Followers

Saturday, January 23, 2016

Ang Tanging Matinong Empleyado ng Hideout Mfg. Corp.

Buo ang loob na nilapitan ni Marky ang matandang katrabaho, na pinangingilagan ng karamihan dahil daw sa masamang ugali nito. Gusto niyang mapatunayan ang paratang ng iba.

"Magandang araw po! " bati niya rito. "Makiki-share lang po." Nginitian pa niya ang lalaking nakikitaan niya ng pagiging isang mabuting ama.

Ilang segundo rin siyang tiningnan ni Mang Fred bago siya sinenyasang makakaupo na siya.

Maingat niyang nilapag ang tray ng pagkain sa mesa at tahimik na nagsimulang kumain. Abot-abot ang kanyang kaba dahil ilang buwan na siya sa kanyang trabaho ay noon niya lang uli nakaharap si Mang Fred.

Hindi siya mapakali. Pasulyap-sulyap siya sa matanda at sa mga katrabahong nasa kabilang mesa. Ang pakiramdam niya'y nasusunog ang kanyang puwet sa pagkakaupo sa harap ng kinakatakutang empleyado. Gusto niyang magsisi kung bakit sinubukan pa niyang lumapit sa kanya, gayong kay rami pa naman ng bakante upuan.

Nakahinga nang maluwag si Marky nang matapos si Mang Fred sa kanyang pagkain.

"Mauna na ako, Mark." mahinang turan ni Mang Fred ngunit dinig na dinig ni Marky ang pagpapaalam ni Mang Fred.

Hindi ganun ang inakala niyang gagawin ni Mang Fred. Kilala siya bilang suplado, nandededma, bastos at barubal na nilalang. Marami ang ayaw makisalo at makihalubilo sa kanya. Pero, sa oras na iyon, naisaloob niyang nagkakamali lang ang mga katrabaho nila.

"Hoy, bata, ako lang ang matinong empleyado sa kompanyang ito! Paghusayan mo." Naalala niya. Hindi niya makakalimutan ang linyang ito nang una silang magkita.

Agad na bumalik si Marky sa working area. Naiwan niya kasi doon ang cellphone niya.

Laking gulat niya nang maabutan niyang nagtratrabaho na si Mang Fred. Kalahating oras pa naman bago mag-time.

"Mang Fred, hindi po ba kayo matutulog?" Noon ay nawala na ang takot na nananahan sa kanyang dibdib. Paghanga na ang pumalit dito.

Kagyat na sumulyap sa kanya ang matanda. "Kailangan nating maabot ang order ng Wishulak Hotel. Pare-pareho tayong malilintikan, kapag hindi..." Tinuloy niya ang kanyang ginagawa. "Ito lang naman ang pinagkukunan ko ng kabuhayan kaya hindi ko na iniisip na lugi ako. Malaman man ito o hindi ng mga boss natin, hindi na mahalaga. Mas mahalaga pa rin na gumawa ng mabuti kahit walang nakatingin. Alam nating lahat na nalulugi na ang kompanya. Kapag tuluyan itong magsara, pare-pareho tayong mawawalan."

Mas humanga si Marky kay Mang Fred dahil pambihira ang kanyang disiplina at dedikasyon. Siya lamang talaga ang matinong empleyado sa kompanyang iyon.

Imbes na matulog, sinamahan ni Marky si Mang Fred sa paggawa. Marami-rami rin silang natapos sa loob ng kalahating oras, kahit pa nagkukuwentuhan sila.

Simula noon, naging magkaibigan ang dalawa. Dalawa na rin silang kinaiinisan ng mga katrabaho. Naging dalawa na ang matinong empleyado ng naghihingalong Hideout Manufacturing Corporation, na lingid pa rin sa kaalaman ng mga mapanghusgang katrabaho.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...