Followers

Friday, January 1, 2016

Pampakalma

"Anak?" Agad na niyakap ng babae ang batang dumidila ng sorbetes.

Umiyak ang batang babae dahil apa na lang ang natira sa kanyang hawak. Nalaglag kasi sa lupa ang ibabaw nito.

"Anak, sa'n ka ba nagsusuot? Matagal na kitang hinahanap?"

Iyak pa rin nang iyak ang anim na taong gulang na babae.

"Ayun!" bulalas ng lalaking mataba. Kasunod nito ang isa pang lalaki. "Dali, p're!"

Mabilis na binuhat ng babae ang may katabaang bata at agad na tumakbo. Lalong umiyak ang paslit. Nagkakawag-kawag pa ito. Hindi naman inalintana ng babae ang bigat at iyak ng bata. Tumakbo lang siya nang tumakbo. Walang lingon-lingon. Gusto lang naman niya ay makasama ang kanyang anak.

"Huli ka!" Nabulaga siya ng lalaki sa may kanto. Inagaw sa kanya ang bata at pinakawalan. "Takbo na, bata! Baliw siya. Dali!"

Umiiyak na tumalima ang bata.

"Anak! Bumalik ka rito!" Garalgal na boses ng babae.

Humahangos pang dumating ang matabang lalaki. "Dalhin na siya sa sasakyan!" utos niya sa kasama.

"Bitawan mo ako! Hindi ako baliw! Ibalik niyo sa akin ang anak ko! Kayo ang tunay na baliw!" Nagmumura pa ito ngunit hindi siya nakahulagpos dahil sa pagkakahawak ng maskuladong lalaki.

Sigaw nang sigaw ang babae habang kinakaladkad siya patungo sa sasakyan. Tila walang nakakakita at walang nakakarinig. Marahil ay sapat nang mabasa nila ang ang nakasulat sa damit ng dalawang lalaki--- Marangal Mental Hospital.

Pagdating sa sasakyan, tinurukan nila ng pampakalma ang babae. Ilang segundo lang, natahimik na ito at natulala.

"Pagkatapos ko, ikaw naman..." ngising-asong sabi ng matabang Lalaki. Sinara nito ang tinted na pinto ng van. Naiwan sa labas ang kasama.

Maya-maya, yumuyugyog na ang sasakyan.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...