinataw nang hinataw ang halimaw.

Nang mapirat ni Totong ang ulo ng kobra, saka lamang siya napansin ng ama. "Ano’ng ginagawa mo rito?" galit na tanong ng ama.

"A... e..." Gusto sana niyang ipaliwanag ang nangyari, ngunit bigla na lamang naglaho ang kobra sa kaniyang paningin. "Gusto ko po kayong tulungan."

Sarkastikong tumawa ang kaniyang ama. "Inutil ka! Wala kang maitutulong sa akin. Mabuti pang umuwi ka na, bago pa kita mahampas nitong asarol ko. Hala, sige, uwi na! Damuhong ito, ang lakas ng loob magpresenta. Inunat mo muna 'yang pilantod mo!"

Umagos ang mga luha ni Totong habang lumalayo sa ama. Kahit kailan hindi na nga nito mapapansin ang kaniyang halaga.

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...