Followers

Sunday, January 10, 2016

Ang Itik ni Boknoy

Pagkagaling sa eskuwela ni Boknoy, agad siyang nagbihis at pinakawalan ang alaga niyang itik mula sa kulungang kawayan. "Kwak-kwak!" tawag niya upang sundan siya nito hanggang sa ilog.

Masiglang lumangoy-langoy at tumuka-tuka si Kwak-kwak habang mataman niyang binabantayan upang hindi matangay ng alon.

Nang umahon na si Kwak-kwak, muli niya itong pinasunod sa kanya. Halos magkatulad ang kanilang nararamdaman. Ligaya ang nadarama ni Boknoy sa tuwing maglalakad-lakad silang magkasabay. Kapanatagan naman ang hatid ni Boknoy kay Kwak-kwak kapag sila ay magkasama.

Walang makakapaghiwalay sa kanya, aniya. Hindi niya nga ito ipinagbili sa kanyang ninong noong nakaraang araw, kahit pa dalawangdaan piso.

Araw-araw niya itong ginagawa, ngunit isang hapon, nagising si Boknoy sa iyak ni Kwak-kwak. Nang sumilip siya sa bintanang kawayan, nakita niyang hawak-hawak ng kanyang ama sa leeg at mga pakpak ang kanyang alaga. Nakita niyang tumatangis ito.

"Pare, ikaw na ang kumatay..." Malungkot na inabot ng ama ang naghihingalong itik.

Nabali ang kawayang bintana sa higpit ng pagkakakuyom niyon ni Boknoy. Umurong na rin ang dila niya. Gusto niyang humiyaw ngunit natatakot siya sa mga lasing.

"Tara, Pare... katayin na natin 'to sa bahay! Sigurado akong makakaubos na naman tayo nito ng isa pang kuwatro-kantos." anang ninong ni Boknoy.

Hindi niya maibulalas ang kanyang pag-iyak. Sumikip ang kanyang dibdib sanhi ng matinding sama ng loob. Ibinusal niya pa ang tagiliran ng kanyang palad sa kanyang bibig, habang hinihimas ang manipis na dibdib. Maraming luha ang umagos sa kanyang mga mata ngunit walang salita na lumabas mula sa kanyang bibig.

Bago magdilim ang kanyang paningin, nakapag-usal pa siya ng panalangin. Kapatawaran ang kanyang hiling.

Paggising niya'y madilim na, saka namang pagpasok ng kanyang amoy-tsikong ama.  Hawak nito ang isang mangkok ng adobo.

"K-kumain ka na, 'Noy..." Inabot niya sa anak ang ulam at halos malugmok sa pag-upo. "Aalis uli ako maya-maya... Na-stroke ang ninong mo."

Inamoy niya ang ulam sa mangkok, kasabay ng pagtulo doon ng kanyang luha.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...