Followers

Wednesday, January 13, 2016

Promosyon: Isang Pagsasaing

Ang promosyon ay parang pagsasaing ng bigas. Tatlo ang maaaring kahihihitnan--- maluto, mahilaw at masunog.

Angkop ang taong na-promote kung siya ay natubigan at napakuluan nang husto. Hindi siya minadali.  Hindi siya nakulangan sa mga pangangailangan upang maging isang kanin. Ang lahat sa kanya ay gaganahang kumain. Ang lahat sa kanya ay mabubusog. Walang magrereklamo. Tamang-tama sa panlasa ng nakararami, 'ika nga. Kaya, deserve niya ang isang malakas na dighay mula sa mga kumain.
Hilaw na kanin ang taong na-promote kung minadali siyang tanggalin sa mahinang apoy. Kulang siya sa inin. Hindi siya umalsa kaya lupyak ang kalderong pinagsaingan sa kanya. Kaya naman, may mga taong hindi na siya gusto. Hindi naman talaga kagana-gana ang kaning halos bigas pa. Matigas ito't hindi mainam sa sikmura. Kaya ang promosyong hilaw ay hindi kaiga-igaya para sa lahat. Maaaring ang nagsaing ay gusto niya ng panghayop na kanin kaya niya ito hinilaw. Kahit siguro ang baboy ay hindi ito maaatim na kainin.

Naluto na ang bigas/kanin pero hindi pa rin siya hinain. Mapait ang lasa nito. Bitter. Hindi mainam na ihain sa mesa o ihanda sa piging. Kahit siguro ang mga bulate sa tiyan ay tiyak na sisimangot. Tutong kasi. Sunog o tutong ang isang promosyon kung naganap ito sa matagal na panahon. Maaaring nakalimutan o pinabayaan siyang nasa apoy o maaaring sinadya siyang matutong upang maligayahan ang iba. May mga tao kasing mas gusto ang sunog o tutong. Kagaya ng tao, hinayaan muna nilang tumanda nang husto ang tao, bago nila bigyan ng promosyon, na deserve naman talaga niya noon pa.

Kung paano man tayo magsaing, walang masama roon. Ang masama ay kung ang hilaw at tutong na kanin na ating sinaing ay ipapakain pa natin sa iba. Magsaing na lang siguro tayo nang tama upang ang lahat ay hindi mawalan ng gana.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...